2023
Mga Kautusan—Isang Magandang Koleksyon ng mga Paanyaya at Pagpapala
Marso 2023


Digital Lamang

Mga Kautusan—Isang Magandang Koleksyon ng mga Paanyaya at Pagpapala

Gusto kong gawin ang lahat ng ipinagagawa ng Panginoon, pero inisip ko kung puwede kong ipasok ang lahat ng iyon sa iskedyul ko.

Larawan
mga kamay na sumasalok ng tubig mula sa isang tubigan

Sa Kanyang buong mortal na ministeryo, inanyayahan ng Panginoon ang mga tao na talikuran ang lahat ng mayroon sila para sumunod sa Kanya (tingnan, halimbawa, sa Mateo 8:18–22; Marcos 3:31–35; Marcos 10:17–22).

Bagama’t maaaring hindi tayo hilingang iwanan ang mga bangkang pangisda o lahat ng kayamanan natin, ang dalawang paraan na maaaring hilingin sa ating ibigay sa Kanya ang lahat-lahat natin ay sa pamamagitan ng ating panahon at pagsunod.1

Sa lahat ng aktibidad sa ating mga listahan ng gagawin araw-araw, maaaring nakakalulang gawin ang lahat ng ipinagagawa sa atin ng Panginoon at ng Kanyang mga propeta. Halimbawa:

  • Magkaroon ng makabuluhan at hindi-minamadaling panalangin

  • Pag-aralan ang Aklat ni Mormon araw-araw

  • Pag-aralan ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin bawat linggo

  • Regular na dumalo sa templo (sa lugar na madaling makapunta)

  • Saliksikin at buuin ang ating mga family history tree at magsagawa ng proxy ordinance work

  • Ibahagi ang ebanghelyo

  • Maglingkod

  • Makilahok sa home evening

  • Journal

  • Maglingkod sa mga calling, sa ating tahanan, at sa komunidad

  • Tanggapin ang mga paanyaya ng mga lider ng Simbahan na pag-aralan ang isang partikular na paksa (halimbawa, ang paanyaya ni Pangulong Nelson na pag-aralan ang lahat ng talata sa banal na kasulatan tungkol sa Tagapagligtas2 o pag-aralan ang tungkol sa kapangyarihan ng priesthood ng Diyos3)

  • At marami pang iba

Habang binabalanse ang oras para sa pamilya, mga kaibigan, mga responsibilidad sa tahanan, trabaho, mga iskedyul ng mga bata, at iba pang mga interes, maaaring nakakatakot o imposibleng gawin ang lahat ng nabanggit sa itaas. Naranasan ko na iyon, at kung minsa’y naiisip ko pa rin kung paano gagawin ang lahat ng iyon. Ngunit iba na ang tingin ko sa ideyang ito ngayon dahil sa mga pahiwatig na natanggap ko ilang taon na ang nakararaan.

Minsan nang ipagdasal ko kung paano ko higit na masusunod ang Tagapagligtas, naalala ko na puwede kong gawin nang mas tapat ang mga nabanggit sa itaas. Habang palagi kong nagagawa ang ilan sa mga iyon, parang hindi ko nagagawa palagi ang iba sa mga iyon.

Sa inspirasyong magsikap na palaging magawa ang lahat ng iyon, naalala ko rin ang dalawang mensahe ng propeta:

  • 1 Nephi 3:7: “Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon, sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila.”

  • Nang magsalita sa pangkalahatang kumperensya si Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, tungkol sa pagsulat ng mga katibayan ng impluwensya ng Panginoon sa buhay ng kanyang pamilya bawat araw, sinabi niya: “Ilang taon akong sumulat ng ilang linya araw-araw. Hindi ako pumalya ng kahit isang araw kahit pagod na pagod ako o maaga pa akong gigising kinabukasan.”4

Nagpasiya akong magtiwala sa mga salita ni Nephi at alalahanin na hindi ako bibigyan ng Panginoon ng anumang kautusan (o koleksyon ng mga iyon) na hindi Niya ako tutulungang sundin. At nabigyang-inspirasyon din ako sa pangako ni Pangulong Eyring na tapat na sundin ang paanyayang sumulat sa journal araw-araw kahit pagod na pagod na siya para gawin ito. Kung, sa kanyang abalang iskedyul, kaya niyang manatiling masunurin kahit na pagod siya, nalaman ko na kaya ko ring gawin iyon.

Kaya nagpasiya akong higit na manampalataya sa kakayahan ng Panginoon na tulungan akong maisakatuparan ang lahat ng ipinagagawa Niya sa akin. Nagdasal ako sa Ama sa Langit at hinangad ko ring “makipagsanggunian sa Panginoon” (Alma 37:37) para malaman ang angkop na oras o dalas na dapat kong ilaan sa bawat paanyaya at kautusan. Alam ko na magiging madaling isakatuparan ang ilan dahil bahagi na ang mga iyon ng aking pang-araw-araw na pagkadisipulo. At kinilala ko rin na maaaring hindi ko magawa ang ilang aktibidad, tulad ng family history, basta’t maaaring gawin iyon ng ibang mga tao. Pero nalaman ko na magagawa ko ang isang bagay nang regular. Nagtiwala rin ako na sa mga sitwasyong ito, tulad ng ipinangako ni Pangulong Russell M. Nelson, “nais ng Panginoon na may pagsisikap.”5 Alam ko na pinahahalagahan din Niya ang kusing ng balo (tingnan sa Lucas 21:1–4) at kung anuman ang naibigay ko. Tutal, bawat isa sa atin ay makapagbibigay ng iba’t ibang handog sa iba’t ibang pagkakataon sa ating buhay o maging sa bawat araw o linggo.

Matapos mapanalanging magplano kung paano isasakatuparan ang mga bagay na hindi ko ginagawa nang regular hangga’t kaya ko, ipinagdasal ko na tulungan at palakasin ako ng langit para kumilos ayon sa planong iyon. Umasa rin ako sa pangako ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) nang ipayo niya:

“Kapag inuna natin ang Diyos, lahat ng iba pang bagay ay nalalagay sa tamang lugar o naglalaho sa ating buhay. Ang pagmamahal natin sa Panginoon ang magiging batayan ng mga bagay na ating kinagigiliwan, ng ating panahon, ng mga hangaring ating inaasam, at ng pagkakasunud-sunod ng ating mga priyoridad.

“Dapat nating unahin ang Diyos kaysa sa lahat ng iba pa sa ating buhay.”6

Nagpasiya akong unahin ang Panginoon sa aking iskedyul, sa aking mga kilos, at sa aking puso at iwan ang aking metaporikal na “mga lambat” at mas ilaan ang buhay ko sa Kanya.

Ibig bang sabihin niyan ay gawin ang mga espirituwal na bagay 24 oras sa isang araw? Hindi sa diwa ng paggugol ng bawat minuto sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan o paggawa ng family history. Ngunit nangahulugan nga ito ng sadyang pag-anyaya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa bawat bahagi ng aking araw. Sa pagbaling ng puso ko sa Kanila sa gayong paraan, naalala ko na lahat ng temporal na bagay ay espirituwal din (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 29:34–35) at na maaari akong magtuon sa Panginoon sa lahat ng aking gawain (tingnan sa Alma 34:17–27). At nangangahulugan ito ng pananatiling nakatuon sa mga bagay na pinakamahalaga habang sinisikap kong mas sadyang maging disipulo.

Ang maliliit na pagbabago ay nagsimulang gumawa ng kaibhan at maglaan ng landas tungo sa mas mahusay na pagsunod. Kung nasa cellphone ako nang ilang minuto sa umaga, magagamit ko ang oras na iyon sa Family Tree app ng FamilySearch sa halip na mag-scroll nang walang tiyak na layunin sa social media. Habang nakapila ako, puwede akong tumawag nang mabilis, magpadala ng text para maglingkod sa isang kaibigan, o makipag-usap sa isang taong malapit sa akin.7 Tinapos ko ang araw ko sa pagsulat sa aking journal sa halip na maglibang. Nagising ako nang may mas magandang pinagtutuunan ng pansin at isang pang-araw-araw na iskedyul na unahin ang espirituwal na pag-aaral bago ang iba pang mga gambala sa araw na iyon. Sinunod ko ang payo ni Pangulong Nelson na “regular na makipagkita … sa Panginoon—sa Kanyang banal na bahay—[pagkatapos ay] gawin ito [nang husto] nang may kagalakan.”8 Namalayan ko ang mga sandali kung saan karaniwan ay nagagambala ako ng mabubuting bagay at sa halip ay sinikap kong gamitin ang oras na iyon para sa pinakamabubuting bagay.9

At alam ba ninyo? Nagawa kong ipasok ang lahat sa iskedyul ko at may oras pa rin ako para masiyahan sa iba pang mga bagay. Tila hindi makatwiran na makahanap siya ng oras para sa lahat ng bagay pero nagawa niya, pero nalaman ko na isa pang paraan iyon ng paggawa ng Panginoon ng mga himala sa aming buhay na hindi namin maipaliwanag.

Itinuro ni Sister Michelle D. Craig, Pangalawang Tagapayo sa Young Women General Presidency: “Maibibigay natin kay Cristo kung ano ang mayroon tayo, at gagawin Niyang mas epektibo ang ating mga pagsisikap. Sapat na ang maibibigay ninyo—kahit na may mga kamalian at kahinaan kayo—kung aasa kayo sa biyaya ng Diyos.”10 Nadama ko (at patuloy kong nadarama) na natupad ang pangakong iyon sa buhay ko, at natuklasan ko na ang iskedyul ko ay talagang di-gaanongmahirap, lalo na, kapag sinisikap kong gawin ang lahat ng ipinagagawa ng Panginoon. Nalaman ko na ang mga utos at paanyaya ng Panginoon ay nagdudulot ng higit na yaman sa buhay ko kaysa anupaman.

Kahit hindi ako dapat na nagulat sa nagsimulang mangyari nang kumilos ako nang may panibagong pananampalataya at makaranas ng mga himala na gawing posible ang lahat ng ipinagagawa ng Panginoon, namamangha pa rin ako sa kung paano ako natulungan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na maisagawa ang dati-rati ay tila imposible sa aking iskedyul (tingnan sa Lucas 1:37). Ang Panginoon ay hindi lamang “[naghanda] ng paraan para sa [akin] upang [aking] maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos” sa akin, kundi ang dagdag na kagalakan at katuparang dumating sa buhay ko ay naging higit pa sa inaasahan ko. At unti-unti kong natanto na ang mga pagsisikap na ito ay talagang mas tungkol sa aking kinahihinatnan kaysa tungkol sa aking ginagawa.11 Isang malaking bahagi ng kinahihinatnang iyon ang umakay sa akin na makita na mas napapalapit ang puso ko sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at tinutulungan akong maging higit na katulad Nila.

Minsang sinabi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Kung minsan, may ilang taong nalilito, na iniisip na ang mga kautusan ay paghihigpit o mga sagabal na nagpapagulo sa buhay, na nag-aalis ng mga pagkakataon o kaligayahan o kasiyahan sa buhay. Ang totoo, pinoprotektahan at ginagabayan tayo ng mga kautusan tungo sa kaligayahan. Ang mga ito ay hindi paghihigpit kundi para gawing posible—para makamtan natin sa buhay na ito at sa kabilang-buhay—ang tunay nating hinahangad at ang nais para sa atin ng ating Ama sa Langit, na nagmamahal sa atin.

“… Kaya, … huwag sana kayong magreklamo tungkol sa mga kautusan. Huwag sabihing, ‘Ayaw ko nang maragdagan iyan,’ sa halip ay sabihing, ‘Sige pa, sige pa. Gusto kong umunlad. Gusto kong lumigaya. Gusto kong maging katulad ng aking Ama sa Langit. At ipinapakita sa akin ng mga kautusan kung paano gawin ito. Binubuksan ng mga ito ang landas sa aking harapan.’”12

Kapag tapat kong ginagawa ang lahat ng aking makakaya para masunod ang bawat paanyaya ng propeta, tinutulungan ako nitong higit na mamuhay sa landas ng tipan at maging higit na katulad ng aking Tagapagligtas, na nagbibigay sa atin ng perpektong halimbawa ng pagsunod sa lahat ng ipinagagawa ng Ama sa Kanya. Kalaunan, natanto ko na ang pagbibigay ng prayoridad dito sa mga kautusan at paanyaya ng propeta ay hindi tungkol sa pagsasagawa ng mga bagay na nasa listahan ng mga dapat gawin kundi sa halip ay tungkol sa isang paraan ng pamumuhay para tulungan akong lumago. Itinuturing kong mga pagkakataon ang mga ito na tuparin ang aking mga tipan sa templo habang inilalaan ko ang aking puso at ang aking iskedyul sa Panginoon bilang tanda ng aking pagmamahal sa Kanya at hangarin kong maging katulad Niya. Nang hangarin kong igalang ang mga tipang iyon, nadama ko na totoo ang pagtanggap ng “kapangyarihang gawin ang lahat ng nais ipagawa [sa akin] ng Diyos.”13

Gusto ko ngayong ilarawan ang bawat paanyaya ng Diyos bilang isang koleksyon ng kagalakan at mga pagpapalang naghihintay sa atin kung pipiliin lang nating lumusong sa tubig. Nais ng Ama sa Langit na pagpalain tayo nang higit pa sa kaya nating unawain, at binibigyan Niya tayo ng mga kautusan na nagtutulot na mapasaatin ang mga pagpapalang iyon sa pamamagitan ng ating pagsunod (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 130:20–21). Kailangan lang nating piliing magtiwala sa Kanya at sa kakayahan Niyang tulungan tayong sundin ang lahat ng Kanyang mga utos. Kapag ibinigay natin sa Kanya ang ating puso, mga kamay, at panahon, makikita natin Siyang gumagawa ng mga himala sa ating buhay.

Mga Tala

  1. Itinuro na ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang talinghaga ng mayamang batang pinuno “ay isang mahalagang kuwento na nagbibigay-babala tungkol sa paggamit ng kayamanan at mga pangangailangan ng mga maralita. Ngunit sa huli ito ay kuwento tungkol sa taos-puso at lubos na katapatan sa Diyos at sa Kanyang mga layunin para sa atin. May kayamanan man o wala, bawat isa sa atin ay kailangang lumapit kay Cristo nang may gayon ding di-natitinag na katapatan sa Kanyang ebanghelyo na inasahan sa batang pinunong ito. Sa salita ng mga kabataan ngayon, kailangan nating ‘itodo’ ang ating katapatan” (“Ang Pinakamahalagang Pag-aari,” Liahona, Nob. 2021, 8).

  2. Tingnan sa Russell M. Nelson, “I Studied More Than 2,200 Scriptures about the Savior in Six Weeks—Here Is a Little of What I Learned,” Inspiration (blog), Peb. 28, 2017, ChurchofJesusChrist.org.

  3. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Mga Espirituwal na Kayamanan,” Liahona, Nob. 2019, 79.

  4. Henry B. Eyring, “O Tandaan, Tandaan,” Liahona, Nob. 2007, 67.

  5. Russell M. Nelson, sinipi sa Joy D. Jones, “Isang Natatanging Dakilang Tungkulin,” Liahona, Mayo 2020, 16.

  6. Ezra Taft Benson, “The Great Commandment—Love the Lord,” Ensign, Mayo 1988, 4.

  7. Tingnan sa Michelle D. Craig, “Mga Matang Makakakita,” Liahona, Nob. 2020, 16.

  8. Pangulong Russell M. Nelson, “Pagiging Kapuri-puring mga Banal sa mga Huling Araw,” Liahona, Nob. 2018, 114.

  9. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “Maganda, Mas Maganda, Pinakamaganda,” Liahona, Nob. 2007, 104–108.

  10. Michelle D. Craig, “Hindi Pagiging Kuntento sa Ating Espirituwalidad,” Liahona, Nob. 2018, 54.

  11. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “Ang Paghamon na Magkaroon ng Kahihinatnan,” Liahona, Ene. 2001, 32. Gustung-gusto ko rin ang siping ito mula kay Elder Lynn G. Robbins ng Pitumpu: “Marami sa atin ang gumagawa ng mga listahan ng dapat gawin para ipaalala sa atin ang mga bagay na nais nating isakatuparan. Pero bihirang magkaroon ang mga tao ng mga listahan ng gustong kahinatnan. Bakit? Ang mga dapat gawin ay mga aktibidad o kaganapang maaaring tanggapin sa listahan kapag tapos na. Ang gustong kahinatnan, gayunman, ay hindi natatapos kailanman. Hindi kayo makakakuha ng mga checkmark sa gustong kahinatnan” (“Maging Anong Uri ng mga Tao Ba Nararapat Kayo?,” Liahona, Mayo 2011, 104).

  12. D. Todd Christofferson, “Mga Hakbang Tungo sa Kaligayahan,” Liahona, Set. 2013, 23.

  13. About the Temple Endowment,” temples.ChurchofJesusChrist.org.