2021
Elder Sean Douglas
Mayo 2021


Elder Sean Douglas

General Authority Seventy

Noong binata pa siyang missionary na naglilingkod sa Chile Concepción Mission, sinimulan ni Sean Douglas ang kanyang paglilingkod sa kanayunan. Ang kanyang “kahanga-hangang unang kompanyon at trainer sa Chile ay mabilis magsalita ng Spanish.” Pagkaraan ng tatlong buwan sa bansang South American, hirap pa rin si Elder Douglas sa Spanish.

Ang panghihina ng loob at pangungulila sa pamilya ay naging dahilan ng kanyang matinding pagdududa at nagtulak sa kanya na lumuhod. “Wala akong nagagawang anumang kabutihan,” pagdarasal niya. “Parang wala akong epekto kaninuman.”

Napuspos ang puso niya ng nag-aalab na tanong mula sa langit: “Narito ka ba para sa Akin, o narito ka ba para sa iyo?”

Sa sandaling ito nangako siya sa Diyos na kalilimutan ang kanyang sarili at patuloy na magsisikap. “Nang gabing iyon mismo nanaginip ako sa wikang Spanish,” wika niya.

Kinabukasan naging mas madali ang lahat. “Nakapagsalita na ako nang mas maayos. Mas nakauunawa na ako nang kaunti,“ wika niya. “Pinagtibay ng misyon ang aking patotoo tungkol sa kapangyarihan ng panalangin at na kapag humayo ka at ginawa mo ang iniuutos ng Panginoon, lagi Siyang naglalaan ng paraan para sa iyo.”

Nagabayan ng pilosopiyang iyon ang buong buhay niya.

Si Sean Douglas ay isinilang noong Mayo 1, 1964, sa Salt Lake City, Utah, kina Barbara at Leo Douglas. Lumaki sa silangang paanan ng Salt Lake Valley, pinakasalan niya si Patricia Ann Dickson—ang kanyang kasintahan noong high school—sa Salt Lake Temple noong Hunyo 1985. Mayroon silang apat na anak.

Si Elder Douglas ay nagtapos sa accounting mula sa University of Utah at nagtrabaho bilang auditor bago gumugol ng tatlong dekada sa Huntsman Corporation, at sa huli ay naglingkod bilang executive vice president at chief financial officer.

Ang kanyang pananampalataya at tiwala sa Panginoon, na napatibay noong kanyang kabataan at misyon, ay gumabay sa kanya sa paglipat-lipat ng trabaho sa England, kung saan naglingkod siya bilang bata pang bishop, at sa Houston, Texas, USA. Naglingkod siya bilang president ng Peru Lima South Mission mula 2012 hanggang 2015. Si Elder Douglas ay naglilingkod noon bilang Area Seventy bago siya huling tinawag.