2022
Paano Tinulungan ng BYU–Pathway ang mga Young Adult na Ito na Dagdagan ang Kanilang Pananampalataya
Pebrero 2022


Digital Lamang: Mga Young Adult

Paano Tinulungan ng BYU–Pathway ang mga Young Adult na Ito na Dagdagan ang Kanilang Pananampalataya

Edukasyon ang naging solusyon para sa tatlong estudyanteng ito upang magawang liwanag ang kadiliman.

Larawan
mga kamay na magkahawak sa panalangin sa tapat ng computer

Pag-aalinlangan. Kadiliman. Diborsyo. Depresyon. Tatlong young adult mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang nahaharap sa mahihirap na situwasyong ito nang mag-enrol sila sa BYU–Pathway Worldwide. At sa pamamagitan ng online degree program, hindi lamang nila napagbuti ang kanilang edukasyon, nakatagpo rin sila ng higit na kapayapaan at natuklasan—o muling natuklasan—ang liwanag ng ebanghelyo.

Inanyayahan tayong lahat ng Panginoon na “maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 88:118; idinagdag ang pagbibigay-diin). Basahin kung paano ito ginawa ng mga young adult na ito at kung paano sila naakay ng paghahangad na matuto at ng mas mataas na edukasyon sa mas mataas na kapangyarihan.

Puno ng Liwanag

Larawan
dalawang binata na nakasuot ng damit-pambinyag kasama ang isang babaeng nakasuot ng mask

Si Dwight (gitna) kasama ang kanyang ina at kaibigang si Jeff sa araw ng kanyang binyag.

Larawan sa kagandahang-loob ni Dwight G.

Lumaki akong natututuhan ang mga katangian ng Kristiyano. Alam kong nilikha ako ng Diyos at na pangangalagaan Niya ako kapag sinunod ko ang Kanyang mga kautusan. Ngunit kalaunan ay lumayo ako sa aking pananampalataya at napuspos ako ng pag-aalinlangan. Noong 2020, ipinaliwanag sa akin ng kaibigan kong si Jeff, na miyembro ng Simbahan, ang BYU–Pathway Worldwide, kung paano ito makatutulong sa mga estudyante na matuto ng Ingles at magtamo ng bachelor’s degree online.

Ginusto kong mas malaman pa ang tungkol dito!.

Sa aking bansa, karamihan sa mga kabataan ay hindi kayang pumunta sa ibang bansa para makakuha ng mas magandang edukasyon. Ang BYU–Pathway ang solusyong hindi ko alam na kailangan ko. Ang takot ko sa hinaharap ay napalitan ng bagong pag-asa na nagliwanag sa aking kalooban, at alam kong hindi ako pinabayaan ng Diyos.

Marami akong natutuhan na mahahalagang gawi at kasanayan sa aking mga klase, tulad ng kung paano pamahalaan ang aking pananalapi, pagbutihin ang aking Ingles, at maging isang mahusay na empleyado. Agad kong natuklasan na ang BYU–Pathway ay hindi lamang para sa edukasyon kundi isang espirituwal na paglalakbay din. Sa aking mga klase, nalaman ko rin ang tungkol kay Nephi at sa mga makabagong propeta at nalaman ko na ang kanilang mga turo ay totoo. At natanto ko na, kung gusto kong lubos na maunawaan ang natututuhan ko, kailangan kong malaman pa ang tungkol sa Simbahan.

Ibinahagi ko ang nadarama ko kay Jeff, at agad siyang nakipag-ugnayan sa mga full-time missionary. Ang bawat araw ng pag-aaral ko kasama ang mga missionary ay pumuspos sa akin ng liwanag na nagpaliwanag sa pananaw ko sa mundo. Para akong nawawalang anak na sa wakas ay pauwi na. Natuklasan ko na ako ay anak ng Diyos, may layunin ako, at may isa pang aklat (ang Aklat ni Mormon) na isinulat ng mga sinaunang tao na nagtala ng mga himalang ginawa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa kanila.

Kalaunan ay nabinyagan ako at nakumpirmang miyembro ng Simbahan ni Jesucristo. At ang pananampalataya ko kay Jesucristo ay lalong lumakas sa paraang hindi ko inakala na posible.

Dwight G., Maritime, Togo

Ibinalik sa Napakagandang Landas ng Panginoon

Larawan
dalagitang may hawak na sertipiko

Larawan sa kagandahang-loob ni Stefanie D.

Noon pa man ay aktibo na akong miyembro ng Simbahan, ngunit matapos ang aking diborsyo, nawalan ako ng pokus sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit at sa aking pananampalataya. May nakilala ako, at nagsimula kaming mamuhay nang magkasama nang hindi kasal. Nagbago ang buhay ko. Nadama ko na talagang nasa dilim ako, at tumigil ako sa pagsisimba dahil nadama ko na hindi ako kabilang.

Pero patuloy akong dumalo sa institute. At sa panahong ito, isang service missionary na nakilala ko sa institute ang nag-anyaya sa akin na makibahagi sa BYU–Pathway. Nag-atubili ako, pero nangako siya na babaguhin nito ang buhay ko. Kaya nagpasiya akong subukan ito ng isang semester. Gayunman, hindi nagtagal ay ipinanganak ang panganay ko at hindi ko alam kung paano pagsasabayin ang pagiging bagong ina at pag-aaral, kaya tumigil ako.

Kalaunan, naalala ko kung gaano kaganda ang nadama ko sa isang semestre na iyon. Nadama ko na napakalapit ko sa Ama sa Langit at ninais kong madama iyon muli. Kaya pagkaraan ng isang taon, muli akong nagsimula sa BYU–Pathway, at maraming pagpapala ang dumating sa buhay ko pagkatapos.

Sinimulan ko ang isang napakagandang proseso ng pagsisisi, pinakasalan ang lalaking kinakasama ko, at natanggap pa ang aking temple recommend. Hindi naglaon ay tinawag ako na maging Relief Society president. Ngayon ay naglilingkod ako bilang guro sa institute at gustung-gusto ko ito! Mas marami ring natututuhan ang asawa ko tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Madadala natin sa kabilang-buhay ang lahat ng kaalamang natutuhan natin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 130:18–19). Ang BYU–Pathway ay hindi lamang edukasyon—ibinalik ako nito sa magandang landas ng Panginoon.

Stefanie D., Wanica, Suriname

Mula sa Kadiliman tungo sa Tiwala sa Sarili

Larawan
bata pang mag-asawang nakaupo sa damuhan sa labas

Larawan sa kagandahang-loob ni Dane W.

Noong hayskul ako, dumanas ako ng pagkabalisa at depresyon, kaya tumigil ako sa pag-aaral. Sa loob ng mga limang taon, lumayo ako sa Simbahan at sa pamilya. Noong panahong iyon, nagsimula rin akong gumamit ng droga at alak para makayanan ang pag-iisang nadama ko.

Isa iyong madilim na panahon.

Isang araw, nalaman ng aking ina ang tungkol sa BYU–Pathway Worldwide at hinikayat akong sumali. Edukasyon ang isang bagay na noon pa man ay gusto ko nang matamo, ngunit dahil sa mga naranasan ko noon sa paaralan bumaba ang aking tiwala sa sarili.

Tinanggihan ko ang alok ng nanay ko noong una, pero noong linggong iyon, tiningnan ko ang BYU–Pathway sa online. Parang maganda ito para sa akin. Sa kabila ng aking mga pagdududa, nagpasiya akong gawin ito. Kasabay nito, sinimulan kong iayon muli ang buhay ko sa ebanghelyo.

Nang una kong simulan ang aking mga kursong, nadama kong tila hindi ako nababagay roon. Ilang taon na akong hindi aktibo sa Simbahan, ngunit ang mga tao sa aking mga klase ay nagmula sa iba’t ibang larangan ng buhay at ipinakita sa akin na hindi ako kailangang maging perpekto para makibahagi doon.

Hindi nagtagal mas nadama ko ang Espiritu at tila ang mga bagay-bagay ay patungo na sa tamang direksyon. Dati, pakiramdam ko ay bigo ako sa lahat ng bagay sa buhay. Ngunit sa unang pagkakataon sa mahabang panahon, nadama ko na parang umuunlad ako kapwa sa pag-aaral at sa espirituwal.

Ang pagdama sa Espiritu sa pamamagitan ng aking pag-aaral ay nakatulong sa akin na maibalik ang aking patotoo at nagdulot ng kalinawan sa aking isipan. Dahil alam ko na kasama ko ang Ama sa Langit at si Jesucristo, nagkaroon ako ng tiwala na gawin ang mga bagay na hindi ko kayang gawin noong napapalibutan ako ng kadiliman. Matapos ang lahat ng naranasan ko, hindi ko nadama na kakayanin kong magtamo ng edukasyon—ngunit binago iyon ng BYU–Pathway para sa akin at tinulungan akong magkaroon muli ng tiwala sa sarili ko at kay Jesucristo.

Dane W., Utah, USA

Ipinayo ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Gawing pinakamataas na prayoridad ang pagkakaroon ng edukasyon. Hangaring pag-aralan ang lahat ng kaya ninyong pag-aralan. Sa mga Banal sa mga Huling Araw, ang pag-aaral ay isang responsibilidad. …

“Ang inyong personal na katalinuhan—ang inyong personal na identidad—ay walang hanggan at banal (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:29).”1

Bukod pa sa BYU–Pathway Worldwide, maraming oportunidad para makapag-aral sa Church Educational System o sa inyong lugar. Anumang landas tungo sa edukasyon ang piliin ninyo, ang paghahangad ng mga pagkakataong palakasin ang inyong isipan at pananampalataya ay magpapala sa inyo at sa inyong pamilya, hindi lamang sa buhay na ito kundi sa kawalang-hanggan!

Tala

  1. Russell M. Nelson, “Education: A Religious Responsibility” (Brigham Young University–Idaho devotional, Ene. 26, 2010), byui.edu/devotionals.