2023
Pagtanggap ng Paghahayag—Mga Mensahe Kamakailan mula sa mga Propeta, Apostol, at Iba pang mga Pinuno ng Simbahan
Hunyo 2023


Digital Lamang

Pagtanggap ng Paghahayag—Mga Mensahe Kamakailan mula sa mga Propeta, Apostol, at Iba pang mga Pinuno ng Simbahan

Tingnan ang itinuro kamakailan ng mga pinuno ng Simbahan sa social media tungkol sa paghahayag.

Larawan
si Jesucristo na nakaluhod at nakatingala

Jesus Kneeling in Prayer and Meditation [Si Jesus na Nakaluhod sa Panalangin at Nagmumuni-muni], ni Michael Jarvis Nelson

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag [at patuloy] na impluwensya ng Espiritu Santo.

“Mahal kong mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo na dagdagan ang inyong espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag. … Magpasiyang gawin ang espirituwal na bagay na kailangan upang matamasa ang kaloob na Espiritu Santo at marinig ang tinig ng Espiritu nang mas madalas at mas malinaw.”1 Paano natin magagawa iyon?

Nagbigay na ng maraming paanyaya at turo ang mga propeta, apostol, at iba pang mga pinuno ng Simbahan sa pangkalahatang kumperensya para tulungan tayong matutong tumanggap at kumilos ayon sa paghahayag. Nagbahagi rin sila ng mga mensahe tungkol sa paksang ito sa social media, kabilang na ang mga sumusunod:

Patuloy ang Paghahayag

“Nais kong ibahagi ang ilan sa natutuhan ko tungkol kay Propetang Joseph Smith.

“Ang maikukumparang kabataan ni Joseph Smith ay nanguna sa lahat sa kanyang ministeryo bilang propeta. Siya ay 14 anyos noong panahon ng Unang Pangitain, 21 anyos nang matanggap niya ang mga gintong lamina, at 23 anyos lang nang matapos niya ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon (wala pang 60 araw na may pasok). Mahigit kalahati ng mga paghahayag sa ating Doktrina at mga Tipan ay ibinigay sa pamamagitan ng propetang ito noong siya ay 25 anyos o mas bata pa. Siya ay 26 anyos nang maorganisa ang Unang Panguluhan at mahigit 33 anyos lang nang tumakas siya mula sa pagkabilanggo sa Missouri at muling pinamunuan ang mga Banal na nagtitipon sa Nauvoo. Siya ay 38 at kalahating taong gulang lang nang paslangin siya.

“Ang susi sa kakaibang mensahe ni Joseph Smith at ng Pagpapanumbalik ay paghahayag. Paghahayag ang pundasyon ng doktrina at pamamahala ng ating Simbahan. Ipinahayag ni Joseph Smith, “Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay isinalig sa tuwirang paghahayag, katulad ng tunay na Simbahan ng Diyos noon pa man” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 227).

“Sa ating panahon, ang paghahayag ay patuloy na gumagabay sa Simbahan. Gayundin, bawat isa sa atin ay maaaring tumanggap ng paghahayag para sa ating sariling buhay. Nawa’y gamitin ng bawat isa sa atin ang kaloob na personal na paghahayag sa ating buhay at tunay na hangaring #PakingganSiya.”

Pangulong Dallin H. Oaks, Facebook, Mar. 24, 2020, facebook.com/dallin.h.oaks.

Alamin ang mga Papel na Ginagampanan ng Espiritu Santo

“Kapag ginugunita ko noong young adult pa ako, isa sa mga bagay na naiisip ko ay noong missionary ako sa England. Katatapos lang ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at muli pa lang itinatatag doon ang Simbahan ni Jesucristo. Ako ang responsable bilang lider sa aking misyon, at 20 anyos lang ako noon! Inaamin ko na bilang mga missionary, medyo wala kaming ingat sa edad na iyon.

“Isang araw inanyayahan ako ng isang lalaki na pumunta sa isang debating society meeting at maging kinatawan ng ating Simbahan. Pumayag akong dumalo, pero wala akong ideya sa pinapasukan ko! Natagpuan ko ang sarili ko na nagpapaliwanag tungkol sa Simbahan sa malaking grupo ng mga tao at sumasagot sa kanilang mga tanong. Sa okasyong iyon ko unang natanto ang kapangyarihan ng Espiritu Santo. Nagturo ako tungkol sa Espiritu Santo, at nabasa ko na ang tungkol doon, pero sa okasyong iyon ko naranasan iyon.

“Habang nagtatanong sila, nasa isip ko na ang sagot bago pa nila natapos ang tanong. Nagkaroon ako ng kakayahang maghanap sa mga banal na kasulatan sa isang paraan na hindi noon ko lang naranasan. Tila may ibang taong nagbubuklat sa mga pahina habang ipinagtatanggol ko ang Simbahan.

“Habang ginugunita ko ang karanasang iyon 73 taon na ang nakararaan, natatanto ko na may natutuhan akong isang bagay na nagpala sa akin sa paglipas ng mga taon. Nalaman ko sa sarili ko na ang Espiritu Santo ang totoong Mang-aaliw at na sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, ipinapaalala Niya sa ating isipan ang mga salita ng Panginoon.

“Sana ay nararanasan din ninyo ito bilang young adult. Manatiling nakaangkla sa pag-aaral ninyo ng mga banal na kasulatan, at manalangin araw-araw. Simulan ang inyong maghapon sa panalangin, tapusin ang inyong maghapon sa panalangin, at kausapin ang Panginoon sa buong maghapon kung kinakailangan. Anuman ang inyong sitwasyon, sana ay maranasan din ninyo ang naranasan ko sa Espiritu Santo noong kaedad ninyo ako.”

Pangulong M. Russell Ballard, Facebook, Abr. 14, 2021, facebook.com/mrussell.ballard.

Magkaroon ng Payapa at Tahimik na mga Sandali

“Ang pagtanggap ng paghahayag ay dumarating, kahit paano sa sitwasyon ko, kapag mayroon akong payapa at tahimik na mga sandali. Hindi kayo makakaugnay sa langit kapag magulo ang paligid. Kailangan ninyong hanapin ang tahimik na mga sandaling iyon sa inyong buhay kung saan mapagninilayan ninyo ang mga bagay ng Espiritu. Sa karanasan ko, kapag ganoon ang pakiramdam ko at sinisikap kong mapanatag, doon ako nakatatanggap ng mga impresyon. Doon ako nakatatanggap ng ideya na alam kong nagmula sa langit.

“Labis akong nag-aalala para sa aking mga apo at mga apo-sa-tuhod—sa katunayan, sa lahat ng kabataan—sa mundo ngayon. Nangangamba ako na nabibihag sila ng social media, texting, email, at iba pang mga pang-aabala. Bagama’t maaaring isang pagpapala ang teknolohiya sa ating buhay, maaari din itong maging pang-aabala na hadlang sa pagitan natin at ng ating kakayahang marinig ang tinig ng Panginoon. Sinasabi ko sa aking mga apo na dapat silang maglaan ng tahimik na oras bawat araw para pag-isipan ang kanilang buhay at pagnilayan kung ano ang nais ng Panginoon na gawin nila. Hinihikayat ko kayo na gayon din ang gawin.”

Pangulong M. Russell Ballard, Facebook, Ago. 9, 2020, facebook.com/mrussell.ballard.

Makipag-ugnayan sa Inyong Ama sa Langit

Sa iba’t ibang pagkakataon sa buhay ng Tagapagligtas, nagkaroon Siya ng mga pagkakataong mapag-isa para magnilay-nilay at manalangin. Inaanyayahan ko kayong mag-ukol ng kaunting oras sa susunod na ilang araw na mapag-isa sa isang tahimik na lugar para makipag-ugnayan sa inyong Ama sa Langit. #PakingganSiya

Pangulong M. Russell Ballard, Facebook, Mar. 23, 2020, facebook.com/mrussell.ballard.

Magkaroon ng Pusong Handang Matuto

“Piliing magpakumbaba. Kusang hanapin ang Panginoon at magtiwala sa Kanyang patnubay. Mas handa tayong pakinggan Siya kapag may puso tayong handang matuto.”

Elder Jeffrey R. Holland, Facebook, Nob. 3, 2022, facebook.com/jeffreyr.holland.

Gumawa ng Maliliit at Simpleng mga Pagbabago ng Landas

“Ang oras na ito ng pagmumuni-muni ay oportunidad para espirituwal na magbago. Ito ay isang halamanan [panahon] ng pagmumuni-muni kung saan makakasama natin sa paglakad ang Panginoon at matatagubilinan, mapapalakas, at mapapadalisay tayo ng nakasulat na salita ng ating Ama sa Langit na inihayag ng Espiritu. Ito ay sagradong oras kung kailan naaalala natin ang ating taimtim na mga tipan na sundin ang magiliw na Cristo, kung kailan sinusuri natin ang ating pag-unlad at inaayon ang ating sarili sa mga espirituwal na tanda sa daan na inilaan ng Diyos para sa Kanyang mga anak.

“Isipin na ito ay inyong personal at pang-araw-araw na pagbabalik-loob. Sa ating paglalakbay sa landas ng kaluwalhatian, alam natin kung gaano kadaling tumalikod. Ngunit katulad ng maliliit na paglihis na maaaring maglayo sa atin sa Daan ng Tagapagligtas, siguradong maibabalik din tayo ng maliit at simpleng mga pagbabago ng landas. Kapag pinadidilim ng takot o pagdududa ang ating buhay, katulad ng madalas mangyari, binubuksan ng ating araw-araw na pagbabalik-loob ang ating puso sa liwanag ng langit, na tumatanglaw sa ating kaluluwa, nagtataboy sa mga takot, pangamba, at pagdududa.”

Elder Dieter F. Uchtdorf, Facebook, Mar. 11, 2022, facebook.com/dieterf.uchtdorf.

Umasa sa Tagapagligtas

“Kapag naghahangad kayo ng inspirasyon na matamo ang karunungang kailangan ninyo sa inyong buhay, inaanyayahan ko kayong umasa sa Tagapagligtas. Ang isang napakagandang paraan para lumapit kay Cristo ay basahin ang Aklat ni Mormon—mula simula hanggang wakas—at tukuyin ang mga katangian at pag-uugali ni Jesucristo na matatagpuan doon. Habang ginagawa ninyo ito nang may tunay na layunin at taos-puso, maaari ninyong marinig ang Kanyang tinig. Makikilala ninyo Siya sa lubhang kamangha-manghang paraan.”

Elder David A. Bednar, Facebook, Set. 12, 2021, facebook.com/davida.bednar.

Igalang ang Ating mga Tipan

“Kapag iginagalang natin ang ating mga tipan at sinusunod ang mga utos ng Diyos, pinagpapala tayong makasama ang Espiritu Santo. …

“Nabubuhay tayo sa isang panahon ng dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon na may access tayo sa pambihirang mga pagpapala, at ang isa sa mga ito ay ang palagiang patnubay ng Espiritu Santo. Sa kabila ng lahat ng kaligaligan, sa kabila ng lahat ng kaguluhan, bawat isa sa atin ay maaaring mapagpalang matutuhan para sa ating sarili ang mga bagay na pinakamahalaga at tutulong sa atin na itatag ang kinakailangang mga espirituwal na prayoridad. Lubos akong nagpapasalamat sa Espiritu Santo bilang isang guro—bilang guro—at kung paano Niya tinutulungan ang bawat isa sa atin sa napakaraming paraan.”

Elder David A. Bednar, Facebook, Ago. 14, 2021, facebook.com/davida.bednar.

Maniwala na Tutugon Siya sa Kanyang Paraan at Panahon

“Ang pakikipag-ugnayan mula sa ating Ama sa Langit ay dumarating sa iba’t ibang paraan sa iba’t ibang panahon. Walang iisang uri ng paghahayag o inspirasyon. Gumagamit ang Diyos ng maraming iba’t ibang paraan para matulungan tayo, anuman sa pakiramdam Niya ang pinakamainam. At lahat ng iyon ay may bisa.

“Kailangang maniwala tayo na tutugon Siya sa Kanyang paraan at panahon. Kapag masigasig tayo sa pagsunod sa Kanyang mga utos at nananampalataya na tutugon Siya, maririnig natin Siya.”

Elder D. Todd Christofferson, Facebook, Mayo 6, 2021, facebook.com/dtodd.christofferson.

Maging Karapat-dapat na Makinig

“Maging karapat-dapat na makinig sa marahan at banayad na tinig habang nangungusap ito sa inyo at ibinabaling kayo sa tama. Kapag nakikinig kayo, kapag karapat-dapat kayo at may patnubay ng Espiritu Santo, pananatilihin kayo nitong ligtas, gagabayan kayo sa daan na dapat ninyong tahakin, at maghahatid ng kapayapaan sa inyong buhay.”

Elder Neil L. Andersen, Hulyo 20, 2022, facebook.com/neill.andersen.

Hilingin sa Ama sa Langit na Gabayan Kayo

“Sa darating na mga buwan o taon, maaari kayong magkaroon ng mga hamon. Mayroon sigurong mga alalahanin tungkol sa mga kapamilya o mga problema sa pera. Mag-iisip kayo kung ano ang gagawin. Hinihikayat ko kayong lumapit sa inyong Ama sa Langit sa panalangin. Laging tandaan na maaari ninyong kausapin ang inyong Ama sa Langit.

“Hilingin sa Kanya na gabayan kayo sa maraming desisyon na kailangan ninyong gawin. Bagama’t malakas ang inyong personal na patotoo, maaari itong lumago at mas lumakas. Pinatototohanan ko sa inyo na naririnig ng Ama sa Langit ang inyong mga dalangin at sasagutin kayo. Kung minsan sa mga di-inaasahang sandali, darating ang paghahayag na kailangan ninyo.”

Elder Neil L. Andersen, Hulyo 6, 2022, facebook.com/neill.andersen.

Makinig at Sumunod sa mga Pahiwatig

“Ang isa sa mga pinakamagandang bahagi ng 2020 para sa akin ay ang pagkakataong mas magtuon sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo at pagnilayan ang mga paraan kung paano ko maaaring #PakingganSiya. Sa isang debosyonal kamakailan, inanyayahan ko ang mga young adult na magsumite ng mga komento kung paano nila naririnig ang tinig ng Panginoon. Namangha ako sa dami ng mga komentong natanggap namin. Marahil ay katulad ng sa inyo ang ilan sa kanilang mga sagot habang pinag-iisipan ninyo kung paano Siya maririnig sa inyong buhay:

  • Naririnig ko Siya kapag taimtim akong nagdarasal. Dumarating sa akin ang Kanyang tinig sa pamamagitan ng dalisay at tahimik na mga ideya.

  • Nadarama ko ang Espiritu sa pamamagitan ng kalinawan ng isipan, sa pamamagitan ng mga ideya na biglang lumilinaw samantalang dati-rati ay nakalilito ang mga iyon.

  • Naririnig ko Siya sa pamamagitan ng ganda ng kalikasan at kapangyarihan ng nakasisiglang musika.

  • Naririnig ko Siya sa pamamagitan ng kapayapaang ipinararating Niya sa aking isipan at ng tiwalang ibinibigay Niya sa akin kapag humihingi ako ng tulong sa panalangin.

  • Naririnig ko Siya kapag nakikipag-ugnayan ako sa mga nasa paligid ko. Kapag naglilingkod ako at pinaglilingkuran, nasusulyapan ko Siya.

“Nais kong tiyakin sa inyo na maririnig Siya ng bawat isa sa atin sa pamamagitan ng pakikinig at pagsunod sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Nakita ko na ang napakaraming pagkakataong ito sa buhay ko.”

Elder Gary E. Stevenson, Nob. 15, 2020, facebook.com/stevenson.gary.e.

Alamin Kung Paano Nangungusap sa Inyo ang Panginoon

“Paulit-ulit na tayong inanyayahan ni Pangulong Russell M. Nelson na matutong pakinggan ang tinig ng Panginoon. Napakahalagang malaman ng bawat isa sa atin kung paano nangungusap sa atin ang Panginoon sa natatangi at indibiduwal na paraan. Sa pamamagitan man ng biglang pag-init ng damdamin, kapanatagan, o malilinaw na ideya na may katuturan, mangungusap Siya sa inyo sa paraang mauunawaan ninyo.”

Sister Amy A. Wright, Ene. 3, 2023, facebook.com/Primary1stCounselor.