2022
Naglingkod ang mga Pinuno ng Simbahan sa Maraming Bansa
Nobyembre 2022


Mga Balita sa Simbahan

Naglingkod ang mga Pinuno ng Simbahan sa Maraming Bansa

Ipinagpatuloy ng mga pinuno ng Simbahan ang kanilang pandaigdigang pagmiministeryo sa nakalipas na anim na buwan. Narito ang ilang tampok sa kanilang maraming aktibidad simula noong huling pangkalahatang kumperensya.

Binanggit ni Pangulong Oaks ang Impluwensya ng Kababaihan

Sa isang video ng Simbahan na inilabas noong Setyembre, nagsalita si Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, tungkol sa impluwensya ng kanyang ina at lola sa pagtulong sa kanya na magkaroon ng patotoo at pananampalataya sa Panginoon. Ang impluwensya ng kababaihan sa kanyang buhay ay nagpatuloy sa kanyang asawang si Sister June Oaks, at pagkamatay nito, sa kanyang asawang si Sister Kristen Oaks.

“Ang naging pinakamahahalaga kong guro sa aspekto ng doktrina at paglilingkod at mga responsibilidad ng pamilya sa Simbahan—na ang impluwensya sa akin ay katulad ng impluwensya ng mga propeta ng Simbahan—ay ang kababaihan,” sabi ni Pangulong Oaks.

Tinalakay ni Elder Uchtdorf ang Tungkol sa mga Refugee

Nagpunta si Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol sa Poland noong Abril. Namuno siya sa isang debosyonal para sa mga Ukrainian refugee na nakatagpo ng pansamantalang kanlungan doon.

Tungkol sa pagbisitang ito, sinabi ni Elder Uchtdorf, na naging refugee noong bata pa siya, na ang kanyang puso ay puspos ng “matinding kalungkutan sa pagdurusa” ng mga Banal sa mga Huling Araw at ng iba pa sa mga bansang may digmaan ngunit may kaakibat itong pasasalamat.

“Ang mga indibiduwal at pamilyang ito ay nakapagpalakas at nakapagpasigla sa atin sa kanilang kabutihan, tiwala, at pananampalataya sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga banal na layunin,” sabi niya. “Umaasa kami ni Harriet na mapapalakas at mapapanatag namin sila, ngunit sila ang naghatid ng banal na liwanag, pag-asa, at kapanatagan sa aming puso.”

Nagsalita si Elder Bednar sa National Press Club sa Washington, D.C.

Nagbigay ng mensahe si Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol sa National Press Club noong Mayo, na idinetalye ang katangian at dahilan ng pandaigdigang humanitarian, welfare, pang-edukasyon, temple, missionary, at genealogical na mga inisiyatibo ng Simbahan ni Jesucristo.

“Ang pangunahing layunin ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay tulungan ang mga tao na malaman ang likas na pagkatao at mga katangian ng Diyos, mahalin ang Diyos, maging mga disipulo ng Kanyang Anak na si Jesucristo, at mahalin at paglingkuran ang ating mga kapatid,” sabi ni Elder Bednar.

Bumisita ang Relief Society General President at Primary General President sa South America

Nakipagkita sina Pangulong Camille N. Johnson, Relief Society General President, at Pangulong Susan H. Porter, Primary General President, sa mga lider ng pamahalaan at mga miyembro ng Simbahan sa Argentina, Chile, Uruguay, at Paraguay sa 10-araw na ministeryo at outreach visit.

Kinausap nila ang mga organisasyon ng pamahalaan na tumutulong sa kababaihan na nagdaranas ng maseselang sitwasyon sa Paraguay at sa Argentina.

“Inaasam ng aming Simbahan na makipagtulungan sa inyo para maragdagan ang mga oportunidad na makapag-aral at maging self-reliant ang kababaihan,” sabi ni Pangulong Johnson.

Bukod sa pagtulong ng pamahalaan, naglingkod din sina Pangulong Johnson at Porter sa mga miyembro ng Simbahan. Nagdaos sila ng mga pulong para sa bata pang mga magulang, isang debosyonal para sa mga dalaga, mga interactive meeting para sa mga pamilyang may mga anak, at training para sa mga lider ng kongregasyon.