2010
Ang Regalo
Disyembre 2010


Nangungusap Tayo Tungkol kay Cristo

Ang Regalo

Isa sa mga paborito kong Pamaskong awitin ang “For unto Us a Child Is Born” mula sa Messiah ni Handel. Ito ay paalala tungkol sa buong kahulugan ng Pasko. Madalas kong pag-isipan kung ano ang nadama ni Maria nang sabihin sa kanya ni anghel Gabriel, “Magalak ka, ikaw na totoong pinakamamahal, ang Panginoon ay sumasa iyo” (Lucas 1:28).

Nagulumihanan si Maria dito, at nagpatuloy ang anghel:

“Huwag kang matakot, Maria: sapagka’t nakasumpong ka ng biyaya sa Dios.

“At narito, maglilihi ka sa iyong tiyan, at manganganak ka ng isang lalake, at tatawagin mo ang kaniyang pangalang Jesus.

“Siya’y magiging dakila, at tatawaging Anak ng Kataastaasan: at sa kaniya’y ibibigay ng Panginoong Dios ang luklukan ni David na kaniyang Ama:

“At siya’y maghahari sa angkan ni Jacob magpakailan man; at hindi magkakawakas ang kaniyang kaharian” (Lucas 1:30–33).

Napakaganda siguro ng karanasang ito! Ang ipinangakong anak kay Maria ang magkakatawang-tao na Bugtong na Anak ng Ama sa Langit. Si Maria ang napili na maghatid sa mundo ng pinakadakilang regalo sa lahat: ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo.

Ibinigay ng Ama sa Langit ang regalong ito sa ating lahat, bata man o matanda, mayaman o mahirap. Hindi natin kinailangang hanapin ito sa mga tindahan. Hindi natin kinailangang magbayad kahit isang kusing. Hindi ito dumating na nakabalot sa makintab na pambalot. Ang pinakamahalagang regalo sa lahat ay ibinalot sa lampin at inihiga sa sabsaban. Ipinadala ito sa ating lahat nang may pagmamahal mula sa ating Ama sa Langit.

Lampin, ni Liz Lemon Swindle, Foundation Arts, hindi maaaring kopyahin