2023
Ang Barya sa Bibig ng Isda
Agosto 2023


“Ang Barya sa Bibig ng Isda,” Liahona, Ago. 2023.

Ang mga Himala ni Jesus

Ang Barya sa Bibig ng Isda

Ano ang maaaring ituro sa atin ng himalang ito kung paano isinasagawa ng Panginoon ang Kanyang gawain?

Larawan
isda na may barya sa bibig nito

Mga larawang-guhit ni David Green

Kadalasan ay may nababasa tayong isang salaysay sa Bagong Tipan na namumukod sa iba pang mga talinghaga at himala. Ganito ang sitwasyon sa himala ng buwis ng templo na nasa bibig ng isda.

Ang himala ay hindi gaanong pinapansin o pinupuna at madaling makaligtaan, dahil apat na talata lamang ang haba nito:

“Pagdating nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga maniningil ng buwis na kalahating siklo, at sinabi nila, Hindi ba nagbabayad ng buwis sa templo ang inyong guro?

“Sinabi niya, Oo, nagbabayad siya. At nang dumating siya sa bahay, inunahan na siya ni Jesus tungkol dito, na sinasabi, Ano sa palagay mo, Simon? kanino naniningil ng bayad o buwis ang mga hari sa lupa? sa kanila bang mga anak o sa ibang tao?

“Kaya’t nang sabihin niya, Sa ibang tao. Sinabi sa kanya ni Jesus, Kung gayo’y hindi na pinagbabayad ang mga anak.

“Ngunit upang hindi sila matisod sa atin, pumunta ka sa dagat at maghulog ka ng bingwit. Kunin mo ang unang isdang mahuhuli at kapag ibinuka mo ang kanyang bibig, matatagpuan mo ang isang siklo. Kunin mo iyon at ibigay mo sa kanila, para sa akin at sa iyo” (Mateo 17:24–27).

Ang Himala

Bakit si Mateo lamang ang nagsama ng himalang ito sa kanyang talaan ng ministeryo ng Panginoon? Dahil ba nakadama si Mateo, na isang maniningil ng buwis, ng personal na kaugnayan sa sitwasyong ito? Dahil ba nagmula si Mateo sa Capernaum, kung saan ito naganap? O para magpakita ng isa pang halimbawa ng mahimalang kapangyarihan ni Jesucristo na utusan hindi lamang ang mga elemento (tingnan sa Mateo 8:23–27) kundi maging ang mga isda sa dagat? (tingnan sa Genesis 1:28).

Habang pinagninilayan ang mga talatang ito, marami tayong natututuhan sa paraan ng pagtugon ng Tagapagligtas sa Kanyang Apostol na si Pedro. Karamihan sa mga himalang ginawa ni Jesucristo ay mga banal na gawaing ginamit para pagpalain ang iba. Ang himalang ito, gayunman, ay tila nilayon bilang isang pagkakataong magturo para makatulong na ihanda si Pedro at ang iba pang mga Apostol na mamuno sa kaharian sa hinaharap. Sa salita at kilos, itinuro ni Jesus ang Kanyang identidad bilang Anak ng Diyos, ang Kanyang kapangyarihang mahiwatigan kung ano ang kasasabi lang ni Pedro sa mga maniningil ng buwis, ang Kanyang “nakamamanghang kaalaman” kung saan mismo naroroon ang isang partikular na isda,1 at ang Kanyang hangaring hindi makasakit ng damdamin o maging hadlang sa mga taong mahina ang pananampalataya (tingnan sa 1 Corinto 8:9–10; 9:22).

Malinaw na inilarawan ng isang Apostol sa mga huling araw na nagbigay-kakayahan kay Jesus ang himalang ito “na muling pagtibayin kay Pedro ang kanyang pagiging banal na Anak sa mahimalang paraan. Malapit na Siyang magsagawa ng isang pambihira at kakaibang himala, isang himala na wala pang ibang nakakagawa. Magbabayad siya ng buwis na hindi niya pagkakautang, sa perang hindi niya kinita, para payapain ang mga taong ayaw niyang masaktan.”2

Ilang Kontekstong Pangkasaysayan

Ang taunang buwis sa templo ay may halagang dalawang drachma, o kalahati ng isang siklo [shekel], at inasahan sa bawat adult na lalaki sa Israel, bagama’t ang mga saserdote at rabbi ay karaniwang itinuturing ang kanilang sarili na hindi kasali sa pagbabayad nito. Ang layunin ng buwis na ito ay para suportahan ang pangangalaga sa templo at mga aktibidad. Isa itong obligasyon sa simbahan, hindi isang obligasyon sa pamahalaan.

Ang buwis na ito ay orihinal na tinatawag na “salaping pantubos” noong panahon ni Moises. Kung mayroon mang hindi kinailangang magbayad ng buwis na ito, iyon ay ang Mesiyas, Siya na magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng buong sangkatauhan.3 Subalit sa kabila ng pabigla-biglang pangako ni Pedro sa mga maniningil ng buwis, sa halip na pagsabihan si Pedro, tinuruan Siya ng Panginoon ng mahahalagang aral.

Tulad ng madalas mangyari, nagturo si Jesus sa pamamagitan ng pagtatanong muna ng mga bagay na kailangang pag-isipan. Nilinaw ng mga tanong na ito kay Pedro na hindi sumasailalim ang Panginoon sa gayong buwis, dahil Siya ang Anak ng Diyos, at ang templo ang bahay ng Kanyang Ama at ang bahay ng Anak. Kaya lamang, dahil sa sakdal na kaamuan, “sinuportahan” Niya ang pangakong ginawa ng Kanyang Apostol at ipinaunawa Niya na hindi ito panahon para manakit ng damdamin nang hindi kailangan. Bagama’t napakadaling makakuha ng kinakailangang kalahating siklo sa isang ordinaryong paraan, ginamit Niya ang okasyong ito para palakasin ang pananampalataya ng Kanyang mga Apostol sa pamamagitan ng pagpapamalas kay Pedro ng Kanyang mahimalang kapangyarihan na utusan maging ang isang isda sa dagat.

Mga Aral na Natutuhan

Isipin ang mga aral na ito na natutuhan ni Pedro at ng iba pang mga Apostol at kung paano naaangkop ang mga ito sa atin:

1. Natutuhan ni Pedro na nahiwatigan ni Jesucristo ang kanyang mga iniisip. Bago pa nakapagsalita si Pedro, alam na ni Jesus kung ano ang nasabi ni Pedro sa mga dumating para mangolekta ng buwis. Kalaunan, ginamit ni Pedro ang kaloob ding iyon na makahiwatig nang magsinungaling sina Ananias at Safira tungkol sa kanilang mga handog (tingnan sa Mga Gawa 5:1–11).

2. Itinuro ni Jesus na anuman ang materyal o pinansyal na mga hinihingi, maglalaan ng paraan ang Panginoon para makasulong ang Kanyang gawain, sa mahimalang paraan man o sa paraan ng mundo.

Larawan
bukas na baul na may pera at iba pang mga bagay sa loob

Nangyari ang isang makabagong halimbawa ng “barya sa isda” nang maglakbay sina Brigham Young at Heber C. Kimball sakay ng karwahe patawid ng Indiana at Ohio habang papunta sila sa kanilang mga misyon sa England. Sinimulan nila ang kanilang paglalakbay sa halagang $13.50 at hindi inasahan na makapaglalakbay sila nang malayo sakay ng karwahe, pero sa bawat lugar na tinigilan nila, nang magpunta si Brigham Young sa kanyang baul, mahimala niyang nakita ang perang kailangan para mabayaran ang kanilang pamasahe papunta sa susunod na lugar na titigilan.4 Pagdating nila, mahigit $87 na ang nabayaran nila. Ayon sa nakatala sa journal ng Unang Panguluhan noong 1860: “Nagpunta [si Brigham Young] sa kanyang baul, at laking gulat niya nang makakita siya ng kaunting [pera] doon, at hanggang sa araw na ito ay [hindi] niya alam [kung paano] napunta iyon doon maliban sa pamamagitan ng isang hindi-nakikitang kinatawan mula sa Langit para Maipalaganap ang Ebanghelyo.”5

3. Kapag kailangan, magsasagawa ng mga himala ang Panginoon para maisakatuparan ang mga pangakong ginawa ng mga pinuno ng Kanyang Simbahan. Noong 1967, nangako si Pangulong Spencer W. Kimball na kapag ginawa ng mga miyembro ng Simbahan ang kanilang bahagi, babagsak ang Iron Curtain sa Europe at ang Bamboo Curtain sa Asia para tulutan ang gawaing misyonero na lumaganap sa buong mundo.6 Sa panahong iyon, parang napakalayong mangyari ito, mahirap isipin, at imposible pa. Subalit sa loob ng dalawang dekada bumagsak nga ang mga pader na ito sa di-inaasahan at mahimala pa ngang mga paraan.

4. Bagama’t maaaring alam natin bilang mga disipulo ni Cristo na tama tayo, may mga pagkakataon na ang paggigiit o pamimilit sa iba na kilalanin na tama tayo ay magsasanhi lamang ng di-kinakailangang pananakit ng damdamin. At ang mas masahol pa, maaari itong maging hadlang sa espirituwal na pag-unlad ng ibang tao.

Ang isang magandang halimbawa ng kaamuan at pagtangging ito na maging hadlang ay matatagpuan sa karanasang ito ni Pangulong James E. Faust (1920–2007), dating tagapayo sa Unang Panguluhan. “Nagkuwento ang kanyang anak na si Marcus … tungkol sa pagsama sa kanya patungong Washington, D.C., Temple para lumahok sa isang [endowment] session sa templo. Nang ipakita ni Pangulong Faust ang kanyang recommend para makapasok—isang espesyal na recommend na ginagamit ng mga general authority—hindi siya nakilala ng temple worker o ang kanyang recommend at hindi siya pinayagang pumasok. ‘Sa halip na ipahiya ang lalaki sa pagsasabi sa kanya kung sino siya, magalang na nagpaalam si Dad at umalis kaming lahat.’”7

Nagpapasalamat ako sa salaysay ni Mateo tungkol sa barya sa isda. Si Pedro na mangingisda, na nagpakatao at pabigla-bigla, ay muling pinakitaan ng isang himala na may kinalaman sa pangingisda.8 Binibigyan tayo nito ng pag-asa na tutulungan din tayo ng Panginoon na lumago sa kabila ng ating mga pagkakamali. Tulad ni Pedro, matututo tayo mula sa halimbawa ng ating Guro, na mapagpasensya sa mga pagkakamali at maamo sa kabila ng pagtataglay ng lahat ng kapangyarihan.

Tulad ng mga Apostol noong araw, kilalanin nawa natin ang Panginoon bilang Anak ng Diyos, na nagtitiwala na sa mahimalang mga paraan, mabibigyan Niya tayo ng paraan para maisakatuparan ang Kanyang mga layunin. At sa ating paglilingkod at mga relasyon sa iba, isipin nawa nating mabuti ang anumang mga salita o kilos na maaaring maging hadlang, lalo na sa sinuman na mahina ang pananampalataya.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Neal A. Maxwell, sa “We Can’t Comprehend the Capacity of God,” Church News, Peb. 22, 2003, thechurchnews.com.

  2. Bruce R. McConkie, The Mortal Messiah (1980), 3:76.

  3. Tingnan sa James E. Talmage, Jesus the Christ (1916), 383.

  4. Tingnan sa Historical Department office journal, Peb. 16, 1859, 164, Church History Library.

  5. President’s Office Journals, Ene. 18, 1860, 28, sa Brigham Young office files, Church History Library.

  6. Tingnan sa The Teachings of Spencer W. Kimball, ed. Edward L. Kimball (1982), 582.

  7. Carrie A. Moore, “Remembering President James E. Faust,” Deseret News, Ago. 11, 2007, deseret.com.

  8. Tingnan sa Lucas 5:4–11; tingnan din sa Juan 21:1–24 (pansinin na ang himalang ito ay nangyari kalaunan).