2010
Huwag Matakot
Disyembre 2010


Nagsalita Sila sa Atin

Huwag Matakot

Mula kina Maria at Jose natutuhan natin na hindi tayo kailangang matakot; ang bawat problema ay may solusyon.

Maagang natutuhan nina Maria at Jose na sa bawat problema ay may solusyon ang Diyos. Kay Maria, sinabi ng anghel: “Huwag kang matakot. … Sapagka’t walang salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan” (Lucas 1:30, 37).

Kung minsan ay nahaharap ang mga young adult sa isang problemang tila kasinglaki ng Mount Everest. Naniniwala silang napakataas nito at napakahirap akyatin. Dahil wala silang makitang solusyon, nawawalan sila ng pag-asa—marahil ay negatibo at puro kabiguan pa ang naiisip—tungkol sa kanilang hinaharap. Ngunit, gaya nina Maria at Jose, matututuhan ninyo na gaano man kahirap lutasin ang mga problema ninyo sa buhay, ang Diyos ay laging may solusyon.

Nang malaman ni Maria ang kanyang banal na tungkuling isilang ang Anak ng Diyos, tiyak na maraming tanong at alalahanin na pumasok sa kanyang isipan. Dahil di ba nga, ikakasal na siya kay Jose—ano kaya ang iisipin nito? Sa gayon ay ipinayo ng anghel mula sa langit, “Huwag kang matakot” (Lucas 1:30). Nang malaman ni Jose ang pagdadalantao ni Maria, wala siyang makitang nakasisiyang solusyon kundi huwag ituloy ang kasal. Ngunit muling nagpayo ang anghel, “Huwag kang mangamba” (Mateo 1:20). Iyon din ang payong ibinigay noon ng anghel kay Zacarias (tingnan sa Lucas 1:13) na kalaunan ay ibibigay din sa mga pastol: “Huwag kayong mangatakot: sapagka’t narito, dinadalhan ko kayo ng mabubuting balita ng malaking kagalakan” (Lucas 2:10).

Malaki ang takot na namamayani sa mundo ngayon—sa pag-aasawa, pagkakaroon ng mga anak, paggawa ng mga pangako, paninindigan sa tama, pagtanggi sa pamimilit ng barkada. May takot sa kalagayan ng ekonomiya at mga kalamidad na dulot ng kalikasan. Ngunit ang payo ng Panginoon sa atin ngayon ay katulad ng ibinigay kina Maria at Jose: “Magalak, at huwag matakot, sapagkat ako ang Panginoon ay kasama ninyo” (D at T 68:6; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ang payo ng anghel kina Maria at Jose na “huwag matakot” ay higit pa sa tagubiling iniakma para sa kani-kanya nilang mga problema. Ito ay isang pangkalahatang pagbati sa lahat ng tao dahil kakaiba ang magiging papel nina Maria at Jose sa ministeryo ng Tagapagligtas, ministeryong papawi sa lahat ng takot ng lahat ng tao sa lahat ng panahon.

Dahil sa pagsilang, buhay, at Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, walang problemang hindi malulutas. Mangyari pa, may mga pansamantalang trahedya at kahirapan, ngunit hindi kailangang maging permanente o hindi madaig ang mga ito. May naisip na ba kayong isang tao na may problema na hindi kayang lutasin ng Diyos? Lagi Siyang may solusyon na magsusulong sa atin sa walang hanggang pag-unlad. Iyan ang dahilan at kabuluhan ng Pagbabayad-sala. Kaya nga sinabi ni Mormon, “Kayo ay magkakaroon ng pag-asa sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo” (Moroni 7:41).

Walang duda tungkol sa kakayahan ng Pagbabayad-sala na maglaan ng mga solusyon sa ating mga problema. Napakalinaw ng mga banal na kasulatan ukol sa bagay na ito. Narito ang tunay na mga katanungan: Tatanggapin ba natin ang mga solusyong iyon? Pipiliin ba natin ang sagot ng mundo o ang sagot ng Diyos? Tayo ba ay magsisisi o magdadahilan, hahangarin ang biyaya ng Diyos upang madaig ang ating mga kahinaan o “bubunuin itong mag-isa,” kikilalanin ang pag-ibig ng Diyos sa oras ng trahedya o iwawaksi Siya sa bawat paghihirap natin sa buhay?

Ang Pagbabayad-sala ang daan upang malutas ang mabibigat na problema sa buhay. Sa Pagbabayad-sala, hinahayaan tayo ng Diyos na kontrolin ang ating tadhana, basta susundin natin ang Kanyang kalooban. Si Maria ang magandang halimbawa ng pagsunod na ito. Sinabi niya sa anghel, “Mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita” (Lucas 1:38). Walang pagdadahilan, walang pagpapaliban, walang reklamo—mapagpakumbabang pagsunod lamang sa kalooban ng Diyos. Masunurin din si Jose. Kahit ipinahihiwatig ng katuwiran na parang hindi naging tapat si Maria, “ginawa niya ang ayon sa ipinagutos sa kaniya ng anghel ng Panginoon, at tinanggap ang kaniyang asawa” (Mateo 1:24).

Natutuhan nina Maria at Jose ang isa sa mga pinakamabisang aral sa buhay: kung naniniwala kayo sa Pagbabayad-sala at susundin ninyo ang kalooban ng Diyos, hindi ninyo kailangang matakot dahil laging may solusyon sa inyong mga problema.

Hindi kailan man natutuhan ng mga kritiko sa mundo ang aral na ito. Inaamin ko, kadalasan ay matalino sila at mapagmasid. Nakikita nila ang maraming kumplikadong problemang kinakaharap natin, ngunit kadalasan ay suko sila sa kawalang-pag-asa dahil wala silang makitang solusyon. Iyan ay dahil sa hindi nila nauunawaan ang Pagbabayad-sala. Nakikita nila ang malaking problemang kinakaharap nila, ngunit hanggang doon na lang. Para bang may nakaharang na pader sa kanilang harapan; problema lang ang nakikita nila. Dahil dito, nag-aalinlangan sila at naghihinala at puro kabiguan ang nakikita. Ang kanilang pananaw ay nakalarawan sa diagram 1.

Diagram 1: Mga Kritiko

likas na mga mata

mga problema

mga solusyon

Sa kabilang dako, marami pang iba na espirituwal na mapanuri ngunit hindi mapamintas. Sila man ay matatalino at mapagmasid. Nakikita rin nila ang kumplikado at mahihirap na problema sa buhay, ngunit ibang-iba ang kanilang pananaw. Walang pader na nakaharang sa kanilang paningin. Sa halip, may teleskopyo ang kanilang mga mata para hindi lamang ang mga problema ang makita nila kundi lampas pa roon. Sa madaling salita, nakikita rin nila ang mga solusyong alok ng Pagbabayad-sala. Ang kanilang pananaw sa buhay ay makikita sa diagram 2.

Diagram 2: Espirituwal na Mapanuri

espirituwal na mga mata

mga problema

mga solusyong alok ng Pagbabayad-sala

Dahil dito, iilan lang ang kinatatakutan ng mga taong ito, kung mayroon man. Sila ay positibo at umaasang magiging mabuti ang lahat at masaya tungkol sa buhay dahil alam na alam nila na bawat problema ay may espirituwal na lunas. Sabi nga ng Tagapagligtas, “Laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan” (Juan 16:33). Kaya nga, walang puwang ang pagiging negatibo sa Simbahan ni Cristo. Ang pagiging negatibo at mapaghinala ay nagmumula kay Satanas. Ang pagiging masaya at pag-asa na magiging mabuti ang lahat ay nagmumula kay Cristo.

Lahat ng problema ng mundo ay tila nauuwi sa apat na pangunahing kategorya, na dahilan kaya nagpakababa-baba ang Tagapagligtas at dinaig ang lahat, kaya nga ang utos Niya ay “laksan ang loob.”

  • Una, kamatayan. Sabi sa mga banal na kasulatan, “Sapagka’t paanong kay Adam ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin” (I Mga Taga Corinto 15:22).

  • Pangalawa, kasalanan. Sinabi ng anghel kay Jose na “ililigtas [ni Jesus] ang kaniyang bayan sa kanilang mga kasalanan” (Mateo 1:21).

  • Pangatlo, kahinaan. Itinuro ng Tagapagligtas kay Moroni na ang Kanyang “biyaya [ang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala] ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila” (Eter 12:27).

  • Pang-apat, mga karaniwang karamdaman sa buhay na maaaring may kinalaman sa kasalanan (tulad ng pagkakasakit, di pagkatanggap, kalungkutan, kawalan ng trabaho, at kung ano-ano pa). Ipinropesiya ni Isaias na ang Tagapagligtas ay “mag[pa]pagaling ng mga bagbag na puso,” “[a]aliwin yaong lahat na nagsisitangis,” at “[bi]bigyan sila ng putong na bulaklak na kahalili ng mga abo” (Isaias 61:1–3; tingnan din sa Alma 7:9–13).

Sa bawat dalamhating ibinabato sa atin ng mundo, may panlunas ang Tagapagligtas na napakahusay magpagaling. Hindi nakapagtatakang naibulalas ni Maria, “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon, at nagalak ang aking espiritu sa Dios na aking Tagapagligtas” (Lucas 1:46–47). Siya ang Tagapagligtas dahil talagang maililigtas Niya tayo mula sa kamatayan at kasalanan at kahinaan at mga karaniwang karamdaman sa buhay.

Gusto ng ating Ama sa Langit na simulang tahakin nina Maria at Jose ang walang-katiyakang landas ng buhay nang walang takot, batid na naroon ang Kanyang Anak taglay ang lahat ng nakapagliligtas Niyang kapangyarihan. Nais Niya na maaga rin nating matutuhan ang aral na ito sa buhay: “Huwag kang matakot. … Sapagka’t walang salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan” (Lucas 1:30, 37).

Ayon sa Inyong Salita, ni Elspeth Young, hindi maaaring kopyahin; mga paglalarawan ni Steve Kropp

Kay Maria, sinabi ng anghel: “Huwag kang matakot. … Sapagka’t walang salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan.”

Siya ang Tagapagligtas dahil talagang maililigtas Niya tayo mula sa kamatayan at kasalanan at kahinaan at mga karaniwang hinaing sa buhay.

Hindi ang Kalooban Ko, Kundi ang Inyo, ang Mangyari, ni Harry Anderson © Pacific Press Publishing Association, hindi maaaring kopyahin; paglalarawan ni Matthew Reier