2019
Ang Aming Anak ay Anak ng Ama sa Langit
Abril 2019


Ang Ating mga Tahanan, Ang Ating mga Pamilya

Ang Aming Anak ay Anak ng Ama sa Langit

Ang awtor ay naninirahan sa Arizona, USA.

Ang mga salitang hindi nagmula sa akin ay pumasok sa aking isipan: “Sa tingin mo ba ay mas higit pa kaysa sa Akin ang pagmamahal mo sa kanya?”

Larawan
mother and son

Larawan ng awtor at ng kanyang anak

Ang aming kalugud-lugod at maliit na anak na lalaki, si Hayden, ay dumating dito sa mundo na nangangasul, hindi humihinga, at nakikipaglaban para mabuhay. Walang pag-iyak. Hindi gumagalaw.

Dahil sa pagmamadali ng mga doktor at nars sa paligid ng silid ng ospital, alam kong mayroong malaking problema. Mabilis na binigyan ng aking asawa at ama ng basbas ng priesthood si Hayden, at itinakbo siya sa intensive care. Di nagtagal ay nasuri siya na may hindi karaniwang sakit sa puso. Sa loob ng ilang araw ay sumailalim siya sa ilang operasyon sa puso.

Sa pamamagitan ng mahimalang kapangyarihan ng mga basbas ng priesthood, pag-aayuno, at mga panalangin, lampas pa sa inaasahan ang naging pagbuti ni Hayden at siya ay nabuhay. Umaapaw ang aming kaligayahan na maiuwi ang aming anak sa aming tahanan at magsimula ng aming bagong buhay nang magkakasama.

Nagbigay ng di-masusukat na kagalakan si Hayden sa aming buhay. Itinatangi at minamahal namin siya. Pero sa paglipas ng panahon, nagsimula akong mag-alala na hindi siya bumubuti gaya ng inaasahan. Bagamat tiniyak sa amin ng mga espesiyalista na lalaki rin siya tulad ng iba kalaunan, nagpatuloy ang mga di-maiwasang pag-aalala habang nagsisikap akong tulungan ang aking anak.

Pinag-aralan namin ng asawa ko ang lahat ng maaari naming pag-aralan tungkol sa karamdaman ni Hayden. Ginawa namin ang lahat ng ipinagawa sa amin ng mga doktor. Pero hindi siya gumaling.

Napagod ako at nabigo. Nagsumamo ako sa Ama sa Langit na tulungan ako na makahanap ng taong makatutulong kay Hayden, pero hindi dumating ang tulong. Lumala ang kalagayan ni Hayden. Nagsimulang magkaroon ng mga pagkakataon na nangingisay siya. Natakot kami. Akala namin ay papanaw na siya.

Isang gabi, nagpuyat ako para makahanap ng mga sagot. Sumulat ako kay Hayden. Sinabi ko sa kanya kung gaano ko siya kamahal at kung gaano ako nagsisikap na gawing mas madali ang buhay para sa kanya. Nangako ako na gugugulin ko ang nalalabing mga taon ng aking buhay para makuha ang lahat ng tulong na kailangan niya.

Ang pagkabigo at kawalang-katiyakan ay sandaling bumalot sa akin. Lumuhod ako at tinanong ang Ama sa Langit, “Bakit?” Akala ko ay ipinadala Niya si Hayden sa akin dahil nalalaman Niya na hindi ako susuko sa pagsisikap na matulungan ang aking anak. Kaya bakit hindi ko mahanap ang anumang sagot? Bakit ang bawat bagong doktor at ang bawat bagong paggamot ay humahantong sa isa pang hadlang? Hindi ba mahal ng Ama sa Langit si Hayden?

Hindi ko kailanman malilimutan ang sandaling iyon. Nakadama ako ng nag-uumapaw na pagmamahal. Ang mga salitang hindi nagmula sa akin ay pumasok sa aking isipan: “Jerlyn, sa tingin mo ba ay mas higit pa kaysa sa Akin ang pagmamahal mo sa kanya?”

Natigilan ako. Tila huminto ang oras. Umagos ang mga luha sa aking mukha—hindi dahil sa pagkabigo gaya ng dati, kundi dahil sa pag-asa, pag-unawa, at pagmamahal.

Sa sandaling iyon, nagbago ang lahat. Lumambot ang aking puso, naging mas mapagkumbaba ako. Nagbago ang aking mga tanong. Nauunawaan ko na ngayon na minamahal ng Ama sa Langit si Hayden nang may perpektong pagmamahal. Ipinadala rito si Hayden sa isang katawan na akma para sa kanyang mga pangangailangan at kanyang mga pagkakataon na lumago at matuto. Mayroon siyang sariling mga natatanging kakayahan at pagsubok, tulad ng bawat isa sa atin. Nalaman ko na ang mga batang may kapansanan ay mahalaga at minamahal ng Ama sa Langit na may espesyal na misyon dito sa mundo.

Kami ng asawa ko ay patuloy na tumatanggap ng mga sagot at pagpapala, pero dumarating ang mga ito sa itinakdang panahon ng Panginoon, at hindi sa aming itinakda. Kami ay ginabayan patungo sa tamang mga aklat, therapy, paaralan, at guro na tutulong kay Hayden na magtagumpay sa kanyang mortal na buhay. Nagsisikap kaming hanapin ang landas na inilagay ng Ama sa Langit para kay Hayden sa halip na ang landas na nais naming tahakin niya. Ginagawa namin ang lahat ng makakaya namin para tulungan si Hayden na maabot ang kanyang banal na potensiyal at mamuhay ayon sa buhay na idinisenyo ng Ama sa Langit para sa kanya. Ang aming pang-unawa sa plano ng Ama sa Langit ay naging higit na malinaw ngayon na nauunawaan namin na si Hayden ay sa Kanya bago siya naging amin.