2021
Pagpapalakas ng Aking Patotoo tungkol sa Propeta
Hulyo 2021


Digital Lamang: Mga Young Adult

Pagpapalakas ng Aking Patotoo tungkol sa Propeta

Nagpasiya akong tanggapin ang mga paanyaya ni Pangulong Nelson at tingnan kung totoo ang kanyang mga pangako sa atin.

Larawan
binatang nag-aaral sa loob ng kuwarto

Ilang taon na ang nakalipas, binisita ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol ang aking lugar para magbigay ng training sa mga lokal na lider ng ward at stake. Sa huli, nagdaos siya ng question-and-answer session kung saan tinulutan niya ang kongregasyon na magtanong sa kanya. Ang kanyang mga sagot ay maganda at nagbibigay-inspirasyon, ngunit isang partikular na tanong at sagot ang talagang umantig sa akin:

Ano ang pakiramdam na iorden si Pangulong Russell M. Nelson bilang bagong propeta?

Unang pinasalamatan ni Elder Rasband ang lalaking nagtanong at pagkatapos ay sinimulan niyang ilarawan ang kanyang karanasan. Ipinaliwanag niya kung paano nang una niyang marinig na pumanaw si Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018), nalungkot siya sa pagpanaw ng isang minamahal na propeta. Gayunman, puno rin siya ng pag-asa, dahil alam niya na handa ang isang tao na tanggapin ang balabal ng propeta. Alam niya na si Pangulong Nelson ang susunod na propeta. Ngunit nais din niyang malaman sa espirituwal—para sa kanyang sarili—na si Pangulong Nelson ay talagang propeta ng Diyos sa lupa.

Si Elder Rasband ay nag-ukol ng oras sa pagdarasal at pagsamo sa Diyos, na humihingi ng anumang uri ng espirituwal na patotoo. Nang dumating ang panahon para iorden si Pangulong Nelson, ipinatong ni Elder Rasband ang kanyang mga kamay sa ulo nito kasama ng iba pang mga Apostol, at agad niyang natanggap ang espirituwal na pagpapatibay na inaasam niya. Sinabi niya na talagang napuspos siya, at alam niya nang may lubos na katiyakan na si Pangulong Nelson ang tunay na propeta.

Matapos ikuwento ang kanyang karanasan, nanghikayat at sumamo si Elder Rasband sa amin sa kongregasyon na mag-aral, manalangin, at gawin ang gawaing kailangan upang malaman sa espirituwal (at hindi lamang sa lohikal) na si Pangulong Nelson ang tagapagsalita ng Panginoon.

Nakintal sa isip ko ang kanyang imbitasyon, at mula noon, hinangad kong malaman ito sa aking sarili. Sinisikap kong malaman—talagang malaman—na si Pangulong Nelson ang propeta ng Diyos dito sa lupa.

At hayaan ninyong sabihin ko sa inyo, talagang kakaibang karanasan ito.

Pagtuklas para sa Aking Sarili

Malaki ang papel na ginagampanan ng pag-aaral at panalangin sa prosesong ito. Halimbawa, nagpasiya akong basahin ang lahat ng mensahe ni Pangulong Nelson sa pangkalahatang kumperensya simula nang maging General Authority siya (marami ang mga ito). Pinag-aralan ko rin ang lahat ng mensahe sa mga debosyonal na ibinigay niya sa mga young adult, estudyante sa unibersidad, at iba pang tao. Nakatulong ito sa akin na makilala pa si Pangulong Nelson at makita kung ano ang mahalaga sa kanya.

Sinaliksik ko rin ang mga banal na kasulatan para sa patnubay. Ang isang talatang nakintal sa isip ko ay ang Mateo 7:16, kung saan ibinigay sa atin ni Cristo ang pinakadakilang paraan upang matukoy kung ang isang tao ay Kanyang propeta: “Makikilala ninyo sila sa pamamagitan ng kanilang mga bunga.”

Nang mabasa ko ito, natanto ko na ang pinakamainam na paraan para malaman kung si Pangulong Nelson ay propeta ay sundin ang kanyang mga turo at pagkatapos ay abangan ang mga bunga. Nagpasiya akong pag-aralan ang bawat mensahe ni Pangulong Nelson sa pangkalahatang kumperensya simula nang maging propeta siya at tukuyin ang kahit isang bagay sa bawat mensaheng ipinagagawa niya sa atin. Narito ang ilang halimbawa:

  • Oktubre 2020: “Habang pinag-aaralan ninyo ang mga banal na kasulatan sa susunod na anim na buwan, hinihikayat ko kayong gumawa ng listahan ng lahat ng ipinangako ng Panginoon na gagawin Niya para sa pinagtipanang Israel. … Pagnilayan ang mga pangakong ito. Banggitin ang mga ito sa inyong pamilya at mga kaibigan. At pagkatapos ay mamuhay at abangan ang katuparan ng mga pangakong ito sa inyong buhay.”1

  • Abril 2020: “Tayo nang mag-ayuno, manalangin, at muli nating pagkaisahin ang ating pananampalataya. Manalangin tayo nang may taimtim na pagsamo para malunasan itong pandemya sa buong mundo.”2

  • Oktubre 2019: “Hinihiling ko sa inyo na pag-aralan nang may panalangin ang lahat ng katotohanan na makikita ninyo tungkol sa kapangyarihan ng priesthood. … Habang lumalawak ang inyong pang-unawa at nananampalataya kayo sa Panginoon at sa kapangyarihan ng Kanyang priesthood, ang kakayahan ninyong magamit ang espirituwal na kayamanang ibinigay ng Panginoon ay madaragdagan.”3

  • Abril 2019: “Tukuyin kung ano ang pumipigil sa inyo na magsisi. At pagkatapos, magbago! Magsisi!”4

  • Oktubre 2018: “Ipinapangako ko na kung gagawin natin ang lahat para ipanumbalik ang tamang pangalan ng Simbahan ng Panginoon, ibubuhos Niya na nagmamay-ari ng Simbahang ito ang Kanyang kapangyarihan at mga pagpapala sa mga Banal sa mga Huling Araw, sa mga paraang hindi pa natin nakita kailanman.”5

  • Abril 2018: “Nakikiusap ako sa inyo na dagdagan ang inyong espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag.”6

Nang rebyuhin ko ang mga paanyayang ito ni Pangulong Nelson, natanto ko na hindi ko sineryoso ang lahat ng ito nang una kong marinig ang mga ito. Sa ilang pagkakataon, nalimutan ko pa ang imbitasyon. Nagpasiya akong magpakabuti at nagtakda ng partikular na mga mithiin para sa aking sarili na sundin ang payo ni Pangulong Nelson.

Dahil dito, marami akong naranasan na mga bunga. Nakadama ako ng karagdagang kapangyarihan ng priesthood; mas napalapit ako sa aking pamilya; at mas napalapit ako sa aking Tagapagligtas na si Jesucristo. Talagang hindi ako perpekto at marami pa rin akong kailangang gawin para masunod ang lahat ng payo ni Pangulong Nelson, ngunit ang mga pagsisikap ko ngayon ay nagpabuti sa buhay ko.

Ang Sagot sa Akin

Upang maunawaan ang mga sagot na natanggap ko, nakatulong sa akin na pag-aralan ang mga turo tungkol sa personal na paghahayag mula kay Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol. Inihahalintulad niya ang unang huwaran ng paghahayag sa isang switch ng ilaw, na nagtutulot sa liwanag na punuin kaagad ang isang silid. Gayundin, ang paghahayag ay biglang dumarating, sa isang sandali. At ang ikalawang huwaran ng paghahayag ay inihahalintulad niya sa pagsikat ng araw, kung saan ang liwanag ay dumarating nang paunti-unti at matatag.7

Tila si Elder Rasband ay nagkaroon ng “light-switch moment” nang ipatong niya ang kanyang mga kamay sa ulo ni Pangulong Nelson at nakadama ng di-maikakailang patotoo na si Pangulong Nelson ay propeta ng Diyos.

Para sa akin, habang pinag-aaralan ko ang tungkol kay Pangulong Nelson at ang kanyang mga turo, napansin ko ang unti-unting pagsikat ng araw.

Nang mag-aral ako, nang magdasal ako, at nang gawin ko ang ipinagagawa sa akin ni Pangulong Nelson, lumago ang aking pananampalataya nang “taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin” (tingnan sa 2 Nephi 28:30). Maaaring hindi pa ako nakaranas ng biglaang paghahayag, ngunit dahil sa aking pagdarasal at pag-aaral, talagang masasabi ko na naniniwala ako na si Pangulong Nelson ang propeta ng Panginoon dito sa lupa.

Kailangan nating kumilos para mahanap ang mga sagot sa ating mga tanong, ngunit alam ko na lahat tayo ay makatatanggap ng personal na patotoo tungkol sa banal na tungkulin at mga sagot ni Pangulong Nelson sa iba pa nating mga tanong tungkol sa ebanghelyo.

Sa kabuuan ng karanasang ito, natutuhan at nagkaroon ako ang labis na pananampalataya. At walang-hanggan ang pasasalamat ko na biniyayaan tayo ng Panginoon ng mga makabagong propeta sa mundo. Alam ko na kung makikinig tayo sa kanilang mga salita, malalaking pagpapala ang ibibigay sa atin at sa ating pamilya.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” Ensign o Liahona, Nob. 2020, 95.

  2. Russell M. Nelson, “Pagbubukas ng Kalangitan para sa Tulong,” Ensign o Liahona, Mayo 2020, 74.

  3. Russell M. Nelson, “Mga Espirituwal na Kayamanan,” Ensign o Liahona, Nob. 2019, 79.

  4. Russell M. Nelson, “Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Ensign o Liahona, Mayo 2019, 68.

  5. Russell M. Nelson, “Ang Tamang Pangalan ng Simbahan,” Ensign o Liahona, Nob. 2018, 89.

  6. Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 96.

  7. Tingnan sa David A. Bednar, “Ang Diwa ng Paghahayag,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 87–90.