2023
Paglilingkod nang May Pagkahabag
Hunyo 2023


“Paglilingkod nang May Pagkahabag,” Liahona, Hunyo 2023.

Mga Alituntunin ng Ministering

Paglilingkod nang May Pagkahabag

Ang pagkakaroon ng habag sa iba ay tumutulong sa atin na magpasan ng mga pasanin ng isa’t isa.

Larawan
Depiksyon ng Biblia sa video tungkol sa pakikipag-usap ng Tagapagligtas sa isang matandang lalaki

Isang Halimbawa ng Pagkahabag

Noong Ipinapako sa Krus ang Tagapagligtas, may iilang taong nagmamahal sa Kanya ang nanatili sa paanan ng krus. Kabilang sa mga naroon ang Kanyang ina, ang Kanyang tiya, si Maria Magdalena, at Juan. Napakahirap na sitwasyon nito para sa mga lubos na nagmamahal sa Kanya. Bagama’t hindi nila maaalis sa Kanya ang Kanyang pagdurusa, ibinigay nila ang kanilang oras, pagmamahal, at suporta, kahit ito ay hindi komportable, mahirap, at posibleng mapanganib.

Ilan sa mga babaeng ito ay nanatiling kasama Niya hanggang wakas at patuloy na naglingkod kahit namatay na Siya sa pamamagitan ng paghahanda sa Kanyang katawan para sa libing gamit ang mamahaling damong-gamot at lino. (Tingnan sa Mateo 27:55–56; Marcus 15:40–41, 47; Lucas 23:55–56; Juan 19:25–27.)

Paglilingkod nang May Pagkahabag

Ang pagkahabag ay mapagmalasakit na kamalayan sa “pagdurusa ng iba na may hangaring pagaanin ito.”1 Bilang mga mortal na nilalang, makararanas tayo ng pagdurusa. Tiyak na ang mga pinaglilingkuran natin ay mayroong mga hamon, at ang ilan ay tunay na nagdurusa.

Paliwanag ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Kapag, sa sandaling iyon, tayo ay hindi nakaunat sa isang partikular na krus, dapat ay nasa paanan tayo ng iba—na puno ng pagdamay at nagbibigay ng espirituwal na lakas.”2

Maaaring tila nakakatakot ang gawain, lalo na kung ang mga pinaglilingkuran natin ay dumaranas ng mabigat na pagsubok. Kapag may paraan para maibsan ang pagdurusa, ginagawa natin ang lahat para makatulong. Ngunit kung minsan, maaaring kaunti lang ang magagawa natin. Ang tumingin lamang, tulad ng ginawa ni Maria, ay maaaring mahirap. Ngunit kahit hindi natin maibsan ang pagdurusa, maaari tayong manatili habang nangyayari ito, na nag-aalay ng ating pagmamahal at suporta.

Bagama’t marami ang ayaw na kaawaan sila, ang karamihan ay nagpapasalamat sa mahabaging pag-unawa at suporta sa mahirap na sandali o panahon.

Larawan
kamay na tumutulong sa isang lalaki na nakayuko

Pagkakaroon ng Habag

Kapag nakilala natin ang Tagapagligtas, mas mauunawaan natin kung paano Siya nahahabag sa lahat ng lumalapit sa Kanya. Paano tayo magkakaroon ng katangiang ito na tulad ng kay Cristo sa ating buhay?

  1. Pag-aralan ang mga tala kung saan nagpakita ng pagkahabag ang Tagapagligtas. Paulit-ulit Siyang nagpakita ng habag kahit Siya ay pagod o abala. Isipin kung ano ang nadama Niya para sa mga tinulungan Niya.

  2. Alalahanin ang mga pagkakataon na inalo o sinuportahan tayo ng ibang tao sa ating mga pagsubok. Makatutulong ito para tayo ay magkaroon ng habag at mag-isip ng mga paraan para masuportahan ang iba.

  3. Mag-ayuno at manalangin para sa karagdagang pagkahabag at humingi ng patnubay sa mga bagay na magagawa natin para maipakita ang ating pagmamahal at malasakit.

  4. Sikaping makilala ang iba at maunawaan ang kanilang mga sitwasyon. Habang lumalago ang ating pang-unawa at pagkahabag, gayon din ang ating mga ugnayan, magiging magkakaibigan na makabuluhan at walang hanggan.

  5. Magpraktis na mapansin ang mga kalagayan ng ibang tao sa pamamagitan ng pagtatanong sa iyong sarili ng, “Ano kaya ang mahirap sa buhay ng taong iyon ngayon?” “Ano kaya ang madarama ko kung nasa lugar ako ng taong iyon?”

  6. Magpraktis na kilalanin kapag minamaliit o binabalewala mo ang pagdurusa ng iba. Kapag agad nating binabalewala ang pagdurusa ng isang tao, hindi natin binibigyan ang ating sarili ng panahon para maapektuhan nito at mahabag.