2023
Pagpipigil sa Sarili: Isang Paulit-ulit na Pagsisikap at Pagkabigo
Agosto 2023


Digital Lamang: Mga Young Adult

Pagpipigil sa Sarili: Isang Paulit-ulit na Pagsisikap at Pagkabigo

Nahirapan na ba kayong magsimula—o tumigil—sa paggawa ng isang bagay, kahit gusto ninyo talaga? Narito ang limang tip para mas mapigilan ang sarili.

Larawan
isang babaeng naghahagis ng mga basketball sa isang hoop

“Nakakainis, gaya pa rin ng dati!”

Nasabi na ba ninyo iyan sa inyong sarili matapos kainin ang kapirasong cake na iyon na ipinangako ninyo sa inyong sarili na hindi ninyo kakainin? O matapos mag-scroll sa ilang post nang lagpas na sa oras ng inyong pagtulog, o magalit samantalang sinabi ninyo na hindi ninyo iyon gagawin? Palagay ko nahirapan tayong lahat na tumigil na gawin ang isang bagay kahit taos-puso nating hinangad na tumigil.

Ang pagpipigil sa sarili ay isang aspeto lamang ng pagkadisipulo. Sa Aklat ni Mormon, hinikayat ni Alma ang anak niyang si Siblon na “pigilin ang lahat ng iyong silakbo ng damdamin, upang mapuspos ka ng pagmamahal” (Alma 38:12). Tulad ng pagpigil ng isang kabisada sa lakas ng isang hayop, ang pagkakaroon ng pagpipigil sa ating mga emosyon at silakbo ng ating damdamin ay makakatulong sa atin na magkaroon ng higit na kasaganaan ng Espiritu.

Pero hindi madaling magpigil sa sarili. Kadalasa’y paulit-ulit na pagsisikap at pagkabigo ito hanggang sa magawa natin ito. Pero narito ang ilang tip para tulungan kayo sa inyong mga pagsisikap na mas mapigilan ang sarili.

Magtuon sa Tagapagligtas

Kahit sinisikap nating gawin ang ating makakaya, nagkakamali tayo. Lahat naman. Kapag nangyari iyan, madaling panghinaan-ng-loob o mag-isip kung bubuti pa tayo. Sa mga salita ni Elder Michael A. Dunn ng Pitumpu, sa buhay ay “maaari nating madama [kung] minsan na parang 1 porsyento tayong umaabante at 2 porsyentong umaatras.”1

Pero mapagmahal tayong inaanyayahan ng Tagapagligtas na patuloy na magsikap. Palalakasin at tutulungan Niya tayo. Babaguhin Niya ang ating puso at ating buhay. Ang koneksyon natin sa Kanya sa tipan ay nagbibigay sa atin ng higit na access sa Kanyang kapangyarihan. Kung “magpapatuloy tayo sa ating pagsisikap na makamit ang 1 porsiyento ng pagbabago, Siya na ‘[nagpasan ng] ating mga karamdaman’ [Isaias 53:4] ay tiyak na tutulungan tayo.”2

Huwag Panghinaan-ng-Loob

Hayaan ninyong ilarawan ko ang puntong ito sa isang kuwento. Isang pamilya ang nagplano na magsama-sama sa isang masayang paglalakbay. Tuwang-tuwa silang bumisita sa isang bagong lugar at magkaroon ng ilang malalaking pakikipagsapalaran.

Bandang kalagitnaan ng kanilang paglalakbay, nasiraan ang kotse nila. Nalungkot sila at pinanghinaan-ng-loob. Nadama nila na nasayang na ang lahat ng pagsisikap nila, kaya nagpasiya silang umuwi at simulang muli ang kanilang paglalakbay.

Ngayon, maaari ninyong sabihin sa inyong sarili, nakakatawa naman iyan—bakit sila magsisimula sa umpisa? Pero hindi ba natin ginagawa iyan kung minsan? Kung minsa’y pinanghihinaan tayo ng loob o nagkakamali sa paniniwala na binubura ng isang maliit na pagkakamali ang lahat ng pagsulong na nagawa natin. Pero hindi binubura ng mga pagkakamali ang pagsulong natin kapag nagsisikap tayong maging higit na katulad ni Jesucristo. Tulad ng ipinaliwanag ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Si Jesucristo, ang Anak ng Diyos, ay namatay nang sa gayon ay hindi tayo makondena dahil sa ating mga pagkakamali at mahadlangan magpakailanman sa ating [pag-usad]. Dahil sa Kanya, makapagsisisi tayo, at ang ating mga pagkakamali ay maaaring maging batong-tuntungan natin tungo sa mas dakilang kaluwalhatian.”3 Kailangan nating maging matiyaga sa ating sarili at manatiling umaasa.

Larawan
isang dalagitang sumusulat ng mga mithiin

Magtakda ng Maliliit na Mithiin

Magkakaroon ng mga pagkakataon na ang tanging maiisip natin ay kung gaano tayo nabibigo. Iniisip natin kung maaabot ba natin ang antas ng pagpipigil sa sarili na gusto natin. Pero sa mga panahong ito, maaaring napakalaki ng inaasahan natin sa ating sarili (tingnan sa Mosias 4:27).

Hindi ito nangangahulugan na dapat tayong sumuko sa mga pagsisikap nating pigilan ang ating sarili. Sa halip, dapat tayong magtuon sa kaya nating gawin ngayon. Ipinayo ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol na dapat tayong “magtakda ng mga panandaliang mithiin … na balanseng-balanse—hindi napakarami ni napakakaunti, at hindi napakataas ni napakababa. Hingin ang patnubay ng langit sa panalangin sa pagtatakda ninyo ng mga mithiin.”4

Kapag nakamit natin ang bawat maliit na mithiin, sa paglipas ng panahon ay makikita natin kung gaano na ang nagawa natin kapag nakatuon lamang tayo sa susunod na hakbang sa halip na sa katapusan.

Pagbuo ng mga Tamang Paraan para Makayanan ang mga Problema

Kung minsa’y nakakayanan natin ang mga emosyon sa paggawa ng isang bagay na magpapaganda sa ating pakiramdam. Halimbawa, kapag talagang namomroblema ako, gustung-gusto kong kumain ng pagkaing nagpapaganda sa pakiramdam ko. Pero kung minsa’y maaaring maging masasamang gawi ang mga pag-uugaling ito na mahirap itigil.

Makakatulong na pagnilayan at unawain ang anumang mga pattern na maaaring mayroon tayo. Kung nakagawian kong gamitin ang cell phone ko kapag nababagot ako, maaari akong magtuon sa dahilan kung bakit ako nababagot. Kung maaari akong gumawa ng iba pang mga produktibong aktibidad para makayanan ang pagkabagot ko, magiging mas madaling magkaroon ng pagpipigil sa sarili patungkol sa paggamit ko ng cell phone.

Nangako ang Tagapagligtas na ang “mahihinang bagay” ay maaaring maging malakas kapag lumapit tayo sa Kanya at humingi ng tulong sa Kanya (Eter 12:27).

Magsanay na Mahabag sa Sarili

Sa ating mga pagsisikap na maging higit na katulad ng Tagapagligtas, maaari tayong malungkot tungkol sa ating sarili kapag hindi natin natularan ang Kanyang halimbawa. Kung minsa’y sinasabi natin sa ating sarili ang mga negatibong bagay tulad ng, “Hindi magiging sapat kailanman ang kabutihan ko,” o, “Tanga ako!” Maaari nating isipin na ang mga mensaheng ito ay angkop na kaparusahan o kailangan para mas mahikayat natin ang ating sarili. Gayunman, ang gayong mga mensahe ay maaaring magpahina sa atin at pahirapin ang mga bagay-bagay—at hindi ito nagmumula sa Diyos kailanman.

Kung lumapit sa atin ang isang mabuting kaibigan at ibinahagi ang kanyang hangarin at pagsisikap na maging mas mabuti pero ibinahagi rin ang kanyang mga kabiguan at pagkukulang, ano ang sasabihin natin sa kanya? Hindi ba natin palalakasin ang loob niya, sasabihan siya kung gaano natin siya ipinagmamalaki, at ipagdiriwang ang lahat ng kanyang maliliit na tagumpay?

Dapat din natin itong gawin sa ating sarili. Sa halip na parusahan ang ating sarili, dapat nating pahalagahan ang kabutihang ginagawa natin at ituring ang ating mga pagkakamali bilang mga pagkakataong maging mas mabuti.

Tayo ay mga anak ng Diyos. At maaari tayong magtuon sa ating banal na pagkatao sa halip na tawagin ang ating sarili batay sa alinman sa ating mga gawi o problema. Binibigyan tayo ng Ama sa Langit ng maraming pangalawang pagkakataon kung kailangan natin (tingnan sa Isaias 55:7). Maaari nating sikaping gawin din iyon sa ating sarili.

Ang Tagapagligtas ang Ating Lakas

Maaaring parang imposible ito ngayon, pero sa paglipas ng panahon ay maaari tayong maging mas mabuti. Nangako sa atin ang Tagapagligtas na kapag ginawa natin ang ating bahagi, nanatili tayo sa landas ng tipan, at nanatiling tapat hanggang wakas, sapat ang Kanyang biyaya para sa atin (tingnan sa Eter 12:27). Kailangan lang nating patuloy na magsikap; patuloy na manalig; at matiyagang “[mag]hintay sa Panginoon” (Isaias 40:31). Para sa akin, lubhang nakakapanatag ito. Habang nagsisikap tayong pagbutihin pa ang ating sarili, talagang palalakasin at gagabayan tayo ng Panginoon.