2022
Akala Ko Hindi Ko Kailangan ang Institute, pero Binago Nito ang Lahat para sa Akin
Pebrero 2022


Digital Lamang: Mga Young Adult

Akala Ko Hindi Ko Kailangan ang Institute, pero Binago Nito ang Lahat para sa Akin

Noong nahihirapan akong hanapin ang katotohanan, ang pagdalo sa institute ang bagay na kinailangan kong gawin para mas mapalapit sa aking Ama sa Langit.

Larawan
limang estudyanteng nakaupo sa isang mesa sa institute

Sa paglaki ko, ang pagdalo sa institute ay hindi naman talaga isang mithiin para sa akin. Bagama’t inihambing ni Elder L. Tom Perry (1922–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang institute sa “kalasag ng proteksyon sa paligid ninyo upang mapalaya kayo mula sa mga tukso at pagsubok ng mundo,”1 naisip ko na kapag dumalo ako sa seminary, okey na! Akala ko natutuhan ko na ang lahat ng puwede kong matutuhan. Nakatanim na ang binhi ng pananampalataya ko, at handa na akong lumago. Akala ko taglay ko na ang lahat ng kaalaman tungkol sa ebanghelyo na kailangan kong taglayin sa mundo.

Ngunit hindi nagtagal ay naharap ako sa mga tukso ng mundo. Para sa akin, ang pagbabago tungo sa pagiging young adult ay hindi madali. Binigyan ako ng seminary ng mga espirituwal na kasangkapang kailangan ko, pero hindi ko alam kung paano gamitin ang mga ito.

Ang unang ilang taon ko bilang young adult ay ginugol ko sa aking tahanan sa New Zealand at sa Estados Unidos. Nagkaroon ako ng scholarship sa isang kolehiyo sa Massachusetts at, bilang estudyanteng atleta, natuklasan ko na ang aking panahon at pagtutuon ay hindi ko kailanman idinirekta sa simbahan. Nang malapit na akong magtapos, mahigit dalawang taon na akong hindi nagsisimba o gumagawa ng anumang bagay na may kaugnayan sa ebanghelyo.

Hindi ko natanto na ginawa kong madali para sa kalaban na tuksuhin ako.

At nananalo na ang mundo.

Ngunit nagbago ang mga bagay-bagay nang umuwi ako sa New Zealand para tapusin ang huling ilang taon ko sa pag-aaral. Sinimulan kong isipin ang aking kasalanan at kahihiyan tungkol sa pagpapabaya sa aking espirituwalidad. At matapos malayo sa ebanghelyo nang napakatagal, nagkaroon ako ng mga tanong at palagay tungkol sa Simbahan na umuubos sa aking maliit na binhi ng pananampalataya.

Habang naglalakad ako sa paligid ng aking unibersidad nang nakayuko, nadaanan ko ang gusali ng institute. Nang may mabigat na puso at puno ng mga tanong at kaunting pananampalataya na lamang, nakumbinsi ko ang sarili ko na pumasok. Nag-alinlangan ako sa ebanghelyo at nag-atubili akong makibahagi sa anumang bagay na may kaugnayan sa Simbahan, ngunit nag-enrol ako sa isang klase na nag-iisip na makatutulong ito sa akin na makahanap ng kaunting patnubay.

Sinimulan ng isang klaseng iyon ang isang landas na nagpabago sa buhay ko. At mula rito, natutuhan ko ang apat na mahahalagang aral.

1. Tayo ay Perpektong Minamahal

Isa sa pinakamalalaking tanong ko nang simulan ko ang klase ay “Mahal pa rin ba ako ng Diyos?” Nalito ako sa mga pagpiling ginawa ko noong pumasok ako sa paaralan. Pakiramdam ko hindi na ako makababalik. Ngunit habang patuloy akong dumadalo sa institute kada linggo, laging may isang mensahe sa bawat lesson na tumimo sa akin: “Ang pagmamahal ng Diyos ay walang hangganan.”

Maaari tayong makagawa ng mga pagkakamali, ngunit ang magiliw na paalala mula sa aking guro na mahal tayo ng ating Ama sa Langit ay isa sa pinakamalalaking kaalamang natanggap ko sa bawat klase ng institute sa unang semestre ko. Natanto ko na gaano man kataliwas dito ang iniisip natin, mahal Niya tayo at nais Niya tayong gabayan.

2. Nais ng Ama sa Langit na Magtanong Tayo at Hanapin ang Katotohanan

Napakarami kong tanong tungkol sa Simbahan habang lumalaki ako, ngunit natakot akong mahatulan ng iba kung kaya’t hindi ko itinanong ang mga ito. At bilang young adult, lalong mas marami akong tanong.

Nang magsimula akong dumalo sa institute, mas nagtuon ako sa mga tanong ko na hindi masagot kaysa sa aking pananampalataya at sa mga katotohanang alam ko. At nang dumating ang pandemyang COVID-19 at napuno ako ng stress at pagkabalisa, nahirapan akong madama ang Espiritu. Umaasang may madarama ako, nagpasiya akong lumuhod at manalangin sa unang pagkakataon sa loob ng maraming buwan. Bago ako nakapagsalita, napuno ng luha ang aking mga mata at napuspos ako ng matinding pagmamahal. Nagsumamo ako sa Panginoon na sagutin ang lahat ng tanong ko, pagaanin ang aking pasanin, at maghatid sa akin ng kapayapaan.

Hindi nagtagal pagkatapos ng panalanging iyon, kinausap ako ng titser ko sa institute kasama ang isang kaklase at tinanong kami kung ano ang kailangan ng mga young adult, dahil nais niyang lumikha ng mga klase na tutugon sa pinaka-karaniwang mga hamon at tanong. Nakapapanatag na malaman kung gaano niya kagusto na tumulong, at sinabi ko ang mga totoong nadarama ko. Habang nag-uusap kami sa buong hapon tungkol sa aming mga pangangailangan bilang mga young adult sa Simbahan, nakahanap ako ng sagot sa aking panalangin sa mga salita ng kaklase ko.

Natanto ko na hindi lang ako ang may mga tanong at hindi nakakahiyang magkaroon ng mga tanong na ito, hindi tulad ng dati kong naisip.

Nakadama ako ng espirituwal na sigla pagkatapos ng pag-uusap na iyon, at kumpiyansa ako sa unang pagkakataon na nagmamalasakit ang Ama sa Langit sa aking mga tanong at tutulungan Niya akong mahanap ang mga sagot sa takdang panahon.

3. Maaari Tayong Matuto mula sa mga Young Adult na Katulad Nating Mag-isip

Ang mga young adult sa Simbahan ay nasa iba’t ibang landas at magkakaiba ang pananaw, at maaaring mahirap para sa atin na maghanap ng pagkakatulad sa isa’t isa. Ngunit ang isang bagay na karaniwan sa atin ay ang ebanghelyo.

Sa paglago ng pakikilahok ko sa institute, kamangha-manghang makarinig mula sa mga young adult na may napakaraming natatanging karanasan na natatagpuan ang kanilang espirituwal na lakas sa pakikipaglaban sa kaaway.

Ang damdaming nag-iisa ako ay nagsimulang mawala noong nasa institute ako. Sa patuloy na pakikipagkaibigan at pag-uusap tungkol sa ebanghelyo, nagkaroon ako ng mga kaibigan, at ang impluwensya ng mga kaibigang ito ay nagpala at nagbigay-inspirasyon sa akin na patuloy na patatagin ang aking pananampalataya.

4. Kailangan Nating Magkaroon ng Sariling Patotoo

Noong kabataan ko, nagsimba ako dahil gusto ng mga magulang ko na magsimba ako. Ang aking patotoo sa ebanghelyo ay anino lamang ng kanilang buhay. Ngunit habang patuloy akong umuunlad at naghahanap ng katotohanan sa institute, nagkaroon ako ng sarili kong patotoo sa halip na magtago sa likod ng mga patotoo ng aking mga magulang. Ang binhi ng pananampalatayang itinanim ko maraming taon na ang nakalipas ay nagsimulang umusbong nang mabilis mula nang bigyan ito ng aking mga klase sa institute ng lupa at sustansyang kailangan nito para umusbong.

Sa huli, malaki ang ginampanan ng institute sa pagbabalik-loob ko sa ebanghelyo ni Jesucristo. Patuloy akong tinutulungan ng institute na palaguin ang aking pananampalataya at patuloy na naglalaan ng ligtas na lugar para makapagtanong ako ng mahihirap na bagay. Bagama’t miyembro ako sa buong buhay ko, nang dumalo lang ako sa institute at natutuhang ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo naging tapat ang aking patotoo at, higit sa lahat, akin ang patotoong ito.

Ang pakikibahagi sa institute ay nagbibigay ng mga pagkakataon para sa maraming pagpapala sa mga young adult. Ipinangako ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018), “Kung kayo ay masigasig na mag-aaral ng mga banal na kasulatan, ang kapangyarihan ninyong umiwas sa tukso at tumanggap ng patnubay ng Espiritu Santo sa lahat ng inyong ginagawa ay mag-iibayo.”2

Muli kong inuulit at binibigyang-diin ang mga ipinangakong pagpapalang ito ng institute mula sa ating pinakamamahal na propeta noon. Naging mas madali ang pakikibaka ko sa mga pagbabagong dala ng pagiging young adult nang mas lumakas ang patotoo ko sa ebanghelyo. Ang pakikibahagi sa institute ay nakatulong sa akin na magkaroon ng patotoo, na talagang naging kalasag ko sa pag-iwas sa mga tukso ng mundo, at sa palagiang pag-aaral ng mga banal na kasulatan kasama ang kapwa ko mga young single adult. Nakita ko kung paano tunay na inspiradong programa ang institute mula sa ating Ama sa Langit.

Mga Tala

  1. L. Tom Perry, “Receive Truth,” Ensign, Nob. 1997, 61–62.

  2. Thomas S. Monson, Abr. 21, 2009, institute.ChurchofJesusChrist.org.