2020
Ika-150 Anibersaryo ng Organisasyon ng Young Women
Hunyo 2020


Ika-150 Anibersaryo ng Organisasyon ng Young Women

May dakilang gawain ang Ama sa Langit para sa inyo sa paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng ating Tagapagligtas.

Larawan
group of young women walking

Habang iniisip ko ang lahat ng kagila-gilalas na bagay na nagawa ng ating Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak, puspos ng lubos na pagkamangha at pasasalamat ang puso ko sa laki ng pagmamahal ng Panginoon sa Kanyang mga anak na babae. Mahal Niya KAYO!

At dahil mahal Niya kayo, 150 taon na ang nakakaraan binigyan Niya ng inspirasyon ang mga pinuno ng Simbahan na likhain ang organisasyon ng Young Women upang tulungan kayong maging ang tao na nais ng Diyos na kahinatnan ninyo. Hinikayat tayo ng propetang si Brigham Young (1801–77) na palakasin ang ating patotoo sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng ebanghelyo: “Kailangan ng mga kabataang anak na babae ni Israel na magtamo ng buhay na patotoo tungkol sa katotohanan. … Nais kong magtamo ng kaalaman ang ating mga batang babae tungkol sa ebanghelyo para sa kanilang sarili.”1 Sinabi rin niya, “Mas maraming patotoo ang natatamo nang nakatayo kaysa nakaluhod.”2

Ang organisasyon ng Young Women ay nagbago na sa pagdaan ng mga taon upang matugunan ang mga pangangailangan ng panahon. Ngunit kahit nagbago ang programa, hindi pa nagbabago ang layunin para sa mga kabataang babae—upang tulungan kayong magkaroon ng buhay na patotoo at, sa pagsampalataya, patuloy na sumulong sa landas ng tipan. Kapag nalaman ninyo kung sino kayo at kumilos kayo nang may pananampalataya, matatanggap ninyo ang mga pagpapalang inilaan ng Ama sa Langit para sa inyo.

Mga Klase ng Young Women sa Pagdaan ng mga Taon

Nang unang magsimula ang Young Women, tinawag itong “Retrenchment Association” na may layuning “magpakahusay pa sa lahat ng bagay na mabuti at maganda.” Noong mga unang taon ng 1900s, naging Young Ladies’ Mutual Improvement Association ito, at hindi nagtagal ay isinama sa mga klase ang mga kabataang babaeng edad 12 hanggang 24. Nagbago ang pangalan ng mga klase sa paglipas ng mga taon at kinabilangan ng Camp Fire Girls, Beehives, Guardians, at Gleaners. Nang lumago ang Simbahan at nagpulong ang young women sa iba’t ibang bansa at wika, ginawa nila ang lahat para umangkop, na ang mga pangalang tulad ng Mia Maid ay naging “Rosenmädchen” (Rose Girls) sa German, halimbawa.

Ngayong may young women na sa halos lahat ng bansa, nakaorganisa ang mga klase ayon sa mga pangangailangan ng bawat ward o branch, at lahat ay kilala sa nagkakaisang tawag na Young Women.

Larawan
YW timeline

Nagbago na rin ang mga kinakailangang gawin sa mga programa ng Young Women sa paglipas ng mga taon. Nasa kanan ang ilan sa mga ito.

Noong 1915:

  • Matutong magsingkaw at magpatakbo ng isang grupo ng mga kabayo.

  • Magsaulo ng mga talata sa banal na kasulatan.

Mula 1940s hanggang 1960s:

  • Dagdagan ang iyong tiwala sa sarili sa pamamagitan ng pagkakaroon ng magandang tindig (sa pag-upo, pagtayo, at paglalakad).

  • Maging magalang bilang tanda ng isang dalagang mahinhin.

Noong 1980s:

  • Magbasa ng dalawang missionary pamphlet at ituro sa isang kaibigan o kamag-anak ang iyong natutuhan.

  • Mag-ehersisyo kahit 30 minuto lamang sa isang araw, limang araw sa isang linggo sa loob ng tatlong linggo.

Noong 2009:

  • Pag-aralan ang kahalagahan ng kalinisang-puri at kabanalan.

  • Basahin ang buong Aklat ni Mormon. Isulat sa iyong journal ang mga nasa isip mo.

Ang Programang Mga Bata at Kabataan

Habang tinitingnan ninyo itong mga kinakailangang gawin nang may espirituwal na pananaw, mapapansin ninyo na may pagkakatulad ang mga ito. Ang nakaraan at kasalukuyan ay nagsasama, nagkakaisa sa pagtulong sa young women na mas mapalapit kay Jesucristo at umunlad sa espirituwal, intelektuwal, pakikipagkapwa, at pisikal.

Noong 2019 isang bagong programa para sa pansariling pag-unlad ang pinasimulan na nag-aanyaya sa inyo na umasa sa sarili at umasa sa Tagapagligtas. Inaanyayahan kayong hangarin ang Espiritu Santo at magtakda ng sarili ninyong mga mithiin habang nagpupunyagi kayong maging mas katulad ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo! Gustung-gusto ko ang tiwalang ipinapakita nito sa inyo, ang pambihirang young women ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Sa pagsuporta ng inyong bishopric at mga Young Women presidency, pinamumunuan din kayo ng mga class presidency—ang inyong mga kaedad na tinawag at itinalagang magplano at magpatupad ng programa ng Young Women. Mahigit kalahating milyong young women sa iba’t ibang panig ng mundo ngayon ang pinamumunuan ng kanilang mga kaedad!

Lahat ng young women ay pinagkakaisa ng isang tema, na kinabibilangan ng mga pangunahing alituntuning ito: kayo ay minamahal na anak ng mga magulang sa langit; kayo ay pinagtipanang disipulo ni Jesucristo; naghahangad at kumikilos kayo ayon sa personal na paghahayag na nagmumula sa Espiritu Santo; at kayo ay isang nagniningning na saksi sa Diyos habang nagsisikap kayong maging mas katulad ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, at naglilingkod sa iba sa Kanyang Banal na pangalan.

Larawan
young woman

Kayo ay Minamahal at Kailangan!

Bilang minamahal na mga anak ng isang buhay at mapagmahal na Ama sa Langit, kayo ay talagang handa na maging “mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion.”3 Tulad ng sinabi na ni Pangulong Russell M. Nelson: “Bawat propeta ay nagsalita tungkol sa panahon natin, kung kailan matitipon ang Israel at ang mundo ay magiging handa sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Isipin ninyo ito! Sa dinami-dami ng mga taong tumira sa mundo natin, tayo ang mga makikilahok sa huli at malaking pagtitipon na ito.”4

Ito ay isang sagradong paanyaya na makibahagi sa gawain sa templo at family history, maglingkod sa mga katungkulan sa pamumuno, magminister sa inyong kapwa kababaihan, at magbahagi ng inyong patotoo sa inyong pamilya at mga kaibigan. Minamahal kayo, at kayo ay kailangan!

Mahal kong mga kaibigan, ang Ama sa Langit ay may dakilang gawain para sa inyo sa paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo! Mahalagang bahagi kayo ng gawaing ito. Mahal Niya kayo; nais Niyang makibahagi kayo sa Kanyang gawain; nagtitiwala Siya sa inyo!

Idinaragdag ko ang aking pananalig at tiwala sa inyo sa pananalig at tiwala ng ating mahal na propetang si Pangulong Nelson, na nagpahayag: “Kayo ay kabilang sa mga pinakamahusay na ipinadala ng Panginoon sa mundong ito. Mayroon kayong kapasidad na maging mas matalino at mahusay at magkaroon ng epekto sa mundo kaysa naunang mga henerasyon!”5

Dalangin ko na hayaan ninyong tumimo ang mga salita sa tema ng Young Women sa kaibuturan ng inyong puso at makibahagi kayo nang husto sa bagong programa, na tinatanggap ang bawat pagkakataong mas mapalapit sa Tagapagligtas at mas matuto tungkol sa Kanya. Maging ang tao na nais Niyang kahinatnan ninyo. Alam ko na kapag ginawa ninyo ito, mapupuspos ang buhay ninyo ng mga pagkakataong ibahagi ang Kanyang liwanag at ang Kanyang pagmamahal sa inyong mga pamilya, kaibigan, at sa lahat ng tao sa paligid ninyo. Habang sinisikap ninyong tularan Siya, magiging matatag at di-natitinag ang inyong patotoo.

Mga Tala

  1. Brigham Young, sa A Century of Sisterhood: Chronological Collage, 1869–1969 (1969), 8.

  2. Brigham Young, sa Susa Young Gates, History of the Young Ladies’ Mutual Improvement Association of the Church of Jesus Christ of Latter-day Saints from November 1869 to June 1910 (1911), 9.

  3. Quentin L. Cook, Abr. 2014, pangkalahatang kumperensya (Liahona, Mayo 2014, 48).

  4. Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel” (pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018), 8, HopeofIsrael.ChurchofJesusChrist.org.

  5. Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel,” 16–17.

Larawang kuha ni Leslie Nilsson

Mga paglalarawan ni Corey Egbert

Larawang kuha ni Matt Reier