Seminary
Lesson 9: Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–54; Doktrina at mga Tipan 2


Lesson 9

Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–54; Doktrina at mga Tipan 2

Pambungad

Patuloy na pinanindigan ng batang si Joseph Smith na nakakita siya ng pangitain, at patuloy siyang inusig dahil dito. Sinabi niya kalaunan na sa panahong ito, siya ay “[n]akagawa ng maraming kamalian, at naipakita ang kahinaan ng kabataan” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:28). Isang gabi noong siya ay 17 taong gulang, siya ay nanalangin at humingi ng kapatawaran at hiniling na malaman niya ang kanyang katayuan sa harapan ng Diyos. Isang anghel na nagngangalang Moroni ang nagpakita at nagpahayag na ang Diyos ay may gawaing ipagagawa kay Joseph, kabilang na ang pagsasalin ng sinaunang talaan na nakasulat sa mga laminang ginto. Habang ipinapaliwanag ang gagampanan ni Joseph sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo, bumanggit si Moroni ng ilang propesiya mula sa Biblia, kabilang na ang propesiya ni Malakias tungkol sa pagbalik ni Elias (Elijah). Kinabukasan, nagtungo si Joseph Smith sa burol na sinabi ni Moroni na pinagbaunan ng mga laminang ginto. Nakatanggap siya roon ng karagdagang tagubilin mula kay Moroni.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–29

Si Joseph Smith ay nanalangin at humingi ng kapatawaran

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang natutuhan nila sa halimbawang ipinakita ni Joseph Smith noong siya ay bata pa. Maaari mong sabihin sa ilang estudyante na ibahagi nang maikli ang alituntuning natutuhan nila na nakaapekto sa kanila. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–29. Bago siya magbasa, ipaliwanag na ang mga pangyayaring inilarawan sa mga talatang ito ay naganap noong si Joseph ay nasa pagitan ng edad na 14 at 17. Sabihin sa mga estudyante na ihalintulad ang mga talatang ito sa kanilang sarili at tukuyin ang mga karanasan ni Joseph Smith na katulad ng mga naranasan nila.

  • Ano ang ilang mga karanasan ni Joseph Smith noong bata pa siya na makakaugnay kayo? (Paalalahanan ang mga estudyante na hindi sila dapat magbahagi ng anumang karanasan na napakapersonal o napakapribado.)

  • Ayon sa katapusan ng Joseph Smith—Kasaysayan 1:28, ano ang sinabi ni Joseph tungkol sa mga tukso at mga nagawa niyang kamalian? (Hindi siya nagkasala ng anumang malaking kasalanan, ngunit kung minsan pakiramdam niya ay kumikilos siya nang hindi nararapat sa isang tinawag ng Diyos.)

  • Ano ang ginawa ni Joseph Smith tungkol sa nagawa niyang mga kasalanan? (Nanalangin siya at humingi ng kapatawaran at hiniling na malaman ang kanyang katayuan sa harapan ng Diyos.)

  • Anong mga katotohanan ang natutuhan natin mula sa halimbawa ni Joseph Smith?

Habang tinatalakay ng mga estudyante ang kanilang mga ideya, tulungan silang matukoy ang mga sumusunod na katotohanan:

Kapag natukoy natin ang ating mga kasalanan at nakadama ng kalungkutan para dito, maaari tayong manalangin sa Ama sa Langit at humingi ng kapatawaran.

Maaari tayong manalangin para malaman ang katayuan natin sa harapan ng Diyos.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng malaman ang inyong katayuan sa harapan ng Diyos? (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng alamin ang ating katayuan sa harapan ng Diyos ay malaman kung nalulugod ba sa atin ang Diyos.)

  • Bakit mahalagang malaman natin ang ating katayuan sa harapan ng Diyos?

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ipaliwanag na ang payo ni Elder Andersen ay makatutulong sa atin na malaman kung paano natin malalaman ang ating katayuan sa Diyos.

Larawan
Elder Neil L. Andersen

“[Maaari tayong] magpakumbabang sumamo sa Panginoon: ‘Ama, ano ang nais Ninyong gawin ko?’ Dumarating ang mga sagot. Nadarama natin ang mga pagbabagong kailangan nating gawin. Sinasabi ito ng Panginoon sa ating puso’t isipan” (“Magsisi … Upang Mapagaling Ko Kayo,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 41).

Magpatotoo sa mga katotohanang tinalakay ng mga estudyante. Sabihin sa mga estudyante na handa tayong patawarin ng Ama sa Langit kapag nananampalataya tayo kay Jesucristo at ginagawa ang lahat ng kailangan para makapagsisi sa ating mga kasalanan.

Joseph Smith—Kasaysayan 1:30–35

Nagpakita ang anghel na si Moroni kay Joseph Smith

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:30 at alamin kung ano ang nangyari nang nanalangin si Joseph Smith para sa kapatawaran. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Ipakita ang larawang Nagpakita si Moroni kay Joseph Smith sa Kanyang Silid (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 91; tingnan din sa LDS.org).

Larawan
Nagpakita si Moroni kay Joseph Smith sa Kanyang Silid

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:32–33, at sabihin sa klase na alamin ang unang mensahe ni Moroni kay Joseph Smith.

  • Ano ang sinabi ni Moroni tungkol sa mangyayari kay Joseph Smith sa hinaharap? (Dapat maipahayag ng mga estudyante na ang Diyos ay may gawaing ipagagawa kay Joseph Smith.)

  • Sinabi ni Moroni na ang pangalan ni Joseph Smith ay “makikilala sa kabutihan at kasamaan sa lahat ng bansa.” Kailan kayo nakakita ng ganitong halimbawa?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:34–35. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang itinuro ni Moroni tungkol sa gawaing gagawin ni Joseph.

  • Paano isasalin ang aklat? (Sa paggamit ng kakaibang mga bato, na tinatawag na Urim at Tummim, na inihanda ng Diyos.)

Ipaliwanag na sa mga susunod na lesson, malalaman ng mga estudyante ang tungkol sa pagsisikap ni Joseph Smith na maisalin at mailathala ang Aklat ni Mormon.

Joseph Smith—Kasaysayan 1:36–49; Doktrina at mga Tipan 2

Tinagubilinan ni Moroni si Joseph Smith

Ibuod ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:36–42 na ipinapaliwanag na binanggit ni Moroni ang mga propesiya mula sa Biblia upang ipaliwanag ang gagampanan ni Joseph Smith sa Panunumbalik ng ebanghelyo. (Maaari mo ring imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga scripture reference na binanggit sa mga talatang ito. Halimbawa, sa talata 40, maaaring markahan ng mga estudyante ang pariralang “ang ikalabing-isang kabanata ng Isaias.”)

Ipaliwanag na ang mga salita sa propesiyang binanggit sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:38–39 ay makikita rin sa Doktrina at mga Tipan 2. Ito ang isa sa mga pinakaunang paghahayag sa dispensasyong ito, na ibinigay kay Joseph Smith noong siya ay 17 taong gulang.

Maaari mo ring banggitin na ang propesiyang ito ay napakahalaga kaya makikita rin ito sa Lumang Tipan (tingnan sa Malakias 4:5–6), sa Bagong Tipan (tingnan sa Lucas 1:17), at sa Aklat ni Mormon (tingnan sa 3 Nephi 25:5–6).

Bago magklase, gumawa ng mga kopya ng sumusunod na chart. Gupitin ito sa tatlong magkakahiwalay na handout. Hatiin sa tatlong grupo ang klase, at bigyan ng hand-out ang bawat grupo. Sabihin sa bawat grupo na pag-aralan ang mga talatang naka-assign sa kanila at ang kasunod na paliwanag nito mula sa propeta. Bukod pa riyan, ipabuod sa bawat grupo ang mensahe ng talata na naka-assign sa kanila sa sarili nilang mga salita at ipasagot ang tanong o mga tanong sa kanilang handout.

Group 1

Doktrina at mga Tipan 2:1—Sino si Elijah? Anong kapangyarihan ng priesthood ang sinabi ni Moroni na ibabalik ni Elijah?

Larawan
Pangulong Henry B. Eyring

“Dakilang propeta si Elijah na may malaking kapangyarihang ibinigay ng Diyos. Hawak niya ang pinakamalaking kapangyarihang ibinibigay ng Diyos sa Kanyang mga anak: hawak niya ang kapangyarihang magbuklod, ang kapangyarihang magbuklod sa lupa gayundin sa langit” (Pangulong Henry B. Eyring, “Pusong Magkakabigkis,” Ensign o Liahona, Mayo 2005, 78).

Group 2

Doktrina at mga Tipan 2:2—Sino ang mga ama at mga anak na tinukoy sa talatang ito?

Larawan
Elder Bruce R. McConkie

Sa propesiya na “kanyang itatanim sa mga puso ng mga anak ang mga pangakong ginawa sa mga ama,” ang pariralang “mga ama” ay tumutukoy kina “Abraham, Isaac, at Jacob, na binigyan ng mga pangako. Ano ang mga pangako? Ang mga ito ay ang mga pangako na magpapatuloy ang pamilya sa kawalang-hanggan” (Bruce R. McConkie, Millennial Messiah [1982], 267).

Larawan
Pangulong Joseph Fielding Smith

Sa propesiya na “ang mga puso ng mga anak ay magbabalik-loob sa kanilang mga ama,” ang pariralang “kanilang mga ama” ay tumutukoy sa “ating mga namatay na ninuno na hindi nagkaroon ng pribilehiyong matanggap ang ebanghelyo, ngunit tumanggap ng pangako na darating ang panahon na ipagkakaloob sa kanila ang pribilehiyong iyon. Ang mga anak ay ang mga taong nabubuhay ngayon na naghahanda ng kanilang genealogy at nagsasagawa ng mga ordenansa sa mga templo para sa mga patay” (Joseph Fielding Smith, Doctrines of Salvation, ed. Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 2:127).

Group 3

Doktrina at mga Tipan 2:3—Bakit lubusang mawawasak ang mundo kung hindi maipapanumbalik ang kapangyarihang magbuklod?

Larawan
Pangulong Joseph Fielding Smith

“Bakit lubusang mawawasak ang mundo? Dahil sa simpleng dahilan na kung walang nag-uugnay sa mga ama at anak—na siyang gawain para sa mga patay—itatatwa tayong lahat; ang buong gawain ng Diyos ay mabibigo at lubusang masasayang”(Joseph Fielding Smith, Doctrines of Salvation, ed. Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 2:122).

Pagkatapos makapaghanda nang sapat ang mga grupo, sabihin sa mga estudyante mula sa mga grupo na ibahagi ang kanilang mga buod at sagot sa klase. Dapat makita sa mga sagot ng mga estudyante ang mga sumusunod na katotohanan:

Doktrina at mga Tipan 2:1Ipadadala ng Diyos si Elijah upang ipanumbalik ang kapangyarihang magbuklod sa lupa bago ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

Doktrina at mga Tipan 2:2Ang ating mga puso ay magbabalik-loob sa ating mga ninuno, at makapagsasagawa tayo ng mga ordenansa para sa kanila sa templo.

Doktrina at mga Tipan 2:3Kung wala ang kapangyarihang magbuklod ng mga pamilya sa kawalang-hanggan, ang mundo ay mawawasak sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

Kung nabuklod ka na at ang iyong pamilya sa templo, maaari kang magdispley ng larawan ng iyong pamilya. Kung hindi ka pa nabubuklod sa iyong pamilya, ibahagi ang pagnanais mong maibuklod sa iyong pamilya. Maikling ipaliwanag na sa pag-aaral ng mga estudyante ng Doktrina at mga Tipan 110, malalaman nila ang tungkol sa pagkakaloob ni Elijah kay Propetang Joseph Smith ng kapangyarihang magbuklod.

Ibalik ang pansin ng mga estudyante sa salaysay sa Joseph Smith—Kasaysayan na ipinapaliwanag na matapos banggitin ni Moroni ang propesiya tungkol sa pagbalik ni Elijah, nagbanggit siya ng iba pang mga propesiya tungkol sa Panunumbalik. Pagkatapos ay nagbigay siya ng karagdagang mga tagubilin tungkol sa mga laminang ginto at lumisan na (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:42–43). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:44–45. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang nangyari pagkatapos lumisan si Moroni. Kapag nalaman ng mga estudyante na bumalik si Moroni nang gabing iyon at inulit ang parehong mensahe, sabihin sa kanila na basahin nang mabilis ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:46–49 at alamin kung ilang beses ibinigay ni Moroni ang pareho pa ring mensahe kay Joseph Smith.

  • Ilang beses ibinigay ni Moroni ang mensahe kay Joseph Smith? (Apat na beses.)

  • Ano ang ilang mensahe na makikita nang paulit-ulit sa mga banal na kasulatan, sa mga lesson sa Simbahan, at sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya?

  • Paano nakatutulong sa atin kapag paulit-ulit na sinasabi ng Panginoon at ng Kanyang mga tagapaglingkod ang kanilang mga mensahe?

Hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng mga bagay na paulit-ulit na itinuturo habang pinag-aaralan nila nang mag-isa ang mga banal na kasulatan at isipin kung bakit mahalaga ang mga turong iyon.

Joseph Smith–Kasaysayan 1:50–54

Si Joseph ay nagtungo sa burol at kinuha sa pagkakatago ang talaan, ang Urim at Tummim, at ang baluti sa dibdib

Ibuod ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:50–51 na ipinapaliwanag na sinunod ni Joseph ang utos ni Moroni at ikinuwento sa kanyang ama ang naranasan niya ng nakaraang gabi. Naniwala sa kanya ang kanyang ama at pinayuhan siya na gawin kung ano ang ipinapagawa sa kanya ni Moroni. Kaya nagtungo si Joseph sa burol kung saan ang mga laminang ginto ay ibinaon. Sabihin sa tatlong estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Joseph Smith—Kasaysayan 1:52–54 habang tahimik na sumasabay sa pagbasa ang klase. Para matiyak na malinaw na nauunawaan ng mga estudyante ang mga pangyayaring inilarawan sa mga talatang ito, sabihin sa isang estudyante na ikuwento ang nangyari sa kanyang sariling mga salita. Ipaalam sa mga estudyante na sa susunod na lesson ay tatalakayin nila ang mga kaganapang nangyari noong pahintulutan si Joseph na kunin ang mga lamina.

Maaari kang magtapos sa pagpapatotoo sa mga katotohanang tinalakay sa lesson na ito at sa paghihikayat sa mga estudyante na sundin ang anumang pahiwatig na natanggap nila upang maipamuhay ang mga katotohanang ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Joseph Smith—Kasaysayan 1:33. “Ang aking pangalan ay makikilala sa kabutihan at kasamaan sa lahat ng bansa”

Ikinuwento ni Elder John H. Groberg ng Pitumpu ang isang karanasan kung saan nakita niya ang katuparan ng propesiya ni Moroni na nakatala sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:33. Habang naglilingkod bilang missionary sa South Pacific, binisita ni Elder Groberg ang isang liblib na isla na nagngangalang Tafahi, na mayroon lamang 18 tahanan at walang kuryente o tubig sa gripo. Isinulat niya:

Larawan
Elder John H. Groberg

“Sa huling tahanan, may naisip ako na kakaiba, ‘Bakit hindi mo subukan ang propesiya na ang pangalan ni Joseph Smith ay makikilala sa kabutihan at kasamaan sa buong mundo?’ Hindi ko alam kung bakit ko naisip iyon.”

Tinanong niya ang pamilyang nakatira sa bahay na ito kung may narinig na ba sila tungkol sa Pangulo ng Estados Unidos. Sagot nila, “Sino siya?” at “Saan ba ang Estados Unidos?” Sabi ni Elder Groberg:

“Sinikap kong ipaliwanag kung saan ito, pero hindi nila maunawaan. Tinanong nila kung gaano kalaking isla ito. Sinabi ko na napakalaking isla nito, libu-libong milya ang layo at milyun-milyong tao ang nakatira rito. Sinabi ko sa kanila na maraming tao roon ang hindi pa nakakita ng karagatan at marami sa kanila ang hindi magkakakilala. Hindi nila ito maintindihan.”

Pagkatapos ay tinanong niya sila tungkol sa mga lider ng Russia at France, pero hindi nila masagot ang kanyang mga tanong.

“Pagkatapos,” sinabi niya, “Tinanong ko sila tungkol sa ilang sikat na mga tao sa isports, ilang artista sa pelikula, mga sikat na negosyante, tungkol sa Depression, sa Digmaan sa Korea, at sa iba pang mga bagay. …

“Wala ni isang miyembro ng Simbahan na naninirahan sa islang ito, pero may dalawang ibang simbahan doon. Bumuntung-hininga ako at sinabi, ‘May narinig na ba kayo tungkol kay Joseph Smith?’

“Biglang naiba nag ekspresyon ng mukha nila. Tumingin silang lahat sa akin, at sinabi ng ama, ‘Huwag mong mabanggit-banggit sa amin ang huwad na propetang iyan! Hindi sa loob ng pamamahay namin! Alam namin ang lahat ng tungkol sa kanya. Sinabi sa amin ng aming ministro!’ Halos hindi ako makapaniwala sa narinig ko. Naalala ko ang sinabi sa banal na kasulatan na ang pangalan ni Joseph ay ‘makikilala sa kabutihan at kasamaan sa lahat ng bansa’ (JS—K 1:33). Para sa akin ito ay direktang katuparan ng propesiya.

“Naniniwala ako na wala ka nang makikitang lugar na mas liblib, mas malayo sa sibilisasyon, kaysa sa isla ng Tafahi. Ang mga tao roon ay walang nalalaman sa mga dakilang pinuno sa panahong iyon—sa pulitika, ekonomiya, o sa iba pa—pero kilala nila ang pangalang Joseph Smith. Sa sitwasyong ito ang pagkakilala nila sa pangalang ito ay masama, ngunit sa simula lamang. Ginugol ko ang mga sumunod na araw sa pagpapaliwanag pang lalo ng misyon ni Propetang Joseph Smith, at bago kami umalis, ilan sa kanila ang mabuti na ang pagkakilala sa kanyang pangalan” (In the Eye of the Storm [1993], 104–6).