2021
Paano Nagpapalakas ng Aking Pananampalataya ang Nalaman Ko tungkol kay Propetang Joseph
Hulyo 2021


Paano Nagpapalakas ng Aking Pananampalataya ang Nalaman Ko tungkol kay Propetang Joseph

Ang buhay ni Joseph Smith at ng iba pang mga naunang Banal ay hindi gaanong naiiba sa atin. Ang kanilang mga karanasan ay makapagpapalakas sa ating pananampalataya.

Larawan
Joseph and Emma Smith with baby Alvin

Joseph and Emma with Baby Alvin [Sina Joseph at Emma kasama ang Sanggol na si Alvin], ni Liz Lemon Swindle, hindi maaaring kopyahin

Nang simulan kong gawin ang Joseph Smith Papers Project 11 taon na ang nakararaan, may malakas akong patotoo tungkol kay Joseph Smith bilang Propeta ng Pagpapanumbalik. Gayunman, tila halos parang isang alamat si Joseph sa akin—isang taong napakataas ng espirituwalidad kaya’t nahirapan akong makaugnay sa kanya. Tumanggap siya ng kamangha-manghang pagdalaw ng mga makalangit na nilalang, kabilang na ang ating Ama sa Langit at ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Samantalang ako kung minsan ay nahihirapang maramdaman ang pagmamahal ng Diyos.

Dahil ginugol ko ang nakaraang 11 taon sa pagtutuon sa buhay ni Joseph Smith—nagbabasa ng kanyang mga journal, mga liham, mga diskurso—nakilala ko siya nang mas personal. At natanto ko na siya ay isang tao rin na katulad ko. Oo, siya ay propeta ng Diyos at tumanggap ng mga kamangha-manghang paghahayag, pangitain, at pagdalaw. Ngunit kinailangan pa rin niyang madaig ang mga hamon tulad nating lahat.

Tayo na nabubuhay ngayon ay naninirahan sa mundong ibang-iba sa panahon ni Joseph Smith at ng naunang mga Banal. Subalit ang mga problema natin ay hindi lubos na magkaiba. Lahat tayo ay may mga paghihirap dahil sa karanasan ng tao: karamdaman, kamatayan, pagtataksil, panghihina-ng-loob, at simpleng mahihirap na araw. May mga pagkakataon ding nadama ni Joseph na tila malayo ang Diyos at naisip niya kung alam ng Panginoon ang sitwasyon niya at ng mga Banal. Naranasan niya ang mamatayan ng mga mahal sa buhay at magdusa dahil sa mga karamdaman at pagsubok, ngunit hinarap niya ang mga ito nang may matibay na pananampalataya na kasama niya ang Diyos at may “mabubuting bagay na darating.”1

Ang kasunod na dalawang halimbawa mula sa buhay ni Joseph Smith ay nagpapakita kung paano niya hinarap ang buhay at kung paano nakatulong sa akin ang pag-aaral ng kanyang buhay at ng mga karanasan ng naunang mga Banal para maharap ko ang sarili kong mga pagsubok.

“Sa palagay ko maaari tayong makisimpatiya sa kanya”

May mga pagkakataon sa buhay natin na lahat tayo ay makararanas ng pighati dahil sa kamatayan at karamdaman. Hindi naiiba sina Joseph at Emma Smith. Ang kanilang unang anak ay namatay ilang sandali matapos isilang, at ang kasunod na pagdadalang-tao ni Emma (sa kambal) ay nauwi rin sa pagpanaw ng mga sanggol. Pagkatapos ay nag-ampon sina Joseph at Emma ng bagong silang na kambal na ang ina na si Julia Clapp Murdock ay namatay sa panganganak. Makalipas ang labing-isang buwan, noong Marso 1832, ang batang si Joseph—isa sa kambal—ay namatay matapos malantad sa malamig na hangin ang sanggol, na may tigdas, nang salakayin ng mga mandurumog si Propetang Joseph.2

Dahil sa pagpanaw ng kanyang mga anak, nakiramay si Joseph sa iba pa na nawalan ng mga mahal sa buhay. Ilang araw lamang matapos pumanaw ang kanyang anak, naglakbay ang Propeta patungong Missouri upang sundin ang iniutos ng Panginoon na payuhan ang mga Banal doon. Habang pauwi siya mula sa paglalakbay, naantala si Joseph matapos mabalian ng binti si Newel K. Whitney dahil sa isang aksidente. Kailangang manatili ang dalawa sa maliit na bayan ng Greenville, Indiana, nang ilang linggo hanggang sa makaya na ni Newel na maglakbay.3

Habang nalulungkot sa Greenville si Joseph, nabalitaan niya na ang kanyang pamangking si Mary—ang dalawang taong gulang na anak ni Hyrum Smith—ay pumanaw. Ang pagpanaw ng anak ay labis na nagpalungkot kay Hyrum at sa kanyang asawang si Jerusha.4

Nang marinig ni Joseph ang balita, sumulat siya kay Emma—na nagdadalamhati pa rin sa pagpanaw ng sanggol na si Joseph. “Nalungkot ako nang mabalitaan kong pumanaw ang anak ni Hyrum,” pagsulat ni Joseph. “Sa palagay ko dapat natin siyang damayan.” Talagang makikiramay sina Joseph at Emma, dahil alam nila ang pakiramdam ng mawalan ng apat sa sarili nilang mga anak. Pagkatapos ay sinabi pa ni Joseph, “Ngunit dapat nating tanggapin ang nangyari at sabihing mangyari nawa ang kalooban ng Panginoon.”5 Upang maunawaan ang layunin ng kamatayan, nagtiwala si Joseph sa Panginoon.

Inisip ko ang karanasang ito nang maranasan ko ang pagpanaw ng mga kapamilya, miyembro ng ward, at mga kaibigan. Maging si Propetang Joseph, na tumanggap ng maluwalhating pangitain tungkol sa selestiyal, terestriyal, at telestiyal na mga kaharian mga anim na linggo bago pumanaw ang sanggol na Joseph (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76), ay namighati pa rin sa pagpanaw ng kanyang anak. Alam niya na makikita niyang muli ang sanggol na si Joseph at ang tatlo niyang anak, pero masakit pa rin ang pagpanaw nila. Hindi dahil sa propeta si Joseph ay aalisin na sa kanya ang pighati o hindi na niya mararanasan ang mga paghihirap sa mortalidad. Ngunit ang pagtitiwala sa Diyos at sa Kanyang plano ay nagpapagaan sa ilan sa mga pasakit.

“Mapanatag at malaman na ako ang Diyos.”

Noong 1833, naranasan ni Joseph Smith at ng buong Simbahan ang nakapanlulumo at napakatinding problema nang sapilitang paalisin ng mga mandurumog ang mga Banal mula sa lungsod ng Sion sa Jackson County, Missouri. Dahil marami sa mga Banal ang gininaw, nagutom, at walang tirahan, kinailangan ng mga lider ng Simbahan ang tulong ng Diyos nang higit pa kaysa noon. Subalit nang pagnilayan ni Joseph ang sitwasyon, natagpuan niya ang kanyang sarili na hindi makatanggap ng sagot. Matapos ang unang karahasan noong Hulyo 1833, sumulat si Joseph sa mga Banal sa Missouri: “Tunay na nalalaman ko na kaagad na ililigtas [ng Panginoon] ang Sion, sapagkat hawak ko ang kanyang hindi mababagong tipan na ito ay mangyayari. “Ngunit ang Diyos ay nalulugod na ilihim sa aking mga paningin ang mga paraan kung paano gagawin ang mga bagay na ito.”6

Larawan
Saints being driven out of Jackson County, Missouri

The Saints Driven from Jackson County, Missouri [Ang mga Banal na Pinaalis sa Jackson County, Missouri], ni C. C. A. Christensen, sa kagandahang-loob ng Brigham Young University Museum of Art

Matapos paalisin ang mga Banal sa bayan noong Nobyembre, muling nagsumamo si Joseph na sagutin ng Panginoon ang dalawang partikular na tanong: “bakit tinulutan ng Diyos na magdanas ng matinding kapighatian ang Sion” at “sa paanong mga paraan Niya ibabalik ang Sion sa mana nito.” Ngunit hindi pa rin makatanggap ng sagot si Joseph. “Hindi inihayag ng Panginoon [ang mga sagot] sa akin,” sabi niya kay Edward Partridge, ang bishop sa Missouri. “Ang mga ito ay hindi malinaw na ipinakita sa akin.” Sa halip, binigyan ng Diyos si Joseph ng nakapapanatag na pahiwatig: “Mapanatag at malaman na ako ang Diyos.”7

Noong Disyembre 16, 1833, natanggap sa wakas ni Joseph ang mga sagot sa pamamagitan ng paghahayag (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 101). Ipinaliwanag sa unang bahagi ng paghahayag na iyon kung bakit tinulutan ng Panginoon ang mga Banal na mapaalis sa Jackson County—ang unang itinanong ni Joseph sa Diyos. Ang pangalawang bahagi ay isang talinghaga tungkol sa isang taong maharlika kung saan ang kanyang lupain ay nakuha ng kanyang mga kaaway at iniutos sa lakas ng kanyang sambahayan na bawiin ang kanyang lupain. Iyan ang sagot sa pangalawang tanong ni Joseph. Inulit din ng Panginoon ang nauna Niyang mga salita ng kapanatagan: “Mapanatag at malaman na ako ang Diyos” (Doktrina at mga Tipan 101:16).

Bawat isa sa atin ay magkakaroon ng mga sandali sa buhay natin na para bang hindi sinasagot ng Diyos ang ating mga panalangin. Maaaring madama nating malayo Siya, at magtanong kung nalalaman Niya ang mga nangyayari sa atin. Naranasan ko na ang mga sandaling iyon at inisip kung kailan darating ang sagot. Napanatag ako nang mabasa ko na maging si Joseph Smith, ang dakilang Propeta ng Pagpapanumbalik, ay may mga sandali kung saan naghihintay din siya ng mga sagot—nang hindi minsanang ipakita sa kanya ng Diyos ang lahat ng bagay. Nagbigay iyan sa akin ng tapang na magpatuloy nang may pananampalataya, batid na kapag tama ang panahon, tatanggap ako ng sagot.

Si Propetang Joseph Smith ay isang taong kahanga-hanga. Isa pa rin siya sa mga bayani ko. Kinailangan niyang dumanas ng mga pagsubok sa buhay, tulad ko. Kinailangan niyang danasin ang kamatayan, karamdaman, at kabiguan. Gayunman nagtiis siya nang may pananampalataya sa Diyos at kay Jesucristo na naging dahilan para makayanan niya ang kanyang mga problema.

Ang tapang na naramdaman ko nang mabasa ko ang tungkol sa kanyang lakas, sa lakas ni Emma, at sa lakas ng mga miyembro ng Simbahan noon ay nagbibigay sa akin ng pag-asa na madaraig ko rin ang mga hamon sa akin. Para sa akin, iyan ang isa sa mga pinakamagandang dahilan kung bakit dapat pag-aralan ang kasaysayan ng Simbahan: upang mapatibay ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng pagtingin sa mga halimbawa ng mga nauna sa atin.

Mga Tala

  1. Jeffrey R. Holland, “An High Priest of Good Things to Come,” Ensign, Nob. 1999, 38.

  2. Tingnan sa Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), 59, 141, 172–76.

  3. Tingnan sa Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume A-1 [23 December 1805–30 August 1834],” 214–15, josephsmithpapers.org.

  4. Tingnan sa Hyrum Smith, Diary and Account Book, May 29, 1832, Hyrum Smith Papers, L. Tom Perry Special Collections and Archives, Harold B. Lee Library, Brigham Young University, Provo, Utah.

  5. Joseph Smith, “Letter to Emma Smith, 6 June 1832,” josephsmithpapers.org; ang pagbabaybay at pagbabantas ay iniayon sa pamantayan.

  6. Joseph Smith, “Letter to Church Leaders in Jackson County, Missouri, 18 August 1833,” josephsmithpapers.org; ang pagbabaybay at pagbabantas ay iniayon sa pamantayan.

  7. Joseph Smith, “Letter to Edward Partridge and Others, 10 December 1833,” 71, josephsmithpapers.org.