Institute
Lesson 25 Materyal ng Titser: Pagsisisi at Pagpapatawad sa Pamilya


“Lesson 25 Materyal ng Titser: Pagsisisi at Pagpapatawad sa Pamilya,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang-Hanggang Pamilya (2022)

“Lesson 25 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang-Hanggang Pamilya

Lesson 25 Materyal ng Titser

Pagsisisi at Pagpapatawad sa Pamilya

Maaanyayahan natin ang kapangyarihan ng Panginoon na pagalingin at patatagin ang ugnayan ng ating pamilya sa pamamagitan ng pagpapamuhay ng mga alituntunin ng pagsisisi at pagpapatawad. Ang lesson na ito ay tutulong sa mga estudyante na maunawaan kung paano mapatatatag ng kanilang pagsisisi ang mga ugnayan ng pamilya. Pag-iisipan din ng mga estudyante kung paano nila matatamo ang tulong ng Panginoon para mapatawad ang mga miyembro ng pamilya na maaaring nagkasala o nakasakit sa kanila.

Paalala: Kung minsan ang pasakit na dulot ng mga miyembro ng pamilya ay pang-aabuso. Ang paggaling mula sa pang-aabuso ay tatalakayin sa susunod na lesson.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Magtuon sa dapat maranasan ng isang estudyante upang mas mapalalim pa ang kanyang pagbabalik-loob. Natututo ang mga estudyante kapag aktibo silang nakikilahok sa pag-aaral at ipinamumuhay ang ebanghelyo. Habang nagtuturo ka, magtuon sa dapat maranasan at gawin ng mga estudyante upang makatanggap ng personal na paghahayag at mapalalim ang pagbabalik-loob. Kapag nadagdagan ang kanilang kaalaman tungkol sa ebanghelyo at namuhay ayon sa nalalaman nila, ang mga estudyante ay lalo pang magbabalik-loob sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo.

Ang ating personal na pagsisisi ay magpapatatag sa mga ugnayan ng pamilya.

Ipakita sa pisara ang mga sumusunod na pahayag (maaari mong baguhin ang mga pahayag na ito para mas matugunan ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante):

  1. Mahalagang tiyakin na madalas na nagsisisi ang iba pang mga miyembro ng pamilya.

  2. Kung mas nagkasala ang isang kapamilya kaysa sa atin, dapat siya muna ang humingi ng tawad at magbago bago natin siya patawarin.

  3. Laging madaling magsisi sa mga ginawa natin na maaaring nakasakit sa mga miyembro ng pamilya.

  4. Okay lang na hindi tratuhin nang maganda ang mga tao sa ating pamilya kung iniinis nila tayo.

Simulan ang klase sa pagsasabi sa isang estudyante na basahin nang malakas ang mga pahayag sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan kung tama o mali ang bawat pahayag (huwag sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot). Pagkatapos ng sapat na oras, ipaliwanag na lahat ng pahayag ay mali.

  • Paano ninyo iwawasto ang bawat isa sa mga pahayag na ito para maging tama ang mga ito?

  • Bakit maaaring mahirap magsisi kapag nasaktan natin ang mga miyembro ng ating pamilya? Paano tayo tinutulungan ng Panginoon sa pagsisikap nating magsisi?

Maaari mong ipakita ang isa sa mga paglalarawan ng talinghaga tungkol sa alibughang anak mula sa materyal sa paghahanda at sabihin sa isang estudyante na ibuod ang talinghaga. Maaari mong rebyuhin ang Lucas 15:17–24 at itanong sa mga estudyante kung anong mga alituntunin ang natukoy nila mula sa talinghagang ito tungkol sa pagsisisi sa pamilya.

  • Ano ang matututuhan natin tungkol sa Ama sa Langit mula sa ama sa talinghagang ito? Paano maaaring makaimpluwensya ang kaalamang ito sa pananaw ninyo tungkol sa pagsisisi?

  • Kailan kayo nakakita ng mag-asawa o pamilya na napagpala dahil sa pagsisisi ng isa sa mga miyembro nito? (Paalalahanan ang mga estudyante na huwag magbahagi ng anumang napakapersonal o napakapribadong bagay.)

Matutulungan tayo ng Panginoon na patawarin ang mga miyembro ng pamilya na nagkasala o nakasakit sa atin.

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung kailan sila nagawan ng mali o nasaktan ng isang miyembro ng pamilya. Maaari mo ring sabihin sa kanila na isipin kung gaano nila lubos na napatawad ang taong iyon.

  • Bakit mahirap kung minsan na patawarin ang mga miyembro ng pamilya na nagkasala sa atin?

Magkakasama ninyong rebyuhin ang Doktrina at mga Tipan 64:8–11, at itanong sa klase kung anong mga katotohanan ang natutuhan nila mula sa mga turo ng Panginoon tungkol sa pagpapatawad. Kabilang sa mga katotohanang natukoy ng mga estudyante ay maaaring tulad ng sumusunod: Iniuutos sa atin ng Panginoon na patawarin ang lahat ng tao.

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na pumili ng ilang talata o pahayag mula sa mga lider ng Simbahan sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda na rerebyuhin nila nang mabilis. Pagkatapos ay itanong:

  • Paano makatutulong ang mga turong ito sa isang tao para mapatawad niya ang isang miyembro ng pamilya na nagkasala sa kanya?

Bilang bahagi ng talakayan, maaari mong ipakita ang pahayag ni Elder Massimo De Feo mula sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda at basahin ito kasama ang mga estudyante. Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto upang pagnilayan kung ano ang nagawa ng Tagapagligtas para sa kanila.

  • Paano makatutulong ang pag-alaala sa sakripisyo ng Tagapagligtas para mapatawad natin ang iba?

Maaari mong gamitin ang kuwento tungkol kina Jacob at Esau upang matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang kanilang pang-unawa sa pagpapatawad sa pamilya, o lumikha ng sarili mong sitwasyon na makatutulong sa mga estudyante na isaalang-alang ang mga damdamin, pangamba, at pagpapasiya na nauugnay sa pakikipagkasundo sa isang miyembro ng pamilya na nasaktan natin o nakasakit sa atin.

Kung maaari, idispley ang sumusunod na larawan:

Larawan
Esau’s Birthright [Pagkapanganay ni Esau], ni Glen S. Hopkinson

Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung ano ang nalalaman nila tungkol kina Jacob at Esau at kung ano ang nakaapekto sa ugnayan ng magkapatid na ito. Kung kinakailangan, maaari mong dagdagan ang nauunawaan ng mga estudyante sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ilan sa mga sumusunod na detalye:

Sina Isaac at Rebecca ay may kambal na anak na lalaki, sina Jacob at Esau. Si Esau ang panganay at samakatwid ay tatanggap ng pagkapanganay. Ibig sabihin nito ay mamanahin niya ang lupain ng kanyang ama, “dalawang bahagi ng pag-aari ng kanyang ama,” at ang awtoridad na mamuno bilang espirituwal na pinuno ng pamilya matapos pumanaw ang kanyang ama (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Panganay”; tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan,“Pagkapanganay”).

Gayunpaman, ipinagbili ni Esau ang pagkapanganay kay Jacob para sa isang nilaga na lentehas (isang mangkok ng sopas o nilaga). Kalaunan, nang naisin ni Isaac na ipagkaloob ang basbas ng pagkapanganay, tinangka ni Esau na tanggapin ito kahit nawala na sa kanya ito. Namagitan si Rebecca, at natanggap ni Jacob ang basbas. Dahil dito, kinamuhian ni Esau si Jacob at sumumpang papatayin ito. Pinapunta nina Rebeca at Isaac si Jacob para manirahan sa kanyang tiyo na si Laban. Si Jacob ay nagpakasal at nagkaroon ng mga anak. Pagkaraan ng 20 taon, iniutos ng Panginoon kay Jacob na bumalik sa kanyang bayan. Natakot si Jacob sa maaaring gawin ni Esau sa kanya at sa kanyang pamilya nang malaman niyang sasalubungin sila ni Esau kasama ang 400 kalalakihan. Iniutos ni Jacob sa kanyang mga tagapaglingkod na hatiin ang malaking bilang ng kanyang mga hayop sa ilang grupo at ialay ang mga ito bilang mga regalo kay Esau nang lumapit ito. (Tingnan sa Genesis 25–32.)

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante o hatiin sila sa maliliit na grupo. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Genesis 33:1–11, at alamin kung ano ang nangyari nang magkita sina Jacob at Esau. Sabihin sa bawat estudyante na piliin ang pananaw ni Jacob o ni Esau, at isipin kunwari na nararanasan nila ang mga pangyayaring nakatala sa mga talatang ito mula sa pananaw na iyon.

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na talakayin ang mga sumusunod na tanong sa kanilang kapartner o grupo, gamit ang natutuhan nila habang iniisip ang muling pagkikitang ito mula sa pananaw ni Jacob o ni Esau:

  • Ano ang maaaring naisip o nadama mo nang lumapit ka at kinausap ang iyong kapatid?

  • Ano ang ginawa mo para makipagkasundo sa iyong kapatid? Anong alituntunin ang matututuhan mo mula rito?

Kapag nakumpleto na ng mga estudyante ang aktibidad na ito, maaari mong ipatalakay sa buong klase ang ilan sa mga sumusunod na tanong:

  • Anong mga alituntunin ang nakita ninyo sa mga halimbawa nina Jacob at Esau? Sa anong mga paraan ninyo nakita ang impluwensya ng Panginoon sa salaysay na ito?

  • Paano kayo tinulungan ng Diyos na mauna at magkusa na ayusin ang di-pagkakaunawaan o patawarin ang isang miyembro sa inyong pamilya? (Paalalahanan ang mga estudyante na huwag magbahagi ng anumang bagay na masyadong personal.)

Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan kung paano maaaring ninanais ng Ama sa Langit na ipamuhay nila ang mga alituntunin ng pagsisisi o pagpapatawad sa kanilang mga ugnayan sa pamilya sa panahong ito. Hikayatin sila na sundin ang anumang pahiwatig na natanggap nila. Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na patotohanan ang kahalagahan ng pagsisisi at pagpapatawad sa pamilya.

Para sa Susunod

Ipaliwanag na nakalulungkot na pinipili ng ilang tao na abusuhin ang iba. Hikayatin ang mga estudyante na pag-aralang mabuti ang materyal sa paghahanda para sa susunod na lesson. Sabihin sa kanila na isipin kung paano, sa tulong ng Tagapagligtas, mapapagaling o matutulungan nila ang iba na gumaling mula sa mga epekto ng pang-aabuso.