2017
Gawing Bahagi ng Ating Buhay ang Kumperensya
May 2017


Nagsalita Sila sa Atin

Gawing Bahagi ng Ating Buhay ang Kumperensya

Isiping gamitin ang ilan sa mga aktibidad at tanong na ito bilang pasimula sa iyong personal o pampamilyang pag-aaral.

Para sa mga Bata

  • Pahina 86: Inanyayahan tayo ni Pangulong Thomas S. Monson na basahin ang Aklat ni Mormon araw-araw, na ipinangako na, “Ipapakita ng Espiritu Santo ang katotohanan nito sa inyo.” Bukod pa sa sarili mong pag-aaral, maaari mong kagawiang basahin ang Aklat ni Mormon araw-araw kasama ang iyong pamilya. Maaari ka ring magsadula ng mga tagpo o maglaro para maalaala mo ang mahahalagang talata at kuwento. Magpunta sa friend.lds.org at tingnan ang mga magasin ng 2016 Liahona para sa mga kuwento sa Aklat ni Mormon, reading chart, at iba pa.

  • Pahina 117: Ikinuwento ni Elder Gary E. Stevenson kung paano nakinig ang tatay niya sa Espiritu Santo at naligtas siya mula sa isang ahas. Itanong sa mga magulang mo kung maaari ninyong talakayin sa pamilya ang tanong na, Paano kayo tinutulungan ng Espiritu Santo? Magbahagi ng mga pagkakataon na nabigyan ka ng Espiritu Santo ng babala, kapanatagan, o patotoo. Maaari mo pa nga itong isulat at gawing aklat.

  • Pahina 87: Itinuro ni Sister Joy D. Jones na maaari kang maghandang gumawa ng mga banal na tipan kalaunan sa pagkatutong tumupad sa mga pangako ngayon. Magtakda ng isang mithiin at mangakong tuparin ito. Sabihin sa isang kaibigan na subaybayan ka para matiyak na tinutupad mo ang iyong pangako.

  • Pahina 90: Ibinahagi ni Elder Yoon Hwan Choi ang ilang payo ng kanyang Ama: “Huwag magpalingun-lingon, tumingala ka!” Kung minsa’y nagagambala tayo at nalilimutan nating magtuon sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Kaya paalalahanan mo ang sarili mo na tumingala ka! Maaari kang magsabit ng isang larawan ni Jesus sa kuwarto mo. Lumabas at tumingin sa kalangitan. Tumahimik ng isang sandali araw-araw para isipin ang Ama sa Langit at si Jesus at madama ang Espiritu.

Para sa mga Kabataan

  • Mga pahina 93 at 117: Naitanong mo na ba sa iyong sarili: Paano ko palaging makakasama ang Espiritu Santo? Paano ko makikilala ang Espiritu Santo? Paano ako tinutulungan ng Espiritu Santo? Sinagot nina Elder Ronald A. Rasband at Gary E. Stevenson ang mga ito at ang marami pang ibang tanong. “May sagradong responsibilidad tayo na matutong kilalanin ang kanyang impluwensya sa ating buhay at tumugon dito,” sabi ni Elder Rasband. Paano mo tutugunan ang responsibilidad na iyan?

  • Pahina 33: Binanggit ni Elder Ulisses Soares ang bahagi ng talata sa banal na kasulatan na tema ng Mutwal: “Humingi nang may pananampalataya, na walang anomang pagaalinlangan. Sapagka’t yaong nagaalinlangan ay katulad ng isang alon ng dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad sa magkabikabila” (Santiago 1:6). Paano mo maiiwasang mag-alinlangan? Magsimula sa pagpapalakas ng iyong pananampalataya kay Jesucristo. Mag-aral pa tungkol sa Kanya. Alalahanin ang mga pagkakataon na nadama mo ang Kanyang pagmamahal at kapayapaan.

  • Mga pahina 86 at 9: Inanyayahan tayo ni Pangulong Thomas S. Monson, “Kung hindi ninyo binabasa ang Aklat ni Mormon araw-araw, mangyaring gawin ninyo ito.” At itinanong ni Sister Carol F. McConkie: “Isinasantabi ba natin ang telepono, ang walang-katapusang listahan ng mga gagawin, ang mga alalahanin ng mundo? Ang pagdarasal, pag-aaral, at pagsunod sa salita ng Diyos ay nag-aanyaya sa Kanyang nakalilinis at nakagagaling na pagmamahal sa ating kaluluwa.” Magplano ng oras araw-araw na magbasa ng Aklat ni Mormon at maglagay ng paalala sa iyong planner o sa iyong telepono.

Para sa mga Young Adult

  • Pahina 62: Ano ang mga mithiin mo sa buhay? Ang mga mithiin para sa iyong propesyon, pamilya, at maging sa sports at mga libangan ay mabuti, ngunit “dapat umakma ang ating pinakadakila at pinakamahahalagang mithiin sa walang-hanggang plano ng Ama sa Langit,” pagtuturo ni Elder M. Russell Ballard. Paano mo iaayon ang mga plano mo sa plano ng Ama sa Langit para sa iyo? Paano ka mas makatutuon sa mithiing mamuhay nang walang hanggan sa piling ng Ama sa Langit at ni Jesucristo?

  • Pahina 39: Sa mga unang araw ng taong ito, inanyayahan ni Pangulong Russell M. Nelson ang mga young adult na “iukol ang bahagi ng [kanilang] panahon bawat linggo para pag-aralan ang lahat ng sinabi at ginawa ni Jesus ayon sa nakatala sa [mga banal na kasulatan]” (“Mga Propeta, Pamumuno, at Batas ng Diyos” [pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Ene. 8, 2017], broadcasts.lds.org). Inulit niya ang paanyayang ito sa pangkalahatang kumperensya bilang isa sa apat na mahahalagang bagay sa paghugot sa lakas ng Tagapagligtas sa ating buhay. Pag-aralan ang mensahe ni Pangulong Nelson upang malaman kung paano mo magagamit ang “lakas na sapat sa pagharap sa mga pasanin, balakid, at mga tukso sa ating panahon.”

  • Mga pahina 100 at 26: Gusto mo ba ng mapa para sa buhay mo? Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks, “Dahil nasa atin ang katotohanan tungkol sa Panguluhang Diyos at sa kaugnayan natin sa Kanila, sa layunin ng buhay, at sa katangian ng ating walang hanggang tadhana, nasa atin ang pinakamaaasahang gabay at tiyak na kaligtasan sa ating paglalakbay sa mortalidad.” Itinuro niya at ni Elder Weatherford T. Clayton na ang kaalaman tungkol sa plano ng kaligtasan ay makakatulong sa ating mga hamon ngayon. Pag-aralan ang kanilang mga mensahe at tanungin sa Ama sa Langit kung paano makapagbibigay ng patnubay ang mga walang-hanggang katotohanan sa iyong buhay.

  • Pahina 104: Ang takot ay makahihikayat, ngunit itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf na ang takot ay “hindi ito kailanman magiging dahilan para maging mga tao tayo na nagmamahal sa tama at nagnanais sumunod sa Ama sa Langit.” Paano magiging “panlaban na hinirang ng langit” ang dalisay na pag-ibig ni Cristo sa iyong mga takot?

Para sa Matatanda

  • Pahina 86: Kapag pinag-aralan at pinagnilayan natin nang may panalangin ang Aklat ni Mormon araw-araw, sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson na, “maririnig natin ang tinig ng Espiritu, mapaglalabanan ang tukso, madaraig ang pag-aalinlangan at pangamba, at tatanggap ng tulong ng langit sa ating buhay.” Sa iyong sarili at sa iyong pamilya, mithiing basahin ang Aklat ni Mormon araw-araw.

  • Pahina 39: Makibahagi sa hamong ibinigay ni Pangulong Russell M. Nelson sa mga young adult (tingnan sa “Para sa mga Young Adult” sa itaas). Paano mo maiaangkop ang hamong ito sa iyong sarili at sa iyong pamilya? Talakayin ang mga pagpapalang nagmumula sa pag-aaral ng iba pa tungkol sa Tagapagligtas.

  • Mga pahina 93 at 117: Habang binabasa ninyo ang mga mensahe nina Elder Ronald A. Rasband at Elder Gary E. Stevenson, maghanap ng mga paraan upang laging sumaiyo ang Espiritu at kung paano ka tinutulungan ng Espiritu. Tukuyin ang mga paraan para lalo pang madama ang Kanyang impluwensya sa iyong buhay.

  • Mga pahina 39 at 62: Hinikayat nina Pangulong Russell M. Nelson at Elder M. Russell Ballard ang mga miyembro na pag-aralan ang “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol” (tingnan sa loob ng pabalat sa harap). Sinabi ni Elder Ballard, “Maglagay ng kopya kung saan ninyo ito makikita, at mag-ukol ng oras na repasuhin ang bawat pahayag na nasa inspiradong patotoo na ito tungkol kay Cristo.” Bilang pamilya, basahin ang “Ang Buhay na Cristo” at talakayin ang natutuhan ninyo.

  • Mga pahina 127 at 97: Itinuro ni Elder Quentin L. Cook na ang pundasyon ng ating pananampalataya ay “dahan-dahang naitatatag—paisa-isang patong, paisa-isang karanasan, paisa-isang hamon, paisa-isang hadlang, at paisa-isang tagumpay.” Sabi ni Elder L. Whitney Clayton, “Ang wastong paggawa ng maliliit na bagay nang may pananampalataya sa araw-araw ay pinakamainam na paraan para patatagin ang ating sarili sa mga problema ng buhay, anuman ang mga ito.” Ano ang magagawa mo bawat araw na magpapatatag sa pundasyon ng iyong pananampalataya?