Seminary
Lesson 153: Opisyal Na Pahayag 1 at ang Patuloy na Pagsulong ng Gawain sa Templo


Lesson 153

Opisyal Na Pahayag 1 at ang Patuloy na Pagsulong ng Gawain sa Templo

Pambungad

Matapos matanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nag-uutos sa kanya na ituro ang alituntunin ng maramihang pagpapakasal, nagsimulang mag-asawa nang higit sa isa ang ilang miyembro ng Simbahan sa ilalim ng kanyang pamumuno noong mga unang taon ng 1840s. Sa mga sumunod na dekada, sinalungat ng publiko ang Simbahan dahil sa gawaing ito. “Matapos makatanggap ng paghahayag, naglabas si Pangulong Wilford Woodruff ng … Manipesto [Opisyal na Pahayag 1], na tinanggap ng Simbahan na may kapangyarihan at may bisa noong Oktubre 6, 1890. Ito ang tumapos sa ginagawang maramihang pagpapakasal” (Official Declaration 1, introduction). Kahit dumanas ng oposisyon ang mga Banal, masigasig pa rin silang nagtayo ng mga templo, kung saan sila tumanggap ng mga ordenansa para sa kanilang sarili at para sa mga patay. Nagtayo at naglaan sila ng limang templo sa pagitan ng 1846 at 1893.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Inihayag ng Panginoon na dapat nang itigil ng mga Banal sa mga Huling Araw ang pag-aasawa nang higit sa isa

Sabihin sa mga estudyante na magbanggit ng mabubuting tao sa mga banal na kasulatan na dinakip o ibinilanggo dahil sa ginawa nila ang iniutos ng Diyos. (Maaaring kasama sa mga sagot sina Daniel, Abinadi, Pedro, Joseph Smith, at ang Tagapagligtas.)

Ipaliwanag na maraming Banal sa mga Huling Araw ang dinakip at ibinilanggo dahil patuloy nilang sinunod ang utos na mag-asawa nang higit sa isa matapos magpasa ng mga batas ang pamahalaan na nagsasaad na ilegal ang gawaing ito. May mga kababaihan ding dinakip, kadalasan ay sa dahilang hindi nila ibinubunyag ang kinaroroonan ng kanilang mga asawa, na nagsipagtago upang hindi madakip.

Sabihin sa mga estudyante na ibuod kung paano nagsimula ang pag-aasawa nang higit sa isa sa mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. (Tumanggap si Propetang Joseph Smith ng paghahayag tungkol sa alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa, at ang pag-aasawa nang higit sa isa ay sinimulan sa mga miyembro ng Simbahan noong mga unang taon ng 1840s bilang tugon sa utos ng Panginoon [tingnan sa D at T 132].)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga dinanas na hirap ng mga miyembro ng Simbahan nang sundin nila ang utos ng Panginoon na mag-asawa nang higit sa isa.

Noong Agosto 1852, bilang bahagi ng isang kumperensya sa Salt Lake City, ipinaalam ni Elder Orson Pratt sa publiko na bilang pagsunod sa utos ng Diyos, ang ilang miyembro ng Simbahan ay nag-aasawa nang higit sa isa. Ibinigay ni Elder Pratt ang pahayag na ito sa tagubilin ni Pangulong Brigham Young. Maraming pinuno ng relihiyon at pulitika sa Estados Unidos ang sumalungat sa sistemang ito ng pag-aasawa, na itinuturing nilang imoral at hindi gawain ng sibilisadong tao. Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay binatikos sa mga talumpating pampubliko, aklat, magasin, at pahayagan. Nagpalabas ang Kongreso ng Estados Unidos ng mga batas na naghigpit sa kalayaan ng mga Banal sa mga Huling Araw at pinahirapan ang kabuhayan ng Simbahan sa pamamagitan ng paglilimita sa dami ng ari-ariang maaaring ariin ng Simbahan. Dahil sa mga batas na ito dinakip at ibinilanggo ang mga lalaking higit sa isa ang asawa. Ipinagkait sa mga lalaking ito “ang karapatang bumoto, ang karapatan ng kasarinlan [privacy] sa kanilang mga tahanan, at ang pagtamasa sa iba pang mga karapatang pangsibiko” (Ang Ating Pamana: Isang Maikling Kasaysayan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw [1996], 118–19). Pagsapit ng 1890, daan-daang Banal sa mga Huling Araw ang nabilanggo. Ang iba ay nagsipagtago upang hindi madakip at mabilanggo. Dahil sa mga kalagayang ito, maraming pamilya ang dumanas ng pagkabalisa, pagdadalamhati, paghihirap, at pagkagutom.

Matapos ang pahayag noong 1852, lalong dumami ang nag-asawa nang higit sa isa, at libu-libong kalalakihan at kababaihan ang ibinuklod sa isa’t isa sa maramihang pagpapakasal sa ilalim ng pamamahala ng mga lider ng priesthood. Bagama’t binatikos sila ng mundo dahil sa pagkakaroon ng maraming asawa, ipinagtanggol ng maraming matatapat na Banal sa mga Huling Araw ang gawaing ito at nagpatotoo na alam nilang inihayag ito ng Diyos sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.

  • Paano ninyo ibubuod ang mga paghihirap ng mga naunang Banal sa mga Huling Araw dahil sinunod nila ang utos ng Panginoon na mag-asawa nang higit sa isa?

Larawan
Pangulong Wilford Woodruff

Ipaliwanag na ang mahihirap na kalagayang ito ang nagbunsod kay Pangulong Wilford Woodruff na manalangin na gabayan siya ng Panginoon hinggil sa pag-aasawa ng nga Banal nang higit sa isa. Noong 1889, itinuro ni Pangulong Woodruff sa mga lider ng Simbahan na huwag nang ituloy ang pagtuturo ng alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa. Noong 1890, iilan na lamang ang nag-asawa nang higit sa isa, at ginawa ang mga ito salungat sa tagubilin ni Pangulong Woodruff. Gayunpaman, may mga tao pa ring naglathala ng mga balita na ginagawa pa rin ng Simbahan ang maramihang pagpapakasal. Ang mga balitang ito ay lalong nagpatindi ng pagsalungat sa Simbahan. Noong Setyembre 1890, naglabas si Pangulong Woodruff ng isang Manipesto, na kilala ngayon bilang Opisyal Na Pahayag 1 sa Doktrina at mga Tipan.

Ibuod ang unang tatlong talata ng Opisyal Na Pahayag 1 na ipinapaliwanag na sinabi ni Pangulong Woodruff na ang mga balita na di umano’y hinihikayat pa rin ng Simbahan ang pagsasagawa ng maramihang pagpapakasal ay hindi tumpak. Pagkatapos ay anyayahan ang tatlong estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng ikaapat at ikalimang talata ng Opisyal Na Pahayag 1 (simula sa “Yayamang ang Kongreso ay nagpasa ng mga batas”) at ang kasunod na pahayag ni Pangulong Lorenzo Snow, na noon ay Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang iniutos ni Pangulong Woodruff na gawin ng mga Banal.

  • Ano ang iniutos sa mga Banal? (Tumigil sa pakikipagkasundo sa anumang maramihang pagpapakasal.)

  • Ayon sa pahayag ni Pangulong Lorenzo Snow, bakit mahalagang magmula sa Pangulo ng Simbahan ang tagubilin na tumigil sa pakikipagkasundo sa anumang iba pang maramihang pagpapakasal? (Dahil siya lamang ang tanging tao sa mundo na may hawak ng mga susi ng kapangyarihang magbuklod. Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na ang pag-aasawa nang higit sa isa ay mapapahintulutan lamang sa pamamagitan ng mga susi ng priesthood na ibinigay sa Pangulo ng Simbahan [tingnan sa D at T 132:7, 48].)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang unang talata ng “Mga Hango Mula sa Tatlong Talumpati ni Pangulong Wilford Woodruff Tungkol sa Pahayag,” na sumusunod sa teksto ng Manipesto. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang alituntunin na itinuro ni Pangulong Woodruff sa mga Banal.

  • Ano ang itinuro ni Pangulong Woodruff sa mga Banal? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Hindi pahihintulutan ng Panginoon kailanman ang Pangulo ng Simbahan na iligaw ang Simbahan. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga salita o parirala sa kanilang banal na kasulatan na nagtuturo ng doktrinang ito.)

  • Paano tayo matutulungan ng alituntuning ito ngayon?

Ipaliwanag na nagtaka ang ilang miyembro ng Simbahan kung bakit iniutos sa kanila na ipamuhay ang alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa ngunit pagkatapos ay ipinatigil ito. Iniutos ng Panginoon kay Pangulong Woodruff na tanungin ang mga Banal. Sabihin sa tatlong estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng ikatlo, ikaapat at ikalimang talata ng “Mga Hango Mula sa Tatlong Talumpati ni Pangulong Wilford Woodruff” (simula sa “Ako ay nagkaroon ng ilang paghahayag”). Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang itinanong ni Pangulong Woodruff sa mga Banal.

  • Paano ninyo ibubuod ang tanong na nainspirasyunan si Pangulong Woodruff na itanong sa mga Banal?

Ipaliwanag na nanganib na mawala sa mga Banal ang St. George Utah Temple, ang Logan Utah Temple, ang Manti Utah Temple, at ang halos matatapos nang Salt Lake Temple. (Kung maaari, magdispley ng mga larawan ng mga templong ito.)

  • Anong mahalagang gawain ang mahihinto kapag nakumpiska ang mga templo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang ikapitong talata ng “Mga Hango Mula sa Tatlong Talumpati ni Pangulong Wilford Woodruff” (simula sa “Nakita ko kung ano ang tiyak”). Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang maaaring nagawa ni Pangulong Woodruff kung hindi iniutos sa kanya ng Panginoon na sabihan ang mga lider ng Simbahan na ihinto ang pagpapakasal nang higit sa isa.

  • Ano ang tiyak sanang nagawa ni Pangulong Woodruff?

  • Ano ang matututuhan natin sa pahayag ni Pangulong Woodruff na, “Isinulat ko ang anumang sabihin sa akin ng Panginoon na isulat”? (Matapos sumagot ang mga estudyante, maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Pinamamahalaan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag sa Pangulo ng Simbahan.)

  • Paano nakaimpluwensya sa inyo ang doktrinang ito?

Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga patotoo hinggil sa mga katotohanang isinulat mo sa pisara. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong patotoo.

Larawan
Pangulong Joseph F. Smith

Ipaliwanag na may iilan pang mga Banal sa mga Huling Araw ang patuloy na nag-asawa nang higit sa isa kahit naibigay na ang Manipesto. Noong 1904, ipinahayag ni Pangulong Joseph F. Smith “na lahat ng pagpapakasal [nang higit sa isa] ay ipinagbabawal, at kung sinumang opisyal o miyembro ng Simbahan ang gagawa ng gayong pagpapakasal ay … ititiwalag” (sa Conference Report, Abr. 1904, 75). Patuloy pa rin hanggang ngayon ang tuntuning ito.

  • Batay sa natutuhan ninyo, ano ang isasagot ninyo kapag may nagtanong sa inyo kung nag-aasawa pa rin nang higit sa isa ang mga Banal sa mga Huling Araw? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na may panahong nag-asawa nang higit sa isa ang mga miyembro ng Simbahan bilang pagsunod sa utos ng Panginoon, ngunit matagal nang itinigil ito, dahil iniutos rin ng Panginoon. Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay pamantayan ng Diyos para sa kasal maliban kung iba ang ipahayag Niya [tingnan sa Jacob 2:27, 30].)

Inihayag ng Panginoon na ang mga Banal sa mga Huling Araw ay dapat ring mabuklod sa mga miyembro ng kanilang pamilya

Ipaliwanag na matapos ibigay ang Manipesto, ang bantang pagkumpiska ng pamahalaan ng pederal sa mga templo at ari-arian ng Simbahan ay natigil na. Dahil wala na ang pangambang iyon, mas nakapagtuon na ang mga Banal sa gawain sa templo. Noong Abril 6, 1893, apatnapung taon matapos mailatag ang mga panulok na bato ng Salt Lake Temple, inilaan ni Pangulong Wilford Woodruff ang templong iyon, ang pang-apat sa kabuuang bilang noon ng mga nagagamit na templo.

Noong Abril 1894, isang taon matapos ang paglalaan ng Salt Lake Temple, ipinaalam ni Pangulong Woodruff na nakatanggap siya ng paghahayag. Bago ang paghahayag na ito, ang mga miyembro ng Simbahan, na kumikilos ayon sa kaalamang mayroon sila, ay karaniwang nagpapabuklod, o “nagpapaampon” sa mga lider ng Simbahan, gaya ni Joseph Smith o ni Brigham Young, sa halip na sa kanilang sariling mga magulang. Ngunit nalaman ni Pangulong Woodruff sa paghahayag na dapat niyang iutos sa mga Banal na “saliksikin … ang kanilang mga talaangkanan hangga’t makakaya nila, at mabuklod sa kanilang mga ama at ina. Ibuklod ang mga anak sa kanilang mga magulang, at ipagpatuloy ang gawaing ito hanggang sa abot ng makakaya ninyo. … Ito ang kalooban ng Panginoon sa kanyang mga anak” (sa James R. Clark, comp., Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 6 tomo [1965–75], 3:256–257; tingnan din sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff [2005], xxxviii).

  • Kanino tayo maaaring mabuklod sa pamamagitan ng ordenansa ng pagbubuklod? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Maaari tayong mabuklod sa mga miyembro ng ating pamilya, kabilang na ang mga nauna sa atin at mga susunod sa atin, sa pamamagitan ng kapangyarihang magbuklod.)

  • Ano ang pakiramdam ninyo na alam ninyong maibubuklod kayo sa mga miyembro ng inyong pamilya?

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa kapangyarihang magbuklod at sa kahalagahan ng pag-uugnay sa ating sarili sa mga henerasyon ng ating pamilya sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Opisyal na Pahayag 1. Ang background ay kasama sa 2013 edisyon ng mga banal na kasulatan

Ang sumusunod na pahayag, na nagsisilbing introduction to Official Declaration 1 sa 2013 edition ng mga banal na kasulatan, ay makatutulong sa mga estudyante na masagot ang mga tanong tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa ng mga Banal sa mga Huling Araw noong 1800s. Maaari kang gumawa ng mga kopya ng pahayag na ito at ibigay ang mga ito sa mga estudyante na wala pang 2013 na edisyon ng mga banal na kasulatan.

“Itinuturo ng Biblia at ng Aklat ni Mormon na ang monogamya ang pamantayan ng Diyos sa pag-aasawa maliban na lamang kung iba ang Kanyang ipahayag (tingnan sa II Samuel 12:7–8 at Jacob 2:27, 30). Kasunod ng paghahayag kay Joseph Smith, ang pag-aasawa nang higit sa isa ay sinimulan sa mga miyembro ng Simbahan noong mga unang taon ng 1840s (tingnan sa bahagi 132). Mula 1860s hanggang 1880s, nagpasa ang pamahalaan ng Estados Unidos ng mga batas upang gawing ilegal ang gawaing ito. Kalaunan ang mga batas na ito ay pinagtibay ng Kataas-taasang Hukuman ng Estados Unidos. Matapos makatanggap ng paghahayag, inilabas ni Pangulong Wilford Woodruff ang sumusunod na Manipesto, na tinanggap ng Simbahan na may kapangyarihan at may bisa noong Oktubre 6, 1890. Ito ang tumapos sa pag-aasawa nang higit sa isa sa Simbahan.”

Opisyal na Pahayag 1. Ang pag-aasawa ba nang higit sa isa ay kaagad na natigil matapos ilabas ang Manipesto?

May iilan pang mga Banal sa mga Huling Araw ang patuloy na nag-asawa nang higit sa isa kahit naibigay na ang Manipesto noong 1890. Ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Dallin H. Oaks

“Ang pag-aasawa nang higit sa isa ay hindi kaagad natigil matapos ilabas ang 1890 na Manipesto. Ang mga nagsipag-asawa na nang higit sa isa bago ipinaalam ang pahayag na iyan ay nagpatuloy sa gayong relasyon sa loob ng isang henerasyon. Nagpatuloy rin ang maramihang pagpapakasal sa labas ng Estados Unidos, kung saan hindi pa malinaw na naipatupad ang Manipesto nang ilang panahon. Tila ang pag-aasawa nang higit sa isa ay nagpatuloy pa rin nang halos isang dekada sa ilang lugar sa mga lider at miyembro na pinangatwiranan na hindi ito malinaw na naipaunawa at may mga problemang idinulot ang matinding pagtatalong ito sa pagitan ng mga batas na hindi nila sinasang-ayunan at mga doktrinang kanilang pinahahalagahan. …

“Nadudurog ang aking puso kapag nababasa ko ang mga sitwasyon ng mga asawa at mga anak na kailangang magpasiya kung magsisinungaling ba tungkol sa kinaroroonan ng kanilang asawa o ama o magsasabi ng tototo at makitang makulong ito. … Ang amang nakakulong ay walang mailalagay na pagkain sa hapag-kainan at pampaningas sa dapugan. Sa napakahirap na mga pagpapasiyang iyon nagtatalo ang mga damdamin kung ano ang pipiliin: maging tapat sa katotohanan o ang pagmamahal ng katuwang at kalunasan mula sa lamig at gutom.

“Nahahabag din ako sa mga lider ng Simbahan na naiipit sa pagitan ng kanilang katapatan sa katotohanan at sa debosyon sa kanilang mga asawa at mga anak at sa isa’t isa. Ang pagsasabi ng totoo ay nangangahulugan ng pagsira ng tiwala o adhikain o pagkakulong ng isang kapatid. …

“Hindi ko alam kung ano ang iisipin sa lahat ng ito, maliban sa pagpapasalamat na hindi ko dinanas ang mga problemang hinarap ng mabubuting taong iyon. Hinahangaan ko ang kanilang tapang at sakripisyo, na nakatulong mismo sa akin. Hindi ko sila huhusgahan. Ang paghatol na iyan ay magmumula sa Panginoon, na nalalaman ang lahat ng mga kalagayan at ang mga nasa puso ng mga gumawa nito, isang antas ng pang-unawa at karunungan na hindi kayang abutin kahit pa ng pinakamatalinong mananalaysay” (“Gospel Teachings about Lying,” Clark Memorandum [Brigham Young University J. Reuben Clark Law School periodical], Spring 1994, 16–17).

Simula noong 1904, itiniwalag ng Simbahan ang sinuman sa mga miyembro nito na nag-asawa nang higit sa isa (tingnan sa Conference Report, Abr. 1904, 75). Noong 1998, ipinahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang pananaw ng Simbahan sa pag-aasawa nang higit sa isa:

Larawan
Pangulong Gordon B. Hinckley

“Walang anumang kinalaman ang Simbahang ito sa mga taong nag-aasawa nang higit sa isa. … Kung sinuman sa aming mga miyembro ang napatunayang nag-asawa nang higit sa isa, sila ay itinitiwalag, ang pinakamabigat na parusang maipapataw ng Simbahan. Hindi lamang direktang nilalabag ng mga gumawa nito ang batas ng bansa, nilalabag din nila ang batas ng Simbahang ito” (“What Are People Asking about Us?” Ensign, Nob. 1998, 71).

Mga Talumpati ni Pangulong Wilford Woodruff. Hindi kailanman tutulutan ng Panginoon na iligaw tayo ng Pangulo ng Simbahan

Ikinuwento ni Pangulong Marion G. Romney ng Unang Panguluhan ang isang pangyayari nang minsang makasama niya si Pangulong Heber J. Grant, na Pangulo ng Simbahan nang panahong iyon:

Larawan
Pangulong Marion G. Romney

“Habang nakatayo sa tabi ko, inakbayan niya ako at sinabing: ‘Anak, lagi mong ituon ang paningin mo sa Pangulo ng Simbahan at kung may ipagawa siya sa iyo, at mali ito, at ginawa mo ito, pagpapalain ka ng Panginoon dahil dito.’ Pagkatapos may kislap sa matang sinabi niya, ‘Pero huwag kang mag-alala. Hindi hahayaan ng Panginoon ang kanyang tagapagsalita na iligaw ang mga tao” (sa Conference Report, Okt. 1960, 78).

Opisyal na Pahayag 1. Para sa karagdagang impormasyon

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa Opisyal na Pahayag 1, pumunta sa Gospel Topics sa LDS.org at hanapin ang “plural marriage” o “polygamy.”