2023
Noong Madilim ang Mundo Ko, Bumaling Ako kay Cristo
Marso 2023


“Noong Madilim ang Mundo Ko, Bumaling Ako kay Cristo,” Liahona, Mar. 2023.

Mga Young Adult

Noong Madilim ang Mundo Ko, Bumaling Ako kay Cristo

Sa napakaraming madidilim na bagay na nangyayari sa paligid ko, hindi ko tiyak kung ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng pundasyon kay Cristo.

Larawan
babaeng nakatingin sa liwanag

Larawang kuha sa pamamagitan ng Getty Images, ginamitan ng mga modelo

Sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya kamakailan, nagsalita si Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, tungkol sa mapanganib na mga panahon sa mundo: “Isinulat ni Apostol Pablo kay Timoteo, “Unawain mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong [mapanganib]” (2 Timoteo 3:1).

“… Kaya nga magiging mas mahirap, hindi mas madali, na igalang ang mga tipan na kailangan nating gawin at tuparin upang maipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo.”1

Nang marinig ko ang mga salitang ito, nabalisa ako. Naharap na ako sa mga hamon sa bahay namin sa Venezuela. Kaya ang mga tanong na tulad ng, “Paano mananatiling maganda ang aking pananaw samantalang napakadilim ng mundo?” at “Paano ko aasamin ang isang magandang kinabukasan sa isang nangingitim na regalo?” ang nasa puso ko noon.

Pero ibinigay ni Pangulong Eyring ang solusyon. Sinipi niya ang Helaman 5:12, na nagsasalita tungkol sa pagtatayo ng ating saligan “sa bato na ating Manunubos, na si Cristo.”

Noon pa man ay naniniwala na ako na ang talatang ito sa banal na kasulatan ay totoo, pero ang pagtatayo ng aking pundasyon sa Tagapagligtas ay tila mas madaling sabihin kaysa gawin. Gayunpaman, nang mas mapalapit ako kay Cristo, nakita ko na lahat ng bagay ay gumagawa para sa inyong ikabubuti kapag matatag ang inyong pananampalataya sa Kanya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 90:24).

Pakiramdam na Pinabayaan Ka

Ilang buwan na ang nakararaan, nakatanggap ako ng nakapanlulumong balita mula sa aking pamilya. Parang gumuguho ang mundo ko sa harapan ko. Nanamlay ako, nalito, at nabalisa kaya nagkasakit pa ako!

Hindi ko naunawaan kung bakit dumaranas kami ng gayong mga paghihirap samantalang nagsisikap akong maging tapat. Inisip ko kung may nagawa akong mali. Mukhang malabo ang hinaharap, at pakiramdam ko ay pinabayaan ako ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Sa gitna ng aking paghihirap, kinausap ko ang isang mabuting kaibigan. Sinabi niya sa akin ang isang bagay na hinding-hindi ko malilimutan: “Sa palagay ko isang magandang pagkakataon ang sitwasyong ito para pagnilayan ninyo ang inyong personal na relasyon sa Panginoon. Anuman ang mangyari, kayo ang bahalang humingi ng tulong sa Kanya. Kung gagawin ninyo iyon, bibigyan Niya kayo ng pagmamahal at ginhawang kailangan ninyo ngayon mismo.”

Binago ng mga salitang iyon ang aking pananaw. Nagalit ako at nasaktan at nalito sa aking sitwasyon, pero may pagpipilian ako. Anuman ang pinagdaraanan natin, anuman ang pinangangambahan natin, o anumang mga paghihirap ang dinaranas natin, nasa tabi natin palagi si Jesucristo. Mapipili nating bumaling patungo sa Kanya nang may pananampalataya, hindi palayo sa Kanya, sa mga panahon ng kaguluhan.

Ganyan natin pinatatatag ang ating pundasyon ng pananampalataya sa Kanya at nilalabanan ang paghihirap sa mundo. Sa pagpili sa Kanya.

Tulad ng itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Sa gitna ng apoy ng mandadalisay na ito, sa halip na magalit sa Diyos, maging malapit sa Diyos. Magsumamo sa Ama sa ngalan ng Anak. Lumakad na kasama Nila sa pamamagitan ng Espiritu, araw-araw. Tulutan Silang maipakita sa paglipas ng panahon ang Kanilang katapatan sa inyo. Kilalanin Silang mabuti at kilalaning mabuti ang inyong sarili.”2

Hinihintay ako ni Cristo na humingi ng tulong sa Kanya. Hindi iyon nangangahulugan na aalisin Niya ang lahat ng problema ko o aayusin Niya kaagad ang lahat ng bagay sa buhay ko at ng aking pamilya, kundi tinulungan Niya akong maging mas mabuti, magkaroon ng kagalakan, at lalo pang madalisay.

At sa paglipas ng panahon, nang hanapin ko ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng panalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagsampalataya, tinulungan Niya akong patawarin ang aking mga kapamilya at magalak na muli sa buhay ko, kahit hindi pa rin nalulutas ang ilang hamon.

Isang Pangako ng Proteksyon

Tiyak na mapanganib ang mga huling araw na ito. Nakakarinig tayo ng mga digmaan at mga alingawngaw ng digmaan, ng mga pandemya, ng mga kalamidad na dulot ng kalikasan—at sigurado ako na magkakaroon ng mas mahihirap na panahon sa hinaharap. Gayunman, ang pagtatayo sa ibabaw ng bato na si Jesucristo at pagtitiwala sa Kanya ay laging magbibigay sa atin ng kapayapaan at kagalakan, anuman ang kinakaharap natin. Tulad din ng itinuro ni Pangulong Eyring, “Para sa atin na nag-aalala para sa ating sarili at sa ating mga mahal sa buhay, may pag-asa sa pangako ng Diyos tungkol sa isang ligtas na lugar laban sa mga unos na parating.”3

Napakabisa at napakagandang pangako. At nakita kong natupad ang pangakong iyon sa buhay ko. Alam ko na ito ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo at na Siya ang pinagmumulan ng bawat pagpapala. Siya ang ilaw, Siya ang ating Tagapagligtas, at tayo ang Kanyang mga tupa. Piliin natin Siya at piliing manampalataya.

Ang awtor ay naninirahan sa Zulia, Venezuela.