2022
Pangalagaan at Ibahagi ang Inyong Patotoo
Nobyembre 2022


Pangalagaan at Ibahagi ang Inyong Patotoo

Inaanyayahan ko kayo na maghanap ng mga pagkakataon na magpatotoo sa salita at sa gawa.

Pambungad

Ang mga sandali na nagpapabago sa buhay ay dumarating nang madalas at di-inaasahan, kahit bata pa kayo. Ikukuwento ko sa inyo ang tungkol sa isang estudyante sa high school, si Kevin, na napiling maglakbay sa labas ng estado para sa isang kaganapan para sa mga estudyanteng lider, ayon sa kanyang sariling mga salita.

“Nasa unahan na ako ng pila, at tinanong ng registration clerk ang pangalan ko. Tiningnan niya ang kanyang listahan at sinabing, ‘Ikaw pala ang binatilyong taga Utah.’

“‘Ibig po ninyong sabihin ay mag-isa lang ako?’ Tanong ko.

“‘Oo, ikaw lang.’ Iniabot niya sa akin ang aking name tag na may nakasulat na ‘Utah’ sa ibaba ng pangalan ko. Nang ikabit ko ito sa damit ko, parang markado na ako.

“Nakipagsiksikan ako papasok sa elevator ng hotel kasama ang lima pang estudyante sa high school na may name tag na tulad ng sa akin. ‘Uy, taga Utah ka. Mormon ka ba?’ tanong ng isang estudyante.

“Nadama ko na parang hindi ako kabilang sa mga estudyanteng lider na ito mula sa iba’t ibang panig ng bansa. ‘Oo,’ atubiling sabi ko.

“‘Kayo ‘yung mga naniniwala kay Joseph Smith, na nagsabing nakakita siya ng mga anghel. Talaga bang naniniwala ka du’n?’

“Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Nakatingin sa akin ang lahat ng estudyante sa elevator. Kararating ko lang, at iniisip agad ng lahat na naiiba ako. Medyo nangatwiran ako at pagkatapos ay nagsabing, ‘Alam ko na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos.’

“‘Paano ko nasabi iyon?’ Nag-isip ako. Kaya ko pa lang sabihin iyon. Pero totoo ang mga sinabi ko.

“‘May nagsabi sa akin na mga hibang kayo,’ sabi niya.

“Sa sandaling iyan, nagkaroon ng nakakaasiwang katahimikan nang bumukas ang pinto ng elevator. Habang kinukuha namin ang aming mga bagahe, tumatawa siyang naglakad sa pasilyo.

“Pagkatapos, isang tinig sa likuran ko ang nagtanong, ‘Uy, di ba may parang isa pang Biblia ang mga Mormon?’

“Hay, naku. Heto pa ang isa. Humarap ako para makita ang isa pang estudyante na kasama ko sa elevator, si Christopher.

“‘Aklat ni Mormon ang tawag du’n,’ sabi ko, para tapos na ang usapan. Kinuha ko ang mga bagahe ko at nagsimulang maglakad sa pasilyo.

“‘Iyon ba ang aklat na isinalin ni Joseph Smith?’ tanong niya.

“‘Oo,’ sagot ko. Patuloy akong naglakad, umaasang makaiwas sa kahihiyan.

“‘Alam mo ba kung paano ako makakakuha niyon?’

“Isang talata sa banal na kasulatan na natutuhan ko sa seminary ang biglang pumasok sa isip ko. ‘Hindi ko ikinahihiya ang ebanghelyo ni Jesucristo.’1 Nang maisip ko ito, nakadama ako ng sobrang pagkahiya.

“Nanatili sa isipan ko ang banal na kasulatang iyon nang buong linggong iyon. Sinagot ko ang maraming tanong tungkol sa Simbahan hangga’t kaya ko, at nagkaroon ako ng maraming kaibigan.

“Natuklasan ko na ipinagmamalaki ko ang aking relihiyon.

“Binigyan ko si Christopher ng Aklat ni Mormon. Sumulat siya sa akin kalaunan, na nagsasabing inanyayahan niya ang mga missionary sa kanyang tahanan.

“Natutuhan ko na huwag ikahiya ang pagbabahagi ng aking patotoo.”2

Nabigyang-inspirasyon ako ng katapangan ni Kevin sa pagbabahagi ng kanyang patotoo. Ang katapangang ito ang paulit-ulit na ipinapakita ng matatapat na miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo. Habang nagbabahagi ako ng mga nalalaman ko, inaanyayahan ko kayo na pag-isipan ang apat na tanong na ito:

  1. Nalalaman at nauunawaan ko ba kung ano ang patotoo?

  2. Alam ko ba kung paano ako magpapatotoo?

  3. Ano ang mga balakid sa pagbabahagi ng aking patotoo?

  4. Paano ko mapananatiling malakas ang aking patotoo?

Nalalaman at Nauunawaan Ko Ba Kung Ano ang Patotoo?

Ang inyong patotoo ay pinakamahalagang pag-aari ninyo, na madalas na nauugnay sa malalalim na espirituwal na damdamin. Ang mga damdaming ito ay tahimik na nadarama at inilalarawan bilang “banayad at munting tinig.”3 Ito ang inyong paniniwala o kaalaman tungkol sa katotohanan na ibinigay bilang patotoo sa pamamagitan ng impluwensya ng Espiritu Santo. Ang pagtatamo ng patotoong ito ay magpapabago sa sinasabi at ginagawa ninyo. Ang mahahalagang elemento ng inyong patotoo, na kinumpirma ng Espiritu Santo ay kinabibilangan ng:

  • Ang Diyos ang inyong Ama sa Langit; kayo ay Kanyang anak. Mahal Niya kayo.

  • Si Jesucristo ay buhay. Siya ang Anak ng Diyos na buhay at ang inyong Tagapagligtas at Manunubos.

  • Si Joseph Smith ay propeta ng Diyos na tinawag upang ipanumbalik ang Simbahan ni Jesucristo.

  • Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang ipinanumbalik na Simbahan ng Diyos sa mundo.

  • Ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo ay pinamumunuan ngayon ng isang buhay na propeta.

Alam Ko Ba Kung Paano Ako Magpapatotoo?

Nagpapatotoo kayo kapag nagbabahagi kayo sa iba ng mga espirituwal na nadarama ninyo. Bilang miyembro ng Simbahan, dumarating ang mga pagkakataong magpatotoo sa mga pormal na miting ng Simbahan o sa di-gaanong pormal at personal na pakikipag-usap sa pamilya, mga kaibigan, at iba pa.

Isa pang paraan na maibabahagi ninyo ang inyong patotoo ay sa pamamagitan ng mabuting pag-uugali. Ang inyong patotoo kay Jesucristo ay hindi lang ang kung ano ang sinasabi ninyo—ito ay kung sino kayo.

Tuwing magpapatotoo kayo o ipinapakita sa inyong mga gawa ang inyong katapatan na sundin si Jesucristo, inaanyayahan ninyo ang iba na “lumapit kay Cristo.”4

Ang mga miyembro ng Simbahan ay tumatayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon, sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar.5 Ang mga pagkakataong gawin ito sa internet gamit ang nagbibigay-inspirasyong nilalaman na sariling gawa natin o pagbabahagi ng nakasisiglang nilalaman na ginawa ng iba ay walang katapusan. Nagpapatotoo tayo kapag nagmamahal, nagbabahagi, at nag-aanyaya tayo kahit sa online. Ang inyong mga tweet, direct message, at post ay magkakaroon ng mas mataas at mas banal na layunin kapag ginagamit din ninyo ang social media upang ipakita kung paano hinuhubog ng ebanghelyo ni Jesucristo ang buhay ninyo.

Ano ang mga Balakid sa Pagbabahagi ng Aking Patotoo?

Maaaring kabilang sa mga balakid sa pagbabahagi ng inyong patotoo ay ang hindi kayo nakatitiyak kung ano ang sasabihin. Ibinahagi ni Matthew Cowley, isang Apostol noon, ang karanasang ito nang lumisan siya papunta sa New Zealand para magmisyon nang limang taon sa edad na 17:

“Hinding-hindi ko malilimutan ang mga panalangin ng aking ama noong araw ng pag-alis ko. Noon lang ako nakarinig ng napakagandang basbas sa buong buhay ko! Pagkatapos ang huling sinabi niya sa akin sa istasyon ng tren, ‘Anak, pupunta ka na sa mission; mag-aaral ka; sisikapin mong ihanda ang iyong mga sermon; at kung minsan kapag tinawag ka para magsalita, akala mo ay handang-handa ka na, pero sa pagtayo mo, mabablangko ang isipan mo.’ Maraming beses kong naranasan iyan.

“Sabi ko, ‘Ano po ang gagawin kapag nablangko ka?’

“Sinabi niya, “Tumayo ka roon at nang buong lakas ng iyong kaluluwa, patotohanan mo na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos na buhay, at dadaloy sa iyong isipan ang kaalaman at ang mga salita sa iyong bibig … patungo sa puso ng lahat ng nakikinig.’ Kaya ang aking isipan, na madalas mablangko sa panahon ng aking … misyon … , ay nagbigay sa akin ng pagkakataong magpatotoo sa pinakadakilang pangyayari sa kasaysayan ng mundo mula nang ipako sa krus ang Panginoon. Minsan ay subukan ninyo ito, mga kabataan. Kung wala na kayong masabi, patotohanan na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos, at maaalala ninyo ang buong kasaysayan ng Simbahan.”6

Gayon din, sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks, “Mas natatamo ang patotoo kapag nakatayo at ibinabahagi ang mga ito kaysa nakaluhod at ipinagdarasal na magkaroon nito.”7 Ang Espiritu ay kapwa nagpapatotoo sa nagsasalita at nakikinig.

Ang isa pang balakid, tulad ng binigyang-diin sa kuwento ni Kevin, ay ang takot. Tulad ng isinulat ni Pablo kay Timoteo:

“Hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng kaduwagan kundi ng espiritu ng kapangyarihan, at ng pag-ibig. …

“Huwag mong ikahiya ang pagpapatotoo sa ating Panginoon.”8

Ang takot ay hindi nagmumula sa Panginoon kundi kadalasan ay mula ito sa kaaway. Ang pagkakaroon ng pananampalataya, tulad ng ginawa ni Kevin, ay magiging daan para madaig ang mga damdaming ito at malayang maibahagi ang nasa puso ninyo.

Paano Ko Mapananatiling Malakas ang Aking Patotoo?

Naniniwala ako na ang patotoo ay bahagi na natin, gayunman, upang ito ay mapanatiling malakas at mas lubos na tumibay, itinuro ni Alma na kailangan nating alagaan nang mabuti ang ating patotoo.9 Kapag ginawa natin ito, “ito ay magkakaugat, at tutubo at magbibigay ng bunga.”10 Kung hindi natin ito ginawa, “ito ay malalanta.”11

Ang bawat isa sa mahal nating miyembro ng Unang Panguluhan ay nagpayo sa atin kung paano pananatilihing malakas ang patotoo.

Magiliw na itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring na “ang pagpapakabusog sa salita ng Diyos, taos-pusong panalangin, at pagsunod sa mga utos ng Panginoon ay kailangang magawa lahat at patuloy upang ang inyong patotoo ay lumago at umunlad.”12

Ipinaalala sa atin ni Pangulong Dallin H. Oaks na upang mapanatili ang ating patotoo, “kailangan nating makibahagi ng sakramento linggu-linggo (tingnan sa D&T 59:9) upang maging marapat sa natatanging pangako na ‘sa tuwina ay mapa[pasaatin] ang kanyang Espiritu’ (D&T 20:77).”13

At magiliw na ipinayo ni Pangulong Russell M. Nelson kamakailan:

“Busugin [ang inyong patotoo] ng katotohanan. …

“… Busugin ang inyong sarili sa mga salita ng mga sinauna at makabagong propeta. Hilingin sa Panginoon na ituro sa inyo kung paano Siya higit na maririnig. Gumugol ng mas maraming panahon sa templo at sa paggawa ng family history.

“… [Unahin] ninyo sa lahat ang inyong patotoo.”14

Katapusan

Mahal kong mga kapatid, ipinapangako ko na kapag mas lubos ninyong nauunawaan kung ano ang patotoo, at kapag ibinabahagi ninyo ito, madaraig ninyo ang mga balakid na kawalang-katiyakan at takot, na magbibigay-kakayahan sa inyo na pangalagaan at panatilihing malakas ang pinakamahalagang pag-aari na ito, ang inyong patotoo.

Mapalad tayong magkaroon ng napakaraming halimbawa ng mga propeta noon at ngayon na buong tapang na nagpatotoo.

Kasunod ng pagkamatay ni Cristo, si Pedro ay tumayo at nagpatotoo:

“Dapat malaman ninyong lahat … na nakatayo ang taong ito sa inyong harapan … sa pangalan ni Jesucristong taga-Nazaret, na inyong ipinako sa krus, at binuhay ng Diyos mula sa mga patay. …

“… Sapagkat walang ibang pangalan sa ilalim ng langit na ibinigay sa mga tao na ating ikaliligtas.”15

Si Amulek, kasunod ng sermon ni Alma tungkol sa pananampalataya, ay taimtim na nagpahayag: “Patototohanan sa inyo ng aking sarili na ang mga bagay na ito ay totoo. Masdan, sinasabi ko sa inyo, na alam ko na si Cristo ay paparito sa mga anak ng tao, … at siya ay magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan; sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagsabi nito.”16

Sina Joseph Smith at Sidney Rigdon, nang makita sa isang maluwalhating pangitain ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas, ay nagpatotoo:

“At ngayon, matapos ang maraming patotoo na ibinigay hinggil sa kanya, ito ang patotoo, na pinakahuli sa lahat, na aming ibibigay tungkol sa kanya: Na siya ay buhay!

“Sapagkat siya ay aming nakita, maging sa kanang kamay ng Diyos; at aming narinig ang tinig na nagpapatotoo na siya ang Bugtong na Anak ng Ama.”17

Mga kapatid, inaanyayahan ko kayo na maghanap ng mga pagkakataon na magpatotoo sa salita at sa gawa. Dumating sa akin ang gayong pagkakataon kamakailan, sa pagtatapos ng isang pulong kasama ang alkalde ng isang lungsod sa Timog Amerika, kasama ang ilang opisyal ng kanyang gabinete. Sa pagtatapos ng kasiya-siyang pulong, atubili kong naisip na dapat kong ibahagi ang aking patotoo. Sa pagsunod sa pahiwatig na iyon, nagpatotoo ako na si Jesucristo ang Anak ng Diyos na buhay at ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Nabago ang lahat sa sandaling iyon. Hindi maikakaila ang diwang namayani sa silid. Tila ang lahat ay naantig. “Ang Mang-aaliw ang nagpapatotoo sa Ama at sa Anak.18 Lubos akong nagpapasalamat na nagkaroon ako ng lakas-ng-loob na ibahagi ang aking patotoo.

Kapag dumating ang ganitong sandali, gawin ito agad nang walang pag-aalinlangan. Madarama ninyo ang siglang dala ng Mang-aaliw kapag ginawa ninyo ito.

Ibinabahagi ko ang aking patotoo sa inyo—ang Diyos ang ating Ama sa Langit, si Jesucristo ay buhay, at Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang Simbahan ng Diyos sa lupa ngayon na pinamumunuan ng ating mahal na propetang si Pangulong Russell M. Nelson. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.