2014
Kumusta, Munting Tupa
Enero 2014


Kumusta, Munting Tupa

Colleen Solomon, Ontario, Canada

Tinulungan naming mag-asawa ang anak naming babae at kanyang dalawang anak na lalaki sa airport, kung saan sila naghahandang sumakay ng eroplano pauwi. Tinulungan namin ang aming anak sa pagbubuhat ng kanyang bagahe, paghahanap sa mga pasaporte, at pag-aasikaso sa malikot na batang tatlong-taong-gulang. Si Tommy, ang isang-taong-gulang naming apo, ay tulog na tulog sa kanyang stroller nang bigla siyang magising. Nagulat siya at natakot sa lahat ng ingay, maliwanag na mga ilaw, at kaguluhan sa paligid.

Nakita ko ang ekspresyon sa kanyang mukha at alam ko na ang mangyayari, kaya tinawag ko ang anak ko. Agad siyang yumukod, sinapo niya ang mukha ni Tommy sa kanyang mga kamay, tinitigan ito sa mga mata, at magiliw na sinabing, “Kumusta, munting tupa.”

Sa isang iglap ang nakakunot niyang noo, nakangiwing bibig, at nakahukot na mga balikat ay napanatag nang makahinga siya nang maluwag. Bahagya siyang ngumiti bago muling pumikit ang kanyang mga matang inaantok. Ang takot niya ay napalitan ng panatag na katiyakan at kapayapaan na tila bumalot sa kanya. Ito ay munti ngunit matinding pagpapakita ng tiwala ni Tommy sa kanyang ina. Napanatag siya sa pamilyar na haplos, tinig, at presensya ng kanyang ina.

Tulad ni Tommy, lahat tayo ay natatakot, nakadarama ng kawalang-katiyakan, at nanghihina. Nakapapanatag na malaman na si Jesucristo, ang Mabuting Pastol, ay tumatawag sa atin. Kilala niya ang Kanyang kawan, at lubos natin Siyang mapagkakatiwalaan. Magiliw niyang sinabi, “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo. … Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man” (Juan 14:27).

Alam ko na sa mga panahon ng kawalang-katiyakan maaari tayong tumanggap ng kapanatagan at katiyakan kapag bumaling tayo sa Mabuting Pastol nang may pananampalataya at tiwala. Kapag nabibiyayaan ako ng kapanatagan sa gitna ng kaguluhan, gusto kong gunitain ang sandaling iyon sa airport kasama ang aking anak at apo. Tulad ni Tommy, nakakahinga ako nang maluwag kapag gumagaan ang aking mga pasanin. Sa mga panahong iyon, nadama ko na tila sinabi mismo ng aking Pastol “Kumusta, munting tupa.”