2020
Mga Salita para sa Lahat
Hunyo 2020


Ang mga Salita ng Propeta para sa Lahat

Katherine Furgeson, Pennsylvania, USA

Hindi ko inasahang makakita ng isang sipi mula sa isang propeta ng Diyos sa mga dingding ng paaralan.

Larawan
woman looking at paper on a wall

Paglalarawan ni Merrilee Liddiard

Maaga akong gumising isang umaga upang maghanda sa pagpasok sa trabaho. Bagama’t karaniwan ay mahal ko ang trabaho ko bilang isang guro, wala ako sa kondisyon noon at gusto kong gumapang pabalik sa ilalim ng kumot at magkunwaring oras na ulit ng pagtulog.

Nang dumating ako sa high school, sinikap kong ihanda ang isipan ko para sa trabaho. Alam kong kailangan kong magturo kaagad sa isang klase sa math, ngunit ang puso’t utak ko ay parehong parang mapurol at malungkot. Negatibo ang lahat ng nararamdaman ko.

Nagpasiya akong pumunta sa banyo bago magsimula ang klase. Paminsan-minsan, may nagpo-post ng mga flier sa mga banyo na may impormasyon para sa mga estudyante at kawani. Sa sulok ng mata ko, isang flier ang nakaagaw ng pansin ko. May magandang sipi roon na ang nakasaad ay, “Kung gusto ninyong magbigay ng liwanag sa iba, kailangan ay magningning kayo mismo.”1 Nagulat akong makita na nagmula ang siping iyon kay Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018).

Hindi ko inasahang makakita ng isang sipi mula sa isang propeta ng Diyos sa mga dingding ng paaralan. Nakatira ako sa isang munting bayan sa Pennsylvania, USA, at natitiyak ko na isa ako sa iilan, o baka ako lang, na miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa paaralan. Alam ko na isa ako sa iilan na makakaunawa sa kahalagahan ng mga salita ni Pangulong Monson—isang lalaking nasang-ayunan ko nang maraming taon bilang propeta. Nadama ko na ang mensaheng ito ay para talaga sa akin. Pinalambot nito ang puso ko at pinaganda ang pakiramdam ko. Napuspos ng pasasalamat ang puso ko dahil sa aking patotoo, at pinalibutan ako ng pagmamahal ng Ama sa Langit.

Ginusto kong tanggalin ang flier mula sa dingding at ibulsa iyon sa buong maghapon upang pasiglahin ako, pero may bigla akong napagtanto. Si Pangulong Monson ay hindi lamang propeta para sa akin at sa iba pang mga miyembro ng Simbahan—siya ang propeta para sa mundo. Ang kanyang mga salita, gaya ng mga salita ni Pangulong Russell M. Nelson ngayon, ay para sa lahat. Ang mga salita ng isang propeta ay tumutulong at nagpapasigla sa lahat ng makikinig dito. Kinunan ko ng litrato ang sipi sa cell phone ko at iniwanan kong nakadikit ang flier para sa sinumang maaaring mangailangan nito.

Nagpapasalamat ako na inilagay ng Ama sa Langit ang mensaheng ito sa aking landas. Gusto kong magbigay ng liwanag sa iba. Sa pamamagitan ng pagsunod at pagiging malapit sa ating Tagapagligtas, magniningning ako kahit sa mga araw na may kadiliman na magtatangkang iligaw ako ng landas.

Tala

  1. Thomas S. Monson, “For I Was Blind, but Now I See,” Liahona, Hulyo 1999, 69.