2020
Paglangoy na Parang Seahorse
Hunyo 2020


Paglangoy na Parang Seahorse

“Ang Espiritu Santo … ang magbibigay-alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:5).

Larawan
Swimming Like a Seahorse

Tinitigan ni Robin ang swimming pool. Sinubukan niyang huwag isipin kung gaano kalayo ang kailangan niyang languyin. Ang tanging mahalaga ay makamit niya ang badge. Ang seepferdchen (seahorse) badge ay magpapakita sa lahat ng tao sa Germany na marunong siyang lumangoy mag-isa.

Kaya ko ito! naisip ni Robin. Huminga siya nang malalim at tumalon.

SPLASH!

Ang sarap sa pakiramdam ng malamig na tubig sa napakainit na araw na iyon.

Paisa-isang metro lang, sabi sa kanya ni Itay. Huwag mong isipin agad ang buong 25 metro.

Nanatiling nakalubog ang ulo ni Robin. Ikinampay niya ang kanyang mga kamay at binti tulad ng sinanay niyang gawin nang ilang buwan. Kada ilang segundo nag-aangat siya ng ulo para huminga.

Sipa. Kampay. Sipa. Kampay.

Biglang hinipan ng swimming teacher ang pito niya. Gulat na tumingin si Robin.

“Magaling,” sabi ng kanyang guro.

Nagawa niya!

Tumawa si Robin at gumawa ng ilang somersault sa ilalim ng tubig bilang selebrasyon. Isa na siyang seahorse!

Pag-uwi niya, hinanap niya kaagad si Itay.

“Itay, tingnan ninyo!”

Inilapag ng tatay ni Robin ang kanyang martilyo. Nang makita ni Itay ang seepferdchen badge, todo ang niti niya.

“Sa una mong pagsubok?” Niyakap niya nang mahigpit si Robin. “Ano ang gusto mong gawin bilang selebrasyon?”

Nag-isip sandali si Robin. “Ang gusto ko po talaga ay pumunta sa pool na kasama kayo. Gusto kong ipakita sa inyo ang kaya kong gawin.”

Lalong lumaki ang ngiti ni Itay. “Ngayon iyan ang selebrasyon para sa ating dalawa. Kapag nagkaroon ako ng oras, pupunta tayo.”

Sumuntok si Robin sa hangin. Hindi siya makapaghintay na maitahi ang badge sa kanyang damit-panlangoy at lumangoy na kasama si Itay.

Lumipas ang ilang araw. Panay ang tanong ni Robin tungkol sa pool, pero palaging may hadlang. Parang laging abala si Itay.

Isang araw lumuhod si Robin sa tabi ng kama niya para manalangin. Sa pagtatapos ng panalangin niya, may isa pa siyang idinagdag.

“Pakibigyan po si Itay ng libreng oras para makapunta kaming dalawa sa pool. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.”

Nang magmulat ng mga mata si Robin, narinig niya ang katok ni Itay sa pinto.

“Punta na tayo sa pool. Gusto kitang makitang lumangoy!”

Napanganga si Robin. “Itay! Hindi kayo maniniwala rito. Katatapos ko pa lang pong manalangin na magkaroon kayo ng libreng oras para makapunta tayo.”

Humalukipkip si Itay at sumandal sa pintuan. “Aba, hindi ba nakakatuwa? Alam mo, nakarinig ako ng tahimik at malinaw na mensahe mula sa Espiritu Santo na kailangan kitang dalhin sa pool. Mukhang kailangan na nating pumunta!”

Masaya silang nagpunta sa pool. Ipinakita ni Robin kay Itay na kaya niyang languyin ang 25 metro nang tuluy-tuloy. Humanga si Itay. At humanga si Robin sa mga somersault ni Itay sa ilalim ng tubig. Kayang gawin iyon ni Itay nang limang beses na magkakasunod!

“Natutuwa ako na binigyan kayo ng Ama sa Langit ng libreng oras ngayon,” sabi ni Robin.

“Ang totoo,” sabi ni Itay, “palagay ko masyado ko lang inabala ang sarili ko. Palagay ko nagpapaalala sa akin ang Espiritu Santo na kailangan nating magkaroon ng oras para sa isa’t isa, hindi ba? Nangangako ako na gagawin ko ang bahagi ko.”

Ngumiti si Robin. “Ako rin po!”

May ngiti sa mga mata ni Itay. “Pero may isa pang bagay. Nasabi ko na ba sa iyo na hindi pa ako natalo sa splash fight?”

Gumanti ng ngisi si Robin. “Hindi pa tapos ang araw!” ●

Paglalarawan ni Mark Robison