2019
Tatlong Aral tungkol sa Pagmamahal, Kagalakan, at Kapayapaan
Abril 2019


Tatlong Aral tungkol sa Pagmamahal, Kagalakan, at Kapayapaan

Mula sa isang mensahe sa debosyonal na, “Happiness, Deceit, and Small Things,” na ibinigay sa Brigham Young University noong Disyembre 5, 2017.

Ang pagsunod sa tatlong mungkahing ito ay makagagawa ng malaking kaibahan sa inyong buhay at makatutulong na maramdaman ninyo ang mga bunga ng Espiritu.

Larawan
bowl of fruit

Noong nag-aaral ako sa kolehiyo, madalas kong maisip ang tungkol sa kinabukasan ko. Nang dumating ang sandaling iyon—ibig sabihin ay pagkatapos ko ng kolehiyo—may natutuhan akong tatlong mahahalagang aral na nakagawa ng malaking kaibahan sa buhay ko. Nais kong ibahagi sa inyo ang mga aral na ito na umaasang hindi kayo matatagalan tulad ko na matutuhan ang mga ito. Matutulungan kayo nito na makasumpong ng mas malaking kagalakan sa buhay—at sa huli ay makamit ang kadakilaan sa piling ng inyong Ama sa Langit.

1. Maghangad ng Kaligayahan, Kapayapaan, at ng Espiritu Santo

Nakilala ko ang asawa kong si Melinda, sa ikalawang taon ko sa kolehiyo, humigit-kumulang anim na buwan matapos akong makauwi mula sa aking misyon. Agad kong nalaman na gusto kong mapangasawa si Melinda. Gayunman, hindi gayon ang naranasan ni Melinda. Lumipas ang limang taon bago niya natanggap ang sagot (mula sa Espiritu) na “OK” lang na magpakasal siya sa akin.

Sa loob ng limang taong iyon, naranasan ko ang isa sa pinakamahirap na pagsubok sa buhay ko. Alam ko na kung sino ang dapat kong pakasalan, at hinikayat ako ng Espiritu na subukang magpakasal sa kanya, ngunit tila hindi ko makamit ang mithiing iyon.

Nang makapagtapos ako ng pag-aaral, nagpasiya si Melinda na magmission—at naisip ko na isa sa mga dahilan kaya siya umalis ay para makalayo sa akin. May mga pagkakataon habang nasa misyon siya na naging malungkot ako dahil pinagtuunan ko ng pansin kung ano ang wala ako. Gayunman, nag-aral ako ng mga banal na kasulatan at nagdasal araw-araw, naglingkod sa Simbahan, at nagsumikap na gawin ang mga bagay na naghatid ng Espiritu Santo sa buhay ko.

Isang maaga at napakalamig na umaga ng araw ng Linggo sa Minneapolis, Minnesota, USA, habang nagmamaneho ako papunta sa isang pulong ng Simbahan, naisip ko, “Dapat ay malungkot talaga ako ngayon. Ang mga bagay-bagay ay hindi nangyayari sa paraang gusto ko. Ngunit hindi ako malungkot. Hindi kapani-paniwala ang kasiyahang nadarama ko!”

Ngayon, paano ako naging masaya kung may pinagdaraanan akong pagsubok na napakahirap para sa akin?

Ang sagot ay matatagpuan sa Mga Taga Galacia 5:22–23: “Ang bunga ng Espiritu ay pagibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat, kaamuan, pagpipigil.”

Dahil ginagawa ko noon ang mga bagay na naghatid ng Espiritu sa buhay ko, nadama ko ang pagmamahal ng Diyos. Nadama ko ang kagalakan at kapayapaan. Kaya kong dumanas ng maraming pagsubok at maging masaya pa rin.

Ang pagkakaroon ng pagmamahal, kagalakan, at kapayapaan sa ating mga buhay, sa ating mga pamilya, at sa pakikisama natin sa ating mga asawa ay hindi nagmumula sa pagkakaroon ng malaking bahay, magandang kotse, pinakabagong damit, tagumpay sa propesyon, o sa anumang iba pang mga bagay na sinasabi ng mundo na nagdadala ng kaligayahan. Sa katunayan, dahil ang pagdama ng pagmamahal, kagalakan, at kapayapaan ay nagmumula sa Espiritu, ang pagdama ng mga ito ay hindi kailangang magkaroon ng kaugnayan sa ating temporal na sitwasyon.

Unawain sana ninyo na hindi ko sinasabi na palagi tayong magiging masaya o na kailanma’y hindi maaapektuhan ng ating temporal na sitwasyon ang ating kaligayahan. Sa katunayan, kung hindi natin matitikman ang mapait, hindi natin malalaman ang matamis (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 29:39; tingnan din sa Moises 6:55).

Kailangan nating mahirapan paminsan-minsan. Bukod pa rito, may ilang pisikal at emosyonal na kalagayan na maaaring magbigay sa atin ng matinding pagdurusa at magpahirap sa atin na madama ang Espiritu. Ngunit kung nagsisikap tayong mapasaatin ang Espiritu sa ating mga buhay at nagtitiwala tayo sa Diyos, karaniwa’y maaari tayong maging masaya.

Pinatototohanan ko mula sa aking sariling karanasan na ito ay totoo. Mula nang maranasan ko iyon habang nasa kanyang mission si Melinda, napansin ko na kung ginagawa ko ang mga bagay na naghahatid ng Espiritu sa buhay ko, kabilang na ang pagpiling paniwalaan at tanggapin na ang mga bagay-bagay ay nangyayari sa paraang nais ng Diyos, kadalasa’y masaya ako (tingnan sa Jacob 3:2).1

2. Huwag Maniwala sa mga Huwad na Damdamin

Larawan
bowl of fake fruit

Nag-aalok si Satanas ng mga huwad na alternatibo sa lahat ng ginagawa ng Diyos sa pagtatangkang lituhin at linlangin tayo. Sa kabila ng mga pagtatangka ni Satanas na kumbinsihin tayo sa ibang paraan, itinuturo sa atin ng Tagapagligtas na “ang masamang punungkahoy ay [hindi maaaring] magbunga ng mabuting bunga” (3 Nephi 14:18). Dahil si Satanas ay isang masamang puno, hindi niya magagawang ipadama sa atin ang “pagibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat, kaamuan, [at] pagpipigil” (Mga Taga Galacia 5:22–23). Sa halip, gusto ni Satanas na gawin tayong miserable (tingnan sa 2 Nephi 2:27).

Kaya ano ang ginagawa ni Satanas? Sinusubukan niyang linlangin tayo.

Isang kaibigan ko, isa sa mga hinirang, ang nalinlang. Ang kaibigan ko ay nagmission at naging mahusay na misyonero. Pag-uwi niya mula sa kanyang mission, nilayon niyang gawin ang lahat ng maliliit na bagay na naghatid ng Espiritu sa kanyang buhay at nagpatatag sa kanya sa kanyang mission. At sa maikling panahon, ginawa niya iyon.

Gayunman, may nakita siyang mga kaibigan, na karamihan ay mga returned missionary, na nagsisimba tuwing Linggo ngunit kapag wala sa simbahan ay namumuhay ayon sa paraan ng mundo. Mukhang masaya sila. “Masaya” ang mga ginagawa nila. At ang pamumuhay nila ay tila hindi nangangailangan ng maraming gawain na tulad ng sa kanya

Unti-unti siyang tumigil sa paggawa ng maliliit na bagay na naghatid sa kanya ng espirituwal na lakas sa kanyang mission. Mayroon pa rin siyang patotoo, ngunit sinabi niya sa akin na naisip niya na, “Kung dadalo lang ako sa aking mga miting sa Simbahan, OK ako—ligtas ako.” Gayon pa man, kahit na nagsisimba ako, sinabi niya, “Sa espirituwal, hindi ako aktibo.”2 Habang namumuhay siya ayon sa paraan ng mundo, ang isang maling pagpili ay nagbunga ng iba pa, at di-naglaon ay nabuntis siya.

Sa huli, ang kanyang mga maling pagpili ay nagkaroon ng mga hindi magagandang bunga para sa kanya. Hindi siya masaya, at alam niya iyon. Sa kabutihang palad, napagtanto ng kaibigan ko na nalinlang siya, at nagsisi siya.

Itinuturo ng kanyang kuwento na kahit ang pinakamabuti sa atin ay maaaring malinlang. Higit pa rito, itinuturo ng kanyang kuwento na kailangan palagi tayong mag-ingat laban sa panlilinlang. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng paggawa ng maliliit na bagay na naghahatid ng Espiritu sa ating mga buhay.

Natutuwa akong iulat na ang kaibigan ko ay masaya na ngayon, nagsisikap na sundin ang mga kautusan, at pisikal at espirituwal na aktibo sa ebanghelyo.

Ang mga panlilinlang ni Satanas ay dumarating sa maraming paraan. Magbabanggit lamang ako ng ilan.

Sinisikap ni Satanas na kumbinsihin tayo na unahin ang mga temporal na bagay kaysa mga espirituwal na bagay. Masasabi natin kung wala sa lugar ang ating mga prayoridad sa pamamagitan ng pagpansin kung gaano kadalas natin sinasabi na, “Masyado lamang akong abala o pagod ngayon upang ______________.” Punan ang patlang: dumalo sa templo, mag-minister, pag-aralan at pagnilayan ang mga banal na kasulatan, gampanan ang tungkulin ko, o magdasal.

Ang isang dahilan kaya pakiramdam natin masyado tayong abala ay dahil nagsusumikap si Satanas na abalahin tayo. Ginagamit niya ang smartphone na hawak natin, ang radyo sa kotse natin, ang mga telebisyon sa bahay natin, at napakaraming iba pang bagay upang maging abala tayo sa halos lahat ng oras. Dahil dito, pakiramdam natin ay mas abala tayo kaysa sa totoong nangyayari.

Ang isa pang resulta ng pang-aabalang ito ay unti-unting nababawasan ang pagninilay natin. Sinisikap ni Satanas na abalahin tayo dahil alam niya na ang pagninilay, lalo na tungkol sa mga banal na kasulatan, ay humahantong sa higit na pagbabalik-loob at paghahayag.

Ang isa pa sa mga panlilinlang ni Satanas ay ang ideya na ang ating mga kilos ay mas mahalaga kaysa sa ating mga intensyon. Kapag wala tayong tamang intensyon sa paggawa ng mga espirituwal na bagay, hindi natin mararanasan ang kagalakan ng ebanghelyo. Dahil dito, nagsisimula tayong mabagot sa pagsunod sa mga kautusan, at alam ni Satanas na kung magagawa niyang iparamdam sa atin ang ganito, malamang ay titigil tayo sa paggawa ng alam nating dapat nating gawin.

Nililinlang din tayo ni Satanas na maniwala na ang kagalakan at kaligayahan ay dumarating mula sa pagkakaroon ng madaling buhay o sa pagiging masaya lamang sa lahat ng oras. Hindi totoo iyon. Ang totoo ay walang kagalakan o kaligayahan kapag walang pagtatagumpayan (tingnan sa 2 Nephi 2:11, 23).

Ang huli sa mga panlilinlang ni Satanas na babanggitin ko ay na sinisikap niyang kumbinsihin tayo na ang kasamaan, kasama ang pansamantalang kasiyahang dulot nito, ay talagang kaligayahan. Alam ni Satanas na, kahit sa sandaling iyon, may ilang damdamin o emosyon na maaaring (1) magpaisip sa atin na nadarama natin ang mga bunga ng Espiritu, (2) magtago ng ating paghahangad sa mga bungang iyon, o (3) magmistulang katanggap-tanggap na pamalit.

Halimbawa, maaari tayong tuksuhin ni Satanas na magnasa sa halip na magmahal. Maaari niya tayong akiting manabik sa halip na magalak nang walang-maliw. Tinatangka niya tayong abalahin sa halip na payapain. Gusto niya tayong magmalinis, magsumigasig, at umakma sa gusto ng mundo sa halip na maging di-makasarili, palaging sumunod, at angkop na magtuon sa espirituwal. Ang kanyang mga panunukso ay maaaring makalito sa atin, na kalaunan ay maaaring maghikayat sa atin na isipin na ang pagsuway sa mga kautusan ay maghahatid ng kaligayahan.

3. Gumawa ng Maliliit na Bagay

Karaniwa’y maliliit na bagay ang naghahatid ng Espiritu sa ating buhay, nag-iiwas sa atin na malinlang, at sa huli’y tumutulong sa atin na magkaroon ng lakas na sundin ang mga kautusan at magtamo ng buhay na walang hanggan. Itinuro ng Tagapagligtas ang alituntuning ito sa mga elder ng Simbahan sa Kirtland, Ohio: “Dahil dito, huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain. At mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila” (Doktrina at mga Tipan 64:33).

Bakit napakahalaga ng maliliit na bagay? Sa sumunod na talata, ipinaliwanag ng Tagapagligtas na “hinihingi ng Panginoon ang puso at may pagkukusang isipan” (Doktrina at mga Tipan 64:34). Bakit iniugnay ng Tagapagligtas ang paggawa ng maliliit na bagay sa puso at may pagkukusang isipan? Dahil sa patuloy na paggawa ng maliliit na bagay, ibinibigay natin ang ating puso’t isipan sa Diyos, na nagpapadalisay at nagpapabanal sa atin (tingnan sa Helaman 3:35).

Ang pagdadalisay at pagpapabanal na ito ay nagpapabago sa kung sino tayo, unti-unti, kaya mas lalo tayong nagiging katulad ng Tagapagligtas. Ito rin ang dahilan kaya mas nagiging handa tayo na makinig sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo, na nakatutulong upang mas hindi tayo madaling malinlang.

Noong huling taon ko sa mataas na paaralan, tinuruan ako ng tatay ko ng seminary sa bahay namin. Dahil ang paksa sa taong iyon ay Aklat ni Mormon, nagpasiya ang tatay ko na sabay namin itong babasahin, bawat talata, at tatalakayin namin kung ano ang aming natutuhan. Habang nagbabasa kami, nagtatanong ang tatay ko ng mga bagay na kailangan kong pag-isipan tungkol sa binabasa namin, at ipinaliliwanag niya ang mga bagay na hindi ko naunawaan. Naaalala ko pa na nag-aral kami tungkol sa Tagapagligtas at nadama ko na talagang dinalaw Niya ang mga Nephita at na talagang maaari akong mapatawad sa aking mga kasalanan dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala.

Ang mga sesyon na iyon ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan kasama ang tatay ko ang naging simula ng aking pundasyon sa mga banal na kasulatan May nadama ako habang nagbabasa kami. At marahil ang mas mahalaga, nagbago ang aking mga hangarin, intensyon, at kilos. Ninais kong magpakabuti pa. Nakita ko na kung saan ako nililinlang. Mas madalas akong nagsisi. Sa pagtatapos ng unang taon ko sa kolehiyo, nagbabasa ako ng mga banal na kasulatan araw-araw.

Sa panahong ito, hiniling ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) sa mga miyembro ng Simbahan na basahin ang Aklat ni Mormon araw-araw at ipamuhay kung ano ang natutuhan nila.3 Kaya, bukod pa sa anumang iba pang binabasa ko noon, nagbabasa ako ng kahit isang bagay man lang mula sa Aklat ni Mormon.

Larawan
fruit and scriptures

Sa aking mission, natutuhan ko kung paano talaga pag-aralan ang at magpakabusog sa mga banal na kasulatan. Hindi ko lamang nadama ang Espiritu Santo habang nagbabasa ako, kundi nagsimula rin akong makadama ng kagalakan habang sinasaliksik ko ang mga banal na kasulatan upang maghanap ng mga sagot sa mga problema ko at ng aking mga investigator o tinuturuan.

Pagkatapos ng misyon ko, patuloy akong nagpakabusog sa mga banal na kasulatan araw-araw. Dahil ang aktibidad na ito ay nag-anyaya sa Espiritu Santo sa buhay ko, natanggap ko ang Kanyang patnubay upang magamit ko nang mas mahusay ang oras ko. Dahil dito, naging mas mahusay ako sa paaralan at, kalaunan, sa trabaho. Naging mas madali ang paggawa ng mabubuting desisyon. Nagdasal ako nang mas madalas at naging mas masigasig ako sa pagtupad ng aking mga tungkulin. Ang pagpapakabusog sa mga banal na kasulatan araw-araw ay hindi nakalutas sa lahat ng problema ko, ngunit naging mas madali ang buhay.

Noong Agosto 2005, naglabas ng isang hamon si Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) na basahin o muling basahin ang Aklat ni Mormon bago matapos ang taon.4 Dahil binabasa ko naman ang Aklat ni Mormon araw-araw, nasa Eter o Moroni na ako noon. Dahil dito, nang natapos ako makalipas ng isa o dalawang linggo, naisip ko na natapos ko ang hamon ni Pangulong Hinckley.

Ngunit pagkatapos nito ay dumating na isang matapat na home teacher upang bisitahin ang aming pamilya. Kinumusta niya ako tungkol sa paanyaya ni Pangulong Hinckley.

Sabi ko sa kanya masuwerte ako dahil nakapagsimula na ako sa Aklat ni Mormon bago pa naglabas ng hamon si Pangulong Hinckley. Pagkatapos, may kaunting pagmamagaling na ibinalita ko na natapos ko na iyon.

Sa kabutihang palad, iba ang pananaw ng home teacher ko sa mga bagay-bagay. Habang malumanay niya akong iwinawasto, ibinulong sa akin ng Espiritu na tama ang home teacher ko.

Ngayon ay kailangan kong magbasa ng dalawang kabanata sa isang araw upang matapos ko ito ulit sa pagtatapos ng taon. Habang dinadagdagan ko ang dami ng aking binabasa sa Aklat ni Mormon, napansin ko na may higit na kapangyarihan pang dumating sa buhay ko. Lalo akong nagalak. Naunawaan ko nang mas malinaw ang mga bagay-bagay. Mas madalas pa akong nagsisi. Ninais kong maglingkod sa at sagipin ang iba. Hindi na ako madaling tablan ng panlilinlang at panunukso ni Satanas. Mas minahal ko ang Tagapagligtas.

Noong Nobyembre ng taong iyon, natawag akong bishop ng ward namin. Ang pagkumpleto sa hamon ni Pangulong Hinckley ang naghanda sa akin para sa tungkuling iyon. Mula noon, napansin ko na habang nagiging mas abala ako sa trabaho man o sa Simbahan, mas kailangan kong pag-aralan ang mga banal na kasulatan, lalo na ang Aklat ni Mormon.

Maaari kayong magkaroon ng gayon ding mga pagpapala at kapangyarihan sa inyong buhay kung magpapakabusog din kayo sa mga banal na kasulatan araw-araw. Ipinapangako ko na kung magpapakabusog kayo sa mga banal na kasulatan araw-araw, lalo na sa Aklat ni Mormon, maaanyayahan ninyo ang Espiritu sa inyong buhay at nanaisin ninyong magdasal araw-araw at magsisi nang mas madalas, at magiging mas madali ang pagsisimba at pagtanggap ng sakramento linggu-linggo.

Pinatototohanan ko na kapag ginawa ninyo ang maliliit na bagay at nagtiwala kayo sa Panginoon, makasusumpong kayo ng pagmamahal, kagalakan, kapayapaan, at kaligayahan anuman ang inyong sitwasyon. Pinatototohanan ko rin na naging posible ito dahil sa sakripisyo ni Jesucristo. Dumarating ang lahat ng mabubuting bagay dahil sa Kanya (tingnan sa Moroni 7:22, 24).

Mga Tala

  1. Kapag matatag ang pananampalataya natin kay Cristo, maaari tayong magpakabusog sa pag-ibig ng Diyos anuman ang ating sitwasyon.

  2. Mga tala at transcript ng panayam na nasa pag-iingat ng may-akda.

  3. Tingnan sa Ezra Taft Benson, “A Sacred Responsibility,” Ensign, Mayo 1986, 77–78; tingnan din sa “The Book of Mormon—Keystone of Our Religion,” Ensign, Nob. 1986, 4–7.

  4. Tingnan sa Gordon B. Hinckley, “Mensahe ng Unang Panguluhan: Isang Patotoong Buhay na Buhay at Tapat,” Liahona, Ago. 2005, 2–6.