Institute
Lesson 27 Materyal ng Titser: Pagtataguyod at Pagtatanggol sa Pamilya bilang Pangunahing Yunit ng Lipunan


“Lesson 27 Materyal ng Titser: Pagtataguyod at Pagtatanggol sa Pamilya bilang Pangunahing Yunit ng Lipunan,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang-Hanggang Pamilya (2022)

“Lesson 27 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walan-Hanggang Pamilya

Lesson 27 Materyal ng Titser

Pagtataguyod at Pagtatanggol sa Pamilya bilang Pangunahing Yunit ng Lipunan

Nanawagan ang mga propeta at apostol sa atin na “magtatag ng mga pamamaraan upang mapanatili at mapalakas ang mag-anak bilang pangunahing yunit ng lipunan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo, SimbahanniJesucristo.org). Sa lesson na ito, tutukuyin ng mga estudyante ang mga impluwensyang nakaambag sa pagkakawatak-watak ng pamilya. Pag-iisipan din ng mga estudyante kung ano ang magagawa nila para itaguyod at ipagtanggol ang pamilya bilang pangunahing yunit ng lipunan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Hangad ng kaaway na sirain ang pamilya.

Kung maaari, ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Julie B. Beck, dating Relief Society General President, at basahin ito nang sabay-sabay:

Larawan
Pangulong Julie B. Beck

Hihilingan ang henerasyong ito na ipagtanggol ang doktrina tungkol sa pamilya nang higit kaysa rati. Kung hindi nila alam ito, hindi nila ito maipagtatanggol. …

Bukod pa sa pag-unawa sa teolohiya tungkol sa pamilya, kailangan nating maunawaang lahat ang mga nagbabantang panganib sa pamilya. Kung hindi, hindi tayo makapaghahanda para sa digmaan. (“Pagtuturo ng Doktrina tungkol sa Pamilya,” Liahona, Mar. 2011, 14, 17)

  • Bakit kailangang ipagtanggol ang doktrina ng Panginoon tungkol sa pamilya?

Ipakita ang sumusunod mula sa pahayag tungkol sa mag-anak: Ang pagkakawatak-watak ng mag-anak ay magdudulot sa mga tao, mga komunidad, at mga bansa ng mga kapahamakang sinabi na noon pa ng mga sinauna at makabagong propeta.

Gumawa ng dalawang column sa pisara. Isulat ang sumusunod na heading sa unang column: Mga impluwensyang nakaambag sa pagkakawatak-watak ng pamilya. Ipasulat sa mga estudyante ang mga ideya na maiisip nila, at sabihin sa isang estudyante na isulat sa pisara ang mga sagot ng kanyang mga kaklase. (Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na rebyuhin ang bahagi 1 ng materyal sa paghahanda, kabilang ang pag-aaral ng 2 Timoteo 3:1–6, 13, kung kailangan nila ng tulong.) Habang inililista ng mga estudyante ang kanilang mga ideya, hikayatin silang ipaliwanag kung paano nakaambag ang mga impluwensyang ito sa pagkakawatak-watak ng pamilya.

Isulat ang sumusunod na heading sa pangalawang column sa pisara: Doktrina na nakasaad sa pahayag tungkol sa mag-anak na sumasalungat sa mga impluwensyang ito. Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang pahayag tungkol sa mag-anak para mailista sa pisara ang kaugnay na doktrina.

  • Paano ka naihanda ng pag-aaral ng doktrina ng Panginoon tungkol sa pamilya sa kursong ito para mas maipagtanggol mo ito?

May responsibilidad tayong ipagtanggol at itaguyod ang pamilya.

Ipakita ang sumusunod mula sa pahayag tungkol sa mag-anak: Kami ay nananawagan sa mga responsableng mamamayan at mga pinuno ng gobyerno sa lahat ng dako na magtatag ng mga pamamaraan upang mapanatili at mapalakas ang mag-anak bilang pangunahing yunit ng lipunan.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Tulungan ang mga estudyante na madama ang katotohanan at kahalagahan ng doktrina at mga alituntunin. Mas maipapamuhay ng mga estudyante ang doktrina at mga alituntunin kapag nadama nila ang mga katotohanan at kahalagahan ng mga ito sa pamamagitan ng Espiritu at nadama na kinakailangang ipamuhay ito. Ang isang mabisang paraan upang matulungan ang mga estudyante na madama ang katotohanan at kahalagahan ng doktrina at mga alituntunin ay ang hikayatin sila na pagnilayan at ibahagi ang mga personal na karanasan na nauugnay sa mga katotohanang ito.

Ipaalala sa mga estudyante na pinagawa sila ng isang simpleng plano ng mga gagawin nila para itaguyod at ipagtanggol ang pamilya (tingnan sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda).

  • Ano ang ilang paraan na maitataguyod natin ang pamilya bilang pangunahing yunit ng lipunan? (Ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante. Pagkatapos ay anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng mga personal na karanasan na may kaugnayan sa mga ideya sa pisara.)

  • Ano kaya ang mangyayari kung hindi tayo magsasalita sa pagtataguyod o pagtatanggol sa ating mga paniniwala tungkol sa kasal at pamilya?

Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Dapat nating alalahanin ang pahayag ni Edmund Burke, ‘Ang kailangan lang gawin para magtagumpay ang kasamaan ay huwag kumilos ang mabubuting [kalalakihan at kababaihan]’ [mula sa tinipon ni John Bartlett, Familiar Quotations, 15th ed. (1980), ix]” (“Iparinig ang Ating mga Tinig,” Liahona, Nob. 2003, 18).

  • Paano tayo matutulungan ng Panginoon na madaig ang anumang pag-aatubili o takot na nadarama natin kapag itinataguyod o ipinagtatanggol natin ang kasal at pamilya?

Gawin ang mga sumusunod upang matulungan ang mga estudyante na mapagbuti pa ang kanilang kakayahang itaguyod at ipagtanggol ang kasal at pamilya:

Sabay-sabay na basahin ang Moroni 7:3–5 at Doktrina at mga Tipan 19:30, at rebyuhin ang listahan ng mga alituntunin sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda. Sabihin sa mga estudyante na praktisin ang mga alituntuning ito sa sumusunod na aktibidad:

Pagpartnerin ang mga estudyante. Ipaliwanag na maglalahad ka ng iba’t ibang sitwasyon gamit ang mga tanong (tingnan sa ibaba). Isang estudyante ang magbibigay ng isang minutong sagot na simple, malinaw, at hindi nakikipagtalo, samantalang nakikinig ang kanyang kapartner. Pagkatapos ng bawat sagot, hayaan ang magkakapartner na talakayin sandali sa isa’t isa kung ano ang maayos at ano ang maaaring mas pagbutihin pa. Sabihin sa magkakapartner na magpalitan sila ng gagawin para sa kasunod na tanong.

Gamitin ang mga sumusunod na tanong o ang ilan sa sarili mong mga tanong na tutugon sa mga pangangailangan ng mga estudyante:

  1. Bakit hindi sumasang-ayon ang inyong simbahan sa aborsiyon? Hindi ba kayo naniniwala sa karapatan ng isang babae na piliin kung ano ang mangyayari sa kanyang katawan?

  2. Bakit hinihikayat ang mga mag-asawang miyembro ng inyong simbahan na magkaroon ng mga anak? Hindi ba kayo nag-aalala sa labis na pagdami ng populasyon?

  3. Bakit hindi sang-ayon ang inyong simbahan sa pagpapakasal ng magkaparehong kasarian? Ayaw ba ninyong magkaroon ng parehong mga karapatan ang lahat at maging masaya ang lahat?

  4. Ano ang mali sa pagsasama bago magpakasal? Hindi ba’t sa paggawa nito ay matitiyak mo na compatible kayo?

Pagkatapos ng aktibidad, sabihin sa ilang estudyante na magbahagi ng natutuhan nila mula sa kanilang talakayan.

Para tapusin ang lesson, sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang bagay na magagawa nila upang mapagbuti ang kanilang kakayahang makipag-usap na tulad ni Cristo tungkol sa kasal at pamilya sa iba. Hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng mga paraan para maipamuhay ang mga alituntunin sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda sa pamamagitan ng pagtalakay sa mahihirap na tanong tungkol sa kasal at pamilya sa isang kaibigan o kapamilya.

Para sa Susunod

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung anong mga katotohanan ang natutuhan at tinalakay nila sa kursong ito na Walang-Hanggang Pamilya na nakatulong sa kanila na makadama ng pag-asa at kasabikan tungkol sa kanilang pamilya sa kasalukuyan o sa hinaharap. Hikayatin silang pag-aralan ang materyal sa paghahanda para sa susunod na lesson at maging handa na ibahagi ang isa o mahigit pa sa mga pinakanakaaantig na bagay na natutuhan nila sa kursong ito.