2015
Masaya sa Pagtulong
September 2015


Masaya sa Pagtulong

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

“Kung tayo’y tumutulong, masaya” (Aklat ng mga Awit Pambata, 108).

Larawan
Product Shot from September 2015 Liahona

Isinandal ni William ang kanyang kalaykay sa gilid ng bahay at naupo siya sa damo. Ang pagkalaykay ng mga dahon ay mahirap na trabaho, ngunit siya at ang kanyang mga kapatid na sina Chloé at Amelia, ay natapos na rin sa wakas. Doon sa tuktok ng kabundukan ng Alps ay nakikita niya ang pagdaan ng isang eroplano. Inisip niya kung saan ito papunta.

Mahal ni William ang kanyang maliit na bayan na malapit sa hangganan ng French-Swiss. Bumibisita doon ang mga tao mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Naisip niya ang mga lugar na gusto niyang puntahan, ang mga taong maaari niyang makilala, at ang gagawin niyang mga paglalakbay balang-araw.

Nahinto siya sa pangangarap dahil sa pagsipol at sa krak, krak, krak na yabag ng mga paa sa bakuran ng kapitbahay.

“Siguro naghahanda na si Pat sa pagkalaykay ng kanyang mga dahon,” naisip ni William. “Buti na lang natapos na kaming magkalaykay.”

“Pero kung ang pagkalaykay ng mga dahon ay mahirap para sa tatlong tao, tiyak na mahirap ito para sa isa!” naisip ni William. Ang asawa ni Pat na si Pam ay katatapos lang operahan, kaya si Pat lang ang magkakalaykay ng kanyang mga dahon.

Palaging sinasabi ni Inay na, “Kung tayo’y tumutulong, masaya!” at naisip ni William na malamang ang ibig sabihin nito ay tulungan si Pat, kahit pagod na sila sa pagkalaykay ng kanilang mga dahon.

Tumingin si William kina Chloé at Amelia, na nagtatayo ng munting bahay na yari sa mga siit sa damuhan. “Dapat ba nating tulungan si Pat?” tanong niya. “Matutulungan natin siyang makatapos agad.”

Pumayag sina Chloé at Amelia at sumunod kay William.

“Kailangan n’yo po ng tulong?” tanong ni Amelia habang naglalakad sila sa paligid ng damuhan papunta sa bakuran ni Pat.

“Sige patulong naman! Pero kayong mga bata ay maghapon nang nagkakalaykay. Tiyak na pagod na kayo.”

“OK lang po,” sabi ni William. “Gusto po naming tumulong. Tutal, kapag tumutulong kami, masaya po kami!”

Habang nagtatrabaho sila, nagkuwento si Pat sa mga bata ng masasayang kuwento mula sa kanyang buhay. Si Pat ay mula sa India, pero nakapanirahan na siya sa buong Asia at Africa.

Nang mailagay na sa sako ang mga dahon, tumingin sa dako pa roon si William at napansin ang nagkalat na mga mansanas mula sa dalawang matataas na puno sa bakuran ni Pat. Hindi pa tapos ang kanilang trabaho. Yumukod si William at sinimulang damputin ang mga mansanas. Inihiwalay niya ang mga bulok at ang matitino pang mansanas habang dinadampot niya ang mga ito. Tumakbo palapit sina Chloé at Amelia para isalansan ang mga mansanas.

Inilabas ni Pat ang kanyang lumang berdeng baguleta mula sa kamalig. “Dito natin ilagay ang mga bulok na mansanas. At puwede ninyong iuwi ang matitinong mansanas.”

“OK lang po, Pat. Kahit hindi na po kami mag-uwi ng mga mansanas,” sabi ni William.

“Gusto kong ibigay ang mga ito sa inyo,” sabi ni Pat. “Tutal, kapag ako ay nagbibigay, masaya ako!”

Nang gabing iyon sa hapunan, ikinuwento ng mga bata kina Inay at Itay kung gaano sila kasaya sa pagtulong kay Pat at sa pakikinig nila sa mga kuwento niya.

Biglang may naisip si William. “Alam ko na kung ano ang gagawin natin sa mga mansanas na ibinigay niya sa atin!” Bigla siyang tumayo at kinuha ang isang kopya ng Liahona sa istante. “Palagay ko magugustuhan ito nina Pat at Pam,” sabi ni William, habang binubuklat ang isang resipe ng apple cake. “At gaya ng sabi ni Pat kanina, kapag tayo ay nagbibigay, tayo ay masaya!”

“Gumawa tayo ng cake para sa iba pa nating mga kapitbahay!” sabi ni Chloé.

Ngumiti si William. Naisip niya ang lahat ng tao na maaari niyang makilala at ang kapana-panabik na mga kuwentong maririnig niya. At lahat ng iyon ay dahil lamang sa munting kabaitan. At kaunting cake.