2023
Kaunting Payo para sa Pagharap sa Nakakatakot at Walang-Katiyakang Hinaharap
Marso 2023


Mga Young Adult

Kaunting Payo para sa Pagharap sa Nakakatakot at Walang-Katiyakang Hinaharap

Sa aking personal at propesyonal na buhay, marami akong naranasang kawalang-katiyakan at nalaman ko kung paano tayo matutulungan ng Ama sa Langit na malagpasan ito.

Larawan
boxing gloves

Noong bata pa ako, nandayuhan ang pamilya ko sa Estados Unidos mula sa Tonga. Boksingero ang tatay ko noong nakatira kami sa Tonga, at sinimulan niya akong sanaying magboksing pagdating namin sa States. Ang buong plano niya ay maging heavyweight champion ako sa mundo balang-araw. Tinuruan niya akong huwag matakot. Hindi ka maaaring matakot sa boxing ring kung gusto mong magtagumpay. Maaaring hindi naging aktibo ang tatay ko sa Simbahan noong panahong iyon, pero tinuruan niya akong mabuti tungkol sa pagharap sa hirap at maging matapang sa harap ng takot.

Ang pagkatutong magboksing ay sadyang naghanda sa akin para sa aking propesyon. Nagpunta ako sa Brigham Young University nang may football scholarship. At isinasagawa ko pa ang itinuturing ng karamihan sa mga tao na malamang na pinaka-nakakatakot na gawin sa football field—pagsalo sa football na sinipa ng kalaban—mahinahon kong ginawa iyon palagi. Hindi talaga ako natakot kahit kailan. Sa katunayan, gustung-gusto ko ang hamon ng football.

Inasam ng aking ama na magkaroon ako ng propesyon sa sports—lumitaw na sa football iyon, hindi sa boksing. Pero sa palagay ko nakatulong sa akin ang training ko kapwa para magkaroon ng pananampalataya at umasam nang may pananampalataya at pag-asa sa kabila ng kawalang-katiyakan.

Larawan
ama ni Vai Sikahema na ipinagdiriwang ang touchdown ni Vai sa field

Ipinagdiwang ng ama ni Vai ang touchdown ng kanyang anak sa field.

Larawang kuha ni Mark Philbrick / BYU © BYU Photo

Bilang mga young adult, nahaharap kayo sa maraming hirap at nakakatakot na mga bagay—mga personal na isyu tulad ng mga desisyon tungkol sa edukasyon, propesyon, pag-aasawa, at pamilya. At nahaharap din kayo sa mas marami pang laganap na isyu, tulad ng mga krisis sa ekonomiya, tukso sa lipunan, kaguluhan sa pulitika, at maging ng digmaan. Ngunit mula sa sarili kong karanasan sa buhay, alam ko na kapag pinili nating unahin ang Panginoon sa ating buhay, lagi Siyang nariyan para gabayan tayo sa lahat ng ito.

Ang Impluwensya ng Mabubuting Kaibigan at Mabubuting Tao

Nagkaroon ako ng magandang kapalaran sa pagkakaroon ng mabubuting kaibigan nang makauwi ako mula sa aking misyon. Ipinakilala ako ng isang kaibigang nakilala ko sa missionary training center sa babaeng kalaunan ay magiging asawa ko. Hindi ko kailanman isinantabi ang katotohanan na madalas ay mga kaibigan mo ang nagtatakda sa iyong tagumpay o kabiguan sa buhay. Matutulungan kayo ng mga kaibigan at tagapagturo ninyo na gumawa ng mga desisyon na aakay sa inyo na mas mapalapit o mapalayo sa Diyos.

Noong nasa National Football League ako, humanga ako kay Gifford Nielsen, na naglaro din sa BYU bago nagpunta sa NFL, at kalaunan ay naging sportscaster at paglaon ay naging General Authority Seventy. Nakita ko siya isang araw sa golf course, at binigyan niya ako ng payo na nagpabago sa takbo ng propesyon ko.

Nakaupo kami sa isang golf cart, kaming dalawa lang, at matapos kong sabihin sa kanya ang plano kong pasukan ang telebisyon na tulad niya kapag tapos na ako sa paglalaro ng football, pinayuhan niya ako na huwag ituloy ang paghahanap ng trabaho na kakailanganin kong maglaro tuwing Linggo. Sa gayong paraan, magagawa ko na palaging magkaroon ng calling tuwing Linggo at maglingkod sa Simbahan.

Simple lang iyon, pero payo iyon na hindi ko naisip. At nabago niyan ang takbo ng buhay ko.

Paninindigan sa Inyong Pinaniniwalaan

Karamihan ng panahon sa aking propesyon sa NFL ay nakakatakot at walang katiyakan. Dalawang porsiyento lang ng mga football player sa kolehiyo ang nakakapasok sa NFL, at kahit nakapasok ako sa team, puwede akong matanggal anumang oras. Ang makatagal na tulad ng nangyari sa akin ay isang malaking pagpapala, pero mahirap mabuhay nang walang ibang plano. Kinailangan dito ang malaking pananampalataya.

Sa NFL, palipat-lipat ka ng team, taun-taon, naglalakbay sa buong bansa. Mukhang maganda iyon, pero hindi nakikita ng karamihan sa mga tao ang mga bahaging di-gaanong maganda. Mahirap ang gayong buhay. At mahirap ding paraan iyon ng pamumuhay para sa mga mag-asawa; isang dahilan iyan kaya maraming nagdidiborsyo sa mga propesyonal na atleta.

Ang nakatulong ay alam ko kung ano ang gusto at pinaniniwalaan ko. Matibay ang pundasyon ko kay Cristo, at ginawa ko palagi ang lahat ng bagay na nagpanatili sa akin na mapalapit sa Kanya at sa Ama sa Langit.

Maaaring hindi kayo maharap sa isang propesyon na napakalaki ng pressure at napakaraming tukso, pero sa sitwasyon ko, ang pagiging propesyonal na atleta ay naglantad sa akin sa lubhang kakaibang estilo ng pamumuhay kaysa nakalakhan ko. Halimbawa, pagdating namin sa malalaking lungsod at naglakbay sa simula, gusto kaagad lumabas at makilahok ng mga teammate ko sa iba’t ibang aktibidad na hindi nakaayon sa mga pamantayan ng ebanghelyo, at nalaman ko noon mismo na hindi ako puwedeng mamuhay nang sabay ayon sa ebanghelyo at sa mundo. Hindi ako makasagot ng “pag-iisipan ko muna” para mapasaya sila. Sa halip, kinailangan kong patatagin ang aking pananampalataya at ipaliwanag kung bakit hindi ako puwedeng sumama sa kanila.

Larawan
ang mga Sikahema sa araw ng kanilang kasal

si Vai kasama ang kanyang asawang si Keala sa araw ng kanilang kasal

Mga retrato ng pamilya sa kagandahang-loob ng awtor

Mapalad ako na nag-asawa ako noong nasa kolehiyo ako. Nang magpunta ako sa NFL, kasama ko ang aking asawa at anim-na-buwang anak namin. Ikinasal kami sa templo, at alam ko kung ano ang kahulugan sa akin ng mga tipang iyon at kung ano ang hinihingi nila sa akin. Kaya sinasabi ko sa mga teammate ko, “Hindi ko ginagawa iyan.” At kapag namilit sila, sinasabi ko, “Ikinasal kaming mag-asawa sa bahay ng Panginoon kung saan gumawa kami ng mga sagradong tipan. Mas mahalaga sa akin ang mga tipang iyan kaysa anupaman.”

At ang kakatwa ay nang itanong nila sa akin ang mga bagay na iyon at tiyak na tiyak nila kung anong klaseng tao ako, sinimulan akong protektahan ng mga teaammate ding iyon at iginalang nila ang aking mga pamantayan at tipan. Kailangan ng tapang para panindigan ang pinaniniwalaan at pinahahalagahan ninyo.

Nakakatakot maharap sa napakaraming tukso sa simula, pero ang pag-asa sa Ama sa Langit at pag-alaala sa kasagraduhan at kahulugan ng aking mga tipan sa harap ng pressure ay nakatulong sa akin palagi na manatiling matatag sa landas ng tipan sa aking propesyon. Magagawa rin ninyo ito sa anumang magiging sitwasyon ninyo sa buong paglalakbay ninyo sa buhay.

Sundin ang Propeta

Alam ko na bilang mga young adult ngayon ay nahaharap kayo sa napakaraming kawalang-katiyakan at takot tungkol sa hinaharap. At maaari ninyong isipin kung ano ang gagawin at paano iyon malalagpasan. Ang madaling sagot ay sundin ang patnubay ng propetang si Pangulong Russell M. Nelson. Kapag nagsalita ang isang propeta ng Diyos at nagbigay sa inyo ng partikular na bagay, kasingsimple lang iyan ng pagsunod sa payong iyon.

Napansin ko na mahilig magbigay si Pangulong Nelson ng mga simpleng listahan ng mga bagay na magagawa natin para manatiling matatag sa ating pananampalataya. Sa nakalipas na ilang taon, nabigyan niya ang mga miyembro ng Simbahan ng limang bagay na gagawin para maragdagan ang ating pananampalataya, limang paraan para maragdagan ang espirituwal na momentum, tatlong bagay na dapat ninyong gawin sa pagsisimula ng bagong taon, at iba pa.

Hindi siya nagbibigay ng mahabang listahan ng mga gagawin. Mga simpleng bagay lang. At kung gagawin ninyo ang mga simpleng bagay na iyon at magiging matatag kayo, mababago ang inyong buhay sa paggawa ng mga simpleng bagay. Ang pundasyon ng inyong pananampalataya ay mananatiling matatag, kahit may nakakatakot na mga sitwasyon sa mundo. Gawin ang mga bagay na iyon at magiging OK ka. Mapoprotektahan ka.

Ipinapaalala nito sa akin ang kuwento sa Lumang Tipan tungkol kay Naaman, ang opisyal ng militar na may ketong. Nagpunta siya kay Eliseo, ang propeta, na nag-utos sa kanyan na hugasan ang kanyang sarili sa Ilog Jordan nang pitong beses. Inakala ng opisyal ng militar na katangahan iyon, pero hinikayat siya bilang heneral ng mga taong nakapaligid sa kanya na gawin lang iyon. At nagkaroon siya ng pananampalatayang gawin iyon—isang bagay na napakasimple. At nalinis siya. (Tingnan sa 2 Mga Hari 5:1–15.)

Larawan
pamilya Sikahema

pamilya ni Elder Sikahema

Ipaubaya ang Inyong Kinabukasan sa mga Kamay ng Ama sa Langit

Ngayon, maaaring hindi ako naging propesyonal na boksingero, pero natuto ako ng ilang bagay tungkol sa pagharap sa mga pangamba. Sa lahat ng desisyon at hamon na kinakaharap ninyo ngayon mismo bilang young adult, nakikiusap ako na gawin ninyo ang lahat ng magagawa ninyo para hangarin at panatilihin ang impluwensya sa inyo ng Espiritu sa tuwina. Iyon ang pinakamahalaga. Tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson kamakailan: “Ang positibong espirituwal na momentum ang tutulong sa atin na patuloy na sumulong sa kabila ng pangamba at kawalang-katiyakan na likha ng mga pandemya, tsunami, pagputok ng bulkan, at armadong kalupitan. Ang espirituwal na momentum ay makatutulong sa atin na mapaglabanan ang walang-tigil at masasamang pagsalakay ng kaaway at labanan ang kanyang mga pagsisikap na sirain ang ating espirituwal na pundasyon.”1

Noong bata pa ako at naharap sa katotohanan na lilipat kami sa isang bagong bansa bilang imigrante, hindi ko maisip ang isang buhay na malaya sa walang-katiyakan. Dahil patuloy akong humaharap sa mga kawalang-katiyakan sa buong buhay ko at sa aking propesyon, natutuhan ko na bilang mga disipulo ni Cristo, maaari kaming maharap sa anumang mga pangamba o balakid sa aming landas.

Kapag pinalilibutan ninyo ang inyong sarili ng mabubuting tao, itinatakda at pinaninindigan ninyo ang inyong mga paniniwala, at sinusunod ninyo ang propeta, hindi magiging parang nakakatakot ang hinaharap. At makakasulong kayo nang may pananampalataya sa kabila ng takot o kawalang-katiyakan. Kapag ipinaubaya ninyo ang inyong kinabukasan sa mga kamay ng ating mapagmahal na Ama sa Langit, maaari kayong magtiwala na palagi Siyang naririyan para sa inyo.