2015
Brian K. Ashton
Nobyembre 2015


Brian K. Ashton

Pangalawang Tagapayo sa Sunday School General Presidency

Si Brother Brian K. Ashton ay tinawag na maglingkod sa Sunday School general presidency nang patapos na siya sa kanyang paglilingkod bilang pangulo ng Texas Houston South Mission. Ang calling ay ibinalita noong Hunyo, at siya ay sinang-ayunan sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2015.

Si Brother Tad R. Callister ay mananatiling pangkalahatang pangulo, at si Brother Devin G. Durrant, na naglingkod bilang pangalawang tagapayo simula noong Abril 2014, ang naging unang tagapayo.

Nagkaroon ng bakante sa panguluhan dahil naatasan si John S. Tanner na maglingkod bilang pangulo ng Brigham Young University–Hawaii.

Si Brian Kent Ashton ay isinilang sa Provo, Utah, USA, noong 1969, kina Kent at Vicki Brown Ashton. Siya ay panganay sa siyam na magkakapatid. Naaalala niya ang kanyang mga magulang na palaging nagtuturo ng ebanghelyo sa bahay nila.

Si Brother Ashton ay naglingkod bilang full-time missionary sa Peru Lima South Mission. Ang desisyon niyang maglingkod ay naimpluwensyahan ng isang mabuting kaibigan na nainspirasyunang sabihin sa kanya na kailangan niyang magmisyon. Nang sabihin ito ng kanyang kaibigan, nadama ni Brian ang pagpapatibay ng Espiritu. Sa kanyang misyon nahirapan siya dahil sa ilang malalaking problema sa kalusugan nang tawagin siyang maglingkod bilang pangulo ng isang malaking branch. Sa panahong ito, nanalangin siya nang taimtim at patuloy na humingi ng tulong sa Ama sa Langit. “Natuto akong umasa sa Kanya, at tinulungan Niya ako,” wika niya. “Ang pagkatutong magtiwala sa Kanya ay nakagawa ng malaking kaibhan.”

Pagkatapos ng kanyang misyon nag-aral siya sa Brigham Young University, kung saan niya nakilala ang kanyang mapapangasawang si Melinda Earl. Gayunman, bago sila ikinasal, naglingkod si Melinda sa Spain Malaga Mission habang nagtatrabaho si Brother Ashton sa gitnang kanlurang Estados Unidos. Pagkatapos ng misyon nito ikinasal sila sa St. George Utah Temple. Sila ay may pitong anak.

Si Brother Ashton ay tumanggap ng master of business administration degree mula sa Harvard University, samantalang nakapag-aral naman ng medisina si Sister Ashton. Si Brother Ashton ay isang negosyante at nakapagsimula na ng ilang kumpanya.

Si Brother Ashton ay dating bishop, high councilor, elders quorum president, at Gospel Doctrine teacher.