2022
Ang Ating Tungkuling Pangalagaan ang Mundo
Nobyembre 2022


Ang Ating Tungkuling Pangalagaan ang Mundo

Malalaking espirituwal na pagpapala ang ipinangako sa mga nagmamahal at nangangalaga sa mundo at sa kanilang kapwa-tao.

Habang bumibisita sa France na aming bayang tinubuan, nagkaroon kaming mag-asawa ng kasiyahang ipasyal ang ilan sa aming mga apo sa isang kaaya-ayang hardin na nasa munting bayan ng Giverny. Masaya naming nilibot ito para makita ang magagandang halamanan, ang eleganteng mga water lily, at ang liwanag na mababanaag sa ibabaw ng tubig sa mga lawa.

Larawan
Hardin ng Giverny

Ang napakagandang lugar na ito ang resulta ng pagkamalikhain ng isang tao: ang dakilang pintor na si Claude Monet, na sa loob ng 40 taon ay maingat na hinugisan at nilinang ang kanyang hardin para gawin iyong lugar na mapagpipintahan niya. Gumugol ng maraming oras si Monet sa kariktan ng kalikasan, pagkatapos, gamit ang kanyang pinsel, ipinahayag niya ang kanyang damdamin tungkol sa ganda ng kalikasan sa mga guhit ng kulay at liwanag. Sa paglipas ng mga taon, nakalikha siya ng pambihirang koleksyon ng daan-daang painting, na tuwirang binigyang-inspirasyon ng kanyang hardin.

Larawan
Painting ng hardin ni Monet

Painting mula sa Musée d’Orsay, Paris, France / Bridgeman Images

Mga kapatid, ang mga pakikipag-ugnayan natin sa mga kagandahan ng kalikasan sa ating paligid ay maaaring magbunga ng ilan sa pinakamasigla at kaaya-ayang mga karanasan sa buhay. Ang mga emosyong nadarama natin ay nagpapaalab sa ating pasasalamat para sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo na lumikha sa napakagandang mundong ito—sa mga bundok at sapa, mga halaman at hayop—at sa mga unang magulang natin na sina Adan at Eva.1

Ang gawain ng paglikha ay hindi lamang para lumikha kundi para sa mas dakilang layunin. Ito ay mahalagang bahagi ng plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak. Layunin nito na magbigay ng lugar kung saan masusubok at magagamit ng kalalakihan at kababaihan ang kanilang kalayaang pumili, makasumpong ng kagalakan, at matuto at umunlad upang balang araw ay makabalik sila sa presensya ng kanilang Lumikha at magmana ng buhay na walang hanggan.

Ang napakagagandang likhang ito ay inihanda para sa ating kapakinabangan at isang buhay na katibayan ng pagmamahal ng Lumikha sa Kanyang mga anak. Ipinahayag ng Panginoon, “Oo, lahat ng bagay na nanggagaling sa lupa … ay ginawa para sa kapakinabangan at gamit ng tao, kapwa upang makalugod sa mata at upang pasiglahin ang puso.”2

Gayunman, ang banal na kaloob na Paglikha ay may kaakibat na mga tungkulin at responsibilidad. Ang mga tungkuling ito ay pinakamainam na inilalarawan sa konsepto ng tungkuling mangalaga. Sa ebanghelyo, ang ibig sabihin ng buong katagang tungkuling mangalaga ay isang sagradong espirituwal o temporal na responsibilidad na pangalagaan ang isang bagay na pag-aari ng Diyos na pananagutan natin.3

Tulad ng itinuro sa mga banal na kasulatan, kabilang sa tungkulin nating pangalagaan ang mundo ang sumusunod na mga alituntunin:

Unang alituntunin: Ang buong daigdig, kabilang na ang lahat ng buhay na naroon, ay pag-aari ng Diyos.

Ipinagkatiwala na ng Lumikha ang lahat ng yaman ng mundo at lahat ng anyo ng buhay sa ating pangangalaga, ngunit Kanya pa rin ang buong pagmamay-ari. Sabi Niya, “Ako, ang Panginoon, ay pinalawak ang kalangitan, at ginawa ang lupa, gawa ng aking kamay; at lahat ng bagay rito ay akin.”4 Lahat ng nasa mundo ay pag-aari ng Diyos, pati na ang ating mga pamilya, pisikal na katawan, at maging ang buhay natin mismo.5

Pangalawang alituntunin: Bilang mga katiwala ng mga likha ng Diyos, tungkulin nating igalang at pangalagaan ang mga ito.

Bilang mga anak ng Diyos, natanggap natin ang responsibilidad na maging mga katiwala, tagapag-alaga, at tagapagbantay ng Kanyang mga banal na likha. Sinabi ng Panginoon na Kanyang ginawa “ang bawat tao, bilang isang katiwala sa mga makalupang pagpapala, na aking ginawa at inihanda para sa aking mga nilalang.”6

Tinutulutan tayo ng Ama sa Langit na gamitin ang mga yaman ng mundo ayon sa ating sariling kagustuhan. Ngunit hindi natin dapat ipakahulugan ang ating kalayaan bilang karapatan na gamitin o ubusin ang mga yaman ng mundong ito nang walang pag-iingat o pagtitimpi. Ibinigay ng Diyos ang paalalang ito: “At ikinalulugod ng Diyos na kanyang ibinigay ang lahat ng bagay na ito sa tao; sapagkat sa ganitong hangarin ang mga ito ay ginawa upang gamitin, nang may karunungan, hindi sa kalabisan, ni sa pagkuha nang sapilitan.”7

Sinabi minsan ni Pangulong Russell M. Nelson: “Bilang benepisyaryo ng banal na Paglikha, ano ang dapat nating gawin? Kailangang alagaan natin ang mundo, maging matatalinong katiwala nito, at ingatan ito para sa mga darating na salinlahi.”8

Maliban pa sa kailangan ito para sa siyensya o kapakanang panlipunan, ang pangangalaga sa mundo at sa ating likas na kapaligiran ay sagradong responsibilidad na ipinagkatiwala sa atin ng Diyos, na dapat magpadama sa atin ng malalim na diwa ng pagiging responsable at mapagkumbaba. Mahalagang bahagi rin ito ng ating pagiging disipulo. Paano natin igagalang at mamahalin ang Ama sa Langit at si Jesucristo kung hindi natin igagalang at mamahalin ang Kanilang mga likha?

Maraming bagay tayong maaaring gawin—nang magkakasama o mag-isa—bilang mabubuting katiwala. Kung iisipin natin ang kani-kanya nating kalagayan, magagamit natin ang mga yaman ng mundo nang mas mapitagan at masinop. Masusuportahan natin ang mga gawain sa komunidad para mapangalagaan ang mundo. Maaari tayong mamuhay sa paraang maigagalang natin ang mga likha ng Diyos at gawing mas malinis, mas maganda, at mas kaaya-aya ang ating sariling tirahan at kapaligiran.9

Kabilang din sa tungkulin nating pangalagaan ang mga likha ng Diyos, na siyang pinakamahalaga, ang sagradong tungkuling mahalin, igalang, at pangalagaan ang lahat ng taong kasama nating naninirahan sa mundo. Sila ay mga anak ng Diyos, ating mga kapatid na babae at lalaki, at ang kanilang walang-hanggang kaligayahan ang layunin mismo ng paglikha.

Isinalaysay ng awtor na si Antoine de Saint-Exupéry ang sumusunod: Isang araw, habang bumibiyahe sakay ng tren, nakita niyang nakaupo siya sa gitna ng isang grupo ng mga refugee. Naantig sa kawalang-pag-asang nakita niya sa mukha ng isang bata, ibinulalas niya: “Kapag sumisibol ang isang bagong rosas sa hardin, nagagalak ang lahat ng hardinero. Ibinubukod nila ang rosas, inaalagaan ito, pinagyayaman ito. Ngunit walang hardinero para sa mga tao.”10

Mga kapatid ko, hindi ba tayo nararapat na maging mga hardinero para sa ating kapwa-tao? Hindi ba tayo tagapagbantay ng ating kapatid? Inutusan tayo ni Jesus na ibigin ang ating kapwa na gaya ng ating sarili.11 Mula sa Kanyang bibig, ang salitang kapwa ay hindi lamang tumutukoy sa ating kalapit-bahay; nagpapahiwatig ito ng kalapit-puso. Saklaw nito ang lahat ng naninirahan sa planetang ito—nakatira man sila malapit sa atin o sa malayong bansa, saan man sila nanggaling, anuman ang kanilang personal na pinagmulan, o sitwasyon.

Bilang mga disipulo ni Cristo, mayroon tayong taimtim na obligasyon na kumilos nang walang pagod para sa kapayapaan at magandang pagsasamahan ng lahat ng bansa sa mundo. Kailangan nating gawin ang makakaya natin para protektahan at panatagin at tulungan ang mahihina, nangangailangan, at lahat ng nagdurusa o inaapi. Higit sa lahat, ang pinakadakilang kaloob na pagmamahal na maibibigay natin sa ating kapwa ay ang ibahagi sa kanila ang galak na dulot ng ebanghelyo at anyayahan silang lumapit sa kanilang Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga sagradong tipan at ordenansa.

Pangatlong alituntunin: Inaanyayahan tayong makibahagi sa gawain ng paglikha.

Ang banal na proseso ng paglikha ay hindi pa kumpleto. Bawat araw, ang mga likha ng Diyos ay patuloy na lumalago, lumalawak, at dumarami. Napakaganda na inaanyayahan tayo ng Ama sa Langit na makibahagi sa Kanyang gawain ng paglikha.

Nakikibahagi tayo sa paglikha tuwing nililinang natin ang lupa o dinaragdagan ang sarili nating mga likha sa mundong ito—basta’t iginagalang natin ang mga likha ng Diyos. Ang ating mga ambag ay maipapahayag sa pamamagitan ng paglikha ng sining, arkitektura, musika, literatura, at kultura, na nagpapaganda sa ating planeta, nagpapatalas ng ating mga pandama, at nagpapasigla sa ating buhay. Nag-aambag din tayo sa pamamagitan ng mga tuklas ng siyensya at medisina na nagpepreserba sa lupa at sa buhay sa ibabaw nito. Ibinuod ni Pangulong Thomas S. Monson ang konseptong ito sa magagandang salitang ito: “Iniwan ng Diyos ang daigdig nang hindi tapos upang magamit dito ng tao ang kanyang kasanayan … upang malaman ng tao ang kagalakan at kaluwalhatian ng paglikha.”12

Sa talinghaga ni Jesus tungkol sa mga talento, nang bumalik ang panginoon mula sa kanyang paglalakbay, pinuri at ginantimpalaan niya ang dalawang alipin na nagpalago at nagparami ng kanilang mga talento. Sa kabilang dako, tinawag niya ang alipin na nagtago ng kanyang kakaibang talento sa ilalim ng lupa nang “walang pakinabang,” at binawi niya maging ang natanggap nito.13

Gayundin, ang ating tungkulin bilang mga katiwala ng mga likha sa mundo ay hindi lamang tungkol sa pangangalaga o pagpepreserba sa mga ito. Inaasahan ng Panginoon na masigasig tayong gagawa, kapag pinakikilos ng Kanyang Banal na Espiritu, para palaguin, pagyamanin, at pagandahin ang mga yaman na ipinagkatiwala Niya sa atin—hindi lamang para sa ating kapakinabangan kundi para mapagpala ang iba.

Sa lahat ng tagumpay ng tao, walang makapapantay sa karanasan na maging katulong sa paglikha ng Diyos sa pagbibigay ng buhay o sa pagtulong sa isang bata na matuto, lumaki, at umunlad—bilang mga magulang man, guro, o lider, o iba pang tungkuling ginagampanan. Walang tungkuling mangalaga na mas sagrado, mas kasiya-siya, at mas mapanghamon din kaysa sa pagiging katuwang ng ating Lumikha sa paglalaan ng pisikal na katawan para sa Kanyang mga espiritung anak at saka sa pagtulong sa kanila na maabot ang kanilang banal na potensyal.

Ang responsibilidad na maging katulong sa paglikha ay nagsisilbing patuloy na paalaala na ang buhay at katawan ng bawat tao ay sagrado, na walang iba kundi ang Diyos ang nagmamay-ari sa mga iyon, at na ginawa Niya tayong mga tagapagbantay para igalang, protektahan, at pangalagaan ang mga iyon. Ang mga utos ng Diyos, na namamahala sa mga kapangyarihan ng pag-aanak at ng pagtatatag ng mga walang-hanggang pamilya, ay gumagabay sa atin sa banal na tungkuling ito na mangalaga, na napakahalaga sa Kanyang plano.

Mga kapatid ko, dapat nating kilalanin na lahat ay espirituwal sa Panginoon—pati na ang pinakatemporal na mga aspeto ng ating buhay. Pinatototohanan ko na malalaking espirituwal na pagpapala ang ipinangako sa mga nagmamahal at nangangalaga sa mundo at sa kanilang kapwa-tao. Habang nananatili kayong tapat sa sagradong tungkuling ito na mangalaga at tumutupad sa inyong mga walang-hanggang tipan, lalago ang kaalaman ninyo tungkol sa Diyos at sa Kanyang Anak na si Jesucristo at mas madarama ninyo ang Kanilang pagmamahal at Kanilang impluwensya sa inyong buhay. Lahat ng ito ay ihahanda kayong manahan sa piling Nila at makatanggap ng dagdag na kapangyarihang lumikha14 sa buhay na darating.

Sa katapusan ng ating buhay sa mundo, hihilingin ng Panginoon na mag-ulat tayo tungkol sa ating sagradong tungkuling mangalaga, pati na kung paano natin napangalagaan ang Kanyang mga likha. Dalangin ko na sa oras na iyon ay marinig natin ang Kanyang mapagmahal na mga salitang ibinubulong sa ating puso: “Magaling! Mabuti at tapat na alipin. Naging tapat ka sa kaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.”15 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Ang mundo at lahat ng narito (maliban lang kina Adan at Eva) ay nilikha ni Jesucristo sa ilalim ng pamamahala ng Ama; sina Adan at Eva, ang ating unang mga magulang, ay nilikha ng Diyos Ama (tingnan sa Juan 1:1–3; Moises 2:1, 26–27).

  2. Doktrina at mga Tipan 59:18.

  3. Tingnan sa Spencer W. Kimball, “Welfare Services: The Gospel in Action,” Ensign, Nob. 1977, 76–79.

  4. Doktrina at mga Tipan 104:14.

  5. Tingnan sa Spencer W. Kimball, “Welfare Services,” 76–79.

  6. Doktrina at mga Tipan 104:13.

  7. Doktrina at mga Tipan 59:20.

  8. Russell M. Nelson, “Ang Paglikha,” Liahona, Hulyo 2000, 104.

  9. Tingnan sa Gospel Topics, “Environmental Stewardship and Conservation,” topics.ChurchofJesusChrist.org.

  10. Antoine de Saint-Exupéry, Terre des Hommes (1939), 214; tingnan din sa Wind, Sand and Stars (1939) sa Airman’s Odyssey (1984), 206.

  11. Tingnan sa Marcos 12:31.

  12. Thomas S. Monson, “In Search of an Abundant Life,” Tambuli, Agosto 1988, 3.

  13. Tingnan sa Mateo 25:14–30.

  14. Tingnan sa David A. Bednar at Susan K. Bednar, “Moral Purity” (Brigham Young University–Idaho devotional, Ene. 7, 2003), byui.edu.

  15. Mateo 25:21.