2010
Isang Espesyal na Bisita
Disyembre 2010


Isang Espesyal na Bisita

“Si Joseph Smith … ay nakagawa nang higit pa, maliban lamang kay Jesus, para sa kaligtasan ng mga tao sa daigdig na ito, kaysa sa sinumang tao na kailanman ay nabuhay rito” (D at T 135:3).

“May espesyal na bisita tayo ngayong gabi sa family home evening,” pagbabalita ni Itay sa almusal.

Gulat na napatingin si Daniel. “Sino po ang darating?” tanong niya.

“Isang tao na kilalang-kilala mo,” sabi ni Inay. “Isang taong matutuwa kang makita!”

Buong araw na inisip ni Daniel kung sino ang darating sa family home evening. Ilang araw na lang at Pasko na. Siguro ang espesyal na bisita ay may kinalaman sa Pasko.

Sa wakas, nagtipon na rin ang pamilya pagsapit ng gabi. Sabi ni Itay, “Ngayong gabi si Joseph Smith ang ating espesyal na panauhin. Ang kaarawan niya ay Disyembre 23. Bilang isang pamilya isasadula natin ang kuwento ng Unang Pangitain ni Joseph Smith.”

Lahat ay nagkolekta ng props at mga costume para sa gagampanan nilang papel. Inensayo ni Daniel ang kanyang papel sa harap ni Itay samantalang nagpraktis ang iba sa harap ni Inay. Di nagtagal ay handa na sila.

Sabik ang Munting si Matthew na gampanan ang papel ni Joseph Smith. Sina Daniel at Elizabeth ang gumanap sa pamilya ni Joseph. Sina Inay at Itay ay nagpanggap na mga mangangaral mula sa iba’t ibang simbahan.

“Sumapi kayo sa aming simbahan at maligtas!”

“Huwag, sumama kayo sa amin! Kami ang tama!”

“Ito ang sabi sa Biblia!”

“Pero hindi ganyan ang ibig sabihin niyan!

“Ngayon, ano sa palagay ninyo ang pakiramdam ni Joseph Smith?” tanong ni Itay. “Palagay ba ninyo nag-isip siya kung bakit iba-iba ang sinasabi ng lahat ng mangangaral at kung sino ang tama?”

Sumang-ayon sina Daniel, Matthew, at Elizabeth na maaaring nag-isip si Joseph tungkol doon.

Pagkatapos ay sinindihan ni Itay ang isang kandila. Pakiramdam ni Daniel ay kasama niya mismo si Joseph Smith habang binabasa ni Itay ang Santiago 1:5 habang natatanglawan ng kandila, “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios.” Pagkatapos ay sinimulang basahin ni Itay ang kuwento tungkol sa Unang Pangitain.

Tulad ng ginawa ni Joseph Smith, lumuhod si Matthew na parang nagdarasal. Bigla siyang tinanglawan ng ilaw ng flashlight, at mapitagang binigkas ni Daniel ang mga linyang isinaulo niya sa tulong ni Itay: “Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:17).

Ipinaliwanag ni Itay kung paano nagpakita ang Ama sa Langit at si Jesucristo kay Joseph Smith at sinabi sa kanya na hindi siya dapat sumapi sa anumang simbahan sa lupa noon.

“Pinili ng Panginoon si Joseph Smith na maging propeta Niya upang ipanumbalik ang tunay na Simbahan ni Jesucristo sa lupa,” sabi ni Itay. “Tapat na isinakatuparan ni Joseph ang misyong iyon.”

Makaraan ang ilang araw nagpunta ang kapitbahay ni Daniel na si Andy para makipaglaro. Iniisip pa rin ni Daniel ang family home evening na kasama si Joseph Smith.

Bumaling siya kay Andy at sinabi, “May kilala akong propetang nabuhay noon—si Joseph Smith. Kilala mo ba siya?”

Mga paglalarawan ni Jennifer Tolman