2020
Panalangin ni Kelly
Hunyo 2020


Panalangin ni Kelly

Larawan
Kellys Prayer

Pumasok si Kelly at ang nanay niya sa gusali ng simbahan at tumingin-tingin sa paligid. Maganda ito, may mga puno ng palmera na umiindayog sa labas. Sabi ng karatula sa gusali, “Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.” Sa tatlong iba’t ibang wika–Malay, Chinese, at English!

Walang gaanong alam si Kelly tungkol kay Jesucristo. At hindi pa siya nakapagsimba kailanman. Dito nagsisimba ang kaibigan ng nanay niya na si Li Leen. Inanyayahan na nito si Kelly at ang nanay niya na sumama sa kanya.

Pagpasok nila, nginitian at binati sila ng mga tao. Napakabait ng lahat. Sinundan ni Kelly at ni Inay si Li Leen na umakyat papunta sa isang malaking kuwarto. Sabi ni Li Leen, chapel ang tawag doon.

Umupo si Kelly sa tabi nina Inay at Li Leen sa isang hanay ng mga upuan, at di-nagtagal ay nagsimula ang pulong. Nakinig siya sa musika. Nagustuhan niya ang ipinadama nito sa kanya, kahit hindi niya alam ang mga titik.

Sa pagtatapos ng pulong, tumayo ang isang babae para magdasal. Tumingin-tingin si Kelly sa paligid habang lahat ng iba pa ay humalukipkip at pumikit. Talagang maganda pa rin ang pakiramdam niya. Ano ba iyon? Kakaiba iyon sa nadama na niya noon.

Paglabas nila ng simbahan kalaunan, sinabi ni Kelly kay Inay ang naramdaman niya habang nagdarasal sila.

“Naku,” sabi ni Inay, “wala akong naramdamang kakaiba.”

Ngunit patuloy na inisip ni Kelly ang naramdaman niya sa simbahan. Nagustuhan niya ang panalangin. At nagustuhan niya ang pakikinig tungkol kay Jesus.

“Puwede ba akong turuan ng mga missionary?” tanong ni Kelly kay Inay. “Gusto ko pa pong matuto.”

“Kung iyan ang gusto mong gawin, okey lang,” sabi ni Inay.

Tinuruan ng mga missionary si Kelly kung paano magdasal at paano basahin ang mga banal na kasulatan. Tinuruan nila siya tungkol kay Jesus at kung gaano Niya tayo kamahal. Nagustuhan ni Kelly ang natututuhan niya.

Isang araw binigyan siya ng mga missionary ng isang espesyal na hamon.

“Sisikapin mo bang magdasal sa linggong ito?” tanong ni Elder Packer.

Hanggang sa oras na iyon, nagdarasal lang si Kelly kapag kasama ang mga missionary. Pero gusto niyang subukang gawin iyong mag-isa. Alam niya na laging nakikinig ang Ama sa Langit, at gusto Niyang makarinig mula sa kanya.

“Gagawin ko po ito,” pangako niya.

Ang sumunod na araw sa paaralan ay espesyal. Kakanta si Kelly sa isang paligsahan! May natutuhan siyang isang bago at magandang kantang Chinese. Nahirapan siyang matutuhan ang lahat ng nota at tono! Nag-ensayo siya nang nag-ensayo nang nag-ensayo.

Ngayong oras na para kumanta, kinabahan si Kelly. Kinuha niya ang larawan ni Jesus na ibinulsa niya sa kanyang uniporme sa paaralan nang umagang iyon. Nagpasiya siyang magdasal, tulad ng ipinakita sa kanya ng mga missionary. “Ama sa Langit, tulungan po Ninyo akong mawala ang kaba ko,” dalangin niya. “Sa pangalan ni Jesucristo, amen.”

Pagkatapos ay lumabas si Kelly sa entablado. Tinitigan niya ang mga manonood at hurado. Inisip niya ang larawan ni Jesus sa kanyang bulsa at medyo gumanda ang pakiramdam niya. Huminga siya nang malalim at nagsimulang kumanta.

Kinanta niya ang lahat ng titik tulad ng napraktis niya. Nang kantahin niya ang huling nota at yumuko pagkatapos, alam ni Kelly na narinig ng Ama sa Langit ang kanyang panalangin at tinulungan siya.

Nakangiting bumaba ng entablado si Kelly. Hindi siya makapaghintay na ikuwento sa mga missionary ang nangyari! Alam niya na gusto niyang patuloy na magdasal araw-araw. ●

Mga paglalarawan ni Tammie Lyon