2022
Pamumuhay na “Tila Baga” Natupad na ang mga Pangako ng Diyos
Pebrero 2022


Pamumuhay na “Tila Baga” Natupad na ang mga Pangako ng Diyos

Isang simpleng kataga ang nakatulong sa akin na makita ang mga paraan na tinutupad ng Diyos ang Kanyang mga pangako, kabilang na ang mga nasa aking patriarchal blessing, kahit maaaring hindi ko maranasan ang mga ito ngayon.

Larawan
young adult woman

Mga paglalarawan mula sa Getty Images

Kung minsan ang pagkakaroon ng walang-hanggang pananaw ay parang pagpapala at isang sumpa. Bagama’t napapanatag ako na malaman na magiging maayos ang mga bagay-bagay kalaunan, ang kawalang-hanggan ay parang napakatagal na panahon ng paghihintay. Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol na “ang Diyos ay nabubuhay sa walang-hanggan ngayon kung saan ang nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap ay palaging nasa Kanyang harapan.”1 Ipinapaisip sa akin ng turong ito na hindi lamang ako nakikita ng Diyos na naghihintay sa mga pangako ngayon kundi nakikita rin ang epekto ng katuparan ng mga pangakong iyon sa kawalang-hanggan. Bagama’t wala akong asawa o mga anak sa mundong ito sa kasalukuyan, nakikita Niya ako bilang isang asawa at ina. Bagama’t araw-araw akong nagpapakita ng kahinaan at kamalian ng tao, nakikita Niya ako bilang isang niluwalhati at perpektong nilalang. At dahil nakikita Niya ako sa mga walang-hanggang tungkuling iyon, maaari akong umasa at mamuhay na “tila baga” (Jarom 1:11) ang mga bagay na iyon ay nangyari na.

Ang pamumuhay na “tila baga” ay nangangailangan ng paniniwala na ang Diyos ay tumutupad sa pangako. Bagama’t ang “tumutupad sa pangako” ay hindi isang kataga sa banal na kasulatan, naging isa ito sa mga paborito kong deskripsiyon sa Kanya. Ang mga banal na kasulatan ay isang aklat ng mga pangako. Ang Kanyang banal na templo ay bahay ng mga pangako. Ang aking mga tipan sa Kanya ang aking mga personal na pangako. Ang Kanyang gawain ay gawain ng mga pangako. At Siya ay tumutupad sa pangako at sabik na magbuhos ng mga biyaya sa Kanyang mga tao (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 109:21). Naalala niya si Raquel, iniligtas si David, pinakain ang babae ng Sarepta, inakay ang mga anak ni Israel patungo sa lupang pangako, at pinasimulan ang matagal nang ipinangakong Pagpapanumbalik ng Kanyang ebanghelyo. At ang pinakamahalaga sa lahat, isinugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak “upang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang-hanggan ng tao”(Moises 1:39). Tunay ngang sa buong banal na kasulatan “inihayag ng Panginoon ang Kanyang sarili at ang Kanyang perpektong pagkatao … upang matulungan ang isipan ng tao na magtiwala sa Kanya nang walang pag-aalinlangan” (Bible Dictionary, “Faith”).

Dahil ang Diyos ay Diyos ng mga pangako, nagiging mahirap kung minsan para sa akin na maunawaan kung bakit hindi pa natutupad ang ilang pangako sa buhay ko. Marami akong kilalang iba pa na nadama rin ang tulad ng nadama ko kapag nirerebyu ang kanilang patriarchal blessing o pinag-aaralan ang iba pang mga basbas ng priesthood at mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo. Kaya paano tayo mamumuhay “na tila baga” natupad na ang mga pangakong iyon? Gusto kong magbahagi ng tatlong ideya.

1. Isipin ang Iba’t Ibang Pangako

Isa sa mga susi sa paniniwala na ang Ama sa Langit ay tumutupad sa pangako ay ang malaman ang iba’t ibang pangakong ibinigay Niya sa atin. Ang ilang pangako ay tila mas nakatutuwa o mas mahalaga kaysa sa iba, at kadalasan ay iyon ang mga bagay na madalas nating pagtuunan ng pansin. Bagama’t nauunawaan natin na marami sa mga pangakong ito ay hindi makukumpleto sa buhay na ito, umaasa tayong matatanggap natin ang ilang bahagi nito sa buhay na ito at mamumuhay nang tapat upang balang-araw ay matamo ang katuparan ng mga ito. Halimbawa, inaasam natin na ang “pagkabuhay na mag-uli ay maganap sa lahat” (2 Nephi 9:22), ang kagalakan ng pagdadala ng “isang kaluluwa [sa Kanya]” (Doktrina at mga Tipan 18:15), ang kaligtasan mula sa “isang tinik sa laman” (2 Corinto 12:7), isang walang-hanggang kasal at pamilya, at sa huli, kadakilaan at pagiging katulad ng ating mga magulang sa langit.2

Ang iba pang mga pangako ay maaaring maliit at simple at kung minsan ay binabalewala pa. Dahil sa mga pangakong ito ay posibleng magkaroon ng kagalakan sa mortalidad at kasama rito ang mga bagay na tulad ng palaging pagkakaroon ng “Espiritu upang makasama [natin]” (Doktrina at mga Tipan 20:77), batid na “ang [Kanyang] biyaya ay sapat” (2 Corinto 12:9), dumaranas ng “kapayapaan sa daigdig na ito” (Doktrina at mga Tipan 59:23), at pagiging “[ma]saya sa lahat ng sitwasyon.”3 Nangangako si Cristo na, “Hindi ko kayo iiwang nag-iisa, ako’y darating sa inyo” (Juan 14:18).

Ang Kanyang mga pangako ay walang katapusan tulad ng Kanyang kapangyarihan at Kanyang pagmamahal. Kapag nag-uukol tayo ng oras na mas lubos na maunawaan ang ipinangako Niya, madaragdagan ang posibilidad na makikita natin ang higit na katuparan ng Kanyang mga pangako at, dahil dito, magtitiwala tayo sa Kanya na Siya ay tumutupad sa pangako.

2. Kilalanin ang Kanyang Kamay

Sa palagay ko maraming beses na akong nagtuon sa tila mas mahahalagang pangako o sa isang partikular na pangako na inaasam ko kung kaya’t hindi ko napansin ang ginagawa ng Panginoon para sa akin sa kasalukuyan. Madalas tayong maghanap ng katibayan sa anumang hinahanap natin. Kung hahanapin natin ang katuparan, makikita natin ang patnubay ng Panginoon sa ating panahon. Makikita natin ang mga pintuan na binuksan Niya para sa atin. Makikita natin ang “mga paniniyak” (Alma 58:11) na ipinadala Niya sa atin.

Ang isang paraan na natutuhan kong makita ang Kanyang patnubay ay nagmula kay Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na nagturo tungkol sa pagsusulat araw-araw ng tala kung paano natin nakita ang kamay ng Diyos na tumutulong upang pagpalain tayo araw-araw.4 Ang araw-araw na pagmumuni-muni at pagtatala na ito ay maaaring nagpabago sa akin nang higit sa anumang bagay. Sa pamamagitan nito, nagsimula kong makita na kasama ko ang Panginoon sa paglalakad araw-araw at tinutupad ang mas maraming pangako kaysa inakala ko.

Nabubuhay tayo sa isang mundo kung saan marami ang nagtutuon ng pansin sa mga bagay na kulang sa kanilang buhay. Napakarami sa atin ang sinisimulan ang araw na iniisip na hindi tayo sapat at nagtatapos na ang pakiramdam ay nagkulang tayo. Maaaring madama natin na wala tayong sapat na oras, pera, enerhiya, tapang, pag-asa, pananampalataya, at iba pa. Sa ganitong uri ng pananaw ay napakahirap makita ang anumang katuparan ng mga pangako.

Nakasaad sa himnong “Habang Aming Tinatanggap” na, “Ang tanging nasa isip ay pag-ibig ni Cristo.”5 Sa loob ng maraming taon, ang aking paghahanda para sa sakramento ay nakatuon sa mga pagkakamaling nagawa ko sa nakalipas na (mga) linggo at sa kakulangan na ipinakita ko. Ang nakikita ko lang ay kung gaano ako kalayo sa pagiging katulad ni Cristo. Matapos ituro sa akin ng Espiritu ang mga titik na ito, nagsimula akong magtuon sa kung paano ko nakita ang Kanyang “walang hanggang biyaya” at “walang hanggang pag-ibig” sa nakaraang linggo. Nang pagnilayan ko ito, nakita ko ang katuparan ng mga pangako. Nakita ko na Siya ay nakasama ko. Siya ay nagbigay sa akin ng kaaliwan, kakayahan, at kalakasan. Tinupad Niya ang Kanyang mga pangako.

3. Tulungan Siyang Tuparin ang Kanyang mga Pangako sa Iba

Larawan
close-up of one person’s hand being held by another person’s hands

Ilang Pasko na ang nakalipas, nagkaroon ako ng maraming karanasan na nagpalalim sa aking pang-unawa sa Kanyang hangaring tuparin ang Kanyang mga pangako sa Kanyang mga anak. Sa halip na katakutan ang isa pang malungkot na kapaskuhan, nagpasiya akong hangaring maging kasangkapan Niya sa anumang paraan na kailangan Niya ako. Kaya bawat araw ay itinanong ko sa Kanya kung sino ang kailangang makadama ng Kanyang pagmamahal sa araw na iyon at kung paano ko pinakamainam na maibabahagi ang pagmamahal na iyon sa Kanya. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo nasaksihan ko ang mga himala at nadama ko ang kagalakan ng pagiging kasangkapan sa Kanyang mga kamay sa pagtupad ng ilang maliliit at mga simpleng pangako. Patuloy akong nagdarasal araw-araw para maging kasangkapan para sa Kanya.

Kapag pinipili nating magtiwala sa Diyos at mamuhay “na tila baga” natupad na ang mga pangako, nagkakaroon tayo ng lakas na magbangon mula sa pagkakahiga sa kama, mamuhay nang tapat, at matiyagang maghintay kahit nahihirapan tayong gawin ito. Tulad ni Sara, pinipili nating “[humatol na] tapat ang nangako” (Mga Hebreo 11:11). Tulad ni Abraham, hangad natin na “hindi [mag-alinlangan] sa pangako ng Diyos” (Roma 4:20) habang “umaasa kahit wala nang pag-asa” (Roma 4:18).

Ang pamumuhay “na tila baga” ay magkakaiba sa lahat. Para sa akin, ang ibig sabihin nito ay mabilis at regular akong nagsisisi, nagtitiwala na tinutulungan ako ng aking mga pagsisikap na maging katulad Niya. Tinutupad ko ang mga tipang ginawa ko na, batid na ang mga pagpiling ginagawa ko ngayon ay magpapala sa aking asawa at pamilya. Nagsusumamo ako para sa lakas na “hindi … manliit” (Doktrina at mga Tipan 19:18) dahil sa kalungkutan, at naghahanap ako ng mga pagkakataong pasiglahin ang iba. Lumilikha ako ngayon ng tahanan kung saan magiging maganda ang pakiramdam ko sa pagpapalaki ng mga anak.

Ang pagtitiwala sa Kanyang mga pangako ay hindi palaging madaling piliin. Ang paghihintay sa Panginoon ay nangangailangan ng pananampalataya kay Jesucristo na maaaring, kung minsan, ay parang halos higit ito sa kaya nating gawin. Gayunman nagpatotoo si Alma na, “tutuparin [Niya] ang lahat ng kanyang pangako na gagawin niya sa iyo, sapagkat tinupad niya ang kanyang mga pangakong ginawa niya sa ating mga ama” (Alma 37:17). Tiyak ang mga pangako ng Diyos, at alam ko na magbibigay ang Tagapagligtas ng anumang tulong at suportang kailangan natin kapag hinangad nating makilala at pagkatiwalaan ang ating Ama sa Langit, na magpapatunay sa “kanyang salita … sa kaliit-liitang bagay” (Alma 25:17). Sapagkat tunay na “walang Diyos na gaya mo sa langit sa itaas, o sa lupa sa ibaba na tumutupad ng tipan at nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa iyong mga lingkod na lumalakad sa harap mo [na]ng buong puso nila” (1 Mga Hari 8:23).

Mga Tala

  1. Neal A. Maxwell “Pangalagaan ang Buhay ng Kaluluwa,” Liahona, Mayo 2003, 70.

  2. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 132:20; Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Ina sa Langit,” topics.ChurchofJesusChrist.org.

  3. Eliza R. Snow, sinipi sa Russell M. Nelson, “Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan,” Liahona, Nob. 2016, 82.

  4. Tingnan sa Henry B. Eyring, “O Tandaan, Tandaan,” Liahona, Nob. 2007, 66–69.

  5. “Habang Aming Tinatanggap,” Mga Himno, blg. 99.