2017
Jean B. Bingham
May 2017


Jean B. Bingham

Relief Society General President

Larawan
Jean B. Bingham

Nakapanirahan na sa iba’t ibang lugar sa Estados Unidos, pinasasalamatan ni Sister Jean B. Bingham kung paano naglalaan ng matatag na impluwensya ang ebanghelyo sa mga pagbabago sa kapaligiran.

Isinilang noong 1952 sa Provo, Utah, USA, kina Robert at Edith Joy Barrus, lumaki siyang kasama ang anim na kapatid na babae at dalawang kapatid na lalaki. Nag-aral siya ng elementarya sa Texas at Minnesota, USA, at nagtapos ng high school sa New Jersey. Silang magkakapatid lamang ang mga estudyanteng LDS sa kanilang mga paaralan hanggang sa lumipat sila sa New Jersey, kung saan natuwa siyang matuklasan na kaklase niya ang isang batang babaeng mula sa kanyang bagong ward.

Matapos silang makasal ni Bruce Bingham sa Provo Utah Temple noong Disyembre 22, 1972, lumipat sila sa Illinois para makapagpatuloy si Bruce sa pag-aaral.

Dalawa ang naging anak nina Brother at Sister Bingham, at inaangkin din nilang sarili nilang mga anak ang iba pang inampon nila. Nakatanggap siya ng associate degree sa family living, at noong nasa high school ang bunsong anak nila, muli siyang nag-aral at nagtamo ng master’s degree sa pagtuturo.

Ang unang tungkulin ni Sister Bingham sa Relief Society ay dumating matapos lang niyang isilang ang kanyang panganay. “Tinawag akong magturo ng mga lesson sa mother education. Napakagandang pagkakataon niyon upang matuto sa mga halimbawa ng ibang kababaihan at maging sa manwal.”

Si Sister Bingham ay naglakbay nang malawakan noong miyembro siya ng Primary general board at bilang counselor sa Primary General Presidency. Nakita niya ang mga hamon at pagpapala ng pagiging miyembro ng Simbahan sa mga lugar sa buong mundo.

Umaasa siya na makikita ng kababaihan ng Relief Society ang kabutihan sa bawat isa. “Nakatutuksong ihambing ang ating sarili sa iba, na walang magandang ibubunga at taliwas sa nais ng Ama sa Langit para sa atin.” Sabi niya tinutulungan ng Relief Society ang bawat babae na maunawaan kung sino siya sa kawalang-hanggan. “Kapag itinuon natin ang ating buhay kay Jesucristo, alam natin talaga kung sino tayo,” wika niya.