2021
Amy A. Wright
Mayo 2021


Amy A. Wright

Pangalawang Tagapayo sa Primary General Presidency

Limang taon na ang nakararaan, si Sister Amy A. Wright ay nasuring may stage 4 ovarian cancer. Ang tanging paraan kaya nalagpasan ng kanyang pamilya ang agresibong mga panggagamot sa kanya, sabi niya, ay sa pamamagitan ng pagtutuon sa Tagapagligtas na si Jesucristo.

“Nang ituon ko ang lahat sa akin, naging napakalungkot ng mundo,” paggunita niya. “Pero nang magtuon ako sa iba, kapag sinisikap kong maglingkod sa iba at lumakad sa landas na nilakaran ni Cristo, nagkaroon ng liwanag at kagalakan, maging sa oras ng pinakamatinding sakit at pagdurusa.”

Inilarawan ni Sister Wright ang kanyang pakikibaka sa kanser bilang isang “nagpapalinis at nagpapadalisay na karanasan”—na “natatanging pinasadya” para tulungan siyang makilala ang Tagapagligtas sa isang napaka-personal na paraan. Itinuro rin nito sa kanya na ang karagdagang lakas ay dumarating sa paghahangad na malaman at maunawaan ang iba’t ibang mga hamon sa iba.

“Lahat tayo ay naglilingkod sa iba’t ibang bahagi ng ubasan ng Panginoon sa iba’t ibang panahon sa ating buhay. Pero iisang ubasan lang ito na may iisang Panginoon,“ wika niya.

“Iisa rin ang ating inaasam, ang buhay na walang hanggan at kadakilaan. Iyan ang ating hinahangad para sa lahat ng natatanging maliliit na batang ito, na maging bahagi ng kanilang buhay ang Tagapagligtas, at na makabalik sila sa Kanya.”

Si Amy Eileen Anderson Wright ay isinilang noong Enero 6, 1972, sa Salt Lake City, Utah, USA, kina Robert at Joy Anderson. Nagpakasal siya kay James McConkie Wright noong 1994 sa Salt Lake Temple. Mayroon silang tatlong anak.

Nagtapos si Sister Wright ng bachelor‘s degree sa human development and family studies mula sa University of Utah noong 1998. Nakapagtrabaho na siya bilang reading tutor at office manager at naging isang Parent Teacher Association volunteer. Kamakailan ay tumulong siya sa marketing at advertising para sa isang dental office.

Si Sister Wright ay nakapaglingkod na sa Young Women general advisory council simula noong 2018. Kabilang sa mga dating calling niya ang stake at ward Primary president, counselor sa ward Primary presidency, Gospel Doctrine teacher, at Cub Scout leader.