2022
Pagtulong sa mga Bata at Kabataan na Magkaroon ng Magandang Kaisipan tungkol sa Pag-unlad
Pebrero 2022


Digital Lamang

Pagtulong sa mga Bata at Kabataan na Magkaroon ng Magandang Kaisipan tungkol sa Pag-unlad

Paano natin matutulungan ang ating mga anak na matuto at umunlad at maging lalong katulad ni Cristo maging sa mga kabiguang nararanasan nila?

Larawan
ama at anak na babae na nag-aapir

Sa programang Mga Bata at Kabataan, hinihikayat ang mga indibiduwal na maghangad ng personal na paghahayag habang gumagawa sila ng mga plano upang umunlad sa espirituwal, pakikipagkapwa, pisikal, at intelektuwal at maging lalong katulad ni Jesucristo. Ang mga magulang ay nagbibigay ng mahalagang suporta para sa kanilang mga anak sa mga pagsisikap na iyon.

Kung minsan nasasabik tayong makamit ang mga mithiin at tulungan ang ating mga anak na gawin din iyon, ngunit kapag nagiging abala tayo, nawawalan tayo o ang ating mga anak ng motibasyon, o tila humahadlang ang buhay sa pagtatakda ng mga mithiin, maaaring isipin natin, Bakit pa gagawa ng mga mithiin kung hindi naman ito makakamit?

Ang isang mahalagang kasanayan na maituturo natin sa ating mga anak ay ang pagkakamit ng mga mithiin nang may magandang kaisipan tungkol sa pag-unlad:1 ang pagkakaroon ng pananaw na matuto mula sa pagsisikap, paghihirap, at maging sa mga pagkakamali.

Paano kung nahaharap ang ating mga anak sa mga balakid habang inaabot nila ang kanilang mga mithiin?

Ang mga balakid ay natural (tingnan sa 2 Nephi 2:11). Bukod pa sa pakikipag-usap sa ating mga anak tungkol sa magagandang nangyayari kapag nakamit nila ang mga mithiin, maaari nating pag-usapan ang tungkol sa mga hamon habang ginagawa ito. Kung minsan kapag pinag-uusapan ng mga bata at kabataan ang tungkol sa tagumpay, nalilimutan nila ang mahihirap na mga hamon na daraanan nila sa landas tungo sa pag-unlad.

Kamakailan ay nakipag-usap si Jessica sa isang young adult na pinanghihinaan ng loob dahil sa ilang mga balakid at hindi alam kung anong direksyon ang tatahakin. Inihahambing niya ang kanyang sarili sa isang taong hinahangaan niya. Ipinaalala sa kanya ni Jessica na lahat ng tao ay may mga tagumpay at mga hamon sa paglalakbay, maging ang mga taong hinahangaan natin. Pagkatapos ay ipinahayag niya ang kanyang paniniwala na makakayanan nito ang mga hamon sa kanyang mga mithiin.

Paano natin matutulungan ang mga bata na madaig ang hindi magandang perpeksyonismo?

Ang pagsisikap para sa walang-hanggang pag-unlad ay nangangailangan ng magandang kaisipan tungkol sa pag-unlad. Kadalasan ay nawawalan ng perspektibo ang mga indibiduwal at nadarama ang bigat ng mga inaasahan sa kanila ng iba at ang sarili nilang hangaring magmukhang nakakayanan nila ang lahat ng bagay. Ang uring ito ng perpeksyonismo ay humahadlang sa pagtatakda ng mithiin, at sa huli, sa pag-unlad, na nakakaapekto kapwa sa mga magulang at mga anak.

Sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na kapag tiningnan natin ang utos na maging perpekto (tingnan sa Mateo 5:48) nang may di-kumpletong pananaw, “gugustuhin nating bumalik sa higaan at magtalukbong na lamang.” Hinikayat niya ang pagkakaroon ng pangmatagalang pananaw, na nagtitiwala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo habang daan. “Maliban kay Jesus,” paalala ni Elder Holland, “walang hindi nagkasala sa paglalakbay sa buhay na ito, kaya habang tayo ay nasa mortalidad, pagsikapan nating patuloy na magpakabuti pa at iwasan ang sinasabi ng mga behavioral scientist na ‘toxic perfectionism’ o obsesyon na maging perpekto.”2 Kabilang sa plano ng Ama sa Langit ang pagkakataon para matuto tayo mula sa mga pagkakamali at daigin ang kasalanan sa pamamagitan ni Jesucristo upang umunlad at maging katulad Niya (tingnan sa Alma 42:4, 13–15).

Kung ang mga bata at kabataan ay natutong magtiwala sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas sa lahat ng bagay sa kanilang buhay, mas malamang na mapagbubuti nila ang sarili nilang mga talentong ibinigay ng Diyos. Ang pagtatakda ng mga mithiin ay tumutulong sa ating banatin ang ating sarili sa labas ng ating comfort zone. Ang pag-unlad na ito ay bahagi ng plano ng Ama sa Langit para sa atin.

Tulad ng itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap ng Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Kabilang sa plano ng ating minamahal na Ama sa Langit ang pagbibigay ng mortal na buhay na ito upang lumago, umunlad, at matuto tayo para maging higit na katulad Niya.”3 Ang paghahangad sa pag-unlad na ito ay nangangahulugan na kung minsan ay hindi natin magagawa ang gusto nating gawin o maaaring kailangan nating sumubok ng ilang paraan para magtagumpay. Nilayon tayong lumago nang “taludtod sa taludtod” (Doktrina at mga Tipan 98:12). Ngunit hindi natin kailangang gawing mag-isa ang pag-unlad na iyon.

Dahil sa ating Tagapagligtas—na nagtakda ng huwarang dapat nating sundan—at sa Kanyang Pagbabayad-sala, matatanggap natin ang kakayahan na maisakatuparan ang higit pa sa magagawa natin nang mag-isa sa pamamagitan Niya. Sa pamamagitan ng biyaya, ang “dakilang tulong o lakas mula sa Diyos, na ibinibigay sa pamamagitan ng saganang awa at pag-ibig ni Jesucristo, matatanggap [natin] ang lakas at tulong para magawa natin ang mabubuting bagay na hindi natin patuloy na magagawa sa sarili nating kakayahan.”4

Kapag natutuhan ng mga bata na umasa sa Tagapagligtas na tutulong sa kanila na umunlad sa maliliit at mga simpleng karanasan sa kanilang pagtatakda ng mithiin, nagkakaroon sila ng mga huwaran na tutulong sa kanila sa mas mahihirap na karanasan sa buhay at gayon din kapag kailangan nilang pagsisihan ang mga kasalanan. Malalaman nila kung paano humingi ng tulong sa kanilang Ama sa Langit at sa Tagapagligtas (tingnan sa Alma 37:6–7, 36–37).

Paano natin matutulungan ang ating mga anak na maunawaan ang proseso ng pagkatuto at pag-unlad sa kabila ng mga kabiguan na nasa daan?

Ang isang estratehiya ay nasa isang konsepto na tinatawag na scaffolding.5 Kapag itinatayo ang isang gusali, ang scaffolding ay nagbibigay ng pansamantalang istruktura na magagamit ng mga nagtatayo para maabot ang taas na kinakailangan sa pagkumpleto ng kanilang mga proyekto. Gayundin, makatutulong tayo sa pamamagitan ng pagbibigay ng scaffolding na magagamit ng mga bata sa kanilang personal na pag-unlad habang bumubuo sila ng mga bagong kasanayan upang makamit ang isang bagay na higit pa sa kanilang kasalukuyang mga kakayahan. Ang scaffolding na ito ay bahagi ng kung paano tayo makatutulong sa “[pagsanay sa] isang bata sa daan na dapat niyang lakaran” (Mga Kawikaan 22:6). Narito ang ilang makatutulong na alituntunin para malagyan ng “scaffolding” ang personal na pag-unlad ng inyong mga anak:

  • Ang mga bagong simula (hal., ang simula ng school year, kaarawan, o bagong taon) ay magagandang pagkakataon para magtakda ng mga mithiin dahil mas nahihikayat tayo.

  • Bagama’t ang maliliit na gantimpala tulad ng mga papuri o yakap ay makatutulong sa ating mga anak na gawing mabubuting gawi ang kanilang mga plano, ang malalaking gantimpala tulad ng pagkuha ng isang mamahaling bagay para sa matataas na marka ang nagpapahina sa kahalagahan ng kasipagan.6 Ang nais natin ay itimo sa mga bata at kabataan ang mga aral at espirituwal na pag-unlad na nararanasan nila—kung paano sila mas napapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at kung paano sila nagkakaroon ng mas malaking kakayahang maglingkod sa iba tulad ng Kanilang ginagawa—sa halip na magnais ng mga panlabas na gantimpala.

  • Ang pagputol-putol sa malalaking mithiin sa maliliit na bahagi ay mas nagpapadali sa paggawa nito at mas malamang na maisakatuparan ito.

  • Ang Goldilocks principle ay nakatutulong—ang mga mithiin ay hindi dapat masyadong madali o masyadong mahirap. Nais nating mabanat nang sapat ang ating mga anak at kabataan para lumago, ngunit hindi sa paraang sobra-sobra na nalulungkot na sila at sumusuko.7

  • Ang mga bata ay natututo mula sa halimbawa ng iba, kaya ang pagtatakda ng sarili nating mga mithiin bilang mga magulang at pagbabahagi ng pag-unlad na nagagawa natin sa kanila ay isang magandang paraan para maituro ang pagtatakda ng mithiin.

  • Ang pagbigay ng regular na oras upang marebyu ang mga mithiin bilang pamilya o upang magkaroon ng sarilinang pakikipag-usap sa kanila ay makatutulong para manatili ang pagtuon sa mga mithiin.

  • Ang pagpapaalala sa isa’t isa ng tunay na kahalagahan ng mga mithiin, magtagumpay man tayo o hindi, ay nagpapakita rin ng tamang pananaw.

Paano kung hindi gumagawa at nagtatakda ng kahit isang mithiin ang ating mga anak?

Matutulungan natin ang mga bata at kabataan na pag-isipan kung ano ang gusto nilang marating sa hinaharap nang may saktong antas ng pag-uusisa. Halimbawa, maaaring itanong ng mga magulang, “Ano ang inaasahan mong maisakatuparan sa taong ito sa paaralan?” at pagkatapos ay tulungan silang gumawa ng mga simpleng hakbang tungo sa kanilang pangmatagalang mga mithiin. Itinuro ni Elder Ballard: “Sa paglipas ng mga taon, napuna ko na ang mga taong may pinakamaraming nagagawa sa mundong ito ay ang mga taong may pangarap sa buhay, may mga mithiing nakatuon sa kanilang pangarap at mga plano kung paano makakamit ang mga ito. Kapag alam ninyo kung saan kayo patungo at paano ninyo inaasahang makarating doon, magkakaroon kayo ng kahulugan, layunin, at tagumpay sa buhay.”8

Ang isa pang estratehiya ay tulungan silang matuklasan ang mga natatanging interes at kaloob na ibinigay sa kanila ng Ama sa Langit (tingnan sa I Corinto 12:4–31; Moroni 10:8–18; Doktrina at mga Tipan 46:8–26). Ang ilan ay maaaring natutuwa sa mga kabayo; ang iba sa soccer, musika, theater, o kalikasan. Maaaring sumisigla ang ilang bata o kabataan sa pag-iisip ng isang taong hinahangaan nila sa ward, sa inyong pamilya, o sa isang propesyon na gusto nilang tahakin.

Ang pakikipag-usap sa kanila tungkol sa mga hakbang na ginawa mo para magtagumpay at kung paano mo tinrato ang mga kabiguan ay makatutulong. Sa pagsuporta sa kanilang mga interes, may pagkakataon tayong ituro ang pagtatakda ng mithiin at tulungan silang maunawaan na interesado ang Ama sa Langit at si Jesucristo na tulungan silang umunlad sa lahat ng aspekto ng kanilang buhay.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Carol S. Dweck, Mindset: The New Psychology of Success (2006).

  2. Jeffrey R. Holland, “Kayo Nga’y Mangagpakasakdal—Sa Wakas,” Liahona, Nob. 2017, 40, 42.

  3. M. Russell Ballard, “Makabalik at Makatanggap,” Liahona, Mayo 2017, 63.

  4. Bible Dictionary sa LDS English version ng Biblia, “Grace.”

  5. Ang teoryang ito para sa paglago ng mga bata ay inilarawan sa Brian J. Reiser and Iris Tabak, “Scaffolding,” sa The Cambridge Handbook of the Learning Sciences, Ika-2 ed., inedit ni R. Keith Sawyer (2014), 44–62.

  6. Tingnan sa Richard M. Ryan and Edward L. Deci, “Self-Determination Theory and the Facilitation of Intrinsic Motivation, Social Development, and Well-Being,” American Psychologist, tomo 55, blg. 1 (Ene. 2000), 68–78.

  7. Tingnan sa Frédéric N. Brire and others, “Depressive and Anxious Symptoms and the Risk of Secondary School Non-Completion,” The British Journal of Psychiatry, tomo 211, blg. 3 (Set. 2017), 163–68.

  8. M. Russell Ballard, “Makabalik at Makatanggap,” 62.