2010
Mga Ideya para sa Family Home Evening
Disyembre 2010


Mga Ideya para sa Family Home Evening

Ang isyung ito ay naglalaman ng mga artikulo at aktibidad na maaaring gamitin para sa family home evening. Narito ang ilang halimbawa.

“Isang Regalong Nararapat Ingatan nang Husto,” pahina 26: Ibinahagi ni Elder Neil L. Andersen ang ilang halimbawa kung paano pinapatnubayan ng Espiritu Santo ang mga tao. Isiping basahin ang ilan sa mga halimbawang ito at pagkatapos ay magpabahagi sa mga miyembro ng pamilya ng karanasan na nadama nila ang Espiritu Santo.

Para sa mga batang musmos, maaari kayong magdispley ng mga bagay na kumakatawan sa mga pagpapala ng Espiritu Santo. Halimbawa, ang Espiritu Santo ay parang kumot dahil pinagiginhawa Niya tayo (tingnan sa Juan 14:26), isang kompas dahil pinapatnubayan Niya tayo (tingan sa 2 Nephi 32:5), at sabon dahil tutulungan Niya tayong malaman na nalinis na tayo sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala (tingnan sa 2 Nephi 31:17; 3 Nephi 27:20).

“Mga Tradisyon sa Pasko ng Pitumpu,” pahina 32: Basahin ang ilan sa mga tradisyong nakatala sa artikulo, pagkatapos ay tanungin ang mga miyembro ng pamilya kung ano ang paborito nilang mga tradisyon sa Pasko. May bago bang mga tradisyon na gusto ninyong ipatupad?

“Isang Espesyal na Bisita,” pahina 68: Tulad ng pamilya sa kuwento, maaari ninyong gunitain ang kaarawan ni Propetang Joseph Smith sa pag-aaral tungkol sa Unang Pangitain. Maaari din ninyong basahin ang isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya tungkol kay Joseph Smith (tingnan, halimbawa, sa Tad R. Callister, “Joseph Smith—Propeta ng Pagpapanumbalik,” Liahona at Ensign, Nob. 2009, 35–37).

Pagpapahalaga sa Misyon ng Tagapagligtas

Isa sa mga paborito naming family home evening ay nakatulong sa amin na mas pahalagahan ang buhay at misyon ng Tagapagligtas. Hinilingan namin ang bawat miyembro ng pamilya na maghanap sa mga banal na kasulatan tungkol sa mga kamay, mata, paa, o bibig ng Tagapagligtas. Pagkatapos ay isa-isa kaming nagbahagi ng mga banal na kasulatang iyon. Halimbawa, pinagaling ng mga kamay ng Tagapagligtas ang ketongin, lumakad ang Kanyang mga paa sa ibabaw ng tubig, at lumuha ang kanyang mga mata sa libingan ni Lazaro. Tinalakay rin namin ang mga sugat sa katawan ni Jesus at ang kaganapan ng Kanyang sakripisyo. Ang pagtalakay namin sa buhay at mga ginawa ni Jesucristo ay nag-anyaya sa Espiritu at nagtulot sa bawat miyembro ng pamilya na makapagpatotoo tungkol sa ating Tagapagligtas.

David R. Anderson, Utah, USA