2015
Paano Tunay na Magsisi
September 2015


Paano Tunay na Magsisi

Mula sa isang mensaheng ibinigay sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2011.

Larawan
Emotional young woman looking heavenward.

Paglalarawan ni David Winters

Ang pagsisisi ay isang malawak na paksa, ngunit gusto kong bumanggit lamang ng limang bahagi ng pangunahing alituntuning ito ng ebanghelyo na sana ay makatulong sa atin.

Una, ang paanyayang magsisi ay nagpapakita ng pagmamahal. Nang ang Tagapagligtas ay “nagpasimulang mangaral … at magsabi, Mangagsisi kayo; sapagka’t malapit na ang kaharian ng langit” (Mateo 4:17), ito ay mensahe ng pagmamahal, na inaanyayahan ang lahat ng gustong maging karapat-dapat na sumama sa Kanya “at magtamasa ng mga salita ng buhay na walang hanggan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan mismo sa daigdig na darating” (Moises 6:59). Kung hindi natin aanyayahang magbago ang iba o tayo mismo ay hindi magsisisi, hindi natin nagagawa ang pangunahing obligasyon natin sa sarili at sa isa’t isa.

Ikalawa, ang ibig sabihin ng pagsisisi ay pagsisikap na magbago. Isang pagkutya sa pagdurusa ng Tagapagligtas sa Halamanan ng Getsemani at sa krus ang asamin nating gawin Niya tayong mabubuting nilalang nang wala tayong kapagud-pagod. Bagkus, hinahangad natin ang Kanyang biyaya upang matugunan at magantimpalaan ang ating pagsusumigasig (tingnan sa 2 Nephi 25:23). Ang tunay na pagsisisi, ang tunay na pagbabago ay maaaring mangailangan ng paulit-ulit na pagsisikap, ngunit may isang bagay na nagpapadalisay at nagpapabanal sa gayong pagsisikap.

Ikatlo, ang ibig sabihin ng pagsisisi ay hindi lamang pagtalikod sa kasalanan kundi determinasyong sumunod. Nakasaad sa Bible Dictionary, “Ang ibig sabihin ng pagsisisi ay pagbaling ng puso at kalooban sa Diyos, [at] pagtalikod [din] sa kasalanang nagawa dahil sa pagiging likas na tao natin” (“Repentance”). Upang lubos tayong makabaling sa Panginoon, dapat itong kapalooban ng isang tipan na susundin natin Siya.

Ikaapat, kinakailangan sa pagsisisi ang tapat na layunin at kahandaang patuloy na magsikap na madaig ang kasalanan, kahit mahirap. Ang pagtatala ng mga hakbang sa pagsisisi ay maaaring makatulong sa iba, ngunit maaari ding humantong sa pagsisising walang tunay na hangarin o pagbabago. Ang tunay na pagsisisi ay hindi paimbabaw. Dalawang mahalagang bagay ang hinihingi ng Panginoon: “Sa pamamagitan nito inyong malalaman kung ang isang tao ay nagsisi ng kanyang mga kasalanan—masdan, kanyang aaminin ang mga yaon at tatalikdan ang mga yaon” (D at T 58:43).

Ikalima, gaano man kahirap magsisi, napapawi ito ng kagalakan na ikaw ay napatawad.

Kinikilala ko nang may pasasalamat at pinatototohanan na ang hindi maarok na pagdurusa, kamatayan at Pagkabuhay na mag-uli ng ating Panginoon ay “isasakatuparan ang hinihingi ng pagsisisi” (Helaman 14:18). Ang banal na kaloob na pagsisisi ay susi sa kaligayahan sa buhay na ito at sa kabilang-buhay. Sa mga salita ng Tagapagligtas at may lubos na pagpapakumbaba at pagmamahal, inaanyayahan ko ang lahat na “mangagsisi kayo; sapagka’t malapit na ang kaharian ng langit” (Mateo 4:17). Alam ko na sa pagtanggap sa paanyayang ito, makakamtan ninyo ang kagalakan ngayon at magpakailanman.