2023
Ang Bahay ng Panginoon—Mga Mensahe Kamakailan mula sa mga Propeta, Apostol, at Iba pang mga Pinuno ng Simbahan
Agosto 2023


Digital Lamang

Ang Bahay ng Panginoon—Mga Mensahe Kamakailan mula sa mga Propeta, Apostol, at Iba pang mga Pinuno ng Simbahan

Tingnan kung ano ang itinuro kamakailan ng mga pinuno ng Simbahan sa social media tungkol sa templo.

Larawan
isang pamilya na nakatingin sa templo

Hinikayat tayo kamakailan ni Pangulong Russell M. Nelson na “magtuon sa templo sa mga paraang hindi pa ninyo nagagawa.”1 Ipinayo rin niya: “Mangyaring maglaan ng panahon para sa Panginoon sa Kanyang banal na bahay. Ang paglilingkod at pagsamba sa templo ang magpapalakas ng inyong espirituwal na pundasyon.”2

Ipinaliwanag pa ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Nais ng Diyos na tayong lahat ay magsikap para sa [Kanyang] pinakamataas na pagpapalang maaari nating maabot sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang pinakamataas na mga kautusan, tipan, at ordenansa, na lahat ay humahantong sa Kanyang banal na mga templo na itinatayo sa iba’t ibang panig ng mundo.”3

Bakit napakahalaga ng templo sa ating pagkadisipulo? Tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson: “Ang templo ang sentro sa pagpapalakas ng ating pananampalataya at espirituwal na katatagan dahil ang Tagapagligtas at ang Kanyang doktrina ang pinakasentro ng templo. Ang lahat ng bagay na itinuturo sa templo, sa pamamagitan ng mga tagubilin at ng Espiritu, ay nakadaragdag sa nauunawaan natin tungkol kay Jesucristo. Ang Kanyang mahahalagang ordenansa ang nagbibigkis sa atin sa Kanya sa pamamagitan ng mga sagradong tipan ng priesthood. Pagkatapos, kapag tinutupad natin ang ating mga tipan, pinagkakalooban Niya tayo ng Kanyang nagpapagaling at nagpapalakas na kapangyarihan [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 109:15, 22]. At, talagang kakailanganin natin ang Kanyang kapangyarihan sa mga darating na araw.”4

Bukod pa sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa templo, nagbahagi rin ang mga pinuno ng Simbahan ng mga mensahe tungkol sa mga paksang ito sa social media, kabilang na ang mga sumusunod:

Baguhin ang Inyong Buhay at Pagpalain ang Inyong Pamilya

Larawan
Pangulong Russell M. Nelson

“Tumatayo ang bawat templo bilang sagisag ng pagiging miyembro natin sa Simbahan, bilang tanda ng ating pananampalataya sa kabilang-buhay, at bilang sagradong hakbang tungo sa walang-hanggang kaluwalhatian para sa atin at sa ating pamilya.

“Ipinapangako ko na kung mag-uukol kayo ng oras na makapunta sa templo nang regular, babaguhin nito ang inyong buhay. Pagpapalain nito ang inyong pamilya, palalakasin ang inyong pananampalataya at bubuksan ang mga bintana ng langit para sa inyo.”

Pangulong Russell M. Nelson, Facebook, Ago. 14, 2022, facebook.com/russell.m.nelson.

Tuwiran Tayong Ikinokonekta sa Ama sa Langit at kay Jesucristo

Larawan
Pangulong Russell M. Nelson

“Ang ating mga templo ang pinakabanal na mga lugar sa lupa. Hindi lamang tayo pinagkakaisa ng mga ito bilang mga pamilya kundi tuwiran tayong ikinokonekta sa ating Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.”

Pangulong Russell M. Nelson, Facebook, Mar. 15, 2021, facebook.com/russell.m.nelson.

Palakasin ang mga Kabataan

Larawan
Pangulong Henry B. Eyring

“Palagay ko magkakaroon ng napakalaking impluwensya ang templo sa paglago ng pananampalataya ng mga kabataan. Magtatakda ang mga kabataan ng kanilang mga mithiin na magpakasal sa templo.

“At kung mabubuklod kayo bilang mga pamilya, mas lalo pang magliliwanag ang hinaharap. Palagay ko mahirap itong mangyari, kaya palagay ko ang angklang iyon ng pagsampalataya kay Jesucristo at ang templo bilang Kanyang bahay at lahat ng nangyayari sa templong iyon ay talagang nakatuon kay Jesucristo. Palagay ko magkakaroon ng gayong epekto ang templo, at na palalakasin nito ang mga kabataan. Sa bagyo, itayo ang inyong pundasyon sa bato ng Tagapagligtas. Tutulungan kayo niyan na malagpasan ang bagyo.”

Pangulong Henry B. Eyring, Facebook, Ago. 17, 2022, facebook.com/henry.b.eyring.

Mabuklod Bilang mga Pamilya para sa Kawalang-hanggan

Larawan
Pangulong M. Russell Ballard

“Wala nang iba pang mga gusali sa mundo—maging ang pinakamagagarang gusali—ang mayroon kung ano ang mayroon sa mga templo. 

“Pumanaw ang asawa kong si Barbara halos apat na taon na ang nakararaan. Pero dahil pumasok kami sa bahay ng Panginoon at nabuklod bilang mag-asawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood, nabibigkis kami sa aming pitong anak, 43 apo, at noong Hunyo 5, 2022, sa 103 apo-sa-tuhod, sa buong kawalang-hanggan. Napakaganda ng templo! Napupuspos ng kagalakan ang puso ko dahil ang aking pamilya ay magkakasama-sama magpakailanman. At maaari ding mangyari ito sa inyong pamilya.

“Pagsapit ninyo sa edad ko, hindi kayo gaanong magiging interesado sa pagkakaroon ng maraming pera o pagmamaneho ng mamahaling kotse. Ang magiging pinakamahalagang bagay sa inyong buhay ay ang inyong pamilya—hindi lamang ang pamilyang mayroon kayo rito kundi maging ang inyong pamilya sa kawalang-hanggan.”

Pangulong M. Russell Ballard, Facebook, Hulyo 6, 2022, facebook.com/mrussell.ballard.

Tanggapin ang Kapangyarihan ng Kabanalan

Larawan
Elder David A. Bednar

“Higit kailanman, kailangan natin ng kapangyarihan at lakas na nagmumula sa pakikipagtipan natin sa Panginoong Jesucristo. 

“Hindi tayo nagpupunta sa templo para magtago o tumakas sa mga kasamaan ng mundo. Sa halip, nagpupunta tayo sa templo para matanggap ang kapangyarihan ng kabanalan sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood na nagtutulot sa atin na harapin at lupigin ang mundo ng kasamaan.”

Elder David A. Bednar, Facebook, Mayo 23, 2022, facebook.com/davida.bednar.

Maging mga Bagong Nilalang kay Cristo

Larawan
Elder David A. Bednar

“Ang ating puso ay binabago ng mga katotohanan na natututuhan natin sa templo tungkol sa Diyos at kay Jesucristo—at ng mga pangakong ginagawa natin para magmahal at maglingkod. Hindi tayo gaanong nakatuon sa gusto natin at mas nakatuon tayo sa pag-aayon ng ating kalooban sa kalooban ng Diyos. … Ang pangunahing tungkulin ng bahay ng Panginoon ay para baguhin tayo at maging mga bagong nilalang kay Cristo.

“Kadalasan sa mundo, binabago ang kapaligiran para impluwensyahan ang ating kalooban. Maraming naniniwala na ang pagbabago ng sitwasyon ng isang tao ang pinakamainam na paraan para baguhin ang isang tao.

“Gayunman, karaniwa’y binabago ng Diyos ang ating kalooban para impluwensyahan natin ang mundo. Kung hahayaan natin Siya, mababago ng Diyos ang ating puso— at pagkatapos ay bibiyayaan tayo ng kakayahan at lakas na baguhin ang ating sitwasyon.

“Sa mga banal na templo, ang natututuhan at ipinapangako nating gawin ay binabago ang ating kalooban para impluwesyahan natin ang mundo, na nagbibigay sa atin ng kakayahang maging mas matatapat na disipulo ni Jesucristo.”

Elder David A. Bednar, Facebook, Abr. 19, 2022, facebook.com/davida.bednar.

Maghandang humarap sa Diyos

Larawan
Elder Quentin L. Cook

“Ang mga pangunahing pagpapala ng mga templo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ang mga ordenansa ng kadakilaan. Inihahanda tayo ng pagdalo sa templo sa pagharap sa Diyos.

“Ang templo ay isang lugar ng kanlungan. Sa buong buhay ko, naging isang lugar ito ng katiwasayan at kapayapaan sa isang mundo na literal na nagkakagulo. Napakasayang talikuran ang mga alalahanin ng mundo sa sagradong lugar na ito.

“Ang damdamin ng pagkakapantay-pantay at pagkakaisa ay laganap sa templo. Lahat ay nakasuot ng puting damit. Walang katibayan ng yaman, ranggo, o pinag-aralan; lahat tayo ay magkakapatid na mapagpakumbabang humaharap sa Diyos.

“Ang pagkakaroon ng templo ng Panginoon … ay tunay na isang banal na pagpapala. Bilang isa sa mga Apostol ng Tagapagligtas, pinatototohanan ko ang kabanalan ng Tagapagligtas at na sa patnubay ng Ama ay ginagabayan Niya ang selestiyal na gawaing ito ng kaligtasan at kadakilaan.”

Elder Quentin L. Cook, Facebook, Nob. 20, 2022, facebook.com/quentin.lcook.

Kamtin ang Lahat ng Banal na Posibilidad na Maibibigay ng Diyos

Larawan
Elder D. Todd Christofferson

“Kung tayo ay tapat sa mga tipang ginagawa natin sa mga templo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw templo, makakamit natin ang lahat ng banal na posibilidad na maibibigay ng Diyos.”

Elder D. Todd Christofferson, Facebook, Ago. 15, 2022, facebook.com/dtodd.christofferson.

Humingi ng Kapahingahan at Pagpapanibago

Larawan
Elder D. Todd Christofferson

“Kamakailan ay nagbahagi ako ng ilang ideya sa mga estudyante … kung paano maaaring maging negatibo ang pangakong magsikap, isang tunay na mahalagang alituntunin ng ebanghelyo, kung hindi ito nakabalanse sa pahinga at pagpapanibago o kung maging labis ito hanggang sa maging isang uri ng relihiyon.

“Malinaw na kailangan nating magpahinga para sa pisikal na pagpapanibago, pero mahalaga rin ang sapat na paglilibang para makapagpahinga at makapagnilay-nilay para sa espirituwal na pagpapanibago. Tunay ngang kung walang espirituwal na pagpapanibago, maaaring alipinin ng katawan ang espiritu.

“Makasusumpong tayo ng espirituwal na pagpapanibago sa araw ng Sabbath at gayundin sa templo, sa bahay ng Panginoon. Kapag pumapasok tayo sa templo, lumalabas tayo ng mundo. Kumakain tayo ng nagpapalusog na tinapay at umiinom ng dalisay na tubig ng espirituwal na kapayapaan. Kung minsa’y pinag-uusapan natin ang gawain sa templo, pero maaari din nating pag-usapan ang kapahingahan sa templo.

“Hinihikayat ko ang bawat isa sa inyo na hangaring mapahinga at mapanibago bawat linggo sa pagsamba sa araw ng Sabbath at sa templo.”

Elder D. Todd Christofferson, Facebook, Hulyo 7, 2021, facebook.com/dtodd.christofferson.

Hayaang Tumagos ang “Bahay ng Panginoon” sa Inyong Kaluluwa

Larawan
Elder Neil L. Andersen

“Napakaganda at napakasayang karanasan ang ilaan ang Praia Cape Verde Temple. Maaaring maharap ang maraming mamamayan ng Cape Verde sa pagdududa, panghihina-ng-loob, kawalang-katiyakan, at mga hamon, pero ang templong ito ay magiging isang pagpapala at isang tanglaw sa lahat ng tao sa bansa, miyembro man ng Simbahan ni Jesucristo ang isang tao o hindi.

“Ang templo ay literal na bahay ng Panginoon. Hayaan na dahan-dahang tumagos ang mga salitang iyon sa inyong kaluluwa. Bahay Niya iyon.

“Pinag-uugnay ng mga templo ang langit at lupa. Ang mga ito ay mga banal na lugar, sagradong lugar, at sangandaan sa pagitan ng lupa at ng kawalang-hanggan.

“Mangyari pa, may mga hamon sa mortalidad. Pero sa pagsampalataya natin kay Jesucristo, maaari nating asamin nang may kagalakan ang ating buhay na walang hanggan. Ang banal na bahay na ito ay nagiging isang lugar ng pagtanggap ng paghahayag at kanlungan ng kapayapaan. Alam ko na mananahan ang Panginoon sa bagong inilaang templong ito sa mga buwan, taon, at dekadang darating.

Elder Neil L. Andersen, Facebook, Hunyo 20, 2022, facebook.com/neill.andersen.

Makaranas ng Kahanga-hangang mga Pagpapala

Larawan
Elder Gary E. Stevenson

“Anuman ang ating edad, mapagpapala ng mga templo ang ating buhay sa kahanga-hangang mga paraan.”

Elder Gary E. Stevenson, Hulyo 24, 2022, facebook.com/stevenson.gary.e.

Pagnilayan ang Kapayapaang Dumarating

Larawan
Elder Gary E. Stevenson

“Ang arkitektura, sining, paleta ng mga kulay, at iba pang mga elemento sa disenyo [ng mga templo] ay maingat na ipinlano na nasasaisip ang lokal na komunidad.

“Pinaganda at binigyang-pansin ang bawat detalye para malikha ang isang bahay ng Panginoon. Ang mga detalyeng ito ay kasing-halaga ng ganda ng templo ni Solomon, subalit kahon lamang ng mga alahas ang mga ito—hindi ang mga alahas mismo.

“Ang ‘mahalagang perlas’ ay ang mga ordenansa, tipan, pangako, at tagubiling natatanggap doon. Ito ang kaligayahan at kagalakang nadama ng mga tao sa magkabilang panig ng tabing kapag natatanggap nila ang mga pagpapala ng templo at lumalapit sila kay Cristo.

“Inaanyayahan ko kayong pagnilayan ang kapayapaang nagmumula sa pagsamba at paglilingkod sa templo.”

Elder Gary E. Stevenson, Set. 14, 2021, facebook.com/stevenson.gary.e.

Mas Mapalapit sa Diyos at sa Isa’t Isa

Larawan
Elder Gerrit W. Gong

“Sa pamamagitan ng mga sagradong tipan na ginagawa natin sa bahay ng Panginoon, matutulungan tayo ng ating Tagapagligtas na mas mapalapit sa Diyos at sa isa’t isa kapag pinag-isa natin ang ating puso nang may habag, pagpapatawad, at awang katulad ni Cristo at bigay ni Cristo.”

Elder Gerrit W. Gong, Facebook, Dis. 5, 2022, facebook.com/gerritw.gong.

Talikuran ang Malungkot at Mapanglaw na Mundo

Larawan
Elder Ulisses Soares

“Mag-ukol ng mas maraming oras sa Panginoon sa Kanyang mga templo. Ang mga templo ay literal na mga bahay ng Panginoon. At kapag naroon tayo, madarama natin ang malinaw na impresyon na natalikuran natin ang malungkot at mapanglaw na mundo.”

Elder Ulisses Soares, Facebook, Dis. 8, 2022, facebook.com/soares.u.

Ihanda ang mga Bata para sa Bahay ng Panginoon

Larawan
Pangulong Susan H. Porter
Larawan
isang batang lalaking may hawak na modelo ng templo na binuo gamit ang mga brick o ladrilyo at bato

“Si Tyrone ay isang 11-taong-gulang na taga-Harare, Zimbabwe, na bagong miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang templo ay kasalukuyang itinatayo sa Harare, at naghahanda ang mga miyembro para sa mga pagpapalang nagmumula sa templo. Pagkatapos ng isang lesson tungkol sa mga templo sa Lumang Tipan at makita ang kaganapan sa Kaibigan sa Kaibigan sa tagsibol na ito tungkol sa mga pagpapala ng templo, hinilingan ang mga bata na lumikha ng mga modelo ng templo gamit ang mga bagay na makikita nila. Noon lang naitrato nang mas mapitagan at malikhain ang nadampot na mga basag na brick o ladrilyo at bato, mga dulo ng mga tangkay ng sugarcane o tubo, at isang pirasong pipe o tubo.

“Lumikha si Tyrone ng isang magandang templong ibabahagi. Ipinakita niya ang kanyang magandang modelo sa lahat ng nasa simbahan, na nakadispley ang mga kuwarto, bintana, at maging ang espesyal na mga salita sa bandang itaas ng pinto.

“Gustung-gusto kong nakikita ang mga bata na natututo tungkol sa mga walang-hanggang pagpapalang makukuha sa bahay ng Panginoon. Maihahanda natin sila sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila tungkol sa mga tipan na gagawin nila roon. Maaari na silang magsimula ngayon na maghandang magpabinyag para sa sarili nilang mga kapamilya, tumanggap ng endowment, at mabuklod para sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan. Maaari nating ituro sa kanila na kapag pumasok at naglingkod sila sa templo, mas lubos nilang madarama ang kapangyarihan ng Tagapagligtas sa kanilang buhay.”

Pangulong Susan H. Porter, Facebook, Dis. 19, 2022, facebook.com/PrimaryPresident.