2010
Si Jesucristo ang Bugtong na Anak ng Diyos
Disyembre 2010


Ang Ating Paniniwala

Si Jesucristo ang Bugtong na Anak ng Diyos

Si Jesus ang tanging taong isinilang sa isang mortal na ina, si Maria, at isang imortal na ama, ang Diyos Ama. Kaya nga tinawag si Jesus na Bugtong na Anak ng Diyos. Mula sa Kanyang Ama, minana Niya ang mga kapangyarihan ng langit (tingnan sa Juan 10:17–18). Mula sa Kanyang ina, minana Niya ang mortalidad at dumanas ng gutom, uhaw, pagod, sakit, at kamatayan.

Ang mortal na buhay ni Jesucristo ay nagsimula nang isilang Siya sa Bet-lehem. Narito ang kuwento ni Lucas: “Sinugo ng Dios ang anghel Gabriel … sa isang dalagang magaasawa sa isang lalake, na ang kaniyang ngala’y Jose. … At sinabi sa kanya ng anghel, … maglilihi ka sa iyong tiyan, at manganganak ka ng isang lalake, at tatawagin mo ang kaniyang pangalang Jesus. Siya’y magiging dakila, at tatawaging Anak ng Kataastaasan. … Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataastaasan: kaya naman ang banal na bagay na ipanganganak ay tatawaging Anak ng Dios” (Lucas 1:26–27, 30–32, 35; tingnan din sa 1 Nephi 11:16–21; Alma 7:10).

Itinala ni Mateo na nagpakita rin ang isang anghel kay Jose sa isang panaginip, na nagsasabi, “[Si Maria] ay manganganak ng isang lalake; at ang pangalang itatawag mo sa kaniya’y Jesus: sapagka’t ililigtas niya ang kaniyang bayan sa kanilang mga kasalanan” (tingnan sa Mateo 1:20–21). Kapwa naunawaan nina Maria at Jose na ang sanggol na lalaking isisilang ni Maria at tatawaging Jesus ay ang Bugtong na Anak ng Diyos.

Sinabi rin ng anghel na si Gabriel kay Maria na naglilihi ang pinsan niyang si Elisabet ng isang anak na lalaki. Nang bisitahin ito ni Maria, napuspos ng Espiritu Santo si Elisabet at nagsabi, “At ano’t nangyari sa akin, na ang ina ng aking Panginoon ay pumarito sa akin?” (tingnan sa Lucas 1:36–45). Batid ni Elisabet na si Maria ang magiging ina ng Anak ng Diyos.

Tumanggap din ng patotoo ang iba mula sa Espiritu Santo na si Jesucristo ang Anak ng Diyos. Ang mga sumusunod ay ilan sa kanilang mga patotoo.

  1. Ang ilan sa mga disipulo ng Tagapagligtas ay sakay ng isang barko nang makita nila si Jesucristo na naglalakad sa tubig. Sila ay “nagsisamba sa kaniya, na nangagsasabi, Tunay na ikaw ang Anak ng Dios” (Mateo 14:33).

  2. Nang itanong ni Jesus sa Kanyang mga disipulo, “Ano ang sabi ninyo kung sino ako?” Sumagot si Pedro, “Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Dios na buhay” (Mateo 16:15, 16).

  3. Bago ibinangon ni Jesus si Lazaro mula sa mga patay, tinanong Niya ang kapatid na babae nitong si Marta kung naniniwala ito na Siya “ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan.” Sumagot siya, “Oo, Panginoon: sumasampalataya ako na ikaw ang Cristo ang Anak ng Dios” (Juan 11:25, 27).

  4. Sina Eva at Adan ay nag-alay ng mga hain o handog bilang “kahalintulad ng sakripisyo ng Bugtong na Anak ng Ama” (Moises 5:7).

  5. Itinuro ng Diyos kay Adan na kailangan siyang “[magpabinyag], maging sa tubig, sa pangalan ng aking Bugtong na Anak, na puspos ng biyaya at katotohanan, na si Jesucristo” (Moises 6:52).

  6. Sa lupain ng Amerika, limang taon bago isinilang ang Tagapagligtas, nagpropesiya si Samuel ang Lamanita, “Paparito ang anak ng Diyos upang tubusin ang lahat ng yaong maniniwala sa kanyang pangalan” (Helaman 14:2).

Mula kaliwa: Pinagpala Ka sa Lahat ng Babae, ni Walter Rane © IRI; Nag-alay ng mga Handog sina Eva at Adan, ni Del Parson; Naglalakad si Cristo sa Tubig, ni Robert T. Barrett; paglalarawan ni Hyun Gyu Lee; detalye mula sa Halina’t Ating Tingnan, ni Liz Lemon Swindle, Foundation Arts, hindi maaaring kopyahin; Mga Propesiya ni Samuel ang Lamanita, ni Arnold Friberg © IRI; Martha Greets Jesus, ni Robert T. Barrett