2023
Matapat na Paglilingkod sa Harap ng Kamatayan
Enero 2023


Area Plan Insights

Matapat na Paglilingkod sa Harap ng Kamatayan

Ang mga magulang at mga lider ng simbahan ay may mahalagang papel sa paghubog sa ating mga anak at kabataan na maging magigiting na missionary. Ang mga natututuhan nila ay tutulong sa kanila na maglingkod dahil ang misyon ay hindi madali. Ang mga hamon at pagsubok ay bahagi ng karanasan ng missionary, gaya ng naranasan ni Brother Gym Vergel Ramos mula sa Binmaley, Pangasinan.

Si Gym ay 8 anyos nang sumapi siya sa Simbahan noong 2010 kasama ang buong pamilya niya. Tinawag siyang maglingkod sa Philippines Butuan Mission at dapat sana ay papasok na sa Missionary Training Center noong Hunyo 2020, pero naudlot ito dahil sa lockdown. Dumaan siya sa virtual MTC at na-reassign sa kanyang home mission, ang Philippines Urdaneta Mission. Noong Setyembre 21, 2020, dalawang araw bago sana siya magre-report sa Urdaneta Mission home, ang lolo niya sa ama na si Fernando Ramos, ay namatay. Hindi maunawaan ng mga kamag-anak niyang hindi miyembro kung bakit ayaw niyang ipagpaliban ang kanyang mission para lumagi at makidalamhati sa pamilya nila.

Makalipas ang 11 buwan ng paglilingkod sa field, nalaman niya na ang kanyang ama na si Virgilio ay namatay dahil sa Covid 19. Ang kanyang area ay ilang bayan lamang ang layo sa kanilang tahanan, pero pinayuhan siya ng nanay niya na huwag nang umuwi at magpokus na lang sa kanyang gawain bilang missionary. Gayon din ang payo ng kanyang mission president, kaya hindi siya umuwi at nagpatuloy na maglingkod. Makalipas ang dalawang buwan, nalaman ni Elder Ramos na ang lolo at lola niya sa kanyang ina na sina Efren at Julieta Manalo ay namatay na isang araw lamang ang pagitan. Sa kabila ng pagkawala ng mga mahal sa buhay, nagpatuloy siya at ibinigay ang lahat bilang missionary.

“Hindi maiiwasan ang kamatayan at totoo ang ebanghelyo,” sabi ni Gym Vergel, na marangal na nakatapos ng kanyang misyon noong Hunyo 2022. “Wala akong panghihinayang. Ang sakit ng kalooban ay bahagi ng buhay at pagkatuto. Dahil sa mga pagsubok na naranasan ko noon sa misyon, mas napalapit ako sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Naging mas makabuluhan ang pagbabayad-sala at nagbibigay sa akin ng lakas sa tuwing nalulungkot ako.”

Sinabi rin ni Gym na natuto siyang magalak sa pangako ng pagkabuhay na muli. Ito ay nagbigay sa kanya ng pag-asa, hindi lang sa pakikibaka sa pagkamatay ng mga kapamilya kundi sa pagiging mas mabuting tao para maging matatag siya para sa kanyang ina at mga kapatid. Ang trahedyang naranasan nila ay lalong naglapit at nagpatibay sa kanila bilang isang pamilya.

Sa pagbabalik-tanaw sa kanyang misyon, nagpapasalamat si Gym sa kung sino siya ngayon. Pinagpala siya hindi lamang ng mga bagay na natutuhan niya kundi ng mga taong nakilala niya. Ang mga kaibigan na ngayon ay parang kapamilya na ay patuloy na tumutulong at sumusuporta sa kanya habang nagsisikap siyang mabuti na makapag-aral at manatili sa landas ng tipan.

Anuman ang ilagay na harang ng kalaban sa ating landas, lahat tayo ay dapat maglingkod na katulad ni Gym Vergel Ramos, dahil ito ang gawain ng Panginoon.