Seminary
Lesson 151: Ang Digmaan sa Utah at ang Masaker sa Mountain Meadows


Lesson 151

Ang Digmaan sa Utah at ang Masaker sa Mountain Meadows

Pambungad

Noong 1850s, ang tensiyon at di-pagkakaunawaan sa pagitan ng mga Banal sa mga Huling Araw at ng mga opisyal ng pamahalaan ng Estados Unidos ay humantong sa Digmaan sa Utah noong 1857–58. Noong Setyembre 1857, may pagtatalo ring namagitan sa ilang mga Banal sa mga Huling Araw at sa mga dayuhang nakasakay sa mga bagon na dumaan sa Utah. Dahil sa galit at takot, ilang Banal sa mga Huling Araw sa katimugang Utah ang nagplano at nagsagawa ng pagmasaker sa 120 dayuhan na naglalakbay papuntang California. Ang malupit na karahasang ito ay kilala na ngayon bilang Masaker sa Mountain Meadows.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Nagkaroon ng tensiyon at di-pagkakaunawaan sa pagitan ng mga Banal sa mga Huling Araw at ng pamahalaan ng Estados Unidos

Ipaliwanag na noong Hulyo 24, 1857, kasama ni Pangulong Brigham Young ang isang grupo ng mga Banal na nagdiriwang ng ika-10 anibersaryo ng kanilang pagdating sa Salt Lake Valley nang matanggap niya ang liham na nagkukumpirma sa naunang balita na isang hukbo ang paparating sa Salt Lake City. Noong mga nakaraang taon, nagdulot ng tensiyon ang pagtatalo at di-pagkakaunawaan sa pagitan ng mga Banal sa mga Huling Araw at ng mga opisyal ng pamahalaan ng Estados Unidos. Gusto ng mga Banal na mapamahalaan sila ng mga lider na sila mismo ang pumili at tinutulan ang mga itinalaga ng pederal na hindi naniniwala sa kanilang mga pinahahalagahan. Dahil diyan itinuring ng mga opisyal ng pederal na nagrerebelde sila laban sa pamahalaan ng Estados Unidos. Nang walang pahintulot mula sa kongreso, nagpadala ang Pangulo ng Estados Unidos na si James Buchanan ng tinatayang 1,500 kawal sa Salt Lake City upang pwersahin ang mga taga Utah na tumanggap ng mga bagong opisyal.

  • Kung kayo ay isang Banal sa mga Huling Araw noong 1857 at nabalitaan ninyo na isang malaking hukbo ang paparating sa lunsod ninyo, ano kaya ang ikababahala ninyo? (Maaaring mabanggit ng mga estudyante na ang mga Banal ay marahas na pinalayas sa Ohio, Missouri, at Illinois; marami ang nawalan ng mahahalagang ari-arian at mga lupain; at ang ilan ay napatay o namatay sa mga pag-uusig na iyon. Ang mga balita tungkol sa paparating na hukbo ay nagdulot ng pangamba na baka maulit ang gayong mga pangyayari sa Utah.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata:

Sa mensahe sa mga Banal, sinabi ni Pangulong Young at iba pang mga lider ng Simbahan na ang mga paparating na hukbo ay mga kaaway. Si Pangulong Young, na maraming taon nang pinag-iimbak ng butil ang mga Banal, ay muling iniutos ito upang mayroon silang makain sakali mang kailanganin nilang tumakas mula sa mga kawal. Bilang gobernador ng Utah Territory, iniutos din niyang paghandaan ng militia ang pagtatanggol sa teritoryo.

Nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng ilang mga Banal sa mga Huling Araw at ng mga dayuhang nakasakay sa mga bagon

Magdispley ng mapa na katulad ng isang nakalakip dito, o magdrowing ng isa nito sa pisara. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na dalawang talata:

Larawan
mapa, kanlurang U.S.

Isang grupo ng mga nandarayuhan na sakay ng mga bagon na naglalakbay mula Arkansas papuntang California ang pumasok sa Utah sa mismong panahon na pinaghahandaan ng mga Banal ang pagtatanggol sa teritoryo laban sa mga kawal ng Estados Unidos. Nayamot ang ilang miyembro ng mga dayuhan dahil nahirapan silang makabili ng butil mula sa mga Banal, na inutusang iimbak ang kanilang mga butil. Nakipagtalo rin ang mga dayuhan sa mga Banal dahil ayaw ipakain ng mga Banal sa mga kabayo at baka ng mga bagon ang pagkain at tubig na para sa sarili nilang mga hayop.

Tumindi ang tensiyon sa Cedar City, ang huling pamayanan sa Utah na madaraanan papunta sa California. Nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng ilang miyembro ng mga bagon at ilan sa mga Banal sa mga Huling Araw. Ilang miyembro ng mga bagon ang nagbantang aanib sa paparating na hukbo ng pamahalaan na kontra sa mga Banal. Kahit na pinagsabihan ng namumuno sa mga bagon ang kanyang mga kasama dahil sa mga pagbabantang ginawa ng mga ito, itinuring pa rin ng ilang mga lider at naninirahan sa Cedar City na kaaway ang mga dayo. Ang grupo ng mga bagon ay nanatili lamang ng mga isang oras at nilisan na ang bayan, ngunit ilan sa mga naninirahan at lider sa Cedar City ang gustong tugisin at parusahan ang mga kalalakihang nakasakit ng kanilang damdamin.

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na naranasan nilang makipagtalo sa ibang tao o sa isang grupo ng mga tao. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 12:25. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang alituntuning itinuro ni Jesucristo na makagagabay sa atin kapag may tensiyong namamagitan sa atin at sa ibang tao.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “makipagkasundo kayo agad sa inyong kaaway”?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang pariralang ito, maaari mong ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag:

Itinuro ni Elder David E. Sorensen ng Pitumpu na ang ibig sabihin ng pariralang “makipagkasundo kayo agad sa inyong kaaway” ay “maaga nating lunasan ang di pagkakasundo, upang hindi mauwi ang panandaliang init ng ulo sa kalupitang pisikal o emosyonal, at matangay tayo ng ating galit” (“Ang Kapatawaran ay Papalitan ang Kapaitan ng Pagmamahal,” Ensign o Liahona, Mayo 2003, 11).

  • Paano ninyo ibubuod ang turo ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 12:25 sa sarili ninyong mga salita? (Matapos sumagot ang mga estudyante, sumulat sa pisara ng alituntuning katulad ng sumusunod: Kung lulutasin natin ang pagtatalo sa pamamaraan ng Panginoon, maiiwasan natin ang masasamang epekto ng pagtatalu-talo.)

  • Paano kaya maaaring nakatulong ang alituntunin sa 3 Nephi 12:25 sa mga Banal sa mga Huling Araw na nagalit sa mga miyembro ng mga bagon?

Ipaliwanag na dahil hindi nilutas ng mga Banal na ito ang hindi nila pagkakasundo ng mga dayuhan sa pamamaraan ng Panginoon, lalong lumala ang sitwasyon. Si Isaac Haight, ang alkalde ng Cedar City, militia major, at stake president, ay humingi ng pahintulot mula sa kumander ng militia, na nakatira sa kalapit na pamayanan ng Parowan, na atasan ang militia para harapin ang mga nakaalitan nila na kasama sa mga bagon. Pinayuhan ni William Dame, kumander ng militia, na huwag na lang pansinin ang mga pagbabanta ng mga dayuhan. Sa halip na sumunod sa payong ito, nagpasiya si Isaac Haight at iba pang mga lider sa Cedar City na hikayatin ang ilang lokal na Iider na himukin ang ilang Indiyan sa lugar na salakayin ang mga bagon at nakawin ang kanilang mga baka bilang parusa sa mga dayuhan. Inatasan ni Isaac Haight si John D. Lee, isang lokal na miyembro ng Simbahan at militia major, na pamunuan ang pagsalakay na ito, at plinano ng dalawa na ibintang sa mga Indiyan ang pagsalakay na ito.

  • Ano ang dapat na ginawa ng mga lider ng Cedar City nang payuhan sila ni William Dame na huwag gumamit ng militia? Ano ang ginawa nila sa halip na sundin ang payong ito? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung hindi natin susundin ang payo na gawin ang tama, mas malamang na mali ang maging desisyon natin.)

Ipaliwanag na salungat sa kanilang mga responsibilidad sa priesthood ang ginawa ng mga lalaking ito. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 121:36–37. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang babala ng Panginoon sa mga maytaglay ng priesthood na hindi tama ang mga ginagawa.

  • Anong babala ang ibinigay ng Panginoon sa mga maytaglay ng priesthood na pinagtatakpan ang kanilang mga kasalanan o hindi tama ang mga ginagawa?

Basahin o ibuod ang mga sumusunod na talata, at sabihin sa mga estudyante na pakinggan kung paano patuloy na nagkamali sa pagpapasiya ang mga lider ng Cedar City matapos balewalain ang payo na natanggap nila.

Inilahad ni Isaac Haight ang planong pagsalakay sa mga bagon sa mga lokal na lider sa Simbahan, komunidad, at sa militia. Ilang miyembro ng konseho ang matinding tinutulan ang plano at itinanong kung isinangguni na ba ni Haight kay Pangulong Brigham Young ang bagay na ito. Nang sabihin niya na hindi pa, pumayag si Haight na magpadala ng mensahero, si James Haslam, sa Salt Lake City upang dalhin ang liham na nagpapaliwanag ng sitwasyon at itanong kung ano ang dapat gawin. Gayunman, dahil tinatayang 250 milya ang layo ng Salt Lake City mula sa Cedar City, aabutin nang halos isang linggo ang pagpunta sa Salt lake City at pagbalik sa Cedar City ng mensahero sakay ng kabayo dala ang instruksyon ni Pangulong Young.

Hindi pa man nagtatagal bago maipadala ni Isaac Haight ang kanyang liham sa mensahero, sinalakay ni John D. Lee at ng isang grupo ng mga Indiyan ang pinagkakampuhan ng mga dayuhan sa lugar na tinatawag na Mountain Meadows. Pinamunuan ni Lee ang pagsalakay ngunit itinago ang kanyang identidad para lumabas na mga Indiyan lamang ang sangkot. Ilan sa mga dayuhan ang napatay o nasugatan, at ang mga natirang buhay ay lumaban sa mga sumalakay sa kanila, kaya napilitang umatras si Lee at ang mga Indiyan. Kaagad na ipinuwesto ng mga dayuhan ang mga bagon nang paikot na magkakadikit, na parang kural, bilang pananggalang. Dalawang pagsalakay pa ang sumunod matapos ang limang araw na paglusob sa mga bagon.

May isang pagkakataon na namataan ng mga tauhan ng militia ng Cedar City na dalawa sa mga dayuhang lalaki ang nasa labas ng nakapaikot na mga bagon. Pinaputukan ng mga militia ang mga ito, at napatay nila ang isa. Nakatakas ang isa pa at ibinalita sa kampo nila na sangkot ang kalalakihang puti sa mga pagsalakay sa kanila. Nabunyag na ang panlilinlang ng mga nagplano ng mga pagsalakay. Kung hahayaan nilang magpatuloy sa California ang mga dayuhan, kakalat ang balita na ang mga Banal sa mga Huling Araw ang may kagagawan ng pag-atake sa mga bagon. Nangamba ang mga magkakasabwat na hindi maganda ang magiging epekto nito sa kanilang sarili at sa kanilang mga tao.

  • Ano ang naging epekto ng desisyon na suwayin ang payo ng kumander ng militia?

  • Sa pagkakataong ito, ano ang mga maaaring ipasiyang gawin ng mga responsable sa pagsalakay? (Puwede nilang ipagtapat ang nagawa nila at tanggapin ang mga ibubunga nito, o puwede nilang tangkaing pagtakpan ang mga krimen at kasalanang ginawa nila. Tingnan sa D at T 121:37.)

  • Ano ang dapat na ginawa nila?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang ginagawa ninyo kapag nagkakamali kayo? Ipinagtatapat ba ninyo ang nagawa ninyong pagkakamali at tinatanggap ang mga ibubunga nito, o tinatangka ninyong pagtakpan ang kasalanan sa pamamagitan ng panlilinlang?

Ilang Banal sa mga Huling Araw ang nagplano at nagsagawa ng Masaker sa Mountain Meadows

Ipaliwanag na ang mga miyembro ng Simbahan na sangkot sa mga pagsalakay sa mga dayuhan ay piniling pagtakpan ang kanilang mga kasalanan. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang nangyari dahil sa desisyong ito habang binabasa o ibinubuod mo ang mga sumusunod na talata:

Sa pagtatangkang hadlangan ang pagkalat ng balita na sangkot ang mga Banal sa mga Huling Araw sa mga pagsalakay sa mga bagon, plinano nina Isaac Haight, John D. Lee, at iba pang mga lokal na lider ng Simbahan at militia na patayin ang natitira pang mga dayuhan maliban lamang ang maliliit na bata. Upang maisagawa ang planong ito, kinausap ni John D. Lee ang mga dayuhan at sinabing poprotektahan sila ng militia laban sa mga nakaambang pagsalakay sa pamamagitan ng pagbabalik sa kanila nang ligtas sa Cedar City. Habang lumalakad ang mga dayuhan papunta sa Cedar City, binalingan sila ng mga militia at pinagbabaril. Ilang Indiyan ang nagmamadaling lumabas mula sa mga pinagtataguan at sumama sa pagsalakay. Sa tinatayang 140 dayuhan na kasama sa mga bagon, 17 maliliit na bata lamang ang naligtas.

Dalawang araw matapos ang masaker, dumating si James Haslam sa Cedar City dala ang mensaheng naglalaman ng sagot ni Pangulong Young, na tinatagubilinan ang mga lokal na lider na hayaang makaalis nang payapa ang mga bagon. “Nang mabasa ni Haight ang mga salita ni Young, tumangis siya na parang bata at ang tangi lamang nasabi ay, ‘Huli na, huli na ang lahat’” (Richard E. Turley Jr., “The Mountain Meadows Massacre,” Ensign, Set. 2007, 20).

Ipaliwanag na ang mga ipinasiyang gawin ng ilang lider na mga Banal sa mga Huling Araw at ng mga naninirahan sa katimugan ng Utah Territory ay humantong sa kalunus-lunos na Masaker sa Mountain Meadows. Taliwas dito, sinikap ng mga lider ng Simbahan at teritoryo sa Salt Lake City na resolbahin ang hindi nila pagkakasundo ng pamahalaan ng Estados Unidos sa pamamagitan ng mga mapayapang pag-uusap at negosasyon noong 1858. Sa kaguluhang ito—na tinawag kalaunan na Digmaan sa Utah—ang mga sundalo ng Estados Unidos at tauhan ng militia ng Utah ay nagpakita ng pagkapoot at pagsalungat sa isa’t isa ngunit hindi ito kailanman humantong sa digmaan.

  • Paano ninyo ibubuod ang mga pagpapasiyang humantong sa Masaker sa Mountain Meadows?

  • Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa trahedyang ito? (Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng iba-ibang alituntunin, ngunit maaaring makasama sa mga sagot nila ang sumusunod: Ang pagtatakip sa ating mga kasalanan ay magtutulak sa atin na gumawa ng marami pang kasalanan. Ang ipasiyang pagtakpan ang ating mga kasalanan ay magdudulot ng hinagpis at pagdurusa.)

Ipaliwanag na ang Masaker sa Mountain Meadows ay hindi lamang humantong sa kamatayan ng mga 120 biktima, kundi nagdulot din ito ng labis na pagdurusa sa mga nakaligtas na mga bata at sa iba pang mga kaanak ng mga biktima. Ang mga Indiyanong Paiute ay nagdusa rin dahil pinagbintangan silang sangkot sa krimen. Bukod pa rito, ang “mga nagmasaker ay habambuhay na pinahirapan ng panunurot ng budhi at ng paulit-ulit na bangungot dahil sa kanilang nagawa at nasaksihan” (Richard E. Turley Jr., “The Mountain Meadows Massacre,” 20).

Tiyakin sa mga estudyante na kung nagkamali sila at nagkasala, maiiwasan nila ang pagdurusa at paghihinagpis sa hinaharap kung babaling sila sa Panginoon at magsisisi sa kanilang mga kasalanan.

Ipaliwanag na dahil ilang Banal sa mga Huling Araw sa lugar na iyon ang nagplano at nagsagawa ng Masaker sa Mountain Meadows, naging masama na ang tingin ng ilang tao sa buong Simbahan dahil sa pangyayaring ito.

  • Bakit mahalagang malaman na ang mga maling gawain ng ilang miyembro ng Simbahan ay hindi sukatan ng katotohanan ng ebanghelyo?

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:

Larawan
Pangulong Henry B. Eyring

“Ang ebanghelyo ni Jesucristo na ating ipinamumuhay ay nasusuklam sa walang-awang pagpatay na ito sa kalalakihan, kababaihan, at mga bata. Tunay na itinataguyod nito ang kapayapaan at pagpapatawad. Ang ginawa [sa Mountain Meadows] maraming taon na ang nakararaan ng mga miyembro ng ating Simbahan ay naglalarawan ng kakila-kilabot at di-mapapangatwiranang paglihis mula sa itinuturo at ginagawa ng isang Kristiyano” (“150th Anniversary of Mountain Meadows Massacre,” Set. 11, 2007, mormonnewsroom.org/article/150th-anniversary-of-mountain-meadows-massacre).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 5:12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang magagawa natin para magkaroon tayo ng patotoo at mapanatili ito upang sa panahon ng mga pagsubok, tulad ng kapag nalaman natin ang tungkol sa mga pagkakataong hindi ipinamuhay ng mga miyembro ng Simbahan ang mga turo ni Jesucristo, ay hindi matitinag ang ating pananampalataya.

  • Ayon sa Helaman 5:12, ano ang maaari nating gawin upang magkaroon ng patotoo at mapanatili ito? (Matapos sumagot ang mga estudyante, maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Magkakaroon tayo ng malakas na patotoo kapag isinalig natin ang ating pananampalataya kay Jesucristo.)

Para mailarawan ang alituntuning ito, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na talata:

“Si James Sanders ay apo sa tuhod ng isa sa mga anak na nakaligtas sa masaker [at isa rin siyang miyembro ng Simbahan]. … Sinabi ni Brother Sanders na noong malaman niya na napatay ang kanyang ninuno sa masaker ‘hindi ito nakaapekto sa aking pananampalataya dahil nakasalig ito kay Jesucriso at hindi sa sinumang tao sa Simbahan’” (Richard E. Turley Jr., “The Mountain Meadows Massacre,” 21).

  • Paano tayo mapalalakas ng ating pananampalataya kay Jesucristo kapag nalaman natin ang tungkol sa mga pagkakataon na hindi ipinamuhay ng mga miyembro ng Simbahan ang mga turo ng Tagapagligtas?

  • Ano ang ginagawa ninyo na nakatutulong sa inyo na maisalig ang inyong pananampalataya kay Jesucristo?

Patotohanan ang kahalagahan ng pamumuhay sa mga turo ng Tagapagligtas at ang pagsalig ng ating pananampalataya sa Kanya at sa Kanyang ebanghelyo. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano nila mas maisasalig ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo at magtakda ng mithiin na gawin ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Pananagutan sa Masaker sa Mountain Meadows

Ipinahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan ang sumusunod tungkol sa pananagutan sa nangyaring Masaker sa Mountain Meadows:

Larawan
Pangulong Henry B. Eyring

“Ang may dapat panagutan sa masaker ay ang mga lokal na lider ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa mga rehiyong malapit sa Mountain Meadows na may mga posisyon din sa komunidad at militar at ang mga miyembro ng Simbahan na kumikilos sa ilalim ng kanilang pamamahala. …

“… Walang alinlangan na ang Banal na Katarungan ay magpapataw ng kaparusahan sa mga dapat managot sa masaker” (“150th Anniversary of Mountain Meadows Massacre,” Set. 11, 2007, mormonnewsroom.org/article/150th-anniversary-of-mountain-meadows-massacre).

Ipinaliwanag ni Richard E. Turley Jr., assistant Church historian at recorder, kung paano nalaman kalaunan ng mga pangkalahatang lider ng Simbahan ang tungkol sa masaker. Ibinuod din niya ang mga ibinunga nito sa ilan sa mga salarin:

Larawan
Richard E. Turley Jr.

“Bagama’t nalaman kaagad ni Brigham Young at ng iba pang mga lider ng Simbahan sa Salt Lake City ang tungkol sa masaker, hindi nila kaagad nabatid ang detalye ng pagkasangkot ng mga naninirahan doon sa kakila-kilabot na krimeng ito. Noong 1859 ini-release nila sa kanilang mga tungkulin ang stake president na si Isaac Haight at iba pang mga kilalang lider ng Simbahan sa Cedar City na sangkot sa masaker. Noong 1870 itiniwalag nila sina Isaac Haight at John D. Lee sa Simbahan.

“Noong 1874 isinakdal ng pangkalahatang lupong tagahatol sa lugar ang siyam na lalaki dahil sa partisipasyon nila sa masaker. Karamihan sa kanila ay nadakip kalaunan, bagama’t tanging si Lee lamang ang nilitis, napatunayang maysala, at pinarusahan ng kamatayan dahil sa ginawang krimen. Isa pang lalaki na isinakdal ang naging state witness [kusang nagbigay ng testimonya at ebidensya laban sa iba pang mga nasasakdal], at ang iba naman ay maraming taon na nagtago sa batas. Ang iba pang mga tauhan ng militia na nagmasaker ay habambuhay na pinahirapan ng panunurot ng budhi at ng paulit-ulit na bangungot dahil sa kanilang nagawa at nasaksihan” (Richard E. Turley Jr., “The Mountain Meadows Massacre,” Ensign, Set. 2007, 20).

Timeline ng mga pangyayari sa Masaker sa Mountain Meadows

Huwebes, Setyembre 3, 1857: Isang grupo ng mga bagon na tinatayang may 140 katao, na karamihan ay mula sa Arkansas, ang dumaan sa Cedar City, Utah. Ilang miyembro ng mga bagon ang nakaalitan ang ilang Banal sa mga Huling Araw sa lugar na ito. Matapos tutulan ng ilang miyembro ng mga bagon ang pagdakip sa kanila, humingi ng pahintulot ang mga lokal na lider ng Simbahan at ng pamayanan kay William Dame, ang military district commander sa kalapit na Parowan, na tumawag ng militia para harapin ang mga dayuhan.

Biyernes, Setyembre 4, 1857: Nagpadala si William Dame ng mensahe na nagtatagubilin sa mga lider ng Cedar City na huwag gawan ng masama ang mga dayuhan. Bumuo ng plano si Isaac C. Haight at ang iba pang mga lider sa Cedar City na himukin ang mga Indiyan na salakayin ang mga bagon. Ni-recruit ni Haight si John D. Lee mula sa kalapit na Fort Harmony para pamunuan ang pagsalakay.

Linggo, Setyembre 6, 1857: Pinamunuan ni Isaac C. Haight ang pulong ng konseho sa Cedar City at ipinaalam sa mga karagdagang lider sa lugar ang planong pagsalakay sa mga dayuhan. Tinutulan ng ilang lider ang planong ito at hinikayat si Haight na ipadala ang mensaherong si James Haslam para hingin ang payo ni Pangulong Brigham Young hinggil sa bagay na ito.

Lunes, Setyembre 7, 1857: Sinalakay ni John D. Lee at ng mga Indiyan ang mga dayuhan ng mga bagon sa Mountain Meadows. Nilisan ni James Haslam ang Cedar City papuntang Salt Lake City dala ang liham na humihingi ng payo kay Pangulong Brigham Young. Sinalakay ng dalawang tauhan ng militia ng Cedar City ang dalawang dayuhang nasa labas ng nakapaikot na mga bagon. Isa mga dayuhan ang nakaligtas at nagbalik sa mga bagon, at ibinalita na ang mga naninirahan sa lugar ang sumasalakay sa mga dayuhan.

Martes, Setyembre 8, 1857: Sinalakay muli nang dalawang beses pa ng ilang Banal sa mga Huling Araw at mga Indiyan ang mga bagon. Matagumpay na naipagtanggol ng mga dayuhan ang kanilang sarili, ngunit napatay ng mga tauhan ng Cedar City ang dalawa pa sa kanila na nagtangkang tumakas at humingi ng tulong.

Miyerkules, Setyembre 9, 1857: Naglakbay si Isaac C. Haight mula sa Cedar City papuntang Parowan upang makausap si William Dame. Nagpasiya ang konseho ng Parowan na dapat pahintulutan ang pangkat ng mga dayuhan na payapang magpatuloy sa paglalakbay, ngunit lihim na inudyukan ni Haight si Dame na pahintulutan siyang pasalakayin ang militia sa nakubkob na mga dayuhan.

Huwebes, Setyembre 10, 1857: Bumalik si Isaac C. Haight sa Cedar City at sumangguni sa mga lokal na lider. Nagpadala sila ng utos na patayin ang lahat ng mga dayuhan maliban lamang sa maliliit na bata. Narating ni James Haslam ang Salt Lake City, ipinahatid ang mensahe ni Haight, at naglakbay pabalik sa Cedar City dala ang sagot ni Pangulong Young.

Biyernes, Setyembre 11, 1857: Kinumbinsi ng militia sa lugar na lumabas ng kanilang kampo ang mga natitirang dayuhan. Sumalakay ang mga militia at Indiyan at pinatay ang mga dayuhan, maliban lamang sa 17 maliliit na bata.

Linggo, Setyembre 13, 1857: Nagbalik si James Haslam mula sa Salt Lake City dala ang nakasulat na instruksyon ni Brigham Young na hayaang makaalis nang payapa ang mga dayuhan.

1859: Kinuha ng mga opisyal ng pamahalaan ang mga nakaligtas na bata at ibinalik sila sa Arkansas para tumira sa mga kaanak.

1870: Nalaman ni Pangulong Brigham Young ang mga karagdagang detalye tungkol sa masaker at itiniwalag sina Isaac C. Haight at John D. Lee.

1874: Siyam na lalaki ang isinakdal ng pangkalahatang lupon ng mga hurado dahil sa partisipasyon nila sa masaker.

1875: Si John D. Lee ang tanging salarin na nilitis, ngunit wala pang hatol na ibinigay.

1876: Muling nilitis si John D. Lee at napatunayang nagkasala ng pagpatay dahil sa kanyang partisipasyon sa masaker.

Biyernes, Marso 23, 1877: Hinatulan si John D. Lee na mamatay sa pamamagitan ng firing squad sa Mountain Meadows.

Ang Digmaan sa Utah

Noong kalagitnaan ng 1857, nabalitaan ng mga lider ng mga Banal sa mga Huling Araw ang usap-usapan na baka palitan si Brigham Young ng bagong gobernador ng pamahalaang pederal sa Teritoryo ng Utah, na susuportahan ng malaking bilang ng mga tauhan ng pederal. Nakumpirmang totoo ang mga usap-usapang ito noong Hulyo 24 ng mga kalalakihang Banal sa mga Huling araw na dumating sa Salt Lake City mula sa silangan (tingnan sa Ronald W. Walker, Richard E. Turley Jr., and Glen M. Leonard, Massacre at Mountain Meadows: An American Tragedy [2008], 30). Dumating sina Abraham Smoot, Judson Stoddard, at Orrin Porter Rockwell sa Salt Lake City noong Hulyo 23 dala ang balita na may paparating na hukbo. Kinabukasan ipinarating nila ang balita sa Big Cottonwood Canyon, kung saan ipinagdiriwang ni Brigham Young at ng maraming Banal ang ika-10 taong anibersaryo ng pagpasok ng mga pioneer sa Salt Lake Valley (tingnan sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 369–70).

Ipinalagay ni Pangulong Brigham Young at ng iba pang mga lider ng Simbahan na ang papalapit na mga kawal ng pederal ay may masamang intensyon sa mga Banal sa mga Huling Araw. Noong Agosto ng 1857, ipinahayag ng mga lider ng Simbahan ang plano na hadlangan o pigilan ang mga kawal sa pagpasok sa Teritoryo ng Utah. Noong Setyembre 15, 1857, idineklara ni Brigham Young ang batas militar sa teritoryo. Kanya ring “inatasan ang Nauvoo Legion na paghandaan ang pagsalakay. Sa halos bawat komunidad ng Utah, pinaigting ang paghahanda para sa pagdepensa. Tinagubilinan din niya ang mga bishop sa mga bayan-bayan na sunugin ang lahat sakali mang sumiklab ang labanan” (Church History in the Fulness of Times Student Manual, 371).

Ipinadala ang mga miyembro ng Nauvoo Legion [ang pangalang ginamit ng Utah Territorial militia] upang ligaligin ang mga kawal ng pederal habang nagmamartsa ang mga ito papuntang teritoryo. “Sinilaban ng [mga miyembro ng legion] ang pitumpu’t apat na bagon, na naglalaman ng tatlong buwang suplay ng malaking hukbo. Hinuli rin nila ang isang libo at apat na raang baka mula sa dalawang libong bakang kasama sa ekspedisyon” (Church History in the Fulness of Times Student Manual, 374). Dahil dito bumagal ang pagmartsa ng mga kawal at nahadlangan sa pagpasok sa Salt Lake Valley hanggang sa tagsibol ng 1858.

Noong Marso 1858, iniutos ni Pangulong Young sa mga Banal na lumikas sa lahat ng mga pamayanan sa hilagang Utah. “Itinago [ng mga Banal] ang lahat ng bato na tinibag para sa Salt Lake Temple, at ipinantay at itinakip sa pundasyon nito para magmukhang sakahan ang lote at hindi malapastangan” (Church History in the Fulness of Times Student Manual, 376). Ang mga tahanan at iba pang mga gusali sa Salt Lake City ay pinuno ng dayami upang sunugin sa halip na maokupahan ng hukbo. Mahigit 30,000 Banal ang nagtungo sa Provo at sa ibang mga bayan sa gitna at katimugang Utah, kung saan naroon ang ibang mga miyembro ng Simbahan na magpapatira at mangangalaga sa kanila.

Naresolba ng mga lider ng Simbahan at teritoryo sa Salt Lake ang gusot sa pagitan nila at ng pamahalaan ng Estados Unidos sa pamamagitan ng mapayapang pag-uusap at negosasyon. Noong Abril 1858, malugod na tinanggap ng mga lider ng Simbahan ang bagong gobernador ng teritoryo, si Alfred Cumming, sa Salt Lake City. Ibinigay ni Brigham Young ang mga talaan ng teritoryo at sagisag [seal] sa bagong gobernador at pinakitunguhan ito nang mabuti. Sa mga unang araw ng Hunyo, dumating sa Salt Lake City ang mga ipinadalang mensahero ni Pangulong James Buchanan na may dalang alok ng pagpapatawad para sa mga Banal sa mga Huling Araw. Tinanggap ng mga lider ng Simbahan ang alok na ito na nagpawalang-sala sa Nauvoo Legion sa mga pagsalakay na ginawa nito sa mga bagon na may dalang mga suplay ng hukbo. Noong Hunyo 26, payapang nakapasok ang hukbo sa kabisera na tahimik at halos walang nakatira. Dahil hindi pinakialaman ng mga hukbo ang ari-arian ng mga Banal, hindi na itinuloy ng mga Banal ang bantang susunugin ang mga gusali. Matapos mamalagi sa lunsod nang ilang araw, lumisan ang hukbo at nagtayo ng bagong maliit na kampo na tinatayang 48 milya (77 km) ang layo sa timog-kanluran ng Salt Lake City, na pinangalanan nilang Camp Floyd. Noong Hulyo 1, 1858, tinagubilinan ni Brigham Young ang mga Banal na magsibalik na sa kanilang mga tahanan sa hilagang Utah (tingnan sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, 375–77).

Ano ang nangyari sa mga anak ng mga dayuhan na nakaligtas sa masaker?

Ilan sa mga Banal sa mga Huling araw ang kumupkop at nag-alaga sa mga anak ng mga dayuhan na nakaligtas sa masaker. Noong 1859, inilagay ng mga opisyal ng pederal sa kanilang pangangalaga ang mga batang ito at ibinalik sa kanilang mga kaanak sa Arkansas.

Nilason ba ng mga miyembro ng mga bagon ang mga Indiyan?

Ipinaliwanag ni Richard E. Turley Jr., assistant Church historian at recorder:

Larawan
Richard E. Turley Jr.

“Ilan sa mga nakamulatang kuwento sa Utah tungkol sa nangyari sa Mountain Meadows ang nagasasabing nakadagdag din sa gusot ang umano’y panlalason—na sinadyang lasunin ng mga dayuhan mula sa Arkansas ang balon at baka malapit sa bayan ng Fillmore, sa gitnang Utah, na naging sanhi ng pagkakasakit at kamatayan ng mga Indiyan sa lugar. Ayon sa kuwentong ito, nagalit ang mga Indiyan at sinundan ang mga dayuhan sa Mountain Meadows, kung saan isinagawa nila ang kasamaang iyon nang sila lamang o pinilit nila ang mga natatakot na mga Banal sa mga Huling Araw na samahan sila sa pagsalakay. Natuklasan sa mga pananaliksik sa kasaysayan na hindi tumpak ang mga kuwentong ito.

“Bagama’t totoo na ilan sa mga baka ng mga dayuhan ay nangamatay habang nasa daan, pati na sa dakong malapit sa Fillmore, tila ang sanhi ng kamatayan ay ang sakit na dumapo sa mga kawan ng baka noong 1850s. Nakuha ng mga tao ang sakit mula sa mga hayop sa pamamagitan ng mga galos o sugat o sa pagkain ng mga kontaminadong karne. Dahil wala pa ang ganitong kaalaman noon, naghinala ang mga tao na panlalason ang sanhi ng problema” (“The Mountain Meadows Massacre,” Ensign, Set. 2007, 16).

Mga nakalulungkot na ginawa ng mga miyembro ng Simbahan

Ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan ay makatutulong sa atin kung ano ang dapat nating gawin sakali mang malaman natin na mali ang ginawa ng mga lider ng Simbahan:

Larawan
Pangulong Dieter F. Uchtdorf

“Sinasabi ko ito nang buong katapatan, may mga pagkakataon na ang mga miyembro o mga lider ng Simbahan ay nagkakamali rin. Maaaring may mga bagay na sinabi o ginawa na hindi ayon sa ating mga pinahahalagahan, alituntunin, o doktrina.

“Palagay ko magiging perpekto lang ang Simbahan kung pinangangasiwaan ito ng mga perpektong tao. Ang Diyos ay perpekto, at ang doktrina Niya ay dalisay. Ngunit kumikilos Siya sa pamamagitan natin—na Kanyang mga anak na hindi perpekto—at ang mga taong hindi perpekto ay nagkakamali. …

“Ganito na ito noon pa at magpapatuloy ito bago dumating ang perpektong panahon na maghahari si Cristo sa mundo.

“Nakalulungkot na nanghihina ang iba dahil sa mga pagkakamali ng tao. Ngunit sa kabila nito, ang walang hanggang katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo na matatagpuan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nadudungisan, napahihina, o nasisira” (“Halina, Sumama sa Amin,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 22–23).

Masaker sa Mountain Meadows

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa Mountain Meadows Massacre, magpunta sa Gospel Topics sa LDS.org at hanapin ang “Mountain Meadows Massacre.”