2021
Nananalangin para Malaman ang Katotohanan at ang Hindi Inaasahang Sagot sa Akin
Hulyo 2021


Digital Lamang: Mga Young Adult

Nananalangin para Malaman ang Katotohanan at ang Hindi Inaasahang Sagot sa Akin

Sa wakas ay nagpasiya akong basahin ang Aklat ni Mormon upang malaman kung totoo ito. At nakatanggap ako ng di-inaasahang sagot nang tanungin ko ang Ama sa Langit.

Larawan
binatilyong nakaputing polo na nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Noong tinedyer ako, inanyayahan ng aking Young Men president ang mga kabataang lalaki sa aming ward na tapusin ang Aklat ni Mormon sa katapusan ng taon.

Hindi ko tinanggap ang paanyayang iyon. Karaniwan ay isa akong taong handang harapin ang anumang hamon, pero talagang mababa ang espirituwalidad ko nang mga panahong iyon.

Ang nakatutuwa, sa panahong ito, “naghahanda” akong magmisyon, pero hindi talaga ako nagsisikap. Mahina ang aking patotoo, at sinabi ko sa sarili ko na maglilingkod lang ako para maging masaya ang aking mga magulang. Nagpasiya ako na pagkatapos ng aking misyon, mag-iisip ako ng mga bagay-bagay para sa aking sarili. Maniniwala ako sa gusto kong paniwalaan at gagawin ko ang gusto ko.

Bagaman nakatuon ako sa eskuwela noong panahong iyon, nahulog ako sa hukay ng espirituwal na katamaran. Pakiramdam ko ay napakalayo ko sa Diyos kaya nagsimula akong mag-alinlangan kung may Diyos nga ba. Nag-alinlangan ako tungkol sa katotohanan ng Aklat ni Mormon at sa pagtawag kay Joseph Smith bilang propeta. Nahirapan akong pahalagahan ang sarili ko at namuhi ako sa sarili ko, at wala akong malakas na pananalig hinggil sa layunin ng buhay.

“Ako ay nasa pinakamadilim na kailaliman” (Mosias 27:29), kaya wala akong gaanong hangaring basahin ang Aklat ni Mormon.

Pagbabasa nang May Layunin

Isang gabi, nagbabasa ako ng isang nobela nang may nadama akong impresyon na naniniwala ako at alam ko nang buong puso ko na mula sa Espiritu. Natanto ko sa sarili ko na lubhang nakatuon ako sa kuwento ng aklat na ito, at pagkatapos ay naisip ko na hindi ko pa seryosong napag-aralan ang Aklat ni Mormon—tulad ng pagbabasa at pagninilay ko sa partikular na aklat na ito.

Kaswal kong pinag-aralan ang Aklat ni Mormon, nagtala, at ipinagdasal ito nang maraming beses, ngunit nawawala sa akin ang mahalagang bahagi ng payo ni Moroni sa huling kabanata ng Aklat ni Mormon: magtanong “nang may matapat na puso, na may tunay na layunin” (Moroni 10:4). Alam ko na perpektong oras iyon para muli akong humingi ng sagot mula sa aking Ama sa Langit. Nakadama ako ng espirituwal na pagkagutom, at sa pagkakataong ito talagang mahalaga sa akin ang sagot. Nang hindi ito natatanto, dumating ako sa isang espirituwal na sangang-daan, kung saan ang pananampalataya ko sa ebanghelyo ay nakasalalay sa kaalaman kung totoo o hindi ang Aklat ni Mormon.

Noong gabi ring iyon na natanggap ko ang impresyon, sinimulan kong basahin ang Aklat ni Mormon—ngunit sa pagkakataong ito nang may layunin.

Ngayong sabik na tanggapin ang paanyaya ng aking lider sa Young Men at tapusin ang pagbabasa sa katapusan ng taon, binasa ko ang aking munting kopya sa bawat pagkakataon: sa tren, sa biyahe sa bus papunta sa paaralan, sa pagitan ng mga klase, sa pagitan ng mga gawain, bago at pagkatapos kumain, at bago matulog. Sa bawat posibleng pagkakataon, nagbasa ako. At tuwing magbabasa ako, patuloy akong nagdarasal: “Kailangan kong malaman. Kailangan kong malaman.”

Pagtanggap sa Sagot na Hindi Ko Inaasahan

Isang araw nagpunta kami ng pamilya ko sa Manila Philippines Temple, pero nalimutan kong dalhin ang aking temple recommend. Dala ko ang aking munting kopya ng Aklat ni Mormon, kaya naupo ako sa isang lugar na naghihintay at patuloy na nagbasa. Paminsan-minsan, tumitigil ako upang hangaan ang kagandahan ng templo—ang chandelier, ang hagdan, ang mga bintana na may stained-glass, at ang mga tao na paroon at parito na may malaking pitagan sa dakilang pagmamahal nila sa Panginoon sa kanilang mga puso.

Sa isang punto habang nagbabasa ako, nakatanggap ako ng napakalinaw na impresyon mula sa Espiritu sa aking isipan. Nang dumating ito, nangusap ito sa akin sa maraming antas. Talagang nagulat ako nang madama ko ito kaya napatuwid ang pagkakaupo ko. Nakadama ako ng matinding damdamin kaya hindi ko ito maiwaksi sa isipan o damdamin.

Totoo ‘to,” ang narinig ko sa aking isipan.

Isang simple ngunit malalim na pahayag sa aking katutubong wika, Tagalog, ang ibig sabihin ay “Totoo ito.”

Totoo Ito

Nakatanggap ako ng patunay na ang Aklat ni Mormon ay totoo—na ito ay salita ng Diyos. Sa wakas ay nalaman ko ito nang buong puso ko dahil alam ko na nagmula sa langit ang impresyon.

Pero hindi lang iyan ang natutuhan ko.

Habang lumalaki ako, nabasa ko na ang Aklat ni Mormon at nalaman ko ang tungkol sa ebanghelyo sa Ingles. Sa katunayan, noong mga unang taon ng buhay ko, mas naunawaan ko ang Ingles kaysa sa Tagalog. Ngunit ang pagtanggap ng espirituwal na impresyong ito sa Tagalog—ang wikang katutubo sa aking bansa—ay nagsalita ng katotohanan sa aking puso.

Nalaman ko sa sandaling iyon na kilala ako ng Diyos sa tunay at personal na paraan.

Alam ko na nariyan Siya talaga. Alam ko na nangungusap Siya sa aking wika, na mahal Niya ako, at alam Niya ang aking mga paghihirap at kahinaan. Natanggap ko ang kumpirmasyong iyon, pero may iba pa akong kailangang malaman para makatiyak, kaya hinanap ko kaagad ang sagot: “Ama sa Langit, si Joseph Smith po ba ay totoong propeta?” Muling dumating ang damdamin, na sa pagkakataong ito ay mas makapangyarihan sa puso ko: “Totoo ‘to!

Nalaman ko noon na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos. Nakita niya ang Ama at ang Anak. Sa pamamagitan ni Joseph Smith, naipanumbalik ang ebanghelyo ni Jesucristo sa kabuuan nito.

Talagang nakatanggap ako ng kapayapaan at kapanatagan at kaalaman! Sa sandaling iyon, ginusto kong lumabas sa bakuran ng templo, at iwagayway ang maliit kong kopya ng Aklat ni Mormon at bumulalas ng, “Totoo ‘to! Totoo ‘to!” Nadama ko ang nadama ni Alma nang sabihin niyang, “Ah, anong kagalakan, at anong kagila-gilalas na liwanag ang namasdan ko” (Alma 36:20).

Pag-alam sa Katotohanan

Pagkatapos ng karanasang ito, nagbago kaagad ang dahilan ko sa pagmimisyon. Hindi nagtagal ay naipasa na ang mga papel ko, at natawag akong maglingkod sa Colorado, USA. Tuwang-tuwa ako! Alam ko na may isang tao roon na nakaranas ng pinagdaanan ko—humihingi ng tulong at nananabik sa kaligayahan at katotohanan. At alam ko na sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Jesucristo, matatagpuan nila ang tulong at kaligayahan na iyon, tulad ko.

Sana malaman nating lahat na: “Totoo ‘to!