2021
Susan H. Porter
Mayo 2021


Susan H. Porter

Unang Tagapayo sa Primary General Presidency

Nang mamatay ang kanyang asawang si Elder Bruce D. Porter, isang General Authority Seventy, dahil sa impeksyon sa baga noong Disyembre 2016, napag-isa si Sister Susan Porter sa kanilang tahanan sa Bountiful, Utah, USA.

Sa loob ng halos dalawang taon bago ito pumanaw, naglakbay siya at naglingkod kasama niya nang maglingkod ito bilang president ng Europe East Area.

Bilang isang bagong balo, humingi siya ng patnubay sa panalangin. Isang araw nakita niya ang isang ipinintang larawan ng Tagapagligtas na kausap ang babaeng Samaritano sa may balon ni Jacob (tingnan sa Juan 4:6–26). Nadama niya ang pahiwatig ng Espiritu na siya rin ay “umupo sa paanan ng Tagapagligtas at matuto, at tuturuan ka Niya.”

Nagsikap si Sister Porter na mas mapalapit sa Tagapagligtas, at inaliw siya ng Espiritu Santo at inakay siyang sumulong.

“Alam kong pinasan ako,” wika niya. “Nagkaroon ako ng lakas at kapayapaang higit pa sa sarili ko.”

Habang nahaharap sa hirap ang mga batang Primary sa buong mundo, nais ni Sister Porter na malaman nila na mahal sila ng Diyos.

“Kung kasama nila si Jesus ngayon, isa-isa Niya silang kakandungin at babasbasan at ipagdarasal sila, tulad ng ginawa Niya sa mga batang Nephita noong araw [tingnan sa 3 Nephi 17:21]. Umaasa ako na bawat bata ay magdarasal para sa Kanyang tulong at hihilinging makita ang Kanyang mapagmahal na kamay sa kanilang sariling buhay.”

Si Susan Holland Porter ay isinilang noong Hulyo 31, 1955, sa Ponca City, Oklahoma, USA, kina Hans at Charlene Holland. Si Sister Porter ay nagtapos sa Brigham Young University na may bachelor’s degree sa chemistry. Nakapagtrabaho na siya bilang lab assistant at math teacher.

Nagpakasal siya kay Elder Porter noong 1977 sa Washington D.C. Temple. Mayroon silang apat na anak.

Nakapaglingkod na si Sister Porter sa Relief Society general advisory council simula noong 2017. Kabilang sa kanyang mga dating calling ang tagapayo sa stake Relief Society presidency, ward Relief Society at Young Women president, Gospel Doctrine teacher, at Primary music leader.