2010
Hele para kay Timothy
Disyembre 2010


Hele para kay Timothy

Nasaktan ang puso ko sa paghihirap ng aking sanggol hanggang sa maalala ko ang mga kaloob na hatid ng isa pang Bata 2,000 taon na ang nakalilipas.

Naaalala ko ang nakakatakot na mga salita ng nars na umalalay sa panganganak ko: “Palagay ko may kapansanan siya.” Kasabay niyon, nadagdagan ang mga tao sa delivery room para magawan ng paraan na maibalik ang malay ng bagong silang kong sanggol.

Marami na akong nakitang gayong tagpo noon, ngunit hindi bilang ina, kundi bilang nars. Ako dapat ang nagpapabalik ng malay ng bagong silang na sanggol. Ngayon ako ang ina na umaabot sa kamay ng anak kong lalaki sa bukasan ng incubator, habang naghihintay ang mga maglilipat sa kanya sa ibang ospital.

Kinaumagahan may tumawag sa akin sa telepono mula sa newborn intensive care unit (NICU), kung saan napapaligiran ng mga doktor ang asawa kong si Andrew habang ipinaliliwanag nila ang agarang operasyon na kailangan ni Timothy para maalis ang malalaking tumor sa kanyang tiyan.

Umasa ako na malulunasan ng operasyon ang aming anak at mabubuhay siya nang normal at maligaya. Nakinita ko siya bilang isang malusog na batang may maliit na pilat, na alaala ng panandaliang pangambang idinulot niya sa kanyang mga magulang.

Pagkaraan ng tatlong linggo sa conference room ng ospital ding iyon, tinangkang ipaliwanag ng neurologist ang maling hubog ng utak ng aming anak kaya babagal nang husto ang pagkilala niya sa mga bagay-bagay, mahihirapan siyang magsalita, at magdidiliryo kalaunan.

Makalipas ang ilang araw, sa silid ding iyon, sinabi ng neonatologist, “Hindi ko akalain na uuwi si Timothy nang walang nakakabit na feeding tube.” Napakapayat ng aming sanggol na wala pang tatlong libra (1.4 kg) nang isilang, kulang sa dugo, at halos hindi gumagalaw. Kapag pinadede sa bote, napakahina niyang dumede, at nahihirinan pa.

Halos walang pag-asang mabuhay ang aming sanggol. Parang nakadagan sa akin ang mundo. Nagduda ako sa pangako ng Panginoon na hindi Siya magbibigay ng pagsubok na hindi makakayang pasanin ng tao. Nadama ko na dinudurog ng pasaning ito ang aking katawan, isipan, at espiritu. Sa matagal na pamamalagi sa ospital, nasabik akong makasama ang dalawang anak kong nakatatanda at balikan ang tahimik naming buhay. Kapag nasa bahay naman ako, walang ibang nasa isip ko kundi ang kapakanan ng aking sanggol at, sa totoo lang, ang nasa isip ko ay ang pagkawasak ng aming buhay nitong huli.

Sa pinakamahirap na sandali ng buhay ko nagmakaawa ako sa Panginoon, at ipinaalam sa Kanya ang lahat ng magagandang paraan ng paglilingkod ko sa Kanya kung kukunin na lang Niya si Timothy, hayaan akong magdalamhati sa kanyang pagpanaw, at tulutan akong magpatuloy sa aking buhay. Malinaw na hindi ko na makakayanan ang iba pa.

Habang nangyayari ang lahat ng ito, nagsimula naman ang himala sa akin. Maraming miyembro sa aming ward, pati na ang ilang kapamilya at kaibigan, ang nag-ayuno at nagdasal para sa aming pamilya. Isang Linggo ng umaga pagkagising ko, may matindi akong naramdaman na may napakagandang mangyayari sa araw na iyon bunga ng lahat ng pag-aayuno at panalangin. Mangyari pa, umasa ako na biglang sisigla si Timothy at mahimalang magsisimulang kumain. Pagdating ko sa NICU, hindi pa rin gumagalaw si Timothy tulad ng dati, at ayaw pa rin niyang dumede sa bote. Siyempre pa, nalungkot ako, pero nang kalungin ko siya, labis kong nadama na magiging OK ang lagay niya. Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng “OK,” pero wala akong duda na ang Panginoon ang bahala at alam Niya ang pinagdaraanan ng aming pamilya.

Makaraan ang ilang linggo dumaan kami ng aking ina sa ospital. Sa tahimik at medyo madilim na silid na iyon, kinalong ng aking ina ang nanghihinang sanggol at inilapit sa kanyang dibdib at ipinaghele ito habang kumakanta ng Pamaskong awitin:

Tahan na, anak ko; ako’y may k’wento,

Tungkol kay Jesus nang s’ya’y pumarito.

Sa ibayong dagat bayang kaylayo.

‘Sinilang na, munting sanggol tulad mo.

Tulog na, tulog, aking anak,

Wala kang dapat na ipangamba.

Tulog na, tulog, aking anak,

Si Jesus sa iyo ay lilingap.1

Alam kong darating ang kapayapaan sa pamamagitan ng aking Tagapagligtas, na naparito sa lupa upang maghatid ng kapayapaan at walang hanggang kaligayahan sa bawat isa sa atin. Tiyak na aalagaan Niya ang munting sanggol na ito at pasisiglahin kaming mga napiling mag-alaga sa kanya.

Makaraan ang ilang linggo inilipat si Timothy sa special-care nursery kung saan ako kasalukuyang nagtatrabaho. Doon ay mahimalang natuto siyang kumain. At muli kong nadama ang kakaibang damdamin na magiging OK siya. At kahit napakalaki na ng pagbuti ng lagay niya, hindi ko pa rin alam ang tunay na kahulugan niyon. Ngunit nakadama na ako ng kapanatagan mula noon. At tuwing may isang bagay na dapat ko sigurong ikabahala, nadarama ko ang damdaming iyon, at iyon pa rin ang mensahe: “Huwag kang mag-alala. Magiging OK ang lahat. Basta maging masaya ka lang sa piling niya.”

Sa Kapaskuhang ito natutuon ang isipan ko sa magagandang regalong bigay sa atin ng Tagapagligtas. Sa napakaraming paraan hinahayaan Niya tayong magkaroon ng kapayapaan dito sa mundo. Isa sa pinakamagagandang regalo ng kapayapaan ang pagkakataong mapanalanging gawin ang lahat sa abot ng ating makakaya at pagkatapos ay ipaubaya ang ating mga kalungkutan sa Kanya.

Sa pagtitiwala natin sa Panginoon, maidudulog natin sa Kanya ang ating mga pangamba, at pasisiglahin Niya tayo, at bibigyan ng mga espesyal na regalong tutulong sa atin—na kadalasan ay sa pamamagitan ng ibang tao. Para sa akin ang mga regalong ito ay dumating sa pamamagitan ng mga yaya ng dalawang anak kong nakatatanda, mga pagkaing mula sa mga miyembro ng ward, napakababait na mga nars at doktor, at mapagmahal na suporta ng pamilya at mga kaibigan. Gayunman, ang pinakamatinding kaloob ay ang kapayapaang ibinigay ng Ama sa Langit nang pasanin ng Kanyang Anak ang aking mga kalungkutan at pangamba. Dahil sa Kanya, nagagawa kong mahalin at masayang alagaan ang anak kong si Timothy at ipagbunyi ang lahat ng tao at pagpapalang inilagay sa aking landas dahil sa kanyang natatanging buhay.

Tala

  1. “Tahan na, Anak Ko,” Aklat ng mga Awit Pambata, 30.

Paglalarawan ni Scott Snow