2020
Paggamit nang Mabuti sa Iyong Oras
Hulyo 2020


Pakay-Aralin para sa Home Evening

Paggamit nang Mabuti sa Iyong Oras

Kapag inuna mo ang Panginoon, magkakaroon ng lugar para sa iba pa.

Larawan
Making Good Use of Your Time

Mga paglalarawan ni David Habben

Gaano karaming aktibidad ang nag-aagawan sa iyong atensyon araw-araw? Lahat tayo ay may 24-oras na maaaring gamitin, pero ang gumagawa ng malaking kaibhan ay ang paraan ng paggamit natin sa oras na iyon!

Sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Ang magagandang bagay na magagawa natin ay higit pa ang dami kaysa libreng oras natin para magawa ang mga ito. May ilang bagay na mas maganda kaysa iba, at ito ang mga bagay na dapat nating unahin sa ating buhay. … Dapat nating talikuran ang ilang magagandang bagay para mapili ang iba pang mas maganda o pinakamaganda.”1

Sa aktibidad na ito, maipapakita mo kung ano ang mangyayari kapag inuna natin ang gawain ng Panginoon.

1. Pagpuno ng Oras

Napakaraming magagandang aktibidad na maaari nating paggamitan ng ating oras. Sabihin sa iyong pamilya na magbahagi ng ilan sa mga bagay na pinag-uukulan nila ng oras bawat araw.

Ipaliwanag na ang garapon ay sumasagisag sa oras. Ang mga bato at buhangin ay sumasagisag sa iba’t ibang bagay na magagawa natin sa ating oras: ang mas malalaking bato ay sumasagisag sa mga bagay na sinabi sa atin ng Panginoon na unahin, tulad ng pag-aaral ng banal na kasulatan, paglilingkod, gawain sa templo at family history, at pagsisimba, samantalang sumasagisag naman ang buhangin sa ibang magagandang aktibidad, tulad ng paggawa ng takdang-aralin at paggugol ng oras kasama ang mga kaibigan.

2. Maling Pagpaprayoridad

Unahing ibuhos sa garapon ang lahat ng buhangin, pagkatapos ay idagdag ang mas malalaking bato sa ibabaw. Kapag inuna mong ilagay ang buhangin, mawawalan ng sapat na espasyo para sa lahat ng mas malalaking bato—sa parehong paraan na kapag inuna natin ang ibang mga aktibidad kaysa sa mga bagay na iniutos ng Ama sa Langit na gawin natin, maaari tayong maubusan ng oras para sa mga bagay na pinakamahalaga.

3. Alamin Kung Ano ang Mahalaga

Iniutos ni Jesucristo, “Huwag hanapin ang mga bagay ng daigdig na ito sa halip inyo munang hangaring itatag ang kaharian ng Diyos, at pagtibayin ang kanyang katwiran” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 6:38 [sa Mateo 6:33, talababa a]). Talakayin kung paano kayo magpaprayoridad ng inyong oras sa pamamagitan ng paghahangad muna sa kaharian ng Diyos.

Alisin ang laman ng garapon at magsimulang muli gamit ang parehong mga aytem. Maaaring nais tumulong ng mga nakababatang kapatid. Sabihin sa kanila na unahin munang ilagay sa garapon ang mas malalaking bato. Habang inilalagay ninyo ang buhangin, pagmasdan kung paano nito pinupuno ang sobrang espayo sa paligid ng mas malalaking bato hanggang sa magkasya sa loob ang lahat ng buhangin.

Itanong sa iyong pamilya kung ano sa palagay nila ang maaaring ibig sabihin ng pangakong ito ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kapag patuloy kayong nagbibigay ng mas maraming oras sa Panginoon, tutulutan Niya kayong magsakatuparan ng iba pa sa natitira ninyong oras.”2

Unahin ang Panginoon

Kapag hinahangad nating gawin muna ang kalooban ng Diyos, tinutulungan Niya tayo na magkaroon ng sapat na oras para sa iba pang bagay na kinakailangan at nagpapalakas. Kaya kung nahihirapan kang makahanap ng sapat na oras para makagawa ng takdang-aralin, mapahusay ang iyong mga talento, o makatulog nang mas mahabang oras, itanong sa Panginoon kung ano ang magagawa mo para malaman ang dapat unahing gawin ayon sa Kanyang plano. Sama-samang magtakda ng mga mithiin bilang isang pamilya na unahin ang gawain ng Panginoon—at ang inyong relasyon sa Kanya—bawat araw.

Mga Tala

  1. Dallin H. Oaks, “Maganda, Mas Maganda, Pinakamaganda,” Liahona, Nob. 2007, 104, 107.

  2. Russell M. Nelson, “Manindigan Bilang mga Tunay na Isinilang sa Milenyong Ito,” Liahona, Okt. 2016, 51.