2022
Babala ng Pagbaha
Pebrero 2022


Pagtanda nang May Katapatan

Babala ng Pagbaha

Ang awtor ay naninirahan sa Idaho, USA.

Paano mo matutulungan ang mga mahal mo sa buhay na iwasan ang kalaswaan, karahasan, at pornograpiya sa media ngayon?

Larawan
trees, with signs, next to a river

Larawang ibinigay ng awtor

Ilang taon na ang nakalipas, sa isang maliit na bayan ng Illinois sa pampang ng Ilog Mississippi, kinuhanan ko ng larawan ang dalawang karatulang ipinako sa mga puno sa gilid ng tubig. Mababasa sa isang karatula: “Ang ilog ay umabot sa lebel na ito noong Hulyo 1993.” Sa kasunod, na mas mataas pa, ay mababasa: “Ang Mississippi ay umabot sa lebel na ito noong Hunyo ‘08.” Sa kabila ng kalsada, ilang metro ang layo mula sa mga karatulang iyon, ang magagandang tahanan ay nasisiyahan sa magandang tanawin ng ilog. Pero ang mga tahanang ito, bagaman magaganda ang mga ito, ay nasa lugar na binabaha. Nang makita ko ang dalawang karatula at nang tingnan ko ang mga tahanan sa malapit, dalawang ideya ang pumasok sa aking isipan:

  1. Ang panahon para maghanda para sa mga baha ay hindi kapag ang tubig ay hanggang tuhod mo na.

  2. Kung sadya kang magtatayo sa lugar na binabaha, hindi ka maaaring magreklamo kapag sinira ng marumi at umiikot na tubig ang bahay na minamahal mo.

Labanan ang Baha

Ang mundong ginagalawan natin ngayon ay palaging binabaha—isang baha ng kalaswaan, karahasan, at pornograpiya na nakabalatkayo bilang libangan. Ang baha ay talagang laganap at nakasisira at napuno na nito ang mundo ng karumihan at kasiraan, kaya naging karaniwan na ito sa marami at hindi na nakagigimbal ang mga ito.

Paano natin matutulungan, bilang mga senior, ang mga mahal natin sa buhay na maiwasang matangay ng gayong baha? Ano ang magagawa natin para matulungan silang ilatag ang pundasyon ng kanilang buhay nang malayo sa pinagmumulan ng mga potensyal na problema?

Ang mga magulang ay may responsibilidad na turuan ang kanilang mga anak. At bilang lolo’t lola, natutuhan ko na kailangan nating mag-ingat na hindi manghimasok. Pero paano kung napag-uusapan ang paksa? Naaalala ko ang pag-uusap namin ng isa sa aking mga apong lalaki, na ngayon ay nasa misyon. Sinabi niya sa akin na ang mga kabataan ngayon ay nahaharap sa mga pagpili sa pagitan ng moralidad at imoralidad araw-araw. Narito ang ilan sa mga isyung pinag-usapan namin, pati na ang mga mungkahi sa pagharap sa mga ito:

  • Kung minsan kailangang gumawa ng mga personal na pagpili na hindi magiging popular o babatikusin ng iba. Halimbawa, paano natin dapat harapin ang mga pelikula o palabas kung saan ay may “isa o dalawa lang na masasamang eksena” o kung saan ang rating ay “para lamang sa wika at karahasan”?

  • Kung ikaw ay nag-aalinlangan o may tanong tungkol sa nilalaman ng isang partikular na palabas, subukang isipin kung paano ka magpapaliwanag sa iyong pamilya—o marahil sa Tagapagligtas—kung bakit tila sapat ang kahalagahan ng palabas na ito para pag-ukulan mo ito ng oras.

  • Iwasang magklik sa mga item na walang-dudang naglalaman ng mga bagay na maglalagay sa mga pamantayan mo sa alanganin. Halimbawa, ano talaga ang inaasahan mong makita kung magkiklik ka sa “Mga larawang masyadong mainit para i-print noong dekada ng 1980”?

  • Sasabihin ng mga tao na, “Hinahayaan ako ng mga magulang ko na panoorin ang mga bagay na iyon.” Kapag ginawa nila ito, panindigan ang iyong personal na mga pamantayan sa halip na magpadala sa pamimilit ng barkada.

  • Sasabihin ng iba na “iba na ang mga bagay-bagay ngayon.” Pero ang totoo, walang mga bagong kasalanan sa henerasyong ito o kahit sa iba pa. Ang diyablo ay nakakahanap lamang ng bago at mas hayagang mga paraan para itanghal ang mga ito. Isaisip ang talatang ito: “Hindi ko masasabi sa inyo ang lahat ng bagay kung saan kayo ay maaaring magkasala. … Ngunit ito lamang ang masasabi ko sa inyo, … [bantayan] ang inyong sarili at ang inyong mga isipan, at ang inyong mga salita, at ang inyong mga gawa” (Mosias 4:29–30).

  • Dapat buo sa inyong isipan kung bakit ayaw ninyong makita o marinig ang ilang bagay sa inyong tahanan. Maaari mong asahan na tatanungin ka kung bakit, kaya dapat may nakahanda ka nang sagot na pinag-isipan mo na.

Iwasan ang Karumihan

Sa pag-uusap namin ng apo ko, nalaman ko na malugod niyang tinanggap ang payo ko. Masaya siya na napag-usapan namin ang mga bagay na ikinababahala niya. Ang kagustuhan niyang kausapin ako ay nagpapaalala sa akin na bilang mga senior, maaari nating gampanan ang papel na pagtulong sa mga kabataan na makita sa kanilang sarili ang anak na inaasam ng Ama sa Langit na kahihinatnan nila.

Narito ang ilan pang bagay na napag-usapan namin ng mga apo ko nang humingi sila ng payo sa akin kung paano mananatiling malinis sa isang mundong marumi:

  • Nagbabala ang Panginoon tungkol sa “masasama at mga pakana … sa mga puso ng mga nagsasabwatang tao sa mga huling araw” (Doktrina at mga Tipan 89:4). Hindi lamang siya nagsasalita tungkol sa mga taong nagbebenta ng mga sangkap na nakapipinsala sa katawan. Mayroon ding mga pagsasabwatan na ang target ay ang ating mga isipan at espiritu. Ang awtor ng mga pagsasabwatan na iyon ay ang nilalang ding iyon na nagtangkang ilayo tayo sa Ama sa Langit bago pa natin taglayin ang ating mga mortal na katawan.

  • Ang mga taong tapat na umiiwas sa karumihan ay maaari ding maharap sa pangungutya at pambabatikos mula sa kanilang mga kabarkada. Kung minsan ang pambabatikos na ito ay magmumula sa mismong mga taong hinangaan o iginalang nila. Marahil ay ito ang pinakamasakit na panlalait.

  • Maaaring sikapin ng iba na kumbinsihin tayo na may mabubuting dahilan kung bakit mali ang ating pag-iisip: “Dapat ay kayang harapin ng nasa hustong kaisipan at maalam na mga adult ang pagbabago ng mga moral na pamantayan ng ating panahon. Bakit hindi mo iyon kayang gawin?” Ang mga tanong na tulad nito, bagama’t ipinakikita bilang “naliwanagan,” ay binabalewala ang ating kalayaang pumili na bigay ng Diyos para piliin ang sarili nating mga pamantayan ng moralidad. Hindi natin makokontrol ang mundo o ang kalayaan ng iba. Pipiliin nila ang gusto nilang piliin. Ang tanging proteksyon natin ay kontrolin ang sarili nating mga pagpili.

Magtayo sa Mataas na Lugar na Hindi Binabaha

Larawan
house on rock

Ipinakikita ng mga bahay na iyon sa tabi ng Ilog Mississippi na kung pipiliin ninyong magtayo ng tahanan malapit sa ilog, maaari kayong makatakas sa panganib sa loob ng ilang panahon, pero sa malaon at madali ay darating ang mga baha. Minsan ay nagsalita si Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa mga miyembrong gustong magtayo ng tirahan sa Sion habang sinisikap na panatilihin ang isang bahay bakasyunan sa Babilonia.1 Nagbabala ang Panginoon sa Kanyang mga tao na tumakas na sa Babilonia o manganib na malipol (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 64:24; 133:14). Kung makikinig tayo sa mga bulong ng Espiritu Santo, babalaan Niya tayo kapag masyado tayong malapit sa Babilonia.

Ang tanging proteksyon natin ay magtayo ng matibay na pundasyon sa mataas na lugar na hindi binabaha.

Nang kuhanan ko ng larawan ang dalawang karatula sa tabi ng Mississippi, kaming mag-asawa ay naglilingkod bilang mga missionary sa mga makasaysayang lugar ng Nauvoo. Sa brickyard doon, bilang mga missionary ay kinakausap namin ang mga bisita tungkol sa kahalagahan ng pagtatayo ng matitibay na pundasyon. Kapag may maliliit na bata sa isang grupo ng mga bisita, hinihiling namin sa isa sa kanila na isalaysay ang kuwento ni Jesus, tungkol sa matalinong lalaki na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng bato (tingnan sa Mateo 7:24–27). Pagkatapos ay pinag-uusapan namin ang Helaman 5:12, kung saan nalaman natin na ang batong dapat nating pagtayuan ay ang “ating Manunubos, na si Cristo.”

Saanman natin itayo ang ating pundasyon, mahaharap tayo sa mga unos sa buhay na ito. Itinuturo sa Helaman 5:12 na dapat tayong magtayo sa pundasyon o saligan na si Jesucristo upang “kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, … kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa [atin], hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan sa [atin]” (idinagdag ang pagbibigay-diin).

Kung itatayo natin ang ating personal na espirituwal na pundasyon sa Bato ng ating Manunubos at hihikayatin ang ating mga anak at apo na gawin din ito, malalampasan natin ang mga baha dahil Siya ay makakasama natin.

Tala

  1. Tingnan sa Neal A. Maxwell, A Wonderful Flood of Light (1990), 47.