2010
Dayami para sa Sabsaban
Disyembre 2010


Dayami para sa Sabsaban

“Bawat bagay na nag-aanyaya at nang-aakit na gumawa ng mabuti, at ibigin ang Diyos, at maglingkod sa kanya, ay pinapatnubayan ng Diyos” (Moroni 7:13).

Tinitigan ni Michael ang munti at malambot na kamang dayami. “Natutuwa ako at may malambot at mainit na kama ang sanggol na si Jesus sa Bisperas ng Pasko,” naisip niya.

Nitong nakaraang linggo maingat na nilagyan ni Michael ng maliliit na dayami ang munting sabsabang ito, nang paisa-isang piraso. Naisip ni Michael na maaaring ito na ang pinakamagandang Pasko niya sa lahat dahil ngayon ay sapat na ang edad niya para maunawaan ang buong kahulugan ng Pasko.

Noong isang linggo nagbigay si Inay ng family home evening lesson tungkol sa tunay na kahulugan ng Pasko. Sabi niya, si Jesucristo ang pinakadakilang regalong naibigay ng Ama sa Langit sa mundo. Pagkatapos ay binigyan niya ang bawat bata sa pamilya ng isang munting sabsaban na walang laman at isang munting pigura ng sanggol na si Jesus.

“Sa isang linggo may pagkakataon ang bawat isa sa inyo na regaluhan din ang Ama sa Langit,” sabi ni Inay.

“Paano po natin gagawin iyon?” tanong ni Michael.

“Ang regalo ninyo sa Ama sa Langit ay ang maglingkod sa iba,” sabi niya. “Tuwing gagawa kayo ng isang magandang bagay o tutulong sa ibang tao, magdagdag kayo ng isang pirasong dayami sa inyong sabsaban. Kapag mas maraming kabaitan kayong ipinakita sa iba, mas lalambot ang sabsaban sa Bisperas ng Pasko.”

“Sana mas marami ang dayaming mailagay ko sa sabsaban ko kaysa sa iba!” naisip ni Michael.

Kinabukasan nagsimulang manguha ng dayami si Michael.

“Inay, puwede ko ba kayong tulungang walisan ang sahig?” tanong ni Michael, nang makita itong naglilinis sa kusina.

“Tutulungan kitang hanapin ang teddy bear mo,” sabi niya sa batang kapatid nang umiyak ito dahil sa nawalang laruan.

“Gusto ko ring magpala ng kaunting niyebe,” sabi niya nang lumabas ang kanyang tatay upang magpala sa daanan.

Sa loob ng ilang araw ibang-iba na ang hitsura ng munting sabsaban ni Michael. Punung-puno na ito ng dayami! Ngunit may napansin ding pagbabago si Michael sa kanyang sarili. Nagsimula siyang magalak sa pagpapakita ng kabaitan sa iba dahil alam niya na iyon ang nais ipagawa sa kanya ng Ama sa Langit. Kung minsan nalilimutan pa niyang magdagdag ng isang piraso ng dayami sa sabsaban kapag tumutulong siya.

Napansin ni Michael na gumaganda ang pakiramdam niya sa paggawa ng mabubuting bagay. Pagsapit ng Bisperas ng Pasko, habang nakatayo sa tabi ng malamlam na mga ilaw ng Christmas tree, dahan-dahang inilapag ni Michael ang kanyang munting sanggol na Jesus sa sabsaban, na ngayon ay umaapaw na ang dayami.

Alam ni Michael na nagawa niya ang lahat para ipakita ang kanyang pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesus. Ito ang pinakamagandang Pasko sa lahat.

Paglalarawan ni Jim Madsen