2015
Elder Dale G. Renlund
Nobyembre 2015


Elder Dale G. Renlund

Korum ng Labindalawang Apostol

Matapos magulat sa pagkatawag sa kanya sa Korum ng Labindalawang Apostol, lumuhod at nagdasal si Elder Dale G. Renlund kasama ang kanyang asawang si Ruth para humingi ng “patnubay ng Diyos sa gawaing ito.”

Maraming beses nang hiningi ni Elder Renlund ang patnubay na iyan—bilang isang General Authority Seventy, bilang cardiologist, at bilang asawa at ama. Nang magtrabaho siya, halimbawa, bilang medical resident in training sa Maryland, USA, nagkaroon ng kanser sa obaryo ang kanyang asawa. Ang anak nilang si Ashley ay 16 na buwan pa lamang. Sa mahirap na panahong iyon, nanumbalik ang pagiging malapit ni Elder Renlund sa Panginoon nang pasalamatan ni Ruth sa panalangin ang Panginoon para sa pagbubuklod nila sa templo.

Nagtrabaho si Elder Renlund bilang cardiologist, na nanggagamot ng mga pasyenteng may sakit sa puso. Nakita niyang mamatay ang maraming pasyente. Ngunit nang mamatay ang pasyenteng nagngangalang Chad, ang damdaming sinisikap niyang pigilan bilang doktor ay hindi niya naitago nang sumama sa kanya ang mga magulang ni Chad sa emergency room. Sa sandaling iyon nakita niya si Chad sa paningin ng kanyang mga magulang.

Tungkol sa karanasang ito, sinabi ni Elder Renlund, “ Alam ko na ngayon na sa Simbahan, para mabisang mapaglingkuran ang iba kailangan natin silang tingnan ayon sa paningin ng isang magulang, ayon sa paningin ng Ama sa Langit. Noon lamang natin mauunawaaan ang tunay na kahalagahan ng isang kaluluwa” (pahina 94).

Ang kabataan at paglilingkod ni Elder Renlund sa Simbahan ay nakatulong din para maihanda siya na tingnan ang iba ayon sa paningin ng Panginoon at maunawaan ang pagkakaiba-iba ng mga miyembro ng Simbahan.

Si Dale Renlund ay isinilang noong Nobyembre 13, 1952, sa nandayuhang mga Swedish na pumunta sa Utah para mabuklod sa templo. Noong bata pa si Dale, lumipat ang pamilya niya sa Finland at pagkatapos ay bumalik sa Sweden. Nagbalik sila ng pamilya niya sa Utah pagkaraan ng tatlong taon. Sa edad na 19 tinawag siyang magmisyon nang full-time sa Sweden.

Noong 2009 si Elder Renlund ay tinawag na maglingkod bilang General Authority Seventy. Ang unang atas sa kanya ay sa Africa Southeast Area Presidency. Tinapos ni Elder Renlund ang kanyang propesyon bilang doktor at propesor, ngunit ang kanyang asawa, sabi niya, “ang higit na nagsakripisyo.” Si Ruth ang presidente ng kanyang law firm nang tawagin si Elder Renlund at nagbitiw rin sa kanyang trabaho. Ngunit simula nang ikasal sila noong 1977, sabi niya, siya ay laging “handa” at siya niyang pinagkukunan ng lakas.

Habang nasa Africa, sina Elder at Sister Renlund ay “naturuan ng mga Banal tungkol sa mga bagay na talagang mahalaga.” Minsan, sa Democratic Republic of Congo, itinanong ni Elder Renlund sa mga miyembro kung ano ang mga hamong nararanasan nila. Naalala niya na pagkaraan ng ilang panghihikayat, “isang nakatatandang ginoo ang tumayo at nagsabing, ‘Elder Renlund, paano naman kami magkakaroon ng mga hamon? Nasa amin ang ebanghelyo ni Jesucristo.’” Naisip ni Elder Renlund: “Gusto naming mag -asawa na maging katulad ng mga Banal sa Kananga. … Parang hikahos sila sa buhay, pero nasa kanila na ang lahat.”

Sa pagtatapos ng kanyang unang mensahe bilang Apostol, nagpatotoo si Elder Renlund: “Buong puso kong nais na maging tunay na alagad ni Jesucristo. Mahal ko Siya. Sinasamba ko Siya. Pinatototohanan ko na Siya ay tunay na buhay. Pinatototohanan ko na Siya ang Hinirang, ang Mesiyas” (pahina 94).