2023
Ang Self-Reliance ay Nagpapalakas sa Atin
Agosto 2023


“Ang Self-Reliance ay Nagpapalakas sa Atin,” Liahona, Ago. 2023.

Mga Pangunahing Aral ng Ebanghelyo

Ang Self-Reliance ay Nagpapalakas sa Atin

Larawan
dalawang taong naghuhugas ng mga pinggan

Ang ibig sabihin ng maging self-reliant ay na kaya nating tugunan ang mga pangangailangan natin mismo at ng ating pamilya. Kapag tayo ay self-reliant, mas may kakayahan din tayong paglingkuran ang Panginoon at pangalagaan ang iba. Ngunit ang self-reliance ay hindi nangangahulugan na kailangan nating haraping mag-isa ang ating mga hamon. Maaari tayong humingi ng tulong sa mga kaibigan, pamilya, o mga miyembro ng ward o branch, at mga propesyonal kapag kailangan natin iyon.

Mga Alituntunin ng Self-Reliance

Ang pagiging self-reliant ay nangangailangan ng edukasyon, pagsunod, at sipag. Ginagawa natin ang lahat para mapangalagaan ang ating sarili, at maaari tayong humingi ng tulong sa iba kapag kailangan. Gayunman, para maging tunay na self-reliant, kailangan din tayong matutong manampalataya kay Jesucristo. At habang nagsisikap tayong tulungan ang ating sarili, palalakasin Niya tayo.

Larawan
mga kamay na nakahalukipkip

Espirituwal na Self-Reliance

Mapapalakas natin ang ating espirituwal na self-reliance sa pamamagitan ng pagsisikap na palakasin ang ating patotoo kay Jesucristo. Ginagawa natin ito kapag nagdarasal tayo, nag-aaral ng mga banal na kasulatan, nagsisimba, sumusunod sa mga kautusan, at gumagawa ng iba pang mga bagay na mas naglalapit sa atin kay Cristo. Ang malaman na handa Siyang tulungan tayo ay magbibigay sa atin ng pananampalataya na manatiling matatag kahit mahirap ang buhay.

Temporal na Self-Reliance

Kabilang sa temporal na self-reliance ang magawang pangalagaan ang mga pisikal na pangangailangan natin mismo at ng ating pamilya. Kabilang dito ang pagkain, pabahay, kalusugan, at iba pang mga pangangailangan. Ginagawa natin ito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng magandang edukasyon, pag-aaral o pagpapalawak ng kinakailangang mga kasanayan, pagiging masipag, paggamit ng ating oras nang may katalinuhan, at maayos na paghawak ng ating pera.

Larawan
tatlong babae na sama-samang naglalakad

Emosyonal na Self-Reliance

Ang emosyonal na self-reliance ay ang kakayahang umakma sa mga emosyonal na hamon nang may lakas-ng-loob at pananampalataya. Lahat tayo ay may mga hamon at problema. Dahil sa ebanghelyo, alam natin na maaari nating piliin kung paano tutugon sa mga iyon. Ang pagtugon nang may pananampalataya sa Panginoon ay nagdaragdag sa kakayahan nating harapin ang iba pang mga hirap nang may higit na pag-asa.

Edukasyon

Dapat ay palagi tayong natututo. Nais ng Diyos na turuan natin ang ating isipan at pahusayin ang ating mga kasanayan sa buong buhay na ito at sa kabilang-buhay. Habang lalo tayong natututo, lalo tayong magiging mas mabuting impluwensya para sa kabutihan at makapaglalaan para sa ating sarili, sa ating pamilya, at sa mga nangangailangan.

Larawan
binatilyong may dalang bag

Mga Pagpapala ng Pagiging Self-Reliant

Itinuro na ng mga propeta na habang pinagbubuti natin ang ating self-reliance, bibiyayaan tayo ng higit na pag-asa at kapayapaan. Matutulungan natin ang ating pamilya at ang iba pang nangangailangan. At bibiyayaan tayo ng mas maraming oportunidad at kakayahan na patuloy na umunlad.

Resources ng Simbahan

Ang inyong stake ay maaaring mag-alok ng mga self-reliance group. Maaari nitong ituro sa inyo ang mga alituntunin ng self-reliance at ang mga kasanayang tulad ng tamang paghawak ng inyong pera o paghahanap ng mas magandang trabaho. Makakakita kayo ng kaugnay na resources sa Gospel Library. Piliin ang “Mga Aklat at mga Lesson” at pagkatapos ay ang “Pag-asa sa Sariling Kakayahan o Self-Reliance.”